Manggagawa, labanan ang atake sa ating sahod, trabaho at karapatan! Kondenahin at bigwasan ang delubyo sa marangal na hanapbuhay!

Gugunitain natin sa ika-10 ng Disyembre ang Pandaigdigang Araw para sa Karapatang Pantao – isang araw hindi lamang para ipaalala ang ating mga batayang karapatan sa lahat ng aspeto ng ating buhay; kundi pagkondena sa matinding paglapastangan sa karapatang pantao ng rehimeng US-BS Aquino.

Tulad ng kahit anumang batayang karapatan, karapatan natin ang magkaroon ng regular, makatarungan, makabuluhan at marangal na hanapbuhay.

Sa anim na taon ng rehimeng Aquino, patuloy na lamang niyang ipinagkait sa atin ang karapatang ito sa pamamagitan ng patuloy na pag-atake sa ating sahod at trabaho: parehong sa pamamagitan ng pagpako sa mababang pasahod at sa panunupil sa mga karapatan ng mga manggagawa.

 

Walang-humpay na karahasan sa mga manggagawa at mamamayan:
Paglapastangan ng rehimen sa sahod, trabaho at karapatan

Ngayong taon, hindi nagpahinga ang mga kasapakat ng estado upang mapatahimik ang panawagan ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan.

Libu-libong mga manggagawa ang nagkakaisa ngayon, regular man o kontraktwal, at nagsasagawa ng kabi-kabilang mga aksyon upang ipako ang kanilang paninindigan sa mga kapitalista. Naging tanglaw nila manggagawa ang mahigpit nilang paghawak sa kanilang mga prinsipyo’t hangarin ng isang makabuluhang hanapbuhay.

Sinalubong ng mga bato at bubog ng mga bote ang mga kontraktwal na manggagawa ng Tanduay at Karzai, kasama ang malusak na tubig. Ito ang sagot ni Lucio Tan at ng kapitalista ng Karzai sa lakas ng manggagawang nagkakaisa laban sa kontraktwalisasyon.

Daan-daang mga manggagawa, kasama ang kanilang mga tagasuporta, ang nasaktan at nasugatan sa humigit-kumulang na sampung beses na pagsasagawa ng programa papalapit sa Asia Brewery complex, bitbit ang mga panawagang ibalik at iregularisa ang mga manggagawa ng Tanduay.

Tulad ng mga mananakop, sinalakay din ng mga bayarang goons ng retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines, si Noel Coballes, ang piketlayn ng mga manggagawa ng Tanduay. Ito rin ang sagot ng kapitalista ng Karzai matapos patraydor na baliin nito ang kasunduan nito sa mga manggagawa.

Humarap din sa kaparehong mga pananakot ang mga manggagawa ng Sagara Metro Plastic, Manila Cordage Company at Manco Synthetic Inc.

 

Kapitalista at estado, sama-sama sa abuso!

Hindi na ito bago para sa libu-libong manggagawang iligal na tinatanggal sa kanilang trabaho, sa anu-anong mga dahilan.

Hindi na natin malilimutan pati ang pagsasawalang-bahala ng lokal na pamahalaan ng Cabuyao at ang kaparehong pananakit ng mga kapulisan ng Cabuyao, sa pamumuno ni Joseph Bayan. Makailang beses hinarang at hindi pinayagang makapagpahayag ng kanilang disgusto at panawagan ang mga manggagawa sa lokal na pamahalaan. Hindi rin natin malilimutan ang pagputok ng baril at tangkang pagbangga ng police mobile sa mga manggagawa at mga tagasuporta.

Ito ay bunga na rin ng sangkatutak na mga polisiya ng rehimeng BS Aquino, tulad ng mga pagbabawal sa mga welga sa ilang mga engklabo at exclusive economic zones, at ang pagpapairal ng Tripartite Industrial Peace Council – Manifestos of Commitment (TIPC-MOC).

Ayon sa TIPC-MOC, maaring manghimasok sa mga usapin ng labor dispute ang mga elemento ng military at kapulisan – dahilan para lalo pang tumindi ang tensyon at karahasang nararanasan ng mga manggagawa. Makailang beses nang naranasan ng mga manggagawa ito – sa piketlayn man o kasama ang iba’t ibang mga sector, pare-parehong palo ng batuta at matinding dispersal ang sagot ng estado.

Bukod pa rito ang tahasang pananakot, pagbabanta at maging pagkakawala at pagpatay sa mga manggagawa. Mahigit dalawang taon nang nawawala si Benjamen Villeno, dating pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Honda Cars Philippines at tagapangulo ng PAMANTIK-KMU.

Nitong Marso lamang, pinagbabaril hanggang mamatay si Florencio “Ka Bong” Romano, edukador at organisador ng mga manggagawa sa Batangas: na hinihinalang pinatay ng mga elemento ng Philippine Air Force sa probinsya.

Nitong Agosto, iligal na inaresto si Ernesto Lorenzo, na kinikilalang tagapayo ng mga manggagawa at kasalukuyang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines. Hindi pinansin ng mga elemento ng kapulisan ang kanyang immunity sa loob ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) nang siya’y hulihin. Kasama ring inaresto ang kanyang asawa na si Joyce Latayan.

Tulad ng ating mga kapatid na Lumad at mga magsasaka’t mangingisda, pare-pareho na tayong biktima ng pampulitikang panunupil. Taliwas sa ipinapangako at ipinamamandilang ‘pagdadala ng kapayapaan’ ang Oplan Bayanihan.

Hindi na rin natin palalampasin ang patuloy na harassment sa mga lider-manggagawa at mga kinatawan ng mga organisasyon, alyansa at pormasyon ng mga manggagawa sa rehiyon at sa buong bansa. Isa rito ang patuloy na paniniktik at pananakot sa dating tagapangulo ng PAMANTIK-KMU at ngayon ay kinatawan ng Anakpawis Partylist sa Timog Katagalugan, si Hermie Marasigan.

Palagi na ring namamataan ang mga ahente ng intelligence ng militar at kapulisan sa mga opisina ng mga manggagawa sa rehiyon; bukod pa sa kanilang presensya sa bawat pagkilos ng mga manggagawa.

Sa kabila nito, bigo pa rin ang Oplan Bayanihan na supilin ang diwang palaban ng mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan at ng buong bansa. Bigo ito sa layong pagpigil sa mga protesta at laban ng mga mamamayan para sa kanilang mga batayang karapatan.

Ngunit, isa pa rin sa mga pinakatampok na pagyurak sa ating mga makatarungang panawagan ay ang pagpapairal pa lalo ng kontraktwalisasyon at iba pang mga kontra-manggagawang polisiya sa paggawa.

 

Kontraktwalisasyon, ‘di makatarungang patakaran sa paggawa:
Inhustisya sa marangal na hanapbuhay

Mananatilling hindi makatarungan ang patuloy na pagsasamantala ng mga malalaking negosyante sa mataas na halagang ating nalilikha sa mga pagawaan at mga establisyimento araw-araw. Napakaliit na halaga lamang ang ibinibigay sa atin: sapat lang para bumalik tayo sa kanila’t maghandog ng labis-labis na tubo! Walang-hanggan nang umiiral sa mga pagawaan ang ganitong kalakaran.

Nagpapatuloy ngayon ang kontraktwalisasyon – na nagmimistulang isang pagpapanumbalik sa isang kaayusang amo’t alipin. Ginagawa nang alila sa kontrata ang mga manggagawa!

Lalo pang nilapastangan ng rehimen ang mga panawagan para sa mas mataas na sahod. Sa bawat panahong subukan ng mga manggagawang magkaisa at magtayo ng mga unyon at organisasyong magtataguyod ng kanilang kagalingan, sila ay pumapasok sa panganib na sila ay maaring tanggalin sa kanilang trabaho. Kibit-balikat lamang at baryang umento ang ibinibigay ng rehimeng BS Aquino sa mga panawagang itaas ang sahod!

Isama pa ang Two-Tiered Wage System, na kung saan magpapako pa lalo ng mas mababa pa sa minimum na sahod. Sinimulan ito sa Timog Katagalugan noong 2012, at ipinagpatuloy sa iba’t ibang parte ng bansa.

Hindi na mabilang sa daliri ang mga kontra-manggagawang polisiyang umaatake sa sahod, trabaho at karapatan. Kung gayon, ano ang ating kagyat na tungkulin kung nais nating maibaklas ang ganitong kaayusan?

 

Sagot ng manggagawa sa karahasan: papaigting na pagkilos at paglaban

Sa halip na manahimik at magpasailaim ang mga manggagawa sa takot at pangamba, mananatiling matibay ang kanilang paninindigan para sa pagbabago ng abang kalagayan dito sa ating bansa.

Patuloy na panata ngayon ng mga manggagawa na ipagpatuloy ang pakikibaka para sa makatarungang sahod, nakabubuhay na trabaho, at pagkakaroon ng demokratikong karapatan para sa lahat. Patuloy nating bibiguin ang bawat hagupit ng bulok na estado – gaya ng ating pagbigo sa marahas na Oplan Bayanihan ni Aquino.

Hindi tayo kailanman papayag na sumailalim sa Batas Militar, o sa kahit anumang kaparehong polisiyang alam nating maglalagay lamang sa atin sa ibayo pang kahirapan at pang-aapi.

Sa ika-67 taon ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, panata nating lahat na wakasan ang karahasan at atake sa ating sahod, trabaho at karapatan.

SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN, IPAGLABAN!
ITAKWIL AT BIGUIN ANG OPLAN BAYANIHAN!
KONTRAKTWALISASYON, LABANAN!
KARAPATAN NG MAMAMAYAN, IPAGLABAN!
MAKIBAKA PARA SA TUNAY NA KALAYAAN AT DEMOKRASYA!

Advertisements

JEDI Program ng rehimeng US-Aquino, mapanlinlang, ibasura!

Image

PRESS STATEMENT

JEDI Program ng rehimeng US-Aquino, mapanlinlang, ibasura!

Nagpahayag ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS), non-government organization na pag-aari ng gubyerno, na ang minimum wage ay sagabal sa pagkakaroon ng trabaho at pag-unlad ng mahihirap. Ito ay matapos talakayin sa isa nilang forum na ang palagiang mataas na unemployment at underemployment ang isa sa mga banta sa economic growth o paglago ng ekonomiya. Kaya sa pangunguna ni President Gilbert Llanto, ipinanukala ng PIDS ang Jobs Expansion and Development Initiative (JEDI) – isang 12-point program diumano para sa pagpaparami ng trabaho.

Pagtatanggal ng mandatory minimum wage

Isa sa mga laman ng JEDI ay ang panukalang tanggalin ang mandatory minimum wage. Ito ay upang mapayagan ang mga kapitalista na tumanggap ng mababa ang kakayahan at mahihirap na mga manggagawa na papayag na tumanggap ng sahod na mas mababa pa sa naitakdang minimum wage. Ganitong paraan ang naisip ng PIDS upang “paramihin” ang trabaho.

Sa esensya, sinasabi nila na kung may mandatory minimum wage mas maliit ang bilang ng mga manggagawa na pwedeng tanggapin ng mga kapitalista. Hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga may mababang kasanayan at mahihirap na magkaroon ng pagkakakitaan. Dahil daw dito kaya nananatiling marami ang walang trabaho at mga may trabahong hindi ayon sa kanilang kasanayan o tinapos.

Minimum wage bilang tagumpay ng Kilusang Paggawa

Mahigit isang daang taon na ang lumipas nang pagtagumpayan ng mga manggagawa ang pagkakaroon ng walong oras na paggawa sa isang araw. Naging bahagi din ng laban ng Kilusang Paggawa ang pagkakaroon ng minimum wage upang masigurado na maging disente ang buhay ng manggagawa at kanyang pamilya. Sa kasalukuyang matinding krisis sa bansa, kapos na kapos na nga ang minimum wage sa pang-araw-araw na gastusin ng isang pamilya o kahit nga ng isang manggawa. Kaya hindi lang minimum kundi living wage ang dapat ipinapatupad ng rehimeng US-Aquino.

Sa Timog Katagalugan, P337 ang minimum wage habang P1,069 naman ang living wage para sa pamilyang may anim na miyembro. Batay ito sa kwenta ng Labor Education Advocacy Development Response Services, Incorporated (LEADER, Inc.), isang non-stock at non-profit organization. Subalit mas pagpapasahol ng sahod ang tugon ng rehimeng US-Aquino para daw matugunan ang pangangailangan sa trabaho ng mas maraming mahihirap. Hindi nito kinikilala na maging ang mga kumikita ng minimum wage ay hirap na hirap makaagapay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ibang gastusin tulad ng kuryente at tubig.  

Dalawang taon bilang probationary

Isang panukala din sa JEDI ang pagpapahaba ng panahon bago maregularisa ang isang manggagawa. Sa kasalukuyan ay anim na buwan ang kailangan batay sa Labor Code ngunit nais pa itong palawigin ng PIDS hanggang dalawang taon.

Ayon kay Sherycil Platino, Spokesperson ng Liga ng mga Manggagawang Kontraktwal (LIGA), “Tinatakasan ng mga kapitalista ang pagre-regularisa gamit ang malawakang kontraktwalisasyon upang matiyak na mababa ang gastusin sa mga manggawa. Naisasakatuparan nila ito sa pamamagitan ng ilegal na labor only contracting (LOC). Halimbawa, sa Asia Brewery, Inc. na pag-aari ni Lucio Tan, mayroong mahigit sampung agencies na nagsu-supply ng kontraktwal na mga manggagawa sa kumpanya. Sa pagpapahaba ng proseso ng pagre-regularisa, lalong tinatanggalan ng karapatan ang manggagawa para sa mas mataas na sahod at mga benepisyo, habang lalong natitiyak na mas tumataas ang tubo taon taon ng mga kapitalista.”

Mas maluwag na labor regulations

Nakakapangamba din ang panukala sa JEDI na bawasan ang pagpapataw ng labor regulations and practices. Hinayaan nito na maging mapagpasya ang kapitalista sa usapin ng pagpapasahod at mga kondisyon sa paggawa. Sa kasalukuyan, maraming ahensya at departamento ng gubyerno tulad ng NLRC, NCMB at DoLE ang inaasahan na magtanggol at magbigay ng proteksyon sa mga manggawa laban sa pagsasamantala ng mga kapitalista tulad ng unfair labor practices.

“Sa katotohanan, walang pangil at bagkus ay nagiging instrumento pa ang mga ito para maglabas ng mga desisyon, polisiya at programa na pabor sa mga kapitalista. Halimbawa nito ay ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) na unang naipatupad sa PhilSteel sa Timog Katagalugan. Sa esensya, ito ay nagbibigay ng karapatan sa mga kapitalista upang gamitin ang mga pulis at militar sa pagsupil sa mga nagwe-welga o lumalabang manggagawa at unyon. Isang halimbawa din ang Two-Tiered Wage System na una ding ipinatupad sa rehiyon. Layunin nito na mapababa ang minimum wage na P337 patungong floor wage na P255,” pahayag ni Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng PAMANTIK-KMU.

Sa pagkakaroon ng mas maluwag na regulasyon sa mga kapitalista, mas magiging madali para sa kanila ang takasan ang mga pananagutan at obligasyon sa mga manggagawa. Noong Pebrero, ilegal na nagsara ang Carina Apparel, Inc. na nagresulta sa 3,600 manggagawa na nawalan ng trabaho. Nitong Marso sumunod na nagsara ang Freshtex, isa ding pagawaan ng garments. Sa implementasyon ng JEDI program, mas magiging mahirap para sa mga manggagawa na habulin ang mga kapitalista.

Sapat na trabaho sa pambansang industriyalisasyon

“Nagpapanggap ang PIDS na tumutulong na resolbahin ang problema sa mataas na unemployment rate. Ngunit kung susuriin, isa itong sistematikong paraan ng rehimeng US-Aquino upang mas gawing paborable para sa mga dayuhang kapitalista ang polisiya at programa sa paggawa sa bansa. Kaya malinaw na hindi seryoso at lalong walang plano ang guberyno na tugunan ang pangangailangan para sa disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod para sa mamamayang Pilipino.” Ayon kay Urgel.

Iginiggiit ng PAMANTIK-KMU na tanging pambansang industriyalisasyon lang ang tunay na makakapagresolba sa malaking kakulangan sa trabaho at napakasahol na pasahod. Dapat tiyakin nang gubyerno ang paglalaan ng malaking pondo sa paglilinang at pagpapaunlad ng mga batayang industriya tulad ng bakal, kemikal at langis. Napakayaman ng Pilipinas. Kung mga Pilipino ang gagamit nito, tiyak lahat ay may trabaho at may maayos na pamumuhay.

JEDI 12-point program, maka-kapitalista, ibasura!

Mga batayang industriya, isabansa!

NOYNOY AQUINO, ANTI-MANGGAGAWA, PABABAIN SA PWESTO!

 

 

Labanan at Kundenahin ang Trahedyang dulot ng Marahas at Inutil na Rehimeng US-Aquino!

Taon-taong binabayo ng mga sakuna ang mamamayang Pilipino. Bagama’t sadyang bulnerable sa mga bagyo at lindol ang bansa, hindi mailalagay sa bingit ng kamatayan at alanganing kalagayan ang mamamayan kung mayroon lamang maayos na serbisyong panlipunan at kahandaan sa mga kalamidad ang gobyerno nito.

Ngunit sadyang walang maaasahan ang mamamayan sa rehimeng US-Aquino—dahil kahit sa panahong walang natural na kalamidad, ito mismo ang humahagupit sa mamamayan sa pamamagitan ng pagtalikod sa kanyang mga obligasyon at pilit na pagpapatahimik sa mga lider manggagawa at aktibistang nais ilantad ang kanyang kainutilan.

Rehimeng US-Aquino, Tagapaghatid ng Pinakamatinding Sakuna

Bago pa man tumama ang bagyong Yolanda sa bansa, matagal nang binabayo ng trahedya ang mga manggagawang Pilipino. Sa Timog Katagalugan kung saan matatagpuan ang mahigit kalahati ng bilang ng lahat ng manggagawa sa buong bansa, matagal nang nararanasan ang kawalan ng sapat na sahod at benepisyo, kaseguruhan sa trabaho, at karapatan sa pag-uunyon at pakikipagnegosasyon. Sa buong bansa, walang maayos na serbisyong panlipunan tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan, at maayos na imprastruktura upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.

Sadyang walang sinseridad at interes ang gobyerno ni Aquino na bigyan ng maayos na serbisyo ang mamamayan nito. Tanging ang kagustuhan ng kanyang mga kauri at among imperyalismong US ang nais nitong paglingkuran.

Upang tiyakin na makakakuha ng murang lakas-paggawa ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa, matagal nang ginagawang laboratoryo ng mga anti-manggagawang patakaran ang timog katagalugan. Dito unang ipinatupad ang Two Tiered Wage Scheme na nagpapababa sa minimum na sahod na P315 tungong P255 na floor wage. Dito rin unang ipinatupad ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC). Kahit pa ipinagbabawal ng Universal Declaration of Human Rights, pinapahintulutan ng TIPC MOC ang direktang pangingialam, marahas na pagbuwag, at pagkakampo ng mga pwersa ng militar at kapulisan sa tuwing mayroong labor disputes sa mga pagawaan.

Ipinatupad din ng gobyerno ang Department Order 18-A na nagliligalisa sa kontraktwal na empleyo. Ito ang dahilan kung bakit talamak at malayang naiikutan ng mga kapitalista ang batas para sa kaseguruhan sa trabaho, at kung bakit mahigit 70% ng manggagawa sa buong bansa ang napapailalim ngayon sa iba’t ibang iskema ng pleksibilisasyon ng paggawa. Dulot nito, higit pang napapababa ng mga kapitalista, kasabwat ang gobyerno ni Aquino, ang pasahod sa mga manggagawang Pilipino. Karamihan sa mga kontraktwal ay walang tinatanggap na benepisyo, at sapilitang pinagtatrabaho ng mas mahaba sa 8 oras. Samantala, walang humpay na tumataas ang presyo ng mga bilihin at mga bayarin sa kuryente, patubig, kontribusyon sa SSS, Philhealth at iba pa.

Habang nagdurusa ang mga manggagawa at mamamayan sa pagtalikod ng rehimeng US-Aquino sa mga obligasyon nito, nagpapakasasa naman ang huli sa trilyong pisong pondo ng bayan na kinukurakot nito. Tahasang tinanggal ni Aquino ang Calamity Preparedness Fund noong 2011, habang pinondohon ng daang bilyong piso ang badyet para sa paniniktik sa mga lider manggagawa at aktibista. Nailantad din nitong mga nakaraang buwan ang iligal na paggamit ni Aquino ng pondo mula sa Malampaya Gas Funds para sa Department of National Defense at pagbili ng barkong pandigma.

Dahil sa sukdulang kagustuhan ng rehimeng US-Aquino na patahimikin ang kanyang mga kritiko, pinagpapatuloy nito ang panunupil sa kilusang paggawa at sa mga aktibistang nais ipaalam sa buong sambayanan ang kainutilan at karahasang dulot ng papet na si Aquino.

Noong Agosto 27, dinukot si Benjamen Villeno, dating tagapangulo ng unyon ng manggagawa sa Honda Cars Philippines, at dating tagapangulo ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU) at Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU). Naging regional coordinator din ng Bayan Muna at Makabayan Coalition si Ka Ben noong 2010. Bago siya madukot, nakapagtext pa sa isang kamanggagawa si Ka Ben at sinabing may sumusunod sa kanyang kahina-hinalang tao. Sa loob ng mahabang panahon ng pagiging lider manggagawa ni Ka Ben, tuloy-tuloy ang paniniktik ng mga ahente ng militar at kapulisan sa kanya.

Ganito rin ang nararanasan ng marami pang lider-manggagawa na ngayon ay nagsisikap na hanapin si Ka Ben, at ilantad ang tunay na kulay ng tutang si Aquino—na unti-unting nalalagasan ng balahibo at nabubunyag ang baho at nakakahawang sakit. Lantarang hinaharas at tinitiktikan si Luzviminda Fortuna, regional coordinator ng National Coalition for the Protection of Workers’ Rights, at asawa ni Ka Fort, dating pangulo ng unyon ng manggagawa sa Nestle na pinaslang ng mga ahente ng militar. Pinupuntahan ng mga pulis at nagpapanggap na pulis si Ka Luz sa kanilang bahay at pilit na iniinteroga ang mga anak nito hinggil sa mga ginagawa at mga kasama ni Ka Luz.

Tila bagyong walang patawad ang rehimeng US-Aquino sa patuloy nitong pagkitil sa buhay at karapatan ng mamamayan. Hangga’t nakaupo sa pwesto ang isang papet at walang-pakialam na si Aquino, mananatiling bulnerable ang mamamayan sa bawat sakuna at trahedya.

Kasabay ng paggunita natin sa ika-150 kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, dakilang bayani ng uring anakpawis na nagbuwis ng buhay para sa pagpapalaya ng mamamayan mula sa kontrol ng mga dayuhan, kailangang tumindig ang masang anakpawis, at maghimagsik laban sa inutil at marahas na rehimeng US-Aquino!

Makabagong Bonifacio, Dugong Rebolusyonaryo: Labanan ang Kahirapan, Kainutilan, at Karahasan sa ilalim ni Aquino!

 

Itigil ang panunupil sa kilusang paggawa! Itigil ang pagpaslang, pagdukot, at paniniktik sa mga lider manggagawa!

 

Ilitaw si Benjamen Villeno! 

Labanan ang trahedyang dulot ng rehimeng US-Aquino! Noynoy Aquino, Inutil at Berdugo, RESIGN!

Ilitaw si Ben Villeno! Itigil ang Batas Militar ni Aquino!

Ben Villeno
Benjamen Villeno is a leader and organizer in the Trade Union sector. He is one of three desaparecidos in the Southern Tagalog region abducted by military forces under the Aquino regime.

Kasabay ng paggunita ng sambayanan sa pagpataw ng batas militar ng rehimeng US-Marcos, hindi maiwasang maikumpara ang rehimeng Aquino dahil sa kaliwa’t kanang kaso ng katiwalian at karahasan nito sa kasalukuyan. 41 taon na ang nakalilipas ngunit tila nananatiling hirap at nakagapos ang mamamayan dahil sa pagiging tuta ng mga sumunod na administrasyon kay Marcos.

Sa kabila ng pagsambulat ng malalaking isyu hinggil sa pork barrel, krisis sa Zamboanga, at muling pagpasok ng mga US military bases sa bansa, mariing kinukundena ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan ang sapilitang pagkawala ng lider-manggagawang si Benjamen Villeno, dating tagapangulo ng Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH), PAMANTIK-KMU, at OLALIA-KMU.

Batas militar: noon at ngayon

Ipinataw ang batas militar noong Setyembre 21, 1972 upang buong-buong mahawakan ni Marcos ang kapangyarihang pampulitika, ekonomiya, at militar ng bansa. Ginamit niya ito upang pahabain ang  kanyang panunungkulan sa kabila ng pagtutol ng malawak na mamamayan. Pilit niyang tinakpan ang sistematikong katiwalian ng kanyang administrasyon at mga kroni na nag-uwi ng limpak-limpak na halaga mula sa kabang yaman ng bayan. Walang pagtatanging pinaslang, tinortyur, at dinukot ng mga militar ang mga sibilyan at aktibista noong panahong iyon.

Noong 2005, naging matingkad ang pampulitikang panunupil sa hanay ng mga unyonista at lider-manggagawa. Itinuring ni   Arroyo bilang industrial terrorists ang sinumang maglunsad ng welga o magtangkang ipagtanggol ang kanilang karapatan bilang manggagawa. Sa ilalim ng Oplan Bantay Laya, libo-libong mamamayan at aktibista ang pinaslang, dinukot, sinampahan ng gawa-gawang kaso, iligal na inaresto, tinortyur, at pinalikas ng mga militar.

Pinaslang si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, dating tagapangulo ng union ng manggagawa sa Nestle (UFE-DFA-KMU) at PAMANTIK-KMU. Naganap ang madugong pagkitil sa kanyang buhay isang araw makalipas ang paggunita ng pagpataw ng batas militar. Noong panahong iyon, mainit ang usaping Hello Garci scandal at iba’t ibang kaso ng katiwalian ng rehimeng Arroyo.

Maaalalang sa pananaliksik ni Philip Alston, isang special rapporteur ng UN para alamin ang kalagayan ng karapatang tao sa Pilipinas, tinukoy bilang pangunahing salarin sa pagkapaslang at pagkawala ng daan-daang aktibista ang mga militar sa utos ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kasalukuyan panahon, nagpapatuloy ang hindi deklaradong batas-militar sa bansa. Bagama’t taliwas sa sinasabi ng Pandaigdigang Makataong Batas, pinapayagan ng Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) ang pagkakampo ng mga militar, at panghihimasok ng mga ito sa tuwing mayroong labor dispute sa mga pagawaan at engklabo.

Sa pambansang antas, lantarang ginagamitan ng dahas ng rehimeng Aquino ang sinumang magsulong ng kasarinlan at paglaya mula sa bulok at tiwaling gobyerno nito. Walang pakundangang inoperasyon ang MNLF sa Zamboanga nang hindi isinasaalang-alang ang kapanakanan ng mga sibilyan. Ibinubukas muli ang bansa para sa pagtatayo ng mga base-militar ng US. Nakaamba ang pagpasok ng mas maraming sundalong amerikano sa pamamagitan ng rotational presence agreement. Habang nasa kasagsagan ng pagtuligsa sa malaganap na katiwalian ang mamamayan dahil sa pork barrel scam, dinukot si Benjamin “Ka Ben” Villeno, lider-manggagawa ng Timog Katagalugan.

Ilitaw si Benjamen Villeno, biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng batas militar ni Aquino!

Naging tagapangulo ng unyong Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH) noong 1998 si Ka Ben. Mahusay niyang pinangunahan ang mga pakikibakang pang-ekonomiya ng mga manggagawa sa loob ng pagawaan ng Honda Cars Philippines, Inc. Pinamunuan niya ang pakikipagnegosasyon ng unyon upang mabigyan ng mas mabuting kalagayan sa paggawa ang mga manggagawa. Noong 2001, boluntaryong iniwan ni Ka Ben ang maalwang buhay sa loob ng pagawaan at nagresign upang maging fulltime organizer ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU). Hindi nagtagal, naihalal siya bilang national president ng pederasyong OLALIA.

Inilaan niya ang kanyang husay, talino, at lakas sa pag-oorganisa sa iba pang mga pagawaan sa rehiyon upang ipagtanggol ang karapatan ng mas marami pang manggagawa. Hindi nagpakasapat si Ka Ben sa pagkamit ng mga tagumpay ng kanilang lokal na unyon, bagkus nagpursiging maging bahagi ng tagumpay ng buong uring manggagawa sa buong bansa. Naging tagapangulo din siya ng panrehiyong sentrong unyong Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU) at naging bahagi ng National Council ng Kilusang Mayo Uno.

Dahil sa kanyang kasigasigang mamuno sa kilusang paggawa sa rehiyon, at mahigpit na pakikiisa sa iba’t ibang sektor, naging regional coordinator ng Bayan Muna party list at Makabayan-Southern Tagalog si Ka Ben noong 2010. Ngunit dahil na rin sa ipinakita niyang lubos na paglilingkod sa bayan, naging mainit sa mata ng gobyerno si Ka Ben. Noon pa man, minamatyagan at tinitiktikan na siya. Lagi niya nang napapansing may nakasunod sa kanya saanman magpunta.

Nitong Agosto 27, habang patuloy na naglilingkod sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan bilang staff ng OLALIA-KMU, nagtext sa isang kapwa lider-manggagawa si Ka Ben na uuwi sa kanyang mga kamag-anak sa Cavite. Sa huling text na kanyang ipinadala, sinabi niyang mayroon na namang sumusunod sa kanyang kahina-hinalang militar. Mula noon, hindi na muling nakita at nagparamdam si Ka Ben.

Walang ibang maaaring ituro sa pagkawala ni Ka Ben kundi ang mga militar na matagal nang napatunayang gumagawa ng pagpaslang, pagdukot, at pandarahas sa hanay ng mga lider-manggagawa at unyonista. Pangatlo na si Ka Ben sa mga biktima ng pagdukot sa rehiyon sa ilalim ng panunungkulan ni Aquino. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin sila nakikita ng kanilang mga kamag-anak at kakilala.

Kung kaya, sa muling paggunita ng mga manggagawa sa malagim na pagpataw ng batas militar, gayundin sa pagpaslang kay Diosdado “Ka Fort” Fortuna, mariing kinukundena ng PAMANTIK-KMU at OLALIA-KMU ang pagdukot kay Benjamen Villeno.

Hindi kailanman matitigil ang ganitong panunupil sa hanay ng mga aktibista at unyonista hangga’t nananatiling namamanik-luhod ang rehimen sa mga kapitalista’t amo nitong imperyalistang US. Gagawin ng burukrata kapitalistang si Aquino ang lahat, sukdulang dukutin o paslangin ang mga kritiko nito, para sa ultimong layuning patuloy na nagbubulsa ng limpak-limpak na yaman mula sa buwis ng mga manggagawa at mamamayan.

Panahon na upang tuluyang ilantad ang tiwali at pasistang rehimeng US-Aquino. Tanging sa pagbagsak sa imperyalismo, burukrata kapitalismo, at katutubong pyudalismo na ugat ng kahirapan mawawakasan ang matagal nang paglapastangan sa karapatang tao ng uring manggagawa. Sa pamamagitan lamang ng pambansa-demokratikong pakikibaka na lalahukan ng pinakamalawak na hanay ng mamamayan, sa pamumuno ng uring manggagawa, maitatayo ang gobyernong tunay na maglilingkod sa sambayanang api at pinagsasamantalahan.

ILITAW si BENJAMEN “KA BEN” VILLENO!

Ilitaw ang lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala!

 

HUSTISYA para kay DIOSDADO “KA FORT” FORTUNA!

Hustisya para sa lahat ng biktima ng pampulitikang pagpaslang!

 

ITIGIL ang pampulitikang panunupil sa kilusang paggawa! ILANTAD ang tiwali at pasistang rehimeng us-aquino!

Burukrata kapitalismo, IBAGSAK! Imperyalismo at pyudalismo, IBAGSAK!

 ISULONG AT IPAGTAGUMPAY ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan!

Tunay na State of the Nation: Mas Matinding Pagdurusa ng Manggagawang Pilipino

Kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin—ito ang handog ng rehimeng US-Aquino sa kanyang ikatlong taon sa estado poder. Walang humpay na nilalako ni Aquino bilang mga pipitsuging kalakal ang lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.  Buong-buo niyang ibinubukas ang likas-yaman at kalayaan ng bansa sa pandarambong at panggagahasa ng mga dayuhang kapitalista. Ito ang tunay na State of the Nation—ang larawan ng pagdurusa ng mamamayan dahil sa pagiging tuta at kainutilan ng rehimeng US-Aquino.

 Kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin

 Matapos bigyan ng pakonswelo ang mga tsuper, operator, at commuters sa kakarampot na rollback noong nakaraang linggo, muling nagtaas ang presyo (P0.60, 0.45, 0.40 bawat litro) ng gasolina, diesel, at kerosene kahapon, Hulyo 9. Mula Mayo, umabot na sa P4/litro ang itinaas ng presyo ng diesel, samantalang P3.80/litro naman ang sa gasolina.

 Hindi rin maitatanggi ang pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto tulad ng bigas, gatas, karne, gulay, noodles, sardinas, at iba pa kumpara sa nakaraang taon. Hindi maampat ang pagtaas ng singil sa kuryente at patubig, at nakaamba pa ang muling pagtaas nito sa susunod na buwan dahil sa buwis ng mga pribadong kumpanya (tulad ng Manila Electric Corporation) na ipinapasa sa mga konsyumer nito.

 Samantala, mahigit 350 pamantasan at kolehiyo at 1,100 paaralan sa elementary at highschool ang pinayagang magtaas ng matrikula ngayong taon. Nakaplano namang taasan ngayong buwan ng P33 ang buwanang kontribusyon sa SSS, at P100 naman sa Pag-ibig.

Kawalan ng serbisyong panlipunan

Upang matiyak ang pagbabayad utang panlabas, ipinapatupad ng IMF-World Bank ang structural adjustment policies, kung saan direkta nitong inuutusan ang mga gobyerno tulad ng rehimeng US-Aquino na bawasan ang budget ng gobyerno para sa mga pampublikong serbisyo tulad ng edukasyon, pabahay, at kalusugan.

Mula sa bibig ni Aquino at kanyang mga galamay, pinagmumukhang “matulungin” ang IMF-WB at imperyalismong US sa tuloy-tuloy nitong pagpapautang sa Pilipinas ng milyon-milyong dolyar. Ngunit ginagawa lamang nila ito upang higit pang kontrolin ang yaman at kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng mga neoliberal na polisiyang nag-“eengganyo” sa mas marami pang dayuhang mamumuhunan sa bansa.

 Kabilang sa mga neoliberal na polisiyang ito ang Private Public Partnership Program ni Aquino, kung saan itinutulak ang mga pampublikong institusyon (tulad ng mga ospital, pamantasan, at pabahay) na makipag-“partnership” sa mga pribadong kumpanya. Dahil dito, pinatatakbo bilang mga negosyo ang mga institusyong ito.

Malawakang disempleyo at kontraktwalisasyon, mababang pasahod, kawalan ng benepisyo

Sa kasalukuyan, umaabot na sa P1069 ang tantyang arawang gastusin para sa isang pamilyang may 6 miyembro sa Timog Katagalugan. Ngunit hindi nakakasabay dito ang dumadausdos na kabuhayan para sa mamamayang Pilipino.

Mula nang maupo si Aquino bilang papet na pangulo, mabilis na lumaki ang bilang ng kontraktwal na empleyo sa buong bansa. Hayagan itong itinataguyod ng rehimen para diumano dumami ang trabahong malilikha para sa mamamayan. Pero ang katotohanan, nais lamang pagbigyan ni Aquino ang mga pangangailangan ng kanyang mga among dayuhan sa murang pasahod at kung gayon, mas malaking tubo.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 65-70% ng lahat ng manggagawa ang napapailalim sa iba’t ibang tipo ng kontraktwal na empleyo tulad ng agency workers, OJT, interns, cooperative workers, casual employees, at iba pa. Kontraktwal ang halos kalahati o higit pa sa kabuuang bilang ng mga manggagawa sa Asia Brewery, NXP, EMI Yazaki, Aichi, Takata, Coca Cola, Ebara, PAC, Moriroku, URC, at Hoya Glassdisk. Marami sa mga ito ang 1-20 taon nang nasa serbisyo, ngunit wala pa ring kaseguruhan sa trabaho hanggang sa ngayon.

Ayon sa labor code, iligal ang labor-only contracting subalit pilit itong nilulusutan ng mga kapitalista at mga kasabwat nitong ahensya ng gobyerno. Naglipana ang mga in-house agencies o yaong mga pinag-mamay-arian mismo ng mga kumpanya upang gawing “ligal” ang pagbibigay ng kontraktwal na trabaho, kagaya na lamang ng The Red Systems sa Coca Cola.

Karaniwan, tumatanggap lamang ng minimum wage (P315-P337) o mas mababa pa ang mga kontraktwal na manggagawa sa rehiyon. Wala silang natatanggap na benepisyo tulad ng rice subsidy, night differential, overtime pay, health benefits, at leave. Lalo pang pinababa ang sahod sa rehiyon nang ipatupad ang Two Tiered Wage Scheme noong nakaraang taon.

Sa pagtatakda ng floor wage na P255/araw at Conditional Temporary Productivity Allowance na P12.50, buong-buo nang tinalikuran ng administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employement (DoLE), ang kanyang obligasyong tiyakin na nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Para sa mga kapitalista, walang karapatang mag-unyon ang mga kontraktwal. Sa ganoong kalagayan, hindi naipagtatanggol ng huli ang mga kanilang mga karapatang pilit na ipinagdadamot sa kanila.

Dahil sa kakulangan ng arawang sahod na tinatanggap, napipilitan ang mga manggagawang mag-overtime. Kadalasan, umaabot ng 10-16 oras ang pagtatrabaho ng mga manggagawa. Gayunpaman, karaniwan pa rin ang mga nakasanlang ATM at mga gamit ng mga manggagawa dahil sadyang kapos ang kanilang kinikita.

Mula 6.9%, tumaas naman ng 7.5% ang unemployment rate sa Pilipinas, kalakhan ay binubuo ng mga college graduate at undergraduate. Hindi na nakapagtataka kung bakit tumaas din ang bilang ng mga manggagawang Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat. Mahigit 70,000 ang umaalis ng bansa mula sa Timog Katagalugan taun-taon.

Sa kabila ng pinangangalandakan ni Aquino na nagkaroon ng paglaki ang ekonomiya ng bansa (6.8% noong 2012, at 7.8% na paglaki sa gross domestic product ng bansa noong unang kwarto ng 2013), ang pagtaas ng bilang ng walang trabaho sa bansa at paglaki ng bilang ng nangingibang-bayan ay nagpapatunay na kabaligtaran ang nararanasan ng mamamayang Pilipino.

Panunupil at pandarahas sa mga manggagawang inaalipin ng mga dayuhan

Alinsunod sa programa “kontra-terorismo” ng amo nitong imperyalismong US, ipinatupad ni Aquino ang Oplan Bayanihan upang tugisin ang mga naglalayong makawala sa daantaong pagkakagapos sa kontrol at pagsasamantala ng mga dayuhan. Tinuturing na terorista ang sinumang magnais na mabuhay nang marangal, handang ipagtanggol ang karapatan, at ipaglaban ang buhay na may dignidad.

Sa hanay ng kilusang paggawa sa rehiyon, ipinatutupad na, bagama’t hindi pa ganap na batas, ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC). Pinahihintulutan ng kasunduang ito ang panghihimasok at pagkakampo ng mga militar at kapulisan saanman hilingin ng mga kapitalista. Ginamit ng kapitalistang PhilSteel ang kasunduang ito upang buhusan ng daan-daang kapulisan ang picketline ng mga manggagawang nagwelga.

Noong Marso, pinirmahan ni Aquino ang batas na nag-uutos ng pagtatayo ng National TIPC upang maging makinarya sa pagpapatupad ng mga anti-manggagawang batas. Bubuuin ito ng mga pambansang kinatawan ng DoLE, PNP, AFP, mga kapitalista, at mga dilawang pederasyon ng mga manggagawa.

LABANAN ANG ANTI-MANGGAGAWA, PRO-KAPITALISTANG REHIMENG US-AQUINO

Walang tuwid na daan sa bayang batbat ng krisis. Ang tanging daan para sa mga manggagawang matagal nang pinagsasamantalahan at nagdurusa sa ilalim ng papet na rehimen ay ang daan ng pakikibaka.

Upang wakasan ang paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan, kailangang labanan ang mga neoliberal na polisiya ni Aquino, sama-samang ipaglaban ang sahod, trabaho, at karapatan, at makibaka para sa ganap na paglaya ng bansa mula sa kontrol at pandarambong ng imperyalismong US.

Tanging sa pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa magiging maginhawa ang buhay at kabuhayan ng manggagawang Pilipino. Makakamit lamang ito kung magkakaisa ang lahat ng manggagawa at mamamayan upang igiit ang malalaking pagbabago na maghahatid ng tunay na pag-unlad sa bansa.

 

SERBISYO SA TAO, HUWAG GAWING NEGOSYO!

 

SAHOD, ITAAS! PRESYO, IBABA!

 

LABANAN ANG MGA NEO-LIBERAL NA POLISIYA NG REHIMENG US-AQUINO!

 

IMPERYALISMO, IBAGSAK!

Sumama at makiisa sa mga pagkilos laban sa kahirapan!

  • Panrehiyong pagkilos ng mga manggagawa, Hulyo 10, kitaan ng 6am sa PhilSteel picketline
  • SoNA ng mamamayan, July 21-22

                                                                                                

Imperyalismong Amerikano: Ugat ng pagdurusa ng manggagawang Pilipino

Hindi maituturing na kaibigan ng mamamayang Pilipino ang US. Makalipas ang 67 taon mula nang ideklara ang “pagkakaibigan ng US at Pilipinas”, nananatili ang mga di-pantay na kasunduan, pandarambong ng US sa likas-yaman, paghuthot sa murang lakas-paggawa, at pagbuhos ng pwersa ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Bilang ugat ng kahirapan ng manggagawa at mamamayan, kailangang pamunuan ng mga manggagawa ang pagwawakas sa kontrol at pagnanakaw ng imperyalismong US sa yaman at kalayaan ng mamamayang Pilipino.

Taliwas sa sinasabi ng mga libro, hindi ipinagtanggol ng US ang Pilipinas mula sa mga Kastila. Ipinagbili ng nahuhuli ang bansang pinangalanan nilang “Las Islas Filipinas” sa US sa halagang $20 milyon. Naipormal ang pagpapasa ng Pilipinas bilang kolonya ng US matapos na lihim na pirmahan ng gobyerno ng Espanya at Amerika ang Treaty of Paris noong December 10, 1898.

Mula noon, namuhunan ang malalaking kumpanyang Amerikano sa mga panimulang industriyang semi-processing sa Pilipinas. Pinalago nila ang kanilang mga kumpanya na noo’y nakakaranas ng matinding krisis dulot ng sobrang produksyon sa kanilang bansa. Sinamantala nila ang kawalan ng lupa ng malawak na masang magsasaka sa kanayunan at lumikha ng trabahong may mababang pasahod at mahabang oras ng paggawa.

Walang ibang idinulot ang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas kundi krisis at sigalot sa hanay ng manggagawa at mamamayan. Sa mga sumunod na taon, lumakas ang kilusang paggawa at pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang paglaya. Napagtanto ng imperyalismong US na hindi na nila kayang panatilihin ang tuwirang paghahari sa bansa. Idineklara ang huwad na kalayaan ng bansa noong 1946, na kalauna’y tinawag na “Filipino-American Friendship Day”.

Ngunit para sa manggagawang Pilipino, hindi pagkakaibigang maituturing ang relasyon ng dalawang bansa. Hanggang sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na nakakapagdikta ang US sa rehimeng Aquino ng mga neo-liberal na patakarang nagiging sanhi ng tuluyang pagdausdos ng kabuhayan ng mamamayan.

Ipinatupad ang Two Tiered Wage Scheme (Department Order 15-IVA) sa Timog Katagalugan. Imbes na dinggin ang mahigit-dekadang panawagan para sa P125 dagdag-sahod, lalo pang pinababa ang minimum wage sa rehiyon patungong P255/araw na floor wage.

Pinalaganap ang kontraktwalisasyon. Karaniwan na ngayon ang salitang endo, matapos ang 1 hanggang 20 taong trabaho ng mga manggagawang kontraktwal na walang natatanggap na benepisyo, at walang karapatang mag-unyon. Bagama’t labag sa Batas Paggawa, malayang ipinatutupad ng mga kapitalista ang labor-only contracting sa malalaking kumpanya tulad ng Toyota, Takata, Aichi Forging, EMI Yazaki, Hoya Glassdisk, Epson, Carina, Asia Brewery, NXP, Nestle, Coca Cola, Philippine Auto Components, Alaska, at marami pang iba. Itinatago ito sa iba’t ibang katawagan tulad ng OJT, interns, agency workers, cooperative, at iba pa.

Sa utos ng IMF-World Bank (na kontrolado ng US), ipinatutupad ang malawak na pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at institusyon. Itinutulak ng Public-Private Partnership Program ang pagpapatakbo sa mga ito (tulad ng pabahay, ospital, eskwelahan, kuryente, at patubig) bilang mga negosyo. Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi na magkasya ang sahod ng manggagawang Pilipino sa pang-araw-araw na gastusin.

Upang pilit na patahimikin ang mga manggagawa at pigilan ang pagkakaisa para sa kanilang mga batayang karapatan, inuutos ng diumano’y “programang kontra-terorismo” ng imperyalismong US ang pagpapatupad ng Oplan Bayanihan. Ito ang nagpapalaganap ng teror o pananakot sa hanay ng mamamayan at manggagawang naglalayon ng kalayaan mula sa pagpapahirap ng mga dayuhang kapitalista at mga lokal na kasabwat nito.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ipinatutupad sa rehiyong Timog Katagalugan ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) na pinirmahan ng DoLE, PNP, AFP, at mga dilawang pederasyon ng manggagawa. Pinapayagan ang direktang panghihimasok ng mga kapulisan at militar sa tuwing mayroong labor dispute sa mga pagawaan.

Nilalabag nito ang Internasyunal na Makataong Batas na nagbabawal sa pagkakampo ng mga militar sa mga lugar kung saan may sibilyan na populasyon. Laganap naman sa mga englabong industriyal sa rehiyon ang No Union, No Strike policy—bagay na sumasagka at bumabali sa batayang karapatan ng manggagawa sa asosasyon at mag-organisa para sa kanilang karapatan sa sahod at trabaho.

Habang nananatili ang pangangayupapa ng papet na gobyerno sa imperyalismong US, hindi magbabago ang pangkabuuang kalagayan ng manggagawa at mamamayang Pilipino. Kinakailangang pangahasan ng mga manggagawa ang pagtatayo ng kanilang mga anti-imperyalistang unyon at itransporma ang kanilang pakikibaka mula sa paglalayon ng mga pang-ekonomyang benepisyo tungo sa mas mataas na pampulitikang pagbabago sa bansa.

Tanging sa pagpapabagsak sa imperyalismo at mga lokal na papet nito, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa kanayunan, at pagkakaroon ng mga batayang industriya sa bansa makakaranas ng kaginhawahan ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

LABANAN ang mga neoliberal na patakaran ng rehimeng US-Aquino!

 

Imperyalismo, IBAGSAK!

 

ISULONG ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa!

 

Uring manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!

Manggagawa, Magkaisa! Pamunuan ang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!

mayouno2013small“Walang mawawala kundi ang tanikala ng pagkagapos” – Ito ang dahilan kung bakit mapagpasyang sinusuong ng uring manggagawa ang landas ng pakikibaka. Sa loob ng daantaong paghihirap dahil sa imperyalismo, pyudalismo, at mga lokal na naghaharing uri, napatunayan nang tanging ang uring proletaryado ang maaaring mamuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

Dahil taglay nito ang makauring layuning palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala, ang disiplina at organisadong paggawa na hinasa ng malaon nang pagpapakaalipin sa pagawaan, at ang kasanayan sa kolektibong pamumuno, hinding hindi mabibigo ang pagkakaisa ng mga manggagawang ginagabayan ng teoryang Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Ngayong nalalapit ang ika-110 taong paggunita sa Araw ng Paggawa, haharapin ng uring manggagawa ang hamon na wakasan ang nabubulok na sistemang kapitalista at isulong ang kanyang mga demokratikong karapatan sa nalalapit ng pambansang halalan. Kinakailangang pagkaisahin ng uring manggagawa at mamamayan ang kanilang mapagpasyang lakas upang wakasan ang kahirapan at pagsasamantala.

Ang Dakilang Araw ng Paggawa: Noon at Ngayon

Nagsimula ang pagdiriwang ng Mayo Uno bilang dakilang araw ng paggawa at protesta upang igiit ang 8-oras ng paggawa.  Itinuring ang Mayo Uno bilang araw ng lahatang welga ng manggagawa sa iba’t ibang bansa, kung saan mapagpasyang itinitigil ang trabaho upang iparating ang mga panawagan para sa makataong kalagayan sa loob ng mga pabrika. Noong 1886, habang inilulunsad ng mahigit 200,000 manggagawa ang kanilang pagkilos sa araw ng paggawa sa Haymarket Square, Chicago, walang habas silang pinaputukan ng baril mga kapulisan. Libo-libong manggagawa ang nagbuwis ng buhay sa araw na iyon.

Sa Pilipinas, unang naglunsad ng pagkilos ang mahigit 100,000 manggagawa noong Mayo 1, 1903 sa pangunguna ng Unyon Obrera Democratica. Naranasan sa Timog Katagalugan ang isa sa mga pinakamarahas at madugong demonstrasyon noong May 1, 1988, kung saan walang pakundangang pinaputukan ng matataas na kalibre ng baril ang mga manggagawa. Gayunpaman, nagpatuloy ang taunang pagkilos ng mga manggagawa tuwing sasapit ang kanilang dakila at makasaysayang araw.

Ngunit, matapos pagbuwisan ng buhay ng mga ninunong manggagawa ang 8-oras na paggawa, pilit itong binabawi ng estado at mga kapitalista. Sa pamamagitan ng mga batas na ipinatutupad ng rehimeng Aquino, naisasagawa ng mga kapitalista ang sistematiko at mas matinding pagpiga ng lakas-paggawa ng uring manggagawa, at nakapag-uuwi ng mas papalaking tubo na siyang ginagamit niya upang pilit na iahon ang kanyang sarili sa pagkabulok at ganap na pagbagsak.

Sa timog katagalugan, malawakang ipinatutupad ang iba’t ibang work flexibilization schemes, pangunahin ang kontraktwalisasyon. Mahigit 65% na ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa rehiyon ang nakapaloob sa kontraktwal na empleyo, na itinatago bilang agency workers, cooperative, OJT, interns at iba pa. Makikita ang napakalaking bilang ng mga kontraktwal na manggagawa sa pagawaan ng Nestle, Carina, Toyota, SMP, NXP, PAC, Asia Brewery Inc. (ABI), Takata, Clarmil, Aichi Forging, EMI Yazaki, at Hoya Glass Disk. Gamit ang Department Order 18-A DoLE, malayang naipagkakait ng mga kapitalista ang pagbibigay ng makabuluhang sahod at benepisyo sa mga manggagawang kontraktwal.

Maliban dito, patuloy na ginagawang laboratoryo ng mga anti-manggagawang batas ang rehiyon, kung saan makikita ang mahigit kalahati ng pangkabuuang bilang ng mga empresa at sonang industriyal sa bansa. Noong nakaraang taon, ipinatupad ang Two Tiered Wage Scheme (DO 15-4A) ilang araw bago ang Mayo Uno. Sa pagpapatupad ng batas na ito, lalo pang pinababa ang minimum na sahod sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatakda ng floor wage na P255.

Habang pilit na ipinagkakait sa mga manggagawa ang pagkakaroon ng makabuluhang dagdag sahod, walang benepisyo ang mga kontraktwal na manggagawang nagpapagal ng mahigit 8 oras araw-araw. Umaabot na sa P1,069 ang arawang pangangailangan ng isang pamilyang may 6 miyembro sa ngayon, subalit sadyang nakapako ang sahod at benepisyo at di matustusan kahit ang pansariling pangangailangan ng manggagawa.

Pilit namang pinapaliit ng mga kapitalista ang bilang ng mga regular na manggagawa sa pamamagitan ng mga Voluntary Separation Programs, retrenchment, retire and rehire, at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso. Tahasan nitong binabali ang mga napagtatagumpayan ng manggagawa sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA), at ipinagkakait ang CBA ng mga manggagawa, tulad ng ginagawang CBA Moratorium sa Philippine Steel at Takata. Sa ABI, tuloy-tuloy na binabarat ng kapitalista ang mga usapin sa dagdag sahod at benepisyo tuwing mayroong CBA ang mga manggagawa.

Dagdag pa, kinakasabwat ng kapitalista ang DoLE, sa pangunguna ni Sec. Rosalinda Baldoz at Usec. Rebecca Chato, at mga sangay nito at ang Supreme Court at Court of Appeals upang pigilan at hindi kilalanin ang mga unyong naipapanalo bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent.  Sa certification election ng unyon sa Philippine Auto Components noong Marso 22, 2013, isang opisyal ng Bureau of Labor Relations-Region 4A na si Marivic Martinez ang nandaya sa pamamagitan ng ballot switching.

Upang panatilihin ang kasalukuyang pang-aalipin sa mga manggagawa, ginagamit ng mga kapitalista ang mga pwersa ng militar at kapulisan upang tiktikan, takutin, guluhin, at sa huli, pigilan ang pagkilos ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan. Sa ilalim ng Oplan Bayahinan ni Aquino, ipinatutupad ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment sa rehiyon, kung saan pinapahintulutan ang direktang panghihimasok ng mga militar at kapulisan sa tuwing mayroong aktwal o nakaambang labor dispute sa mga pagawaan. Malinaw na nilalabag nito ang International Humanitarian Law na nagbabawal sa pagkakampo ng mga militar sa mga lugar kung saan mayroong sibilyang populasyon.

Pasan ng mga manggagawa at mamamayan ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo, at kahit mga serbisyo tulad ng tubig, kuryente, at ospital. Sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ni Aquino, binibigyang daan ang pribatisasyon ng mga serbisyo sosyal tulad ng edukasyon, mga ospital at pabahay. Dahil pinatatakbo ang mga ito bilang negosyo ng mga pribadong sektor, hindi na makasabay ang barya-baryang tinatanggap ng manggagawa mula sa mga kapitalista.

Ipinatupad ang K+12 program sa edukasyon sa layuning bigyan ng mga teknikal na pagsasanay ang mga kabataan bago pa man ito makatungtong ng kolehiyo upang tustusan ang pangangailangan ng mga kapitalista sa murang lakas paggawa. Imbes na dagdagan ng badyet ang sektor ng edukasyon, patuloy na itinutulak ang mga pampublikong paaralan na makipagpartnership sa mga pribadong kumpanya. Hindi pa man nakakakuha ng pormal na kurso ang mga estudyante, ipinapasok na sila bilang interns sa mga pagawaan, tulad ng ginagawa sa Takata. Hayagan ding ipinagkakanulo ng gobyerno ang mga kabataan at manggagawang mangibang-bayan, kung saan kalahati ng kanilang katawan ay maituturing na nasa hukay.

Nagpapatuloy naman ang land use conversion sa kanayunan, kung saan ginagawang sona at plantasyong industriyal ang mga sakahan. Ito ang dahilan kung bakit lumolobo ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamataas na unemployment rate sa Timog Silangang Asya.

Sa paglapit ng pambansang halalan, ginagamit ng gobyerno ang Commission on Elections upang gipitin ang mga progresibong partylist tulad ng Piston at Kabataan, at pilit na pigilan ang pagpapaupo nito ng tunay na kinatawan ng mamamayan sa kongreso. Dagdag dito, binaboy ng Korte Suprema ang partylist system, at pinapayagan nang tumakbo ang mga non-marginalized sectors sa pamamagitan ng mga partylist. Walang dudang ginawa ito upang itaguyod ang pananatili ng mga naghaharing uri sa gobyerno.

Walang maaasahan ang mga manggagawa at mamamayan mula sa administrasyong sumasamba sa mga dayuhang kapitalista. Hangga’t nananatiling tuta ng

imperyalistang Estados Unidos ang gobyerno ng Pilipinas, magpapatuloy ang pagpapakasasa ng mga dayuhan sa yaman at lakas-paggawa ng bansa, habang nakakaranas ng walang kaparis na krisis at kahirapan ang mga manggagawa at mamamayan.

Pakikibaka ng Mamamayan sa Pamumumo ng Manggagawa: Landas Tungo sa Paglaya

Tanging sa pakikibaka ng mamamayan na pinamumunuan ng uring manggagawa makakalaya ang bansa mula sa pananalasa ng imperyalismo. Kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng manggagawa, magsasaka, at mamamayan upang wakasan ang pangangamkam ng lupa sa kanayunan, malawak na disempleyo, mababang pasahod, kawalan ng benepisyo, pagyurak sa karapatan, at paglala ng krisis pang-ekonomya at pampulitika sa bansa.

Gaya ng sinabi ng limang dakilang guro, tanging sa pamamagitan ng karit ng mga magsasaka, maipapatupad ang tunay na reporma sa lupa at mahahawan ang daan para sa tunay na kasaganahan. Gamit ang maso ng uring proletaryado, mapamumunuan ang pakikibaka ng mamamayan tungo sa pambansang industriyalisasyon, at maipapanday ang lipunang walang pagsasamantala—ang lipunang sosyalista.

Sahod, Trabaho, at Karapatan, IPAGLABAN!

Tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, IPATUPAD!

SULONG tungo sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!

MABUHAY ang mga dakilang ambag nina Marx, Engels, Lenin, Stalin, at Mao sa kilusang paggawa!

Uring Manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!

Mga manggagawa ng Timog Katagalugan naghahanda para sa araw ng paggawa, naglunsad ng protesta sa DoLE, NLRC, Supreme Court, Court of Appeal, COMELEC at Mendiola

Tumulak ang mga manggagawa ng Timog Katagalugan patungong Maynila upang maglunsad ng isang kilos protesta sa mga ahensya ng gobyerno para kalampagin ang  mga ahente ng mga dayuhang kapitalista dahil sa walang habas nitong pagpapatupad ng mga anti–manggagawa at anti – mamamayang batas.

Unang tumulak ang mga manggagawa sa Department of Labor and Employment (DoLE) upang ipanawagan pa rin ang pagpapatalsik sa kalihim nitong si Rosalinda Baldoz. Anila, garapalan ang pagiging tuta ni Baldoz sa kanyang mga among dayuhan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga anti–manggagawang batas tulad ng Wage Order No. IVA-15 o Two Tiered Wage Scheme.

Ipinatupad sa timog katagalugan noong nakaraang taon ang DO 15-4A na lalong nagpapababa sa minimum na sahod na P315 tungo P255 na floor wage.

Ipinatupad din sa rehiyon, sa pangunguna ng DoLE, ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment na nagpapahintulot sa tuwirang panghihimasok ng mga militar at kapulisan tuwing mayroong aktwal o nakaambang labor dispute.

Binabayo ng hagupit ng kontraktwal na empleyo ang mahigit 65% ng mga manggagawa sa rehiyon, kung saan makikita ang kalakhan ng mga engklabo sa bansa.

“Malayang ineendorso ng gobyernong Aquino ang kontraktwalisasyon na siyang naglalagay sa mas kalunos-lunos na kalagayan ng mga manggagawa. Wala na ngang seguridad sa trabaho, napakababa pa ng sahod, walang benepisyo, at pilit na pinagtatrabaho ng higit sa 8 oras araw-araw.” Ani Joyce Rosales, Deputy Secretary General ng PAMANTIK.

Maliban sa pagpapatupad ng mga anti-manggagawang batas, nangunguna ang DoLE sa panlilinlang, pambubusabos, at pagsasalaula sa mga batas na ito mismo ang gumawa. Nito lamang nakaraang buwan walang kahiya–hiyang dinaya ng Bureau of Labor Relations (BLR-RAB-IVA), isang sangay ng DoLE, sa katauhan ni Marivic Martinez ang Certification Election sa Philippine Auto Components. Nahuli ng mga pollwatcher ng unyong Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa PAC si Martinez na dinadagdagan ng 30 balotang naglalaman ng botong “NO”.

Dagdag sa pandaraya ng DoLE sa mga CE ng iba’t ibang unyon, tinuligsa rin ng mga manggagawa ang makaisang panig na mga desisyon hinggil sa mga kasong isinampa ng mga manggagawa sa NLRC, BLR, NCMB, Court of Appeals at Supreme Court.

“Maraming kaso ng illegal dismissal ang naidulog ng mga manggagawa sa iba’t ibang antas at ahensya ng gobyerno. Sa rehiyong Timog Katagalugan, mayroong 58 na kasong nasa legal arbitration. 10 lamang dito ang nanalo, habang 28 ang natalo, at 20 ang alanganing manalo. Sa 143 kasong itinaas sa National Labor Relations Commission, 34 ang nagkaroon ng desisyong pabor sa manggagawa, habang 109 ay para sa kapitalista.”

“Hindi pa malinaw sa 34 na paborableng desisyon kung ipapatupad ito ng kapitalista.  62.45% ng 269 kasong isinampa sa legal arbitration, NLRC, at hanggang Supreme Court ang napagdesisyunan pabor sa kapitalista.” Ani Rosales.

“Ang mga ito ay ilan lamang sa mga hinaharap ng mga manggagawa sa kasalukuyan, na nagtutulak sa kanilang ipanawagan ang pagpapatalsik kay DoLE secretary Rosalinda Baldoz bilang pangunahing may pananagutan sa kainutilan at kawalang-hiyaan ng kanyang ahensya.”

“Habang pilit na pinapako ang sahod, benepisyo, trabaho, at karapatan ng mga manggagawa, walang-tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sadyang wala nang masulingan ang uring manggagawa kundi igiit at ipaglaban ang kanyang mga lehitimong karapatan.”

“Sa darating na Mayo Uno, muling ipapakita ng mga manggagawa ang kanyang nagkakaisang lakas, tulad ng ginawa ng mga ninunong manggagawa mahigit 110 taon na ang nakalilipas. Kung dati’y kinaya nilang iwanan ang kanilang mga trabaho upang igiit ang 8 oras ng trabaho, kakayanin ng mga manggagawa sa kasalukuyang panahon ang magkapitbisig upang ipagtanggol ang tagumpay sa 8 oras paggawa, pagtatakda ng minimum na sahod at mga benepisyo, at karapatang mag-unyon.”

Nakatakdang maglunsad ng malakihang pagkilos ang mahigit 11,000 manggagawa sa timog katagalugan sa darating na May 1 sa Crossing Calamba, Laguna.###

 

Pasang Krus ng Mamamayan, Pabigat nang Pabigat

Ngayong Semana Santa, gugunitain muli ang pagpapakasakit ni Hesu Kristo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan. Sa kasalukuyang kalagayan ng mga mamamayan, sino kaya ang tutubos sa kanila? Patuloy na bumibigat ang krus ng kahirapan, pangunahin dahil sa inaasahang manunubos sa katauhan ni Aquino. Sa paggunita sa pagkamatay ni Hesu Kristo, marapat lamang na isabuhay ang kanyang diwang mapanlaban, at isulong ang karapatan ng mga api at mahihirap.

Pasang Krus ng mga Manggagawa at Maralita sa Ilalim ni Aquino

Kadusta-dusta ang kalagayan ng mga manggagawa, lalo nang ipatupad noong 2012 ang Two Tiered Wage System o DO 15 – IVA dito sa CALABARZON. Isang sistema ng sahuran ang TTWS kung saan lalo pang pinabababa ang napakababa na ngang minimum na sahod mula sa P315 patungong P255 na floor wage.

Kasabay nito ipinatutupad na din ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment bilang bahagi ng kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan. Ipinaubaya na ng tuluyan sa mga militar at kapulisan ang pananatili ng “peace and order” tuwing may labor dispute sa mga pagawaan. Ang kasunduang ito ang ginamit sa pagawaan ng Philsteel kung saan ilang beses na dinahas at nilinlang ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsasabwatan ng DoLE, kapitalista, at mga kapulisan.

Dagdag dito ang tila epidemyang lumalaganap na kontraktwalisasyon—isang iskemang pagtitipid na unti-unting pumapatay sa mga manggagawa. Sa ngayon, mahigit 60% ng kabuuang hukbong paggawa ang nakapailalim sa kontraktwalisasyon, at tinatago sa iba’t ibang katawagan tulad ng OJT, agency workers, kooperatiba, at interns. Sa pagawaan ng Takata, NXP, PAC, SMP, at Hoya, makikita ang malaking diperensya ng bilang ng mga regular sa kontraktwal.

Nagsisilbing Poncio Pilato ang katauahan ni Rosalinda Baldoz, kalihim ng DoLE, bilang pangunahing tagapagpatupad ng mga anti-manggagawang batas ng estado.

Samantala, walang humpay ang demolisyon na kinakaharap ng mga maralitang lungsod sa Timog Katagalugan dahil sa Proyektong CALABARZON sa ilalim ng Public-Private Partnership Program (PPP) ng rehimeng US – Aquino.

Libo-libong pamilya na naninirahan sa baybay lawa, baybay ilog, at tabing riles ang sapilitang pinapaalis at inililipat sa mga relokasyon na hindi naman angkop na panirahan. Dahil sa kawalan ng hanapbuhay at serbisyong panlipunan, naitutulak sa mga di kanais-nais na gawain tulad ng pagnanakaw, panghoholdap, pagkalulong sa droga at prostitusyon ang mga maralita. Ganito ang sinapit ng mga mamamayang sa Southville at iba pang relokasyon sa rehiyon.

Sino ang tunay na manunubos?

Sa loob ng napakahabang panahon, napatunayan nang hindi ang pagpagpapalit ng mga pangulo at mga namumuno sa gobyerno ang magiging kasagutan sa ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino. Hindi matatakasan ang pasaning krus ng mamamayan kung patuloy lang na aasa sa mga pangako ng mga nagbabalatkayong manunubos.

Tanging ang mamamayan lamang ang makakapagpaalis ng krus na kanyang pinapasan. Kaya nararapat na magpunyagi, patuloy na labanan at ilantad ang mga mapanlinlang na patakaran ng gobyerno ng mga bulaang propeta ng mga imperyalistang lumikha ng pasaning krus ng sambayanang Pilipino.

Sama-samang kumilos at ilantad ang mga traydor katulad ni Hudas Eskaryote at mapanlinlang na mga Poncio Pilato! Isulong ang karapatan ng mga api at mahihirap!

Two Tiered Wage System, Anti-manggagawa, IBASURA!

TIPC Manifestos of Commitment, TUTULAN, LABANAN, HUWAG PAHINTULUTAN!

Public Private Partnership ni Aquino, Salot sa Mamamayan, IBASURA!

Sahod, Trabaho, at Karapatan, IPAGLABAN!

Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa, ISULONG!

 

Manggagawa ng TK, Patalsikin ang Inutil at Tuta ng Kapitalista na si DoLE Sec. Rosalinda Baldoz!

Umabot na sa sukdulan ang pambubusabos ng DoLE, sa pangunguna ng kasalukuyang kalihim na si Rosalinda Baldoz, sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan. Matapos gawing laboratoryo ng DoLE sa pagpapatupad ng iba’t ibang anti-manggagawa at anti-mamamayang panukala ang rehiyon, sistematikong sinusupil ang mga unyon at organisasyon, at tuluyang tinalikuran ng ahensya ang kanyang obligasyon sa hanay ng mga manggagawa, walang ibang nararapat gawin kundi ang ipanawagan ang pagpapatalsik sa inutil na kalihim ng ahensyang ito.

Sama-samang pahayag ng manggagawa: Patalsikin si Sec. Baldoz!

Nitong nakaraang taon, kasabay ng pagdiriwang ng mamamayan sa Unibersal na Deklarasyon ng Karapatang Pantao, sinugod ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan, kasama ang mga magsasaka, kabataan, maralita, at kababaihan, ang tanggapan ng Department of Labor and Employment. Sa pagkilos na iyon, pormal na ipinahayag ng mga manggagawa ng TK ang mariing disgusto sa pamamalakad ng kasalukuyang kalihim ng ahensya. Upang ipakita ang galit ng mga manggagawa kay Sec. Baldoz, hinilamusan ng pulang pintura ang harap ng tanggapan. Nagsilbi itong simbolo ng panibago at mas malakas na panawagan para sa karapatan ng manggagawang matagal nang tinalikuran at niyuyurakan ng ahensya.

TK bilang Laboratoryo ng mga Eksperimento ng DoLE: Pagyurak sa Karapatan ng Manggagawa

Matagal na tiniis ng mga manggagawa ng TK ang kainutilan at pagiging berdugo sa hanay ng mga manggagawa ni Sec. Baldoz. Sa napakaraming pagkakataon, tinuring ni Baldoz na lunsaran ng mga kontra-manggagawang panukala at patakaran ang rehiyon.

Matatandaang noong nakaraang taon, ipinatupad ang Two-Tiered Wage System o DO 15-IVA sa CALABARZON, kung saan lalo pang nailagay sa kalunos-lunos na kalagayan ang mga manggagawa. Mula sa dating P315 na minimum wage sa rehiyon, ipinakilala ang P255 floor wage na walang ibang idinulot kundi paghihirap sa manggagawa, at sa kabilang banda, mas malaking tubo para sa mga kapitalista. Imbes na ipatupad ang mahigit-dekadang panawagan ng manggagawa para sa P125 across-the-board dagdag sahod, lalo pa nitong ipinako ang sahod ng manggagawa sa TK para sa kapakinabangan ng mga kapitalista. Gayundin, itinutulak mismo ng panukala ang pagbibigay na lamang ng productivity-based pay—na pagpapakita ng mapanganib na pagtalikod ng ahensya sa kanyang responsibilidad na dinggin ang mga hiling ng manggagawa para sa nakabubuhay na sahod.

Kasabay nito, pinirmahan din ng DoLE ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment sa TK noong 2012. Sa kasunduang ito, tuluyan nang ipinauubaya sa mga militar at kapulisan ang pagpapanatili ng “peace and order” sa tuwing may labor dispute sa mga pagawaan. Labag man sa mga internasyunal na makataong batas, pinapayagan ng kasunduan ang paglalabas-masok at pagtatayo ng mga kampo at detachment ng mga militar sa mga pagawaan at mga lugar na malapit sa mga ito. Pinapahintulutan na rin ang pangingialam ng mga armadong pwersa ng gobyerno sa mga usapin sa pagitan ng mga manggagawa at kapitalista.

Unang naging guinea pig ng eksperimentong ito ang mga nakawelgang manggagawa ng Philippine Steel. Matapos talikuran ng kapitalista sa pakikipagnegosasyon sa CBA, sunod-sunod na tinanggal ang mga kasapi at pamunuan ng

unyon. Nang magtayo ng kanilang picketline, marahas itong binuwag ng mga company security guards at kapulisan sa kahilingan ng kapitalista, ayon sa nakasaad sa TIPC MOC.

 

Paglaganap ng Kontraktwalisasyon, Pagmasaker sa Hanapbuhay ng Mamamayan

Sa ilalim din ng panunungkulan ni Baldoz, walang tigil na ipinatupad ang kontraktwalisasyon sa iba’t ibang pagawaan sa Timog Katagalugan. Umabot na sa mahigit 60% ng kabuuang hukbong paggawa sa rehiyon ang nakapailalim ngayon sa iba’t ibang porma ng kontraktwal na empleyo, tulad ng kooperatiba, OJT, interns, at agency workers. Higit na mas mababa ang sahod na tinatanggap ng mga manggagawang kontraktwal, at walang benepisyo tulad ng health benefits at leave. Higit sa lahat, walang kaseguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal, at walang karapatan sa pagtatayo ng unyon ayon sa batas paggawa ng bansa. Makikita ang napakaraming kontraktwal sa mga pagawaan tulad ng Purefoods, Hoya, Honda, Toyota, Nestle, Takata, NXP, at Carina.

Bagama’t pinagmamalaki ni Baldoz ang pagtaas diumano ng bilang ng mga Pilipinong nagkaroon ng “fulltime” na trabaho, mapapansing hindi na nito ginamit ang terminong “regular” sapagkat ang nais nitong ipalaganap ay ang kontraktwal at di-permanenteng empleyo na pagkukunan ng napakalaking tubo ng mga kapitalista.

Baldoz, DoLE, Tuta ng Kapitalista

Hindi maitatanggi ang pagpanig ng DoLE sa mga kapitalista, batay na rin sa mga resulta ng mga kasong isinampa ng mga manggagawa sa Labor Arbiter at National Labor Relations Commission—parehong sangay ng ahensyang DoLE. Halos mabibilang lamang sa daliri ang mga kasong naipanalo ng mga manggagawa laban sa mga kapitalista. Sa napakaraming pagkakataon, kahit pa may desisyong pabor sa manggagawa, hindi tumutupad ang kapitalista sa mga ito at walang ginagawang kongkretong hakbang ang DoLE upang tiyakin ang pagsasakatuparan ng mga desisyon.

Habang lumalakas ang daing ng mga manggagawa ng TK, nananatiling bingi at inutil si Sec. Baldoz sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang kalihim ng DoLE. Gamit si DoLE Undersecretary Rebecca Chato na nagsisilbing pacifier tagapagpakalma ni Baldoz, pilit na pinatatahimik at binubuhusan ng malamig na tubig ang naglalagablab na damdamin ng mga manggagawang sabik sa katarungang panlipunan at kalayaan mula sa pagsasamantala ng mga kapitalista.

Tuloy ang laban ng mga manggagawa para sa sahod, trabaho, at karapatan!

Walang maaasahan ang hanay ng manggagawa sa ahensya ng DoLE, lalo’t higit sa kanyang kalihim na si Rosalinda Baldoz. Marapat lamang na tuluyan na siyang patalsikin, at ituloy ang laban ng manggagawa hanggang sa makamit ang tunay na hustisyang panlipunan. Hangga’t nakaupo bilang kalihim ang isang inutil at tuta ng kapitalista, hindi magkakaroon ng paborableng kalagayan para sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan at buong bansa. Tanging sa sama-samang pagkilos laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo mawawalan ng puwang sa gobyerno ang mga tuta ng kapitalista tulad ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz.

DoLE Sec. Rosalinda Baldoz, INUTIL, PATALSIKIN!

ITIGIL ang kontraktwalisasyon sa paggawa! DO-18A, IBASURA!

Two-Tiered Wage System, IBASURA! TIPC MOC, TUTULAN, LABANAN, HUWAG PAHINTULUTAN!

Uring Manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!Image