JOINT ADMINISTRATIVE ORDER (JAO) 2014-01: PAHIRAP SA MAMAMAYAN, IBASURA!

JAO

Ipinatupad ng gobyernong BS Aquino ang Joint Administrative Order (JAO) 2014-01 ng LTFRB, DOTC at LTO noong ika-19 ng Hunyo ngayong taon. Nilalaman nito ang mga bagong multa sa mga kolorum na sasakyan: P1 milyon sa bus, P200,000 sa HUV, P120,000 sa taxi, P50,000 sa jeep, at P6,000 sa tricycle. Idagdag pa dito ang pinakamababang multa na P1,000 hanggang P5,000 para sa paglabag sa mga batas trapiko.

Hindi makatwiran at dagdag na pahirap ito hindi lang sa mga tsuper at maliliit na opereytor kundi maging sa mga manggagawa at mamamayang nagpapakapagod araw-araw sa paghahanapbuhay. Sa halip na resolbahin ang ugat ng problema ng sistema ng transportasyon sa bansa, mga batas na unti-unting pumapatay sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ang ipinapatupad ng gobyernong BS Aquino.

Sa loob ng mahabang panahon, saksi tayong lahat kung paanong ang ganitong mga patakaran ay ginagawang negosyo ng mga pulis at mga ahensya ng gobyerno tulad ng LTFRB. Isa itong malinaw na larawan ng burukrata kapitalismo o ang pagturing sa paggogobyerno bilang negosyo.

Tulad ng mga manggagawa, ang mga tsuper at mga opereytor ay higit pa sa 8 oras na nagbabanat ng buto para lang ang malaking porsyento ng kinikita ay mapunta sa gobyerno sa pamamagitan ng mga buwis at samu’t saring bayarin. Maging ang simpleng pamasahe ng mga mangagawa at ordinaryong mamamayan ay may porsyento na napupunta sa gobyerno bilang buwis.

Subalit ano ang tugon ni BS Aquino? Nakamamatay na mga batas habang nagpapakasasa sa bilyon-bilyong kurakot mula sa pinaghirapan ng mamamayan. Para itong baliw na ipinagtatanggol pa ang DAP at ibang porma ng pork barrel kahit idineklara na ng Korte Suprema na labag ito sa batas.

Ngunit hindi pa nagkasya sa nakukurakot, kaya’t mga tsuper at opereytor naman ang huhuthutan sa pamamagitan ng mapanupil na JAO. Matinding kahirapan sa loob ng apat na taon ang napala ng mamamayan sa ‘tuwidna daan’ ni BS Aquino. Hindi na dapat pang tapusin ang kanyang termino. Ang pagpapatuloy ng kanyang panunungkulan ay pagpapatuloy ng dumaraming nagdurusa at namamatay dahil sa malubhang kahirapan.

IBASURA ANG JOINT ADMINISTRATIVE ORDER 2014-01!

ITAKWIL ANG DOTC, LTFRB AT LTO!

BUWAGIN ANG PORK BARREL SYSTEM!

IBAGSAK ANG BURUKRATA KAPITALISMO!

PATALSIKIN SI NOYNOY AQUINO!

Advertisements

DRIVER AT MAMAMAYAN, MAGKAISA! JOINT ADMINISTRATIVE ORDER (JAO), PAHIRAP SA MGA TSUPER AT OPEREYTOR! IBASURA!

PAHAYAG NG STARTER-PISTON

JAO

Hindi na makawala sa matitinding pasanin at mga bayarin ang sektor ng Transportasyon at malawak na hanay ng mamamayan sa hagupit ng mga mapanupil na batas at di makatwirang patakaran ng ilang ahensya kagaya ng LTO, LTFRB  at  DOTC  kasabwat ang kongreso at senado.

Hanggang sa ngayon nagkakasya na lamang ang mamamayan at mga kababayan nating Tsuper at maliliit na Opereytor sa pagtitiis dahil, hanggang sa ngayon, hindi pa ibinabalik ang Over Pricing  sa Langis na ninakaw nila sa mamamayan. Dagdag pa rito ang matagal ng panawagan ng mamamayan na pagbabasura sa  RA-8479  o  Oil  Deregulation  Law – batas na nagbibigay laya sa mga Dayuhang  Monopolyo  Kapitalista  tulad ng CALTEX, PETRON at SHELL upang direktang kontrolin ang Presyo ng Langis dito sa ating bansa.

Subsob  sa pagpapagod na halos inaabot ng 10 hanggang 12 oras sa pagbiyahe ang mga kababayan nating Tsuper matugunan lamang ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Dagdag pa rito ang samot saring bayarin at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, pangunahing bilihin, at dagdag singil sa kuryente at tubig. Hindi na halos mapag-aral ang kanilang mga anak. Sa panahon ng pagkakasakit ay nagtitiis na lamang dahil sa programang PPP  ni pangulong “NOYNOY AQUINO” ay isinasapribado na ang mga pampublikong ospital at mga pampublikong paaralan.

Batbat na sa katiwalian ang rehimeng US-BS AQUINO subalit sadyang walang kapagurang nagpapahirap sa mamamayan, partikular sa hanay ng Transportasyon, para  sa patuloy na pagpiga sa lakas ng mga Tsuper. Ipinatupad ang makadayuhang batas na Department Order # 2008-39  na naglalaman ng 1,000% dagdag multa sa mga mahuhuling lalabag sa batas trapiko. Dahil sa pagtutol ng sektor ng Transportasyon, dalawang beses ng naglabas ng desisyon ang Regional Trial Court ng Baguio  na Unconstitutional  ang batas na ito. Ngunit sadyang bingi ang administrasyong AQUINO dahil mas binigyang pansin nito ang perang makokolekta mula dito na madadagdag sa  Pork Barrel.

“Matuwid na daan” ang tinatahak ng rehimeng US-AQUINO  para patuloy na pahirapan ang sektor ng Transportasyon at malawak na hanay ng mamamayan. Nito lamang Hunyo 19, 2014 ay nagpatupad ito ng di makatwirang batas – ang JOINT ADMINISTRATIVE ORDER (JAO) – na naglalaman ng ilang libong ulit na porsiyentong dagdag multa. Isang milyon sa Bus, 200 libo sa HUV, 120 libo sa Taksi, 50 libong piso sa Colorum at Out of Line sa jeepney, at 6000 sa Tricycle. Bukod pa ang mga mahuhuling lalabag sa mga batas trapiko na may pinakamababang multa na nagkakahalaga ng 1,000 hanggang 5,000 piso.

Patunay lamang  ito na wala ng aasahan ang mamamayan para makaahon sa kahirapan. Hangga’t si NOYNOY AQUINO ay nagsisilbi lamang sa kanyang amo at BOSS na ESTADOS UNIDOS,  patuloy na makakaranas ng kahirapan ang buong sambayanang Pilipino. Ang ganitong batayan ay sobra-sobra na upang magsama-sama tayong mga mamamayan para palakasin ang ating pagkakaisa upang patalsikin na sa puwesto ang PAPET, PAHIRAP, KURAP at maka-IMPERYALISTANG PANGULONG NOYNOY AQUINO!

DRIVER AT MAMAMAYAN MAGKAISA! ITAYO ANG TUNAY NA GUBYERNO NA MAGSISILBI SA BAYAN NA MAY SOSYALISTANG PERSPEKTIBA!

Labis-labis na multa, kontra-driver at kontra-mamamayan, Ibasura!

Labis-labis na multa, isang porma ng korapsyon, Labanan!

Labis-labis na multa, pahirap sa driver at mamamayan, Ibasura!

Labanan dagdag na korapsyon ng rehimeng Noynoy AQUINO!

 

Makiisa at lumahok sa Pambansa Koordinatong protesta bukas, October 27, laban sa JAO at iba pang mapanupil n abatas tulad ng Oil Deregulation Law!

                                                                                          

‘Sobra na! Tama na!’ –sigaw ng mamamayan sa pagtaas ng presyo at mga bayarin

Naglunsad ng kilos-protesta ang mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa Balibago, Sta. Rosa Laguna ganap na ika-2 ng hapon ngayong araw. Kasabay ng pambansang protesta laban sa pagtaas ng mga presyo at bayarin, ipinaabot ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang pakikiisa nito sa panawagan ng mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Muli na namang nagtaas ang presyo ng produktong petrolyo ngayong araw, Hulyo 16. Itinala ng Department of Energy bilang pinakamataas na increase sa loob ng taong 2013 ang P1.20 dagdag sa presyo sa kada litro ng gasulina, at P0.80 sa diesel. Dahil deregularisado ang presyo ng langis sa bansa, walang kontrol ang gobyerno sa pagtaas nito anumang oras na gustuhin ng mga dambuhalang kartel sa langis.

Nakaamba rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng tinapay dahil pangunahing nakaasa ang ekonomiya sa pag-aangkat ng mga produkto tulad ng harina.

Samantala, nagtaas na naman ang singil sa kuryente at patubig dahil ipinapasa ng mga pribadong kumpanya tulad ng MERALCO ang kanilang buwis sa mga consumer.

Sa kabilang banda, nakaplanong taasan ng P33 ang buwanang kontribusyon sa SSS at P100 sa Pag-ibig, gayundin sa Philhealth.

May 350 kolehiyo at unibersidad, at mahigit 1100 pribadong paaralan sa elementarya at hayskul na pinayagang magtaas ng matrikula ngayong taon.

Magtataas din ang bayarin sa mga ospital dahil sa patuloy na pribatisasyon ng mga pampublikong ospital dulot ng programang Public-Private Partnership (PPP).

Walang tigil ang demolisyon sa hanay ng mga maralita dahil na rin sa PPP, at kagustuhan ng administrasyong Aquino na pagbigyan ang mga proyekto ng malalaking kapitalista. Sa Lupang Arenda, isang relokasyon sa probinsa ng Rizal kung saan itinapon ang libo-libong mamamayan mula sa tabing-riles, may nakaambang demolisyon dahil sa Global City Extension project ng gobyerno.

“Habang patuoy na nakapako ang sahod ng mga manggagawa at walang kaseguruhan sa trabaho dulot ng malawakang kontraktwalisasyon, sabay-sabay namang nagtataas ang mga bayarin at presyo ng mga bilihin. Sa kabila ng pangangalandakan ng rehimeng Aquino na mayroong paglaki ang ekonomiya, walang ibang nararamdaman ang mamamayan kundi krisis at ibayong kahirapan dahil sa pagiging tuta ni Aquino sa kanyang mga among dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit nagpoprotesta ang mamamayang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayon.” Ani Hermenegildo Marasigan, tagapagsalita ng PAMANTIK-KMU.

“Nasaan ang tuwid na daan? Ang tanging nakikita ng mga manggagawa at mamamayan ay kumunoy ng kahirapan kung saan unti-unting ibinabaon sa krisis at pagdurusa ang mga manggagawa at kanilang pamilya. Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni Aquino, puro kasinungalingan at kayabangan ang ibinubulalas nito sa mamamayan.” Dagdag ni Marasigan.

“Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na ibuhos ang kanilang galit sa lansangan. Wala nang panahon upang magkibit-balikat dahil ginagawa tayong pulubi sa sarili nating bayan. Habang nagpapakaalipin sa mga kapitalista ang mga manggagawa, buong araw na nagpapagod ang mga tsuper at manininda sa paghahanap-buhay, at halos hindi na makatulog sa pag-iisip ang mamamayan kung saan kukunin ang kanilang panggastos sa pang-araw-araw, ipinapatupad naman ng rehimen ang mga maka-kapitalista at maka-dayuhang mga polisiya na nagtutulak sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”

“Naghahanda ang mamamayan para sa isang malaking protesta sa araw ng SONA ni Aquino, kung saan inaasahang maglulubid muli ito ng mga kasinungalingan. Isa lamang ang tiyak: dahil sa pagtaas ng presyo at mga bayarin, dadaluyong ang mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa Kamaynilaan upang ilahad ang tunay na state of the nation.”, pagtatapos ni Marasigan.###