Manggagawang kontraktwal ng Meralco (MIESCOR), walang liwanag ang buhay!

“May liwanag ang buhay” – ito ang pangakong dala sa atin ng Meralco, sa kanilang pagdadala ng kuryente sa ating mga kabahayan.

Ngunit, tulad ng mga panaka-nakang brownout, baon din sa napakong mga pangako at dilim ng buhay ang mga manggagawang kontraktwal sa Meralco!

Ilang taon nang nagdurusa ang mga manggagawa ng Meralco Industrial Engineering Services Corporation (MIESCOR), isang subsidiary ng MERALCO sa Sto. Tomas, Batangas, sa napakababang sahod, kawalan ng benepisyo at iba pang mga dinaranas na hirap ng mga manggagawang kontraktwal sa ating bansa.

Dahil dito, nagtayo na ng unyon ang MIESCOR: ang Bisig, Ilaw at Gabay ng Manggagawa sa MIESCOR. Sa gabay ng tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo, nagsagawa na ng piket-protesta ang mga manggagawa ng MIESCOR. Ang kanilang nais: ibigay ang tamang sahod, benepisyo at karapatan – regularisasyon para sa kanilang mga manggagawa!

Upang maunawaan ang isinasagawa ngayong piket ng mga manggagawa ng MIESCOR, kailangan nating malaman kung ano ang dahilan ng kanilang pagkakaisa at pagkilos:

  • Labimpitong taon nang kontraktwal ang mga manggagawa ng MIESCOR.
  • Muli silang pinapipirma ng panibagong kontrata, na hindi magbibigay ng separation pay.
  • Nakasaad sa Labor Code ng bansa ang regularisasyon matapos ang 6 buwan.

Ang piket ay ikaapat nang beses nilang pagsubok sa paglabas ng kanilang mga hinaing. Sa pagkakataong ito, hindi na nila papayagang maharangan pa ng pananakot at karahasan ng management ng MIESCOR. Nasa mga manggagawa ng MIESCOR na ang lahat ng dahilan upang magprotesta at panindigan ang regularisasyon at marangal na hanapbuhay.

Ang patuloy na pagkait sa kanila ng nararapat nilang matamasang nakabubuhay na sahod, benepisyo at karapatang mabuhay ay hindi kailanman papayagan nating mga manggagawa! Sinundan na ng mga yapak ng mga manggagawa ng MIESCOR ang mga naunang pagtindig ng mga manggagawa ng La Tondeña, Nestle, Philsteel, Coca-cola, Tanduay at Karzai – na, katulad ng iba pang mga welga sa kasaysayan ng bansa, ay nagpapatunay lamang na walang kaginhawaan para sa manggagawa sa ilalim ng isang mapaniil at sinungaling na sistema.

Ang ipinutok na laban ng mga manggagawa ng MIESCOR ay isang panawagan na para sa mga manggagawang kontraktwal upang itaguyod ang sahod, trabaho at karapatan; itayo ang unyon ng manggagawa sa bawat pabrika, at manindigan para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Gaya ng mga naunang nabanggit na mga welgang manggagawa, kailangan ng mga manggagawa ng MIESCOR ng malawak na suporta mula sa iba’t ibang unyon at sektor ng ating lipunan.

Kaya, magkaisa at manawagan:

SUPORTAHAN ANG MGA MANGGAGAWA NG MIESCOR – STO. TOMAS, BATANGAS!
IBIGAY ANG TAMANG SAHOD, BENEPISYO AT KARAPATAN!

Advertisements

‘Huwag niyo kaming paglaruan!’ – PAMANTIK kay Aquino sa P0.013 rolbak ng MERALCO

MERALCO rollback not enough

“Huwag niyo kaming paglaruan!” Ito ang sabi ni Wenecito Urgel, Pangalahatang Kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), sa rehimeng Aquino matapos ang P0.13/kwh rolbak sa singil ng Manila Electric Company (MERALCO).

 “Matapos itaas ng MERALCO ng P4.15/kwh ang singil nito sa kuryente, sang-ayon sa kanyang nakaplanong 3-yugto ng pagtataas ng singil, tila planado ding inirolbak ito nang P0.013/kwh kahapon upang pahupain ang pag-alma ng mamamayan.”

 “Mabilis pa sa kidlat kung aprubahan ang mga pagtaas ng singil na inihahain ng mga pribadong kumpanya, tulad ng MERALCO—ito pa rin ang matingkad sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Hindi na nito kayang pigilan at pagtakpan ang pagkasuklam ng mamamayan sa kanyang panunungkulan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng mga bayarin at presyo ng mga bilihin.” Ani Urgel.

 Nakatakdang mag-expire ang TRO sa pagtaas ng singil ng MERALCO sa Pebrero 23. Sa kabilang banda, naghain ng extension ng nasabing TRO ang mga progresibong grupo, kabilang ang Kilusang Mayo Uno.

 “Walang saysay ang isang sentimong rolbak. Insulto lamang ito sa milyon milyong Pilipino na hindi na magkaugaga dahil sa taas ng presyo ng mga bayarin, habang nakapako ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Sa loob ng mahabang panahon, ipinapasa ng MERALCO ang pasanin sa mga konsyumer nito dahil pinahihintulutan ito ni Aquino. Ito na rin mismo ang dahilan kung bakit walang pag-aalangang bumibili ito ng suplay ng kuryente sa malaking na halaga—dahil itong bawiin mula sa singil sa mga konsyumer. Samantala, walang tigil ang pagbubulsa ng dambuhalang tubo ng ganid na kumpanyang ito.” Paliwanag  ni Urgel.

 Umabot sa P16.3 bilyon ang tinubo ng kumpanya noong 2012. Target naman nitong kumita ng P17 bilyon ngayong taon. Sa nagdaang anim na taon, lumobo ng halos 60% ang taunang kita nito. Ang MERALCO ang may pinakamalaking tubo sa lahat ng mga kumpanya sa bansa dahil malaya itong magtaas ng singil anumang oras, sang-ayon sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 o R.A. 9136 (EPIRA).

 “Tuloy-tuloy ang pagkilos ng mga manggagawa at mamamayan upang maibasura ang EPIRA, at maipakitang hindi kailanman magpapalinlang ang sambayanan sa dilaw na propagandang hatid ng rehimeng US-Aquino.” Pagtatapos ni Urgel.###

(Photo grabbed from http://www.philstar.com)

Hinggil sa Mataas na Singil sa Kuryente: Bam Aquino, para sa Kapitalista, Anti-Mamamayan!

Kamakailan, hinagupit tayo ng panibagong pagtataas ng singil sa kuryente. Dahil sa petisyong inihain ng Bayan Muna Partylist at iba pang mga kabilang sa Makabayan Bloc, naglabas ang Korte Suprema ng 60-araw na Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Manila Electric Company (MERALCO) at Energy Regulatory Commission (ERC) upang pansamantalang pigilan ang pagpapatupad sa nakaambang pagtataas sa sisingilin sa mga konsumer. Dahil dito, nagpahayag ang Meralco na kung pipigilan ang kanilang mungkahing pagtataas ng P4.15 kada kilowatt hour sa singil sa kuryente, ay hindi nila maiiwasang magkaroon ng malalawakang blackouts at power shortages. Dagdag pa nila, itinutulak ang pagtaas ng singil dahil sa na-oobliga silang bumili ng mataas na presyo ng kuryente sa ibang mga power plants sa panandaliang pagsasara ng Malampaya.

Hindi pinalampas ng Tagapangulo ng Komite ng Trade, Commerce, and Entrepreneurship na si Senador Bam Aquino ang isyung ito. Maaaring magresulta raw ang rotational power shortages at blackouts sa pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo na sa kalauna’y magsasanhi ng pagbagsak ng ekonomiya. Magbubunga raw ito ng pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa sa Kamaynilaan at mga karatig bayan sa Luzon. Ayon kay Senador Aquino, maiiwasan ang nakaambang pagtataas ng singil sa kuryente at ang mga blackouts kung ipauubaya sa mga pribadong korporasyon at kumpanya ang industriya ng kuryente sa bansa. Makikitang parehong mag-isip ang mag-pinsang Noynoy at Bam Aquino sa pagtugon sa pangunahing suliranin ng mga mamamayan. Kunwa’y iniisip nila ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino ngunit ang tunay na layunin ay ang madulas na pagkakapasok ng pribadong sektor sa industriya ng kuryente – mangangahulugan ito ng patuloy at mas matataas pang singil sa kuryente.

Ani Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), “Bagamat hiwalay sa Maynila, ang ilang parte ng Timog Katagalugan ay nasasakop ng operasyon ng Meralco at anumang klase ng pagtataas ng singil dito ay mararanasan ng mga manggagawa at mamamayan sa ating rehiyon. Unti-unti nang ipinapakita ng mga bagong upong senador ng halalang 2013, katulad ni Bam Aquino, ang tunay nilang layunin sa ating bansa at sasahol pa ito sa pagtagal nila sa pwesto.” 

Dagdag pa ni Urgel, “Ang kailangan natin ay kongkreto at pangmatagalang pamamaraan sa pagpigil sa mataas na pagsisingil sa kuryente. Kung totoong seryoso si Noynoy Aquino na tugunan ang problemang ito sa kuryente, dapat ay kagyat na kilalanin at isabatas ang House Bill 256 na naglalayong ibasura ang EPIRA Law at alisin ang monopolyo ng mga kapitalista sa kuryente. Para matiyak na hindi pabigat sa mamamayan ang pagtaas ng singil sa kuryente, dapat na manindigan ng gobyerno para sa mga serbisyong sosyal, kunin ang pamamahala nito sa mga pribadong namumuhunan at isabansa ang industriya ng kuryente.”

Sa darating na ika-21 ng Enero magaganap ang oral arguments ng Korte Suprema hinggil sa isyung ito. Magkakaroon ng pagkilos ang mga manggagawa’t mamamayan para bantayan ang magiging resulta ng pagpupulong.

 

Pigilan ang pagtataas ng singil sa kuryente!

Ibasura ang EPIRA Law!

Labanan ang kabulukan ng mga Aquino!Image

BAGONG TAON, BAGONG PAGTAAS NG MGA BAYARIN

Nagpalit na ng taon ngunit wala pa ring malinaw na resolusyon ang gubyernong Aquino para sa pagpawi ng laganap na kahirapan sa bansa. Hinahayaan pa nito na lalong maghirap ang mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bayarin at presyo ng bilihin.

Sa halip na pagpapataas ng sahod, mas mataas na singil sa mga bayarin ang regalo ni Noynoy sa manggagawang Pilipino: 

  • mula P175, magiging P200 ang babayaran ng mga PhilHealth members na may trabaho;
  • mula 10.4%, magiging 11% na ang ikakaltas sa buwanang sweldo ng mga SSS members. Ito ay katumbas ng karagdagang kaltas na P25 para sa mga kumikita ng minimum wage;
  • dagdag na P4.15 per kilowatt-hour sa singil ng Meralco; at
  • dagdag na P5 hanggang P15 sa presyo ng isang kaha ng sigarilyo.

Sabi ng gubyernong Aquino, ang pagtataas ng singil sa kontribusyon sa SSS ay dahil wala nang sapat na pondo ang ahensya para sa retirement at iba pang benefits ng mga miyembro nito. Ito ay isang malaking kasinungalingan. Ayon kay Bayan Muna Representative Neri Colmenares, ang assets at investments ng ahensya noong 2010 ay tumataginting na P345 bilyon. Bukod pa rito ang kita taon-taon na umaabot ng P21-23 bilyon at ang mga kokolektahin pa na aabot sa P8.5 bilyon. Kaya hindi kataka-taka na noong Nobyembre 2013, pumutok ang isyu na P10 milyon bonus para sa mga miyembro ng Board of Directors ng ahensya at P276 milyon bonus naman para sa mga empleyado nito. Noong 2010 ay tumanggap ng P200 milyon bonus ang mga executives ng ahensya. Patunay ito na sa tuwid na daan ni Noynoy ay walang maayos na paggastos ng kaban ng bayan at kabi-kabila ang kurapsyon.

Sa pagtataas ng singil sa kuryente, walang pangil ang gubyernong Aquino na kontrolin ang pagkagahaman ng power cartel – mga kompanyang may monopolyo sa pagsu-supply ng kuryente. Sa halip, isinisisi ng gubyerno ang walang humpay na pagtataas sa Energy Power Industry Reform Act (EPIRA) ngunit wala itong plano na ibasura ang batas. Ayon kay PAMANTIK Secretary General Wenecito Urgel, “Pinagmumukha ng gubyernong Aquino na sila ay helpless o wala nang pwedeng gawin para pigilan ang mga pagtaas. Kinukundisyon ang isip ng mga nagbabayad na tanggapin na lang ng dagdag na singil habang pinapaliit nang pinapaliit ang sahod.”

Nakaamba din ang muling pagtaas ng singil sa pamasahe dahil sa maya’t mayang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ngayong buwan, inaasahan ang rollback na P0.40 hanggang P0.60 sa presyo ng kada litro ng diesel. Maglalaro naman sa P0.15 hanggang P0.35 ang itatapyas sa presyo ng kerosene. Bumaba ng bahagya ang presyo ngunit malayo ito sa napakataas na oil price hikes. Nitong nakaraang Disyembre, tumaas ng P1.10 hanggang P1.25 ang presyo ng kada litro ng gasolina at P0.50 hanggang P0.70 kada litro ng diesel. Hindi pa kasama dito ang mga nakaraang pagtaas sa presyo.

Ang bawat pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay nakakaapekto din sa presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng gulay. Subalit kagaya ng singil sa kuryente, hindi ito makontrol ng gubyernong Aquino dahil naman sa Oil Deregulation Law na nagbibigay laya sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo.

Natapos ang 2013 na nasa gitna ng natural na kalamidad at kalamidad ng gubyernong Aquino ang mga mamamayan. Bago at pagkatapos humagupit si Yolanda, nalantad sa buong daigdig ang pagiging incompetent o kawalan ng kakayanan at pagiging inutil ni Noynoy Aquino. Halos umabot na sa 10,000 ang bilang ng mga namatay. Ito ay dahil mas pinili ni Noynoy na ilaan ang malaking bahagi ng bilyon-bilyong pondo ng NDRRMC sa relief distribution sa halip na ipagpagawa ng evacuation centers na makakaiwas sana sa sobrang laking pinsala.

Ngayong 2014, maaari sanang magsimulang muli ang mga biktima ni Yolanda at ng gubyernong Aquino ngunit patung-patong na mga dagdag na bayarin ang sumalubong sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino. May dalawang taon pa si Noynoy bilang pangulo. Maaari itong mangahulugan pa ng mas matitinding hagupit sa porma ng mas matataas na bayarin at mas masahol na pasahod.

Ngunit bago pa tayo lalong malugmok sa kahirapan, dapat nating lalong pagkaisahin ang ating hanay at tiyakin na maibasura ang mga dagdag na bayarin. Sa mga susunod na araw at buwan, ipinapanawagan natin na maging militante laban sa mga anti-manggagawa at anti-mamamayang hakbangin ni Noynoy Aquino.

 

LABANAN ANG MGA DAGDAG NA BAYARIN!

IBASURA ANG EPIRA LAW!

IBASURA ANG OIL DEREGULATION LAW!

MAGHIMAGSIK LABAN SA GUBYERNONG AQUINO!

ITAYO ANG PAMBANSANG INDUSTRIYA NG LANGIS AT KURYENTE!

‘Sobra na! Tama na!’ –sigaw ng mamamayan sa pagtaas ng presyo at mga bayarin

Naglunsad ng kilos-protesta ang mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa Balibago, Sta. Rosa Laguna ganap na ika-2 ng hapon ngayong araw. Kasabay ng pambansang protesta laban sa pagtaas ng mga presyo at bayarin, ipinaabot ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang pakikiisa nito sa panawagan ng mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Muli na namang nagtaas ang presyo ng produktong petrolyo ngayong araw, Hulyo 16. Itinala ng Department of Energy bilang pinakamataas na increase sa loob ng taong 2013 ang P1.20 dagdag sa presyo sa kada litro ng gasulina, at P0.80 sa diesel. Dahil deregularisado ang presyo ng langis sa bansa, walang kontrol ang gobyerno sa pagtaas nito anumang oras na gustuhin ng mga dambuhalang kartel sa langis.

Nakaamba rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng tinapay dahil pangunahing nakaasa ang ekonomiya sa pag-aangkat ng mga produkto tulad ng harina.

Samantala, nagtaas na naman ang singil sa kuryente at patubig dahil ipinapasa ng mga pribadong kumpanya tulad ng MERALCO ang kanilang buwis sa mga consumer.

Sa kabilang banda, nakaplanong taasan ng P33 ang buwanang kontribusyon sa SSS at P100 sa Pag-ibig, gayundin sa Philhealth.

May 350 kolehiyo at unibersidad, at mahigit 1100 pribadong paaralan sa elementarya at hayskul na pinayagang magtaas ng matrikula ngayong taon.

Magtataas din ang bayarin sa mga ospital dahil sa patuloy na pribatisasyon ng mga pampublikong ospital dulot ng programang Public-Private Partnership (PPP).

Walang tigil ang demolisyon sa hanay ng mga maralita dahil na rin sa PPP, at kagustuhan ng administrasyong Aquino na pagbigyan ang mga proyekto ng malalaking kapitalista. Sa Lupang Arenda, isang relokasyon sa probinsa ng Rizal kung saan itinapon ang libo-libong mamamayan mula sa tabing-riles, may nakaambang demolisyon dahil sa Global City Extension project ng gobyerno.

“Habang patuoy na nakapako ang sahod ng mga manggagawa at walang kaseguruhan sa trabaho dulot ng malawakang kontraktwalisasyon, sabay-sabay namang nagtataas ang mga bayarin at presyo ng mga bilihin. Sa kabila ng pangangalandakan ng rehimeng Aquino na mayroong paglaki ang ekonomiya, walang ibang nararamdaman ang mamamayan kundi krisis at ibayong kahirapan dahil sa pagiging tuta ni Aquino sa kanyang mga among dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit nagpoprotesta ang mamamayang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayon.” Ani Hermenegildo Marasigan, tagapagsalita ng PAMANTIK-KMU.

“Nasaan ang tuwid na daan? Ang tanging nakikita ng mga manggagawa at mamamayan ay kumunoy ng kahirapan kung saan unti-unting ibinabaon sa krisis at pagdurusa ang mga manggagawa at kanilang pamilya. Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni Aquino, puro kasinungalingan at kayabangan ang ibinubulalas nito sa mamamayan.” Dagdag ni Marasigan.

“Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na ibuhos ang kanilang galit sa lansangan. Wala nang panahon upang magkibit-balikat dahil ginagawa tayong pulubi sa sarili nating bayan. Habang nagpapakaalipin sa mga kapitalista ang mga manggagawa, buong araw na nagpapagod ang mga tsuper at manininda sa paghahanap-buhay, at halos hindi na makatulog sa pag-iisip ang mamamayan kung saan kukunin ang kanilang panggastos sa pang-araw-araw, ipinapatupad naman ng rehimen ang mga maka-kapitalista at maka-dayuhang mga polisiya na nagtutulak sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”

“Naghahanda ang mamamayan para sa isang malaking protesta sa araw ng SONA ni Aquino, kung saan inaasahang maglulubid muli ito ng mga kasinungalingan. Isa lamang ang tiyak: dahil sa pagtaas ng presyo at mga bayarin, dadaluyong ang mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa Kamaynilaan upang ilahad ang tunay na state of the nation.”, pagtatapos ni Marasigan.###