Pag-aalsang EDSA, pagkakaisa laban sa diktadura

Ang Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU) ay nakikiisa sa malawak na hanay ng mamamayan para gunitain ang People Power Revolution na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos.

Mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas ngunit nananatili ang mga dahilan kung bakit nag-aalsa ang sambayanang Pilipino – malawakang kahirapan, pagpapayaman ng iilang nasa kapangyarihan, at panunupil sa mga mamamayang tumutuligsa sa gubyerno.

Sa hanay ng mga manggagawa, nariyan pa rin ang iba’t ibang porma ng pagsasamantala katulad ng malawakang kontraktwalisasyon at hindi nakabubuhay na sahod.

Binaligtad kamakailan lamang ang desisyong regularisasyon sa mga kontraktwal na manggagawa ng Alaska Milk Corporation, at napansin ang nagpapatuloy na kawalang-aksyon sa mga kaso ng mga manggagawang iligal na tinanggal. Tuluyang tumalikod si DoLE Sec. Silvestre Bello III sa kanilang mga panawagan, na siya nang tinaguriang “Walkout King” ng mga manggagawa.

Dagdag pa rito, isinusulong na ang Charter Change ng rehimeng US-Duterte, sa pamamagitan ng supermajority nito sa Kongreso. Lalo lamang na palalalain ang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa patuloy at buo-buong pagpasok ng mga dayuhang korporasyon, at walang-patumangging kontrol ng gobyerno sa ilalim ng Pangulo.

Walang pinakatamang paraan sa paggunita ng People Power Revolution bukod sa patuloy na paglaban sa tiraniya at diktadurya ng kasalukuyang rehimen. Kasabay nito ang panawagan para sa pambansang industriyalisasyon, tunay na reporma sa lupa, at pagpapatupad ng libreng batayang serbisyong panlipunan kasama ang edukasyon, pabahay, at pangkalusugan.

Ito ang naging mga primaryang dahilan ng bayan sa pagwakas sa mahigit dalawang-dekadang diktadurang bumalot sa bansa. At sa pagdating ng isa pang diktadurya, naratapat lamang na salubungin ito ng malawakang pagtutol at protesta. # # #

Advertisements

Tatlumpung taon matapos ang EDSA: Pagpapanumbalik ng delubyo sa manggagawa

02252016-EDSA

“Tama na, sobra na!” ang aming ipinahahayag sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno, sa patuloy na pagpapahirap sa mga manggagawa talumpung taon matapos ang pagpapatalsik sa diktaduryang US-Marcos noong EDSA I.

Nananatili, kung hindi man mas matindi, ang dinaranas na kahirapan ng mga manggagawa sa kasalukuyan – na siyang ninais nilang wakasan noong humugos sila sa mga lansangan tatlumpung taon na ang nakararaan. Inipon lamang ng mga rehimen mula kay Corazon Aquino, hanggang sa kanyang anak na si Benigno, ang mga kasinungalingan at nakakamoplaheng panloloko sa pamamagitan ng iba’t ibang polisiya sa loob at labas ng pagawaan.

Si Corazon Aquino ang naging ina ng kontraktwal at delikadong trabaho. Si Ramos ang naging tagapamandila ng deregulasyon sa ekonomiya, na pumatay sa ating mga likal na industriya. Nangurakot si Estrada sa kaban ng bayan, habang inatake ni Arroyo ang mga pagtitipon ng mamamayan para sa kanilang karapatan. Itong lahat ay ipinamalas ni BS Aquino – na may halong kawalang-bahala at mundong nakadistrongka sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, higit pang mga manggagawang kontraktwal ang biktima ng napakababang sahod – na siyang pinipigilan ng mga kapitalistang magtayo ng unyong magtataguyod sa kanilang interes. Sa paghahabol ng pinakamabababang gastusin, pito hanggang sa siyam na manggagawa ang pinapasok bilang kontraktwal; binubuhay bilang mga binabawian ng dignidad mabuhay. Ang mga welga ng manggagawa, tulad ng sa Tanduay Distillers, Inc., at Karzai Corporation, ay sinalubong lamang ng mga taingang bingi at marahas na pwersa.

Ang ikatlong dekada matapos ang EDSA ay nangahulugan ding panibagong pagkakatapo upang pumili ng mga panibagong lider – na naging kalokohan para sa nakararami. Sa pamamagitan ng ampaw na pangako, unawa na ng mga manggagawa na ang eleksyon sa Mayo ay nangangahulugan lamang ng panibagong serye ng mga atake sa kanilang karapatan.

Sinaling tayo ng mga imperyalistang US at Tsina para sa kanilang makasariling interes ng pandaigdigang dominasyon sa eknomiya at pulitika. Ginamit ng US ang pananakot ng Tsina upang ilapit ang EDCA at ang panibagong mga polisiyang neoliberal sa pamamagitan ng APEC. Para sa mga manggagawa, ito ay serye lamang ng mga opensiba upang itulak sila sa panibagong balon ng paghihirap.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, humanton na naman tayong mga manggagawa sa panibagong mga salot na nilayon na nating tapusin. Hindi na natin papayagang mamayani ang iilan.

Kasama kami sa libu-libong sumasariwa sa kung paano natin pinatalsik ang diktaduryang Marcos; at sa pagtutol sa kaparehong diktaduryang nasa Malacañang ngayon.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, natuto na tayo na hindi lamang sapat na tapusin ang isang diktadurya, kung papalitan lamang ito ng isa pa. Napakahalaga ngayon para sa nakararami na kunin ang pamuuno sa pamahalaan at ibalik ito sa paglilingkod ng mamamayan.

Habang nakasalang tayo sa lumang mga salot, tatapatan natin ito ng atin ding matanda pero maasahang sandata – ang lakas sa ating pagkakaisa. Sinasabi nating tama na ang ‘di nakabubuhay na trabaho at imperyalistang pandarambong at digmaan; at nananawagan sa mamamayan upang baguhin ang lipunan tungo sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa pamamagitan nito, ibabalik natin ang tunay na diwa ng EDSA.

Panagutin ang mga namuno sa madugong labanan sa Mamasapano, Maguindanao! Patalsikin ang Rehimeng US-BS Aquino at itayo ang isang transition council!

Noynoy-and-Barack-Obama-EDCA

Mariing kinukundena ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang bulagsak at hindi koordinadong kumpas ni BS Aquino at Allan Purisima sa utos ng Estados Unidos sa  salpukan ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagresulta sa mahigit 70 bilang ng nasawi kasama ang mga inosenteng sibilyan.

Malaking usapin hanggang ngayon ang madugong labanan sa Mamasapano na naganap noong Enero 25. Diumano, ito’y bahagi ng paghahanap sa dalawang malaking terorista na sina Abdulbasit Usman at Abu Marwan. Laman ito ng Oplan Exodus ng SAF laban sa “high-value target” na nasa erya na pasimuno umano ng kabi-kabilang pagsabog na nangyayari sa Gitnang Mindanao.

Batuhan ng sisi, paglusot ni BS Aquino

Ayon kay Aquino, kinulang sa pakikipagkoordina ang PNP at militar sa kanya bilang Commander-in-Chief hinggil sa nasabing operasyon. Itinanggi nyang may kinalaman sya sa nangyaring kumando. Ito ay sa kabila ng pagtutukoy ni Allan Purisma na may pagpayag nga ni Aquino ang operasyon sa tulak ng Estados Unidos. Gayunman, habang pilit na inilulusot ni Aquino ang kanyang sarili at nagmimistulang inosente sa mga pangyayari, hindi na raw kinakailangan pang “magpaalam” sa kanya ang PNP at AFP saka-sakaling may isagawang operasyon dahil daw ‘kapag may warrant laban sa isang tao, bawat alagad ng batas ay tungkuling ipatupad ito’.

Subalit hindi maitatanggi ni Aquino ang koneksyon at direktang kumpas niya sa insidente sapagkat simula pa lamang ay alam na niya ang tungkol sa paghahanap at paglulunsad ng serye ng pagmamatyag sa mga target. Resulta ng kainutilan nito bilang Commander-in-Chief ng PNP ang pagkamatay ng 44 na SAF commandos, 18 mandirigma ng MILF, 4 mandirigma ng BIFF, 8 sibilyan kasama ang isang inosenteng bata, at ang pagkasira muli ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at MILF.

Tulad ng kanyang madalas na ginagawa sa tuwing mayroong mga matitinding sakunang ipinagdadalamhati ng sambayanan, nagmamalinis si Aquino at ibinabato ang sisi sa mga mas nakabababang opisyal ng iba’t ibang ahensya sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Aquino, Tuta ng Dayuhan, Tuta ng Imperyalistang Kano

Walang malasakit si Aquino kahit sa mga pamilya ng mga biktima. Imbis na salubungin nito ang labi ng mga nasawing SAF, naroroon ito at nagpapakasaya sa inagurasyon ng Mistubishi Car Motors Inc. na isang dayuhang pagawaan ng sasakyan sa Sta. Rosa, Laguna. Lalong wala itong ginawang hakbang para sa mga namatay na sibilyan. Kahit kailan, mas matimbang para kay Aquino ang kanyang mga among dayuhan kaysa sa sambayanan.

Kahit ang isinagawang operasyon mismo ng mahigit 400 pwersa ng PNP-SAF ay malinaw na nasa ilalim ng direksyon ng imperyalistang US. Matagal nang target ng US War on Terror sina Marwan at Usman, na siyang pinatungan ng halagang $9 milyong dolyar sa kabuaan. Sa aktwal na retrieval operations ng mga bangkay ng mga nasawing kapulisan, nailantad ang presensya ng mga sundalong Amerikano.

Kumpirmado ang direktang pangunguna ng US sa naganap na operasyong militar sa Mamasapano. Labag ito sa batas at malinaw na pagtapak sa ating soberanya. Sa pagpapatuloy ng mga maka-imperyalistang kasunduang militar tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), tiyak na mas marami pang madugong operasyon ang pangungunahan ng mga sundalong Amerikano sa bansa, habang ipinapain at ginagawang sakripisyal na tupa ang mga sundalong Pilipino. Sa isang banda, tabing lamang ang “giyera laban sa terrorismo” upang makontrol ang mga estratehikong yaman sa Mindanao sa patuloy na paghahanap ng US sa kanyang mga malakolonya ng pagkukuhanan ng dagdag tubo.

Patalsikin si Aquino, itayo ang transition council

Kailangang panagutin ang utak ng palpak na operasyon ng PNP-SAF habang may umuusad na usaping pangkapayapaan. Kung wala nang kahihiyang bumaba sa kanyang pwesto si Aquino, marapat lamang na pagkaisahin ng mamamayan ang kanilang lakas upang patalsikin na ang papet at inutil na pangulong kailanman ay hindi nagsilbi sa interes ng sambayanang Pilipino.

Kasunod ng pagpapatalsik, mahalagang kagyat na maitayo ang “transition council” – isang konseho na magtitiyak sa pagbabago ng sistema ng pamamahala sa ating bansa. Bubuuin ito ng lahat ng organisasyon, sektor at grupong nakiisa sa pagpapatalsik kay Aquino at nag-aasam ng tunay na pagbabago. Hindi na tayo dapat pumayag na isa muling trapo ang pumalit sa pwesto. Sobra-sobra na ang mahabang karanasan natin sa makasarili, mapagpanggap at mapagsamantalang pamumuno ng mga naghaharing uri.

Wala ng ibang panahon kundi ngayon upang igiit ng mamamayan ang kanyang karapatan sa isang paggugubyernong tunay na nagsisilbi sa interes ng sambayanan.

PANAGUTIN SI AQUINO SA MADUGONG LABANAN SA MAMASAPANO!

PATALSIKIN ANG INUTIL AT PASISTANG REHIMENG US-AQUINO!

ITAYO ANG TRANSITION COUNCIL PARA SA MAKA-MAMAMAYANG PAGBABAGO!