Ilantad at labanan ang pasismo ng rehimeng US-Duterte

Nahubaran na ng maskara si Duterte.

Mula sa pangako ng pagbabago at astang sosyalista, nasasaksihan ngayon ng buong daigdig kung paano n’ya patayin ang mahihirap habang pinaglilingkuran ang iilang panginoong maylupa, lokal na malalaking kapitalista, at mga dayuhang monopolyo kapitalista. Ang pasismo o paggamit ng estado ng dahas upang kitilin ang mamamayang lumalaban ay sistematikong isinasagawa ngayon ng rehimeng US-Duterte.

Oplan Tokhang, gera laban sa mahihirap

Walang karapatan si Duterte, ang PNP, o ang sinoman na patayin ang mga sangkot sa droga lalo na kung pinaghihinalaan pa lamang. Gaya ng mga suspek sa panggagahasa o mga nangungurakot na pulitiko, dapat silang litisin ayon sa tamang proseso at parusahan alinsunod sa batas.

Ngunit bulag si Duterte. Kung mahirap at sangkot sa droga, papatayin. Bagama’t walang deklaradong polisiya ng pagpatay, malakas ang loob ng PNP na mag-ubos ng bala dahil sa mga aroganteng pahayag ni Duterte. Sina Kian delos Santos, 17, Carl Angelo Arnaiz, 19, at Reynaldo de Guzman, 14, ang mga mukha ng mahigit 13,000 mahihirap na inagawan ng buhay ng baluktot na gera kontra droga. Lumilikha ito ng takot sa mamamayan dahil sinoman ay maaaring pagkamalan at basta na lang bumulagta kung saan. May mga makapangyarihang ipinakulong gaya ni Leila de Lima, at may mga ipinapatay gaya ni Ozamiz City Mayor Parojinog, ngunit ito ay iilan lang at mga kalaban ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado.

Laganap na kahirapan dahil sa bulok na sistema ang nagtutulak sa milyon-milyong Pilipino upang gumamit at magtulak ng droga. Rehabilitasyon at paglikha ng regular na hanapbuhay ang tamang solusyon sa problemang ito.

Pagwasak sa Marawi, gera para sa interes ng US

Pilit pinaniniwala ng rehimeng US-Duterte ang taongbayan na may terorismo sa Marawi upang pagtakpan ang lumalakas na paglaban ng iba’t ibang armadong grupo ng mga Moro. Nananatili at lumalawak ang diskuntento ng mamamayang Moro dahil sa palpak na Bangsamoro Basic Law.

Sa halip na seryosong kilalanin ang karapatan ng mga Moro sa sariling pagpapasya, deklarasyon ng martial law at mapangwasak na mga bomba ang itinugon ni Duterte. Kontrolado ng AFP ang pagpasok ng midya sa mga lugar ng labanan. Tinitiyak na kontrolado din ang impormasyong maaaring ibalita. Pinagtatakpan ang katotohanang mahigit 1,000 sibilyan na ang namatay at mahigit 400,000 ang napilitang lumikas. Daan-daan din ang sundalong namatay dahil nabiktima ng maling diwa ng patriyotismo. Pinararangalan ng gubyerno upang paniwalain ang mamamayan na naglingkod ang mga sundalo sa bayan, gayong ginamit lang sila para protektahan ang interes ng iilan.

Sa huli, ang nakikinabang ay si Duterte na gustong tiyakin ang kapit sa kapangyarihan para sa kanyang ilusyon ng pederalismo; at ang imperyalismong US na kumikita sa bomba at iba pang kagamitang pandigma na tulong diumano, ngunit binabayaran ng gubyerno ng bilyon-bilyong piso. Nagwaldas ang gubyerno ng P3 bilyon sa unang tatlong buwan ng martial law. Dagdag pa dito ang mahigit P1.3 milyon gastos kada araw para sa missile at rocket. Nagwawaldas ang gubyerno ng pera ng bayan para sirain ang mga gusali, wasakin ang Marawi, at pikit-matang hayaang mamatay ang mga sibilyan.

May mahabang kasaysayan ng paglaban ang mga Moro. Mula pananakop ng mga Espanyol, hanggang sa kasalukuyan, matatag silang nakikipaglaban para sa kanilang karapatan. Hindi matatapos ang digmaan hangga’t hindi kinikilala ni Duterte ang ugat ng labanan.

Deklaradong martial law sa Mindanao, nagaganap na sa buong bansa

Idineklara ang martial law sa Mindanao ngunit ramdam ito sa buong bansa. Ang mismong paglalagay ng PNP ng batas sa dulo ng baril upang isakatuparan ang gera kontra droga ay isang antas ng pagpapairal ng batas militar. Sa CALABARZON, ipapatupad ang pagkakaroon ng ‘spy’ sa bawat village para diumano sa pagpapaigting ng kampanya sa droga. Magreresulta lamang ito sa mas marami pang pagpatay at pagmamanman sa mga militanteng organisasyon at lider-aktibista na nakikipaglaban para sa mga batayang karapatan.

Sa sektor ng paggawa, nariyan ang pagbuwag ng AFP sa welga ng mga manggagawa ng Shin Sun sa Compostela. Ang Kongreso naman na kontrolado din ni Duterte ay ipinasa ang Compressed Work Week Bill na lalong magpapahirap sa mga manggagawa. Ang panukalang batas na ito at iba pang mga neoliberal na atake sa paggawa ay magdudulot ng ibayong paghihirap sa manggagawa. Pahahabain ang oras ng pagtatrabaho kapalit ng napakababang sahod habang hindi makatao ang kondisyon at patakaran sa paggawa.

Malabo na ang tunay na pagbabago sa rehimeng US-Duterte. Nasa mga manggagawa at mamamayan ngayon ang kapasyahan upang mawakasan ang kahirapan, maipatupad ang mga serbisyong panlipunan gaya ng libreng edukasyon, pabahay, at hospitalisyasyon, at, malikha ang permanenteng hanapbuhay na may nakabubuhay na sahod at benepisyo. Isulong ang pambansang industriyalisasyon sa pamamagitan ng peace talks habang inilalantad at nilalabanan ang pasismo ng rehimeng-US Duterte. ###

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s