Itakwil ang huwad na kasarinlan sa ‘di-malayang lipunan! Makibaka para sa tunay na demokrasya at kalayaan!

0612

0612

Mahigit isandaang taon na ang nakalilipas nang idineklara sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng bansa mula sa mga kolonyalistang Espanyol.

Bagama’t pinanggalingan ng pagdiriwang, lingid sa kaalaman ng napakarami ang tunay na kwento sa pagkamit ng “paglaya” na ito: ang pagsuko ng ilang mga ilustrado kapalit ng ilang salapi.

Sa ganitong kaagang panahon, nasaksihan na natin ang maaring idulot ng pagtataksil kahit mismo mula sa ating mga kababayan, sa pagsisilbi nila sa interes ng kanilang uri.

Ngunit, ilang taon pa ang nagdaan nang matanaw natin na hindi tayo tunay na malaya. Sa pagpasok ng imperyalismong US sa Pilipinas, dinambong nito ang pinakamalalaking kulumpon ng mga hilaw na materyales; na ang kapalit ay walang-katapusang pagpapakasakit sa mga mamamayan.

Sa halos kalahating siglong naghari ang US sa ekonomiya, pulitika at kultura ng Pilipinas, naranasan ng mamamayang Pilipino ang pinakamararahas na pagsupil sa diwang makabayan nito. Ipinagbawal ang pagpapakita ng bandila ng Pilipinas. Nilupig ng US ang buo-buong lahi ng ating mga kababayan; ang kanilang higit na mauunlad na mga kagamitang pandigma ang pumatay sa libu-libong Pilipino. Milyon pang mga sibilyan at mga inosente ang pinaslang ng mga Amerikano, tulad sa Balangiga sa Samar at sa mga probinsya ng Mindanao!

Hindi pa sila natapos dito. Sa pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tinali tayo ng imperyalistang US sa pamamagitan ng mga ‘di-pantay na polisiya; mula sa kalakalan, palitan ng pananalapi, at mga buo-buong polisiya. Tuta at amo na ang naging relasyon ng mga rehimen sa PIlipinas at sa US — na nagpatunay ng kawalang-kaunlaran sa kawalang-kasarinlan.

Sa larangang militar, binigyang katuparan ng ilang mga ‘di-pantay ring mga kasunduan, tulad ng Visiting Forces Agreement at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement ang nagmimistulang walang-hanggang pagbabase ng US sa bansa, na siya ring nagbigay-daan sa malawakang prostitusyon at ‘di-produktibong mga trabaho sa mga lugar malapit sa mga baseng ito.

Aniya, ito ay sanggalang sa patuloy na pananakot ng Tsina at sa parehong kawalang-respeto nito sa ating pambansang soberanya. Ngunit, ang patuloy na ugnayan sa kalakalan ng Tsina at ng US, ang pagpapatindi ng militar na lakas ng US sa Timog-Silangang Asya, at kawalan ng komitment ng US sa pagtatanggol sa Pilipinas sa pagtindi ng tunggalian sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, ang magpapatunay na hindi tunay na magliligtas ang mga pinirmahang kasunduan ng Pilipinas at ng US.

Ano ang kapalit ng lahat ng ito? Pinaglumaang armas at kagamitan ng US, nagpapatuloy na bantang dala ng mga armas nukleyar, kababaihang pinagsasamantalahan, mamamayang pinapatay! Hindi natin malilimutan ang mga kaso ni Nicole, na ginahasa ni Lance Cpl. Daniel Smith noong 2005, ang pamamaslang kay Gregan Cardeno sa Mindanao, at ang pagpatay kay Jennifer Laude ni Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton noong 2014.

Lahat ito ay sa ngalan ng panunupil ng imperyalismong US sa lahat ng mamamayan sa daigdig. Sa ating manggagawa, ito ay nangangahulugan ng papatinding paghihirap at pagpapakasakit. Dala ng imperyalismo ang pagkabansot ng ating pambansang industriya – isang sagka sa pagkamit natin ng isang sistemang panlipunang nakabubuhay sa lahat.

Dala ng imperyalismo ang paparaming polisiyang pahirap sa manggagawa at mamamayan. Naging tuntungan, halimbawa, ang US Counter-Insurgency Guide sa pagsasakatuparan ng Oplan Bayanihan ng rehimeng BS Aquino. Bukod pa, dala nito ang pandaigdigang pahirap: ang neoliberal na polisiyang nagsasapribado at nagprepresyo sa mga pampublikong serbisyo.

Sa loob ng anim na taon ng tutang rehimeng US-BS Aquino, tumindi ang kahirapan at kawalang-trabaho, na siyang dulot ng pagpapatuloy ng panghihimasok at hindi-pantay na ugnayan sa pagitan ng imperyalistang US at ng Pilipinas.

Kinukondena rin natin ang walang-humpay na pagyurak ng Tsina sa ating kasarinlan. Naninindigan tayo na dapat ay tumahak ng isang nagsasariling polisiya hinggil sa ugnayang panlabas. Sa kahit anumang bansa, hindi tayo papayag na maging dehado sa usapan – dahil tayo, ang mamamayan, ang tiyak na masasangkalan. Patuloy nating tinututulan ang anumang Charter Change sa ngalan ng dayuhang pangangapital. Walang-humpay nating kokondenahin ang anumang kasunduang alam nating hindi tayo makikinabang.

Sa loob ng panibagong administrasyon, hindi tayo mananahimik. Patuloy nating igigiit ang ating pambansang kasarinlan at ipaglalaban ang tunay na kalayaan ng bansa.

Ito ay sa pananatili sa ating tunay, militante at anti-imperyalistang katangian – na siyang nagdadala rin ng pinakakongkretong panawagan laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

Sa araw ng Huwad na Kalayaan, patuloy pa rin ang ating panawagan: ibagsak ang imperyalismo! Makibaka para sa pambansang demokrasya!

ATIN ANG PILIPINAS! IPAGTANGGOL ANG PAMBANSANG SOBERANYA!
IMPERYALISMO, IBAGSAK!
MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s