Pahayag ng Pakikiisa ni Ernesto Lorenzo sa ika-113 Araw ng Manggagawa sa Pilipinas

Mayo Uno for shirt study 1

PARA SA:             PAMANTIK-KMU

MULA KAY:         Ernesto Lorenzo, Bilanggong Pulitikal
Special Intensive Care Area-1 (SICA-1)
Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City

HINGGIL SA:       Mensahe sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan
sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa

Aking pinapaabot ang malugod na pagbati at mahigpit na pakikiisa sa lahat na magtipon-tipon ngayong araw upang gunitain at ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa.

Nais ko ring ipaabot sa pamunuan ng PAMANTIK ang aking taos-pusong pasasalamat sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na makabahagi sa pagdiriwang, hindi bilang tagapagsalita, kundi ang pagkakataon na maihayag ang aking kuro-kuro’t palagay sa napagkaisahang tema sa pagdiriwang ng Mayo Uno 2016.

Marahil ‘di-kaila sa inyo: sa iba’t ibang panig ng bansa at daigdig, milyon-milyong manggagawa, kasama ang iba pang aping mamamayan ang nagtitipon-tipon hindi lamang para gunitain at ipagdiwang ang makasaysayang araw ng mga manggagawa kundi ang irehistro at iprotesta ang nararanasan nilang hambalos ng krisis bunga ng patakarang neoliberal ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang inyong pagkilos ngayong araw ay kaugnay at bahagi ng lumalakas na kilusang manggagawa sa daigdig laban sa pakatarang neoliberal.

Batid ko rin na ang pagtitipon ninyo ay may layuning malakas na maitambol ang pagtutol at protesta ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan sa mga anti-mamamayang patakaran ng rehimeng US-BS Aquino na resulta ng kanyang pagiging tuta at sunud-sunuran sa dikta at imposisyon ng imperyalistang Amerikano. Magsisilbing babala na rin sa sinumang papalit na bagong Pangulo ng bansa na kakaharapin nito ang galit ng masang anakpawis kung magiging sunud-sunuran din siya sa mga dikta at imposisyon ng imperyalistang Estados Unidos.

Mainam na pagkakataon ang araw na ito upang balikan at lagumin ang inabot at isinulong ng kilusang manggagawa sa rehiyon mula sa nakaraang Mayo Uno sa pagtataguyod ng kapakanan at interes ng uring manggagawa at malawak na mamamayan ng rehiyon. Kaalinsabay ang mulat at matapat na pagkilala sa mga naging kakulangan at kahinaan.

Marapat ding kunin ang pagkakataong ito upang itanghal at bigyan ng natatanging pagkilala ang mga lider-manggagawa at lider-unyon na nagbuwis ng buhay alang-alang sa kapakanan ng uring manggagawa at sambayanang Pilipno. Sila ang mga dakilang martir ng kilusang paggawa na huwaran at inspirasyon sa katatagan at pagharap sa sakripisyo. Ipagkaloob natin sa kanila ang taas-kamaong pagpupugay bilang simbolo ng pagkilala at pasasalamat sa kanilang naging kontribuyon sa kabayanihan ng pakikibaka ng uring manggagawa.

 

Stage-Tarp4-web

Wakasan ang Imperyalistang Dominasyon sa Pilipinas!
Ibasura ang Kontraktwalisason at Neoliberal na Patakaran sa Paggawa!
Isulong ang Pambansang Demokrasya na may Sosyalistang Perspektiba!

Angkop at napapanahon ang napili ninyong tema sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa ngayong Mayo Uno 2016. Matalas nitong inilalahad ang isa sa mga pundamental na suliranin ng lipunang Pilipino – ang imperyalismo, bilang ugat at dahilan ng kahirapan ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Ang dalawa pang pundamental na suliranin ay ang pyudalismo at burukrata kapitalismo. Inilalatag din sa napiling tema ang wastong linya sa direksyon na dapat tahakin ng Kilusang Manggagawa sa rehiyong Timog Katagalugan.

SONA Shirt Layout

Ang Kontraktwalisasyon at Iba pang Patakarang Neoliberal na Patakaran sa Paggawa

Kasuklam-suklam para sa mga manggagawa at iba pang uring pinagsasamantalahan ang patakarang neoliberal na simulang ipinatupad ng mga mangungunang imperyalistang kapangyarihan noong dekada ’80. Sa ilalim ng islogang globaliasyon at malayang pamilihan, hinawan ng mga imperyalistang kapangyarihan ang natitira pang sagka sa “malayang” daloy at pagpasok ng kapital at kalakal upang higit pang magkamal ng tubo at yaman sa kapighatian ng mga mamamayan sa mga kolonya at malakolonyang bansa sa Ikatlong Daigdig, kabilang ang mga bansang datiý bahagi ng Unyong Sobyet at kapanalig ng Unyong Sobyet na dumausdos ang ekonomiya bunga ng rebisyunismo.

Pinataw at pinatupad ang patakarang liberalisasyon sa kalakalan, deregulasyon ng mga batas na may kaugnayan sa sahod at benepisyo, pribatisasyon ng mga pag-aari ng estado at de-nasyunalisasyon ng ilang batas para bigyang-karapatan ang mga dayuhang korporasyon at indibidwal na nagmamay-ari ng isandaang porsyento ng negosyo at lupain.

Nariyan ang kabi-kabilang insentibo na pinatutupad ng kliyenteng estado, tulad halimbawa ng bansang Pilipinas, upang ‘di-umano’y umakit ng dayuhang pamumuhunan, ang ipangalandakan nito ang mababang sahod at masunuring paggawa, ang murang halaga ng hilaw na materyales, libreng imprastraktura ng gobyerno tulad ng pagtatayo ng mga kalsada, tulay, linya ng kuryente at komunikasyon, mga engklabo at economic zones. Nariyan din ang pagkakaloob ng tax holidays, pautang at garantiya ng gobyerno laban sa pagkalugi ng mga dayuhang korporasyon.

Sa madaling salita, nilalansag ng neoliberal na patakaran ang anumang sagkang pambansa, panlipunan at pangkalikasan upang mapabilis ang akumulasyon at konsentrasyon ng kapital sa produksyon at pinansya sa kamay ng super-monopolyong burgesya sa iilang bansang imperyalista pangunahin na sa Estados Unidos. Ang kanilang pangunahin at esensyal na diin upang mapalaki ang tubo nito mula sa pagsasamantala sa masang anakpawis ay mapaliit nang husto ang nagbabagong kapital (variable capital) na laan sa sahod gayundin ang mga pamumuhunang panlipunan at serbisyong panlipunan ng mga kliyenteng estado. Subalit sa kabilang banda, ang pagliit ng kita at kakayahang mamili ng masang anakpawis ay nagbubunsod ng pagkitid ng pamilihan at krisis sa labis na produksyon.

Mula nang ipatupad ang neoliberal na patakaran, dumanas ng paulit-ulit na hambalos ng krisis ang mga mamamayan sa daigdig. Maraming bansa, lalo na sa ikatlong daigdig at sa mga papaurong na bayan na dating pinaghaharian ng mga rebisyunista ang nabaon sa utang, dumanas ng malawakang disempleyo at paghihigpit ng sinturon bunga ng pagkaltas ng mga serbisyong panlipunan ng mga kliyenteng estado sa kanyang mamamayan. Tunay at hindi kayang pabulaanan ang paulit-ulit na krisis na hatid ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa malawak na mamamayan sa daigdig at ito’y matingkad na palatandaan ng pagbulusok ng monopolyo kapitalismo.

 11223325_677326002398163_1399443635267157636_n

Ang Usapin ng Kontraktwalisasyon at Mababang Pasahod sa mga Manggagawa sa Rehiyon

Dalawang mayor na usapin na sa aking palagay ay dapat bigyan ng panibagong sigla at pagdidiin sa mga ilulunsad na kampanya at pakikibakang masa ng sektor.

Una, ang usapin sa pagpapaigting ng kampanya at pakikibaka ng sektor para sa regular na trabaho at kaseguruhan sa trabaho laban sa kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng pleksibilisasyon sa paggawa.

Ikalawa, ang usapin sa pagpapaigting ng kampanya at pakikibaka ng sektor para sa kahilingan sa pambansang minimum na sahod at makabuluhang pagtaas ng arawang sahod. Ang pakikibaka laban sa mga anti-manggagawang batas na lalong nagpapababa sa antas ng pasahod sa bansa, tulad ng Wage Regionalization Act of 1989 at Two-Tiered na sistemang pasahod.

Tampok na ipananawagan ang pagtatakda sa P750 arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Karugtong nito ang kahilingan na itaas ang minimum na buwanang sahod ng mga karaniwang kawani tungong P16,000 at ng mga pampulikong guro tungong P25,000.

Mga kasama, napakalaking laban ang susuungin at kahaharapin ng mga manggagawa kaugnay ng kontraktwalisasyon at pambansang minimum na sahod. Ang dalawang usaping ito ay direktang kasalungat at bumabangga sa kaibuturan ng patakarang neoliberal sa paggawa. Gagawin lahat ng reaksyunaryong estado na proteksyunan ang interes ng mga dayuhang korporasyon at malalaking burgesya komprador sa bansa. Maaaring sa simula sa pamamagitan ng mga mapanlinlang, mapanghati at baluktot na pangangatwiran [sa usapin ng kontraktwalisasyon at kahilingan sa mataas na sahod] hanggang sa paggamit ng pasistang dahas ng estado para supilin ang pakikibaka ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino. Kaugnay nito, hinihingi sa bawat isa sa atin ang mataas na pagkakaisa at pagbuklod-buklod para biguin ang pagtatangka ng reaksyunaryong estado na linlangin at pagwatak-watakin ang hanay ng manggagawa.

Paano natin haharapin at paghahandaan ang pagpapaigting ng laban sa kontraktwalisasyon at panawagan sa pambansang minimum na sahod?

DSC_0114

Sa bahaging ito nais kong ilatag ang ilang panukalang hakbangin:

  1. Mulatin, organisahin at pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mga kontraktwal sa iba’t ibang linya ng industriya at mga engklabo sa rehiyon para sa regular na trabaho at pambansang minimum na sahod. Malaking mayorya ng pwersang paggawa sa rehiyon ay mga kontraktwal na manggagawa. Ang pag-abot at maramihang pag-oorganisa sa kanila ay napakahalaga sa pagkakamit ng malawakang pagkakaisa at lakas ng sektor sa pagsusulong ng laban para sa regular na trabaho at nakabubuhay na sahod.
  2. Higit na palawakin at konsolidahin ang hanay ng Tunay, Palaban at Makabayang unyon sa rehiyon. Dapat ibayong magpursige ang mga pederasyon at organisador sa pagtatayo ng unyon na kabilang sa TPMU. Impluwensyahan ang mga nakatayong unyon at unti-unti itong itransporma sa pagiging TPMU. Mapagpasyang itanim ang binhi ng TPMU sa mga estratehikong empresa na matagal nang hawak at kontrolado ng mga tradisyunal na dilawang unyon at pederasyon.
  3. Malawakang itayo ang mga balangay ng Liga ng mga Manggagawa sa mga estratehikong linya ng industriya at mga engklabo sa rehiyon. Dapat ibayong magpursige ang lahat sa pagbubuo ng organisasyon ng mga kontraktwal sa mga pabrikang nakikilusan at buuin ang kanilang lakas at alyansa batay sa linya ng industriya at engklabong kinabibilangan.
  4. Dapat pangunahan ng mga manggagawa na kabilang sa mga unyon sa ilalim ng TPMU sa gawaing pagpapalawak sa hanay ng mga kontraktwal. Dapat mulat ang mga kasapi ng unyon, lalo na ang mga opisyales, sa pagpapasapi ng mga kontraktwal sa kanilang unyon. Hindi dapat maging sagka ang pinaiiral na tuntunin ng estado na nagbabawal sa mga kontraktwal na magbuo ng unyon ni sumapi sa unyon. Ang unyon ng manggagawa ang higit na nasa pusisyon kung sino at hindi ang maaaring sumapi sa kanilang samahan.
  5. Malawakang edukahin ang mga manggagawa kaugnay sa patakarang neoliberal ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Kabilang din sa dapat pag-aralan ang Krisis sa Pinansya, Hinggil sa Imperyalismo at Sosyalismo at mga araling pumapatungkol sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino.
  6. Ilunsad ang malalaki at matitipunong pagkilos ng sektor sa iba’t ibang sentrong lungsod ng rehiyon. Kailangang tumatak at magmarka sa pambansang entablado ang mga laban at pagkilos ng sektor. Mangyayari ito kapag libo-libong manggagawa ang lumalabas sa lansangan upang lumahok sa mga rali, demonstrasyon at iba pang anyo ng kilos-protesta. Ang papalaking bilang ng mga manggagawa na napapalahok sa mga pakikibaka sa lansangan ay mahalagang salik at ambag sa pambansang pagsisikap sa paglaban sa kontraktwalisasyon at sa pagtatakda at pagtataas ng pambansang minimum na sahod.
  7. Ilunsad ang kaliwa’t kanang welga. Labis-labis na ang pambubusabos ng uring kapitalista. Makatwiran lamang at nasa batayan para isagawa ang kaliwa’t kanang welga para igiit ang mga kahilingan at karapatan ng mga manggagawa sa regular na trabaho, mataas na sahod at benepisyo, karapatang mag-unyon, ligtas at mahusay na kundisyon sa paggawa at iba pang demokratikong karapatan at kahilingan ng sektor.

Sikapin nating abutin ang isang antas ng lawak at sinsin ng welga na mararamdaman at iindahin ng mga kapitalista at estado.

Susi sa matagumpay na welga ang matamang pagpapaplano at paghahanda. Kailangan munang marating ang matatag na pagkakaisa at mataas na kahandaan ng mga manggagawang magsasagawa nito. Dapat matatag ang kanilang paninindigan at kapasyahang harapin ang anumang ganting aksyon ng mga kapitalista tulad ng pagpapataw ng suspensyon hanggang sa pagtanggal sa trabaho.

Subalit hindi dapat tayo matakot. Dapat nating tandaan na sa pamamagitan lamang ng sama-samang pagkilos at pakikibaka nagkakamit ng tagumpay. Hindi kusang ipagkakaloob ng mga kapitalista at reaksyunaryong estado ang ating mga kahilingan kung hindi dadaanin sa pakikibakang masa. “Wala nang mawawala pa sa taong walang-wala, kundi ang tanikala ng kanyang pagkakabusabos!”

Bilang pagtatapos, nais kong idagdag bilang pagdidiin, na ang patakarang neoliberal ay mahahalintulad sa mapamuksang sandata dahil pumapatay ito ng milyon-milyong mamamayan sa daigdig. Ang mga nagpatupad at nagtaguyod nito ay maituturing na mga kriminal at mass murderer. Dapat lamang sila’y patuloy na usigin at singilin ng kilusang proletaryo at mamamayan sa daigdig.

Sa sarili nating konteksto, ang pakikibaka para wakasan ang dominasyon ng imperyalismo sa bansa ay pakikibaka ng buong sambayanang Pilipino. Dapat isanib ng kilusang manggagawa ang lakas nito sa iba pang kilusang nagsusulong ng pambansa-demokratikong adhikain. Dapat laging nasa unahan ang kilusang manggagawa sa mga pakikibaka ng sambayanan para sa pundamental na pagbabago ng lipunang Pilipino. Marapat lamang ito dahil ang mga manggagawa ang kumakatawan ng mas maunlad na sistemang panlipunan.

Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Isulong ang pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!

Ernesto Lorenzo
Bilanggong Pulitikal
SICA-1, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s