Lagutin ang tanikala ng kontraktwal na kaayusan! Isulong ang tunay na unyonismo at militanteng paglaban!

Mayo Uno for shirt study 1

Mayo Uno for shirt study 1

Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang ika-113 Araw ng Manggagawa sa Pilipinas.
Mula sa unang Mayo Uno sa bansa noong 1903, nagpapatuloy ang panawagan ng manggagawa ng buong bansa sa pagtataguyod ng karapatang pang-manggagawa at pagpapabagsak sa imperyalismo.

Isang tagumpay na nananatiling ito ang tangan ng kilusang paggawa sa Pilipinas, na patunay rin ng umiiral at papatinding krisis sa lipunang Pilipino. Lalong dinadapa at pinapako ang sahod sa pinakamabababang halaga. Pinagkakaitan pa rin ang mga manggagawa ng seguridad sa trabaho at mga benepisyo, sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon.

Sa labas ng pagawaan, biktima pa rin sila ng kabi-kabilang neoliberal na polisiya – tulad ng mga mahal na presyo ng bilihin, pinepresyuhan at pinagkakakitaang serbisyong publiko, at paglapastangan sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Dilim ang tumataklob ngayon sa mamamayang Pilipino. Wala tayong tiyak na pag-asa sa darating na halalan, na ribalan pa rin sa pagitan ng mga naghaharing pamilyang direkta o di-tuwirang nakikilahok sa eleksyon.

Liban sa ilang mga progresibong party-list, wala nang iba pang kandidatong konkretong nagdadala ng programa para sa manggagawa at mamamayan. Sa kabila ng mga pangakong bubuwagin ang kontraktwalisasyon sa paggawa, hindi sila bukas sa pagdala sa mga manggagawa ng nakabubuhay na sahod at marangal na hanapbuhay.

Sa halip, nakatuon pa rin ang kanilang pansin sa pagkuha ng suporta mula sa mga malalaking negosyante, na siyang nageempleyo ng pinakamalalaking bilang ng mga kontraktwal habang kumakamal ng super-tubo. Bukod pa rito ang paghingi nila ng basbas mula sa dayuhang mamumuhunan, sa halip na manindigan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Hanggang ngayon, kibit-balikat ang sagot nila sa adyenda ng manggagawa na siyang nagdadala ng kanilang mga interes sa loob at labas ng pagawaan.

Dahil dito, matalas na sandata ng manggagawa ang pagtatayo ng mga manggagawa ng unyon – ang pinakalitaw na ekspresyon ng kanilang pagkakaisa at siyang nagtatangan ng kanilang pinakamatalas na paninindigan tungo sa sahod, trabaho at karapatan.

Muog ng anumang kilusan ng manggagawa ang pagtangan nila sa unyonismo. Ngunit hindi lamang ito payak na unyonismo – tanging tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo ang siyang nagsusulong ng pinag-isang interes ng manggagawa.

Itinatakwil ng mga manggagawa ang dilawang unyonismo. Ito ang instrumento ng estado at kapitalista upang mapanatiling dayukdok ang manggagawa sa kanilang abang kalagayan.

Sa halip na palayain ang mga manggagawa sa kanilang mga tanikala ng pang-aapi, lalo pa nitong sinasakdal ang mga manggagawa sa lalong kalunos-lunos na antas. Ikinukulong lamang nito ang mga manggagawa sa mga pang-ekonomiyang usapin at nililimitahan ang kanilang mapagpasyang potensyal para sa panlipunang pagbabago. Samakatuwid, patibong at lason ng kaaway ang dilawang unyonismo.

Makasaysayan ang papel ng uring manggagawa sa pagpapalaya ng lipunan. Sa konteksto ng kilusang paggawa sa Pilipinas, pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa ang pangunahing panawagan sa ilalim ng pambansa-demokratikong pakikibaka.

Ang tunay na repormang agraryo ang siyang sasagot sa mga agrikultural na pangangailangan ng bansa at maghahawan ng daan para sa paglilikha natin ng sariling industriya. Ibig sabihin, makakaya na nating gumawa ng mga makina, teknolohiya at kagamitang sa kasalukuyan ay inaangkat pa natin mula ibang bansa. Kahit sa usaping ekonomiko, ang mga hakbang na ito ay makasisiguro ng mataas at tuloy-tuloy na pag-unlad ng isang bansa – ngunit dapat ay manatiling sa mamamayan ang pagmamay-ari ng mga industriyang ito; kung nais nating magsilbi sa mamamayan ang mga pwersa ng produksyon.

Ito ang sosyalismo – ang pagbabaligtad ng tatsulok; ang pagbawi ng sambayanan sa mga nilikha nito mula sa mga mapang-aping kapitalista. Ibabagsak nito ang estadong nagsisilbi lang sa iilan, at magtatatag ng bagong pamamahala – na siyang magtitiyak ng makauring pamumuno ng nakararami.

Papaano kung hindi na nahawakan ng mga manggagawa at mamamayan ang mga industriyang itatatag natin? Tulad ng nakita natin sa Unyong Sobyet at Tsina, ang pagpapanumbalik ng isang kapitalistang sistema ay bunga ng malalaking paglilihis sa makauring oryentasyon ng isang sosyalistang lipunan. Magpakita man ito ng ilusyon ng pag-unlad, hindi nito kailanman maitatago na sa pagpapanumbalik sa kapitalismo, nanumbalik din ang naiwaksi nang paghihirap at pang-aapi sa ilalim ng sosyalismo.

Sa sosyalistang lipunan naramdaman ng mga manggagawa at mamamayan ang pinakamainam na demokrasya at pag-unlad, na hindi kailanman mabubura at mapapasinungalingan ng mga kasalukuyang naghahari.

Ngunit, ang mga pagkakamali ba ng nakaraan ay dahilan upang hindi na magpatuloy sa pagsisikap para sa tunay na paglaya; na ang mga pagkakamali ng nakaraan ay siyang maging dahilan upang hindi tayo makibaka. Sa halip, isa itong mahalagang punto para sa ibayong pag-unlad ng pagsisikap ng mamamayan na lumaya.

Sa ating pagsisikap para sa mas magandang bukas para sa lahat, maraming dadaanang mga patibong at balakid, ngunit mapagtatagumpayan ng makasaysayan at makauring pagkakaisa ang kahit anumang harang.

Sa ika-113 Araw ng Manggagawa sa Pilipinas, ating ipagpatuloy ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ating wakasan ang kontraktwalisasyon sa paggawa, at lahat ng neoliberal na atake sa manggagawa at mamamayan. Atin nang kamtin ang inisyatiba at manindigan para sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba.

ING1

WAKASAN ANG IMPERYALISTANG DOMINASYON SA PILIPINAS!
IBASURA ANG KONTRAKTWALISASYON AT NEOLIBERAL NA PATAKARAN SA PAGGAWA!
ISULONG ANG PAMBANSANG DEMOKRASYA NA MAY SOSYALISTANG PESPEKTIBA!

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s