Delubyo sa Huling Taon ng Rehimeng US-Aquino: Higit na Kahirapan sa Manggagawa at Mamamayang Pilipino!

ing2

Matinding ilusyon ang bumalot sa mamamayang Pilipino nang mailuklok si Noynoy Aquino sa Malacañang. Milyun-milyon ang umasa na magdadala ng tunay na pagbabago ang Daang Matuwid dahil talamak na korapsyon at paglabag sa karapatang pantao ang iniwan ng rehimeng US-Arroyo. Ngunit sa loob ng 6 taong panunungkulan ni Aquino, nakita ng sambayanan ang bahidng dugo sa dilaw na tabing nito.

Sa loob ng anim na taon, ilang beses nagtaas ang sahod ng mga manggagawa – sa porma lamang ng allowance na hindi naman agad nakukuha. Walang signipikanteng umento sa napakababang minimum wage na P481.00 sa NCR. Simula noong 2015, P349.00 ang naitalang pinakamataas sa Timog Katagalugan, at higit na mas mababa sa ibang rehiyon. Malayong malayo ito sa estimated living wage na P1,083.43 ayon mismo sa datos ng gobyerno. Dagdag dito, ang tunay na halaga ngayon ng bawat 100 pisong kinikita ng mga manggagawa ay P76.00. Higit na lumiit dahil sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, asukal, delata, at iba pa.

Hindi tinutugunan ng gubyernong Aquino ang makatarungang panawagan ng mga manggagawa para sa P750.00 national daily minimum wage (pribadong sektor tulad ng mga manggagawa sa pabrika), P16,000.00 national monthly minimum wage (publikong sektor tulad ng mga kawani sa mga ahensya ng gubyerno), at ang P125.00 across-the-board wage increase.

Sa halip, mga anti-manggagawang mga polisiya, tulad ng Two-Tier Wage System, ang ipinatupad. Ipinapako ang sahod ng mga manggagawa sa mababa at hindi nakabubuhay na halaga, at lalong nagbabaon sa kanila sa kumunoy ng kahirapan.

Mula nang ipatupad ang Herrera Law noong panahon ni Cory Aquino, dumami ang mga kontraktwal – mga manggagawang higit na mas mababa ang sahod kumpara sa mga regular, walang benepisyo, at tinatakot na magbuo ng unyon. Sa ilalim ni Noynoy Aquino, umaabot na sa 70-90% ng mga manggagawa ay kontraktwal.

Higit pang naging masahol ang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa malaganap na Labor Only Contracting (LOC) – iligal na operasyon ng karamihan sa mga manpower agencies o nagkukubling cooperatives. Labag sa batas ang LOC ngunit patuloy itong ginagamit ng mga may-ari ng agencies at cooperatives sa paghuthot sa kita ng mga manggagawa. Ilan pa sa mga tampok na cooperatives at manpower agencies ay siya ring mga kapitalista! Maraming agencies at cooperatives na ang idineklarang iligal ng National Labor Relations Commission (NLRC), tulad ng Globalpro, HD Manpower, ANR, Sapphire at WorkTrusted.

Ginagamit ng mga kapitalista ang manpower agencies at cooperatives upang makaiwas sa pagtataas ng sahod at pagbibigay ng mga benepisyo sa mga manggagawa. Ang paulit-ulit na pagre-renew lang ng kontrata ng mga kontraktwal ay labag sa batas tulad ng Article 280 ng Batas Paggawa, na nagsasabing sa unang araw pa lamang ng pagpasok sa pagawaan ay dapat ng ituring na regular ang isang manggagawa, kung ang kanyang trabaho ay mahalaga sa produksyon.

ing2.png

Sa diwang ito lumilitaw ang pangangailangan ng mga manggagawa ng isang tunay na unyon na magtataguyod ng kanilang mga karapatan at magsusulong ng kanilang mga kagalingan. Ito ang kanilang sandata laban sa patuloy na atake ng neoliberal na polisiya sa kilusang paggawa – tulad ng kontraktwalisasyon at mababang sahod.

Makatarungan ang pakikipaglaban ng mga manggagawa para sa regular na trabaho at iba pang karapatan ngunit sistematikong panunupil ang tugon ng rehimeng US-Aquino. Sa Timog Katagalugan, kasangkapan ni Aquino ang mga mapagbalatkayong ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagdurog sa mga unyon.

Ngayong 2016, ang mga itinatayong unyon sa Manila Cordage Company, Manco Synthetics Incorporated, PhilFlex, Sigma at Gardenia ay pilit pinipigilan sa pamamagitan ng black propaganda o paninira at kolaborasyon ng kapitalista at mga ahensya ng gubyerno. Ang mga nakatayo namang unyon na nahaharap sa CBA at ibang laban tulad sa Daiwa, Ebara, Karzai, PhilMetal, MIESCOR, ABI at MMET ay tinatangkang pahinain ng mga kapitalista, habang ang mga asosasyon ng kontraktwal tulad sa Tanduay at Sagara Metro Plastic ay hindi kinikilala ng mga kapitalista.

Sa bawat pagkilos ng mga manggagawa at kanilang asosasyon o unyon, binubuwag ito ng mga kapitalista gamit ang Tripartite Industrial Peace Council – Manifestos of Commitment (TIPC-MOC). Isa itong kasunduan sa pagitan ng AFP, PNP, mga kapitalista, dilawang unyon, DoLE, at iba pang ahensya ng gubyerno na maaaring manghimasok ang mga pulis at militar sa mga labor disputes upang diumano ay mapanatili ang peace and harmony sa mga pagawaan. Sa reyalidad, ginagamit ang AFP at PNP upang buwagin ang mga pagkilos, manmanan at takutin ang mga organisador at manggagawa, at sa pangkabuuan ay lusawin ang kilusang paggawa.

Ang TIPC-MOC ay madulas na paraan upang ipatupad ang Oplan Bayanihan maging sa loob ng mga pagawaan at mga kalunsuran. Sa rehiyon, biktima ng hinihinalang pagdukot ng mga militar si Benjamen “Ben” Villeno – dating pangulo ng OLALIA-KMU at PAMANTIK-KMU. Militar din ang itinuturo sa pagpaslang kay Florencio “Bong” Romano – organisador, edukador at dating staff ng OLALIA-KMU. Patuloy naman ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pananakot kina Herminigildo Marasigan, tagapangulo ngayon ng OLALIA-KMU, at Dante Morales, organisador at staff ng OLALIA-KMU at PAMANTIK-KMU.

Lahat ito ay manipestasyon ng papahigpit na tali ng estado at kapitalista dulot ng tumitinding krisis ng kapitalistang ekonomiya. Higit itong nagpapakasubsob sa mga kapitalista at estado na humuthot ng tubo at ganansya sa panahong lumalala ang krisis.

Totoong umunlad ang ekonomiya dahil lumaki ang Gross National Income o kita ng bansa mula sa mga nilikhang produkto at serbisyo sa bawat taon. Ngunit sinungaling ang gubyerno sa pagsasabing nakikinabang ang mga manggagawa at mamamayan dito. Sa pag-unlad ng ekonomiya, naipapako sa napakababa ang sahod habang ang mga kapitalista ay nagkakamal ng supertubo. Ngayong taon, higit na lumaki ang kita ng mga malalaking burgesya komprador sa bansa dahil sa dugo at pawis ng mga manggagawa. Sa huling tala ng Forbes, kasama sa mga bilyonaryong Pilipino ay sina Manuel Villar, Robert Coyiuto, Jr., Lucio at Susan Co, Enrique Razon, Jr., Tony Tan Caktiong, Andrew Tan, David Consunji, George Ty, Lucio Tan, John Gokongwei, Jr., at Henry Sy, Sr. Si Villar ay may kabuuang yaman ng $1.3 bilyon habang si Sy ay may $12.9 bilyon.

Dahil pilit pinipiga ang mga manggagawa kapalit ng barat na pasahod, lumiliit ng husto ang kakayanan ng mamamayan na bumili ng mga produktong nililikha ng maramihan. Batay sa mga pagsusuri ni Karl Marx, isa ito sa mga dahilan kung bakit nagiging madalas ngayon ang pagputok ng pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomiya. Mula noong Greater Depression o Global Economic and Financial Crisis na pumutok noong 2007 sa Estados Unidos, muli na namang nararamdaman ang ganitong tipo ng krisis ngayong taon.

Maliban sa halos buwan-buwang pagkakatanggal ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang pagawaan dahil iligal na pamamaraan ng mga kapitalista, libo-libo din ang tinatanggal sa trabaho dahil sa pagbabawas o pagsasara bunga ng matinding kompetisyon. Noong 2014, mahigit 3,600 manggagawa ang agad nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Carina Apparel. Sinundan ito ng 2,600 manggagawang iligal na tinanggal sa Hoya Glass Disk dahil nais durugin ng kapitalista ang unyon. Ngayong taon, nakaambang tanggalin ang mahigit 3,000 manggagawa sa Nidec at mahigit 400 sa Panasonic. Tinanggal naman ang 2,500 regular na manggagawa ng Hitachi.

Isa sa senyales ng muling pagputok ng pandaigdigang krisis ang malawakang tanggalan. Ipinapakita ng kasaysayan at mga datos, na sa ilalim ng kapitalistang sistema ay walang kaseguruhan sa trabaho ang mga manggagawa – may unyon man o wala. Mayroon lamang isang antas ng pagtaas sa sahod at benepisyo ang mga unyonisado ngunit nananatili pa din silang biktima ng kapitalistang pagsasamantala.

Sa panahon ng krisis, naigigiit ng mga kapitalista na isalba sila ng gubyerno sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pondo na mula sa buwis ng mamamayan. Sa gitna ng pandaigdigang krisis, ginamit ni Obama ang buwis ng mamamayan upang magbigay ng $787 bilyon sa mga kapitalista noong 2009. Sa Pilipinas, nagpapatupad ng anti-mamamayang polisiya upang maampatan ang krisis, tulad ng Extended Value Added Tax (EVAT) na ipinatupad ni Arroyo para sa pambayad-utang sa mga kapitalista. Kasabay nito ang pagbabawas ng pondo para sa basic social services tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Hindi din inaaprubahan ang mga maka-mamamayang panukala tulad ng P2,000 SSS pension hike na ipinanukala ni Rep. Neri Colmenares. Sa pagtatapos ng termino ni Noynoy Aquino, mag-iiwan ito ng kabuuang utang na P6.4 trilyon; P4.16 trilyon dito ay inutang sa kanyang termino. Resulta ng patong-patong na utang sa dayuhan at lokal na mga institusyon ang kabuuang utang na P66,486.26 kada Pilipino; na malayo sa humigit-kumulang P10,000 noong panahon ni Cory Aquino.

Higit na mababaon sa utang at kahirapan ang mga manggagawa at mamamayan kung mananatiling mangmang sa kanyang kalagayan, mga karapatan at posibilidad ng sosyalistang kaayusan. Ngayon, namamayani sa maraming pagawaan ang dilawang unyonismo – ang unyon upang kumita at huthutan ng kapitalista at mga dilawang oportunista. Ginagawang negosyo ng Obrero, NAMAWU, FFW, BMP, PM, TUCP at iba pang dilawang organisasyon ang pagtatayo ng unyon.

Ang ekonomismo naman ay parang kalawang na umuuk-ok sa tunay na prinsipyo ng unyonismo. Ginagawa nitong hibang ang mga manggagawa sa pagbubuo at pagpapalakas ng unyon para lang pataasin ang sahod at magkamit ng iba pang pang-ekonomiyang ganansya. Itinuturo nito na huwag kumilos upang baguhin ang sistemang dahilan sa patuloy nilang paghihirap sa kabila ng presensya ng unyon. Ang legalismo ay karuwagan dahil inaalis nito sa mga manggagawa ang diwa at papel ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng manggagawa at mamamayan.

Napakahalaga ng papel ng mga manggagawa at unyon sa pagpagpapataas ng sahod at benepisyo. Higit sa lahat, mahalaga ang mga ito sa pagwawakas ng kapitalistang pagsasamantala upang maisakatuparan ang tunay na panlipunang pagbabago. Tuluyang maitatakwil ang dilawang unyonismo, ekonomismo at legalismo sa pamamagitan ng sistematiko, organisado, malawakan at mas mabilis na paraan ng pagpapalaganap ng diwa ng tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo. Higit dito, ang anti-imperyalistang prinsipyo ng tunay na unyonismo ang mag-aabante sa pakikibaka laban sa dominasyon at pandarambong ng mga kapitalistang bansa, pangunahin ang Estados Unidos.

Kailangan ng malalaking hakbang pasulong ng kilusang paggawa upang makamit sa malapit na hinaharap ang sosyalismo sa Pilipinas. Tanging sa isang sosyalistang lipunan lamang magkakaroon ng nakabubuhay sahod at marangal na hanapbuhay ang mga Pilipino. Sa sistemang ito, may pagrespeto sa buhay ng bawat isa, at iginagalang ang karapatan ng lahat ng mamamayan.

Walang kapitalistang kayang manamantala sa bagong sistema; kundi mamamayan lamang na nabubuhay para sa isa’t isa.

PRESYO, IBABA! SAHOD, ITAAS!
KONTRAKTWAL, GAWING REGULAR!
ITAKWIL ANG DILAWANG UNYONISMO, EKONOMISMO AT LEGALISMO!
ISULONG ANG TUNAY, MILITANTE AT ANTI-IMPERYALISTANG UNYONISMO!
IPAGTAGUMPAY ANG PAMBANSANG DEMOKRASYA NA MAY SOSYALISTANG PERSPEKTIBA!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s