Delubyo sa Huling Taon ng Rehimeng US-Aquino: Higit na Kahirapan sa Manggagawa at Mamamayang Pilipino!

Matinding ilusyon ang bumalot sa mamamayang Pilipino nang mailuklok si Noynoy Aquino sa Malacañang. Milyun-milyon ang umasa na magdadala ng tunay na pagbabago ang Daang Matuwid dahil talamak na korapsyon at paglabag sa karapatang pantao ang iniwan ng rehimeng US-Arroyo. Ngunit sa loob ng 6 taong panunungkulan ni Aquino, nakita ng sambayanan ang bahidng dugo sa dilaw na tabing nito.

Sa loob ng anim na taon, ilang beses nagtaas ang sahod ng mga manggagawa – sa porma lamang ng allowance na hindi naman agad nakukuha. Walang signipikanteng umento sa napakababang minimum wage na P481.00 sa NCR. Simula noong 2015, P349.00 ang naitalang pinakamataas sa Timog Katagalugan, at higit na mas mababa sa ibang rehiyon. Malayong malayo ito sa estimated living wage na P1,083.43 ayon mismo sa datos ng gobyerno. Dagdag dito, ang tunay na halaga ngayon ng bawat 100 pisong kinikita ng mga manggagawa ay P76.00. Higit na lumiit dahil sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, asukal, delata, at iba pa.

Hindi tinutugunan ng gubyernong Aquino ang makatarungang panawagan ng mga manggagawa para sa P750.00 national daily minimum wage (pribadong sektor tulad ng mga manggagawa sa pabrika), P16,000.00 national monthly minimum wage (publikong sektor tulad ng mga kawani sa mga ahensya ng gubyerno), at ang P125.00 across-the-board wage increase.

Sa halip, mga anti-manggagawang mga polisiya, tulad ng Two-Tier Wage System, ang ipinatupad. Ipinapako ang sahod ng mga manggagawa sa mababa at hindi nakabubuhay na halaga, at lalong nagbabaon sa kanila sa kumunoy ng kahirapan.

Mula nang ipatupad ang Herrera Law noong panahon ni Cory Aquino, dumami ang mga kontraktwal – mga manggagawang higit na mas mababa ang sahod kumpara sa mga regular, walang benepisyo, at tinatakot na magbuo ng unyon. Sa ilalim ni Noynoy Aquino, umaabot na sa 70-90% ng mga manggagawa ay kontraktwal.

Higit pang naging masahol ang kalagayan ng mga manggagawa dahil sa malaganap na Labor Only Contracting (LOC) – iligal na operasyon ng karamihan sa mga manpower agencies o nagkukubling cooperatives. Labag sa batas ang LOC ngunit patuloy itong ginagamit ng mga may-ari ng agencies at cooperatives sa paghuthot sa kita ng mga manggagawa. Ilan pa sa mga tampok na cooperatives at manpower agencies ay siya ring mga kapitalista! Maraming agencies at cooperatives na ang idineklarang iligal ng National Labor Relations Commission (NLRC), tulad ng Globalpro, HD Manpower, ANR, Sapphire at WorkTrusted.

Ginagamit ng mga kapitalista ang manpower agencies at cooperatives upang makaiwas sa pagtataas ng sahod at pagbibigay ng mga benepisyo sa mga manggagawa. Ang paulit-ulit na pagre-renew lang ng kontrata ng mga kontraktwal ay labag sa batas tulad ng Article 280 ng Batas Paggawa, na nagsasabing sa unang araw pa lamang ng pagpasok sa pagawaan ay dapat ng ituring na regular ang isang manggagawa, kung ang kanyang trabaho ay mahalaga sa produksyon.

ing2.png

Sa diwang ito lumilitaw ang pangangailangan ng mga manggagawa ng isang tunay na unyon na magtataguyod ng kanilang mga karapatan at magsusulong ng kanilang mga kagalingan. Ito ang kanilang sandata laban sa patuloy na atake ng neoliberal na polisiya sa kilusang paggawa – tulad ng kontraktwalisasyon at mababang sahod.

Makatarungan ang pakikipaglaban ng mga manggagawa para sa regular na trabaho at iba pang karapatan ngunit sistematikong panunupil ang tugon ng rehimeng US-Aquino. Sa Timog Katagalugan, kasangkapan ni Aquino ang mga mapagbalatkayong ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagdurog sa mga unyon.

Ngayong 2016, ang mga itinatayong unyon sa Manila Cordage Company, Manco Synthetics Incorporated, PhilFlex, Sigma at Gardenia ay pilit pinipigilan sa pamamagitan ng black propaganda o paninira at kolaborasyon ng kapitalista at mga ahensya ng gubyerno. Ang mga nakatayo namang unyon na nahaharap sa CBA at ibang laban tulad sa Daiwa, Ebara, Karzai, PhilMetal, MIESCOR, ABI at MMET ay tinatangkang pahinain ng mga kapitalista, habang ang mga asosasyon ng kontraktwal tulad sa Tanduay at Sagara Metro Plastic ay hindi kinikilala ng mga kapitalista.

Sa bawat pagkilos ng mga manggagawa at kanilang asosasyon o unyon, binubuwag ito ng mga kapitalista gamit ang Tripartite Industrial Peace Council – Manifestos of Commitment (TIPC-MOC). Isa itong kasunduan sa pagitan ng AFP, PNP, mga kapitalista, dilawang unyon, DoLE, at iba pang ahensya ng gubyerno na maaaring manghimasok ang mga pulis at militar sa mga labor disputes upang diumano ay mapanatili ang peace and harmony sa mga pagawaan. Sa reyalidad, ginagamit ang AFP at PNP upang buwagin ang mga pagkilos, manmanan at takutin ang mga organisador at manggagawa, at sa pangkabuuan ay lusawin ang kilusang paggawa.

Ang TIPC-MOC ay madulas na paraan upang ipatupad ang Oplan Bayanihan maging sa loob ng mga pagawaan at mga kalunsuran. Sa rehiyon, biktima ng hinihinalang pagdukot ng mga militar si Benjamen “Ben” Villeno – dating pangulo ng OLALIA-KMU at PAMANTIK-KMU. Militar din ang itinuturo sa pagpaslang kay Florencio “Bong” Romano – organisador, edukador at dating staff ng OLALIA-KMU. Patuloy naman ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pananakot kina Herminigildo Marasigan, tagapangulo ngayon ng OLALIA-KMU, at Dante Morales, organisador at staff ng OLALIA-KMU at PAMANTIK-KMU.

Lahat ito ay manipestasyon ng papahigpit na tali ng estado at kapitalista dulot ng tumitinding krisis ng kapitalistang ekonomiya. Higit itong nagpapakasubsob sa mga kapitalista at estado na humuthot ng tubo at ganansya sa panahong lumalala ang krisis.

Totoong umunlad ang ekonomiya dahil lumaki ang Gross National Income o kita ng bansa mula sa mga nilikhang produkto at serbisyo sa bawat taon. Ngunit sinungaling ang gubyerno sa pagsasabing nakikinabang ang mga manggagawa at mamamayan dito. Sa pag-unlad ng ekonomiya, naipapako sa napakababa ang sahod habang ang mga kapitalista ay nagkakamal ng supertubo. Ngayong taon, higit na lumaki ang kita ng mga malalaking burgesya komprador sa bansa dahil sa dugo at pawis ng mga manggagawa. Sa huling tala ng Forbes, kasama sa mga bilyonaryong Pilipino ay sina Manuel Villar, Robert Coyiuto, Jr., Lucio at Susan Co, Enrique Razon, Jr., Tony Tan Caktiong, Andrew Tan, David Consunji, George Ty, Lucio Tan, John Gokongwei, Jr., at Henry Sy, Sr. Si Villar ay may kabuuang yaman ng $1.3 bilyon habang si Sy ay may $12.9 bilyon.

Dahil pilit pinipiga ang mga manggagawa kapalit ng barat na pasahod, lumiliit ng husto ang kakayanan ng mamamayan na bumili ng mga produktong nililikha ng maramihan. Batay sa mga pagsusuri ni Karl Marx, isa ito sa mga dahilan kung bakit nagiging madalas ngayon ang pagputok ng pandaigdigang krisis sa pinansya at ekonomiya. Mula noong Greater Depression o Global Economic and Financial Crisis na pumutok noong 2007 sa Estados Unidos, muli na namang nararamdaman ang ganitong tipo ng krisis ngayong taon.

Maliban sa halos buwan-buwang pagkakatanggal ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang pagawaan dahil iligal na pamamaraan ng mga kapitalista, libo-libo din ang tinatanggal sa trabaho dahil sa pagbabawas o pagsasara bunga ng matinding kompetisyon. Noong 2014, mahigit 3,600 manggagawa ang agad nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Carina Apparel. Sinundan ito ng 2,600 manggagawang iligal na tinanggal sa Hoya Glass Disk dahil nais durugin ng kapitalista ang unyon. Ngayong taon, nakaambang tanggalin ang mahigit 3,000 manggagawa sa Nidec at mahigit 400 sa Panasonic. Tinanggal naman ang 2,500 regular na manggagawa ng Hitachi.

Isa sa senyales ng muling pagputok ng pandaigdigang krisis ang malawakang tanggalan. Ipinapakita ng kasaysayan at mga datos, na sa ilalim ng kapitalistang sistema ay walang kaseguruhan sa trabaho ang mga manggagawa – may unyon man o wala. Mayroon lamang isang antas ng pagtaas sa sahod at benepisyo ang mga unyonisado ngunit nananatili pa din silang biktima ng kapitalistang pagsasamantala.

Sa panahon ng krisis, naigigiit ng mga kapitalista na isalba sila ng gubyerno sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pondo na mula sa buwis ng mamamayan. Sa gitna ng pandaigdigang krisis, ginamit ni Obama ang buwis ng mamamayan upang magbigay ng $787 bilyon sa mga kapitalista noong 2009. Sa Pilipinas, nagpapatupad ng anti-mamamayang polisiya upang maampatan ang krisis, tulad ng Extended Value Added Tax (EVAT) na ipinatupad ni Arroyo para sa pambayad-utang sa mga kapitalista. Kasabay nito ang pagbabawas ng pondo para sa basic social services tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Hindi din inaaprubahan ang mga maka-mamamayang panukala tulad ng P2,000 SSS pension hike na ipinanukala ni Rep. Neri Colmenares. Sa pagtatapos ng termino ni Noynoy Aquino, mag-iiwan ito ng kabuuang utang na P6.4 trilyon; P4.16 trilyon dito ay inutang sa kanyang termino. Resulta ng patong-patong na utang sa dayuhan at lokal na mga institusyon ang kabuuang utang na P66,486.26 kada Pilipino; na malayo sa humigit-kumulang P10,000 noong panahon ni Cory Aquino.

Higit na mababaon sa utang at kahirapan ang mga manggagawa at mamamayan kung mananatiling mangmang sa kanyang kalagayan, mga karapatan at posibilidad ng sosyalistang kaayusan. Ngayon, namamayani sa maraming pagawaan ang dilawang unyonismo – ang unyon upang kumita at huthutan ng kapitalista at mga dilawang oportunista. Ginagawang negosyo ng Obrero, NAMAWU, FFW, BMP, PM, TUCP at iba pang dilawang organisasyon ang pagtatayo ng unyon.

Ang ekonomismo naman ay parang kalawang na umuuk-ok sa tunay na prinsipyo ng unyonismo. Ginagawa nitong hibang ang mga manggagawa sa pagbubuo at pagpapalakas ng unyon para lang pataasin ang sahod at magkamit ng iba pang pang-ekonomiyang ganansya. Itinuturo nito na huwag kumilos upang baguhin ang sistemang dahilan sa patuloy nilang paghihirap sa kabila ng presensya ng unyon. Ang legalismo ay karuwagan dahil inaalis nito sa mga manggagawa ang diwa at papel ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng manggagawa at mamamayan.

Napakahalaga ng papel ng mga manggagawa at unyon sa pagpagpapataas ng sahod at benepisyo. Higit sa lahat, mahalaga ang mga ito sa pagwawakas ng kapitalistang pagsasamantala upang maisakatuparan ang tunay na panlipunang pagbabago. Tuluyang maitatakwil ang dilawang unyonismo, ekonomismo at legalismo sa pamamagitan ng sistematiko, organisado, malawakan at mas mabilis na paraan ng pagpapalaganap ng diwa ng tunay, militante at anti-imperyalistang unyonismo. Higit dito, ang anti-imperyalistang prinsipyo ng tunay na unyonismo ang mag-aabante sa pakikibaka laban sa dominasyon at pandarambong ng mga kapitalistang bansa, pangunahin ang Estados Unidos.

Kailangan ng malalaking hakbang pasulong ng kilusang paggawa upang makamit sa malapit na hinaharap ang sosyalismo sa Pilipinas. Tanging sa isang sosyalistang lipunan lamang magkakaroon ng nakabubuhay sahod at marangal na hanapbuhay ang mga Pilipino. Sa sistemang ito, may pagrespeto sa buhay ng bawat isa, at iginagalang ang karapatan ng lahat ng mamamayan.

Walang kapitalistang kayang manamantala sa bagong sistema; kundi mamamayan lamang na nabubuhay para sa isa’t isa.

PRESYO, IBABA! SAHOD, ITAAS!
KONTRAKTWAL, GAWING REGULAR!
ITAKWIL ANG DILAWANG UNYONISMO, EKONOMISMO AT LEGALISMO!
ISULONG ANG TUNAY, MILITANTE AT ANTI-IMPERYALISTANG UNYONISMO!
IPAGTAGUMPAY ANG PAMBANSANG DEMOKRASYA NA MAY SOSYALISTANG PERSPEKTIBA!

Sariling kainutilan ng Malacañang ang dulo ng kanilang pamimintang

04042016-Kidapawan-PR-2Sa kabila ng libu-libong gutom at pinagkakaitang magsasaka, kasuklam-suklam ang walang-hanggang pagkakalat ng kasinungalingan at pananakip-butas ng Malacañang at ng mga kasapakat nitong mga eksperto sa pagsisinungaling.

Sa pag-asang tanggalin ang sarili nilang kapabayaan, itinuturo nila ang ‘di-umano’y manipulasyon ng mga maka-Kaliwa at “impiltrasyon” mula sa New People’s Army bilang dahilan sa kanilang papel sa madugong pagbuwag sa hanay at masaker ng mga magsasaka ng Hilagang Cotabato noong ika-1 ng Abril.

Subalit, ang pagsunod sa argumentong ito ay insult lamang sa mga magsasaka at sa mga makatarungang dahilan nila upang itatag ang mga organisasyong nagtatanggol sa kanilang interes. Pinagmumukha lamang na walang-isip ang mga magsasaka, na siyang hindi totoo.

Hindi na kami nagugulat sa mga kasinungalingang ito, dahil ito rin ang parehong pagbubuladas na ipinakakalat ng mga kapitalista at mga ahente ng estado sa panahong nagtatatag kami ng mga tunay na unyon sa pagawaan. Malawakang pandarahas at pagtanggal sa trabaho ang natatanggap ng manggagawa sa kanilang pagtataguyod ng kanilang demokratikong karapatan.

Ang mga eksperto sa kasinungalingang nasa Malacañang, Crame at Aguinaldo ay lubhang mali sa pagpapakalat ng “manipulasyon ng mga magsasaka ng mga maka-Kaliwa” bilang resulta ng madugong pagbuwag sa kanilang hanay. Patuloy lamang nitong iniiwasan ang isyu ng kapabayaan nina Gobernador Emmylou Taliño-Mendoza, DA Secretary Proceso Alcala, at ni BS Aquino – habang idinidiin ang sisi sa mga argumentong walang basehan at katotohanan.

Ang walang-habas na panunuro at paninisi ng mga tagapagsalita ng Pangulo ay bumabalik lamang sa puno’t dulo ng isyu: palpak si BS Aquino ang kanyang mga kasapakat na magbigay ng nararapat na tulong sa mga magsasaka.

Nakalulungkot na hindi na kayang magbigay pa ng mas magandang paliwanag nila BS Aquino kundi ulitin lamang ang gasgas nilang script. Ito ay sa kabila ng walang-humpay nilang paggamit ng mga pondo ng bayan sa ngalan ng pagtataguyod ng “Daang Matuwid” at sa pagkakampanya para sa kanilang manok na si Mar Roxas, isang taong labis na kinasusuklaman na ng mamamayan.

Sa patuloy na pagsasawalang-bahala ng rehimeng BS Aquino sa mga magsasaka at mamamayan, walang alinlangang mas marami ang nakukumbinsi na wala silang makukuhang pag-asa mula sa halalan sa Mayo.

Dumarami ang mga magsasaka, manggagawa, at iba pang sektor ang sumusuporta na sa mga pagsisikap para sa pambansang paglaya, kung saan nakikita ng mamamayan ang pangarap ng isang bansang may tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon – ang muog ng tunay na pag-unlad.

Nitong ika-29 ng Marso, sumama ang laksa-laksang magsasaka mula sa mga rebolusyonaryong organisasyon sa huling pagpaparangal kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, dating tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas at hinirang na tinig ng rebolusyon. Sila ang isa sa mga pumuno sa mga daluyan ng Maynila na may bitbit na panawagang, “Rebolusyon, hindi eleksyon!”.

Pinatutunayan lamang nito na sa harap ng matinding karahasan at kapabayaan, ang pakikibaka ni Ka Roger ang siyang nagsisilbing huwaran para sa marami sa atin upang bawiin ang dapat sa atin.

Habang malaking kasinungalingan at talipandas na pahayag na ang pagkilos ng mga magsasaka ay pakulo lamang, totoo na ang papatinding kapabayaan ng Malacañang ang magdudulot ng mas marami pang magpapasyang magtatag ng panibagong gobyerno – sa lansangan man o sa kanayunan. # # #

*******

Malacañang’s finger-pointing eventually
points back to their inutility -S. Tagalog workers

In the midst of thousands of hungry and deprived farmers, we are sickened by the endless lie-mongering and smear offensive that was spread by Malacañang, along with its spin doctors and trolls.

In the hopes of exculpating themselves from blame, they point their fingers to the manipulation of Leftists and infiltration from the New People’s Army as the sole cause for their actions in the bloody dispersal and massacre of North Cotabato farmers last April 1.

However, going by these arguments only offend the farmers of their genuine reasons for building their organizations in defense of their interest. Such pronouncements only make our farmers stupid, which they are not.

We are not shocked by these lies, as they are the same lies being propagated by the capitalists and state agents whenever we strive to form labor unions. Massive harassments and firings occur to the workers as they endeavor to create the expression of their collective power.

The spin doctors and liars in Malacañang are grossly wrong when they prate the “manipulation of the farmers by Leftists” as the result of such a bloody dispersal. They continue to dodge the issue of government negligence by North Cotabato Governor Mendoza, DA Sec. Proceso Alcala, and BS Aquino – and pinning the blame on unfounded and baseless arguments.

The reckless and dirty finger-pointing of the President’s spokespersons only point back to the crux of the issue: BS Aquino and his cohorts utterly failed to give to the farmers the help they deserve. BS Aquino and his PR team can, sadly, do no better than repeating the script to escape responsibility for the massacre, while they continue to vehemently use government resources in the name of “Daang Matuwid” and in campaigning for presidential bet Mar Roxas – a figure completely vilified by the people.

Through the BS Aquino regime’s continuing disregard against the farmers and the people, however, it is no doubt that more are then convinced that there is never any glimmer of hope in the May elections. More farmers, workers and other sectors are supporting the struggle for national liberation, where the people sees the promise of a nation with genuine agrarian reform and national industrialization – the base of genuine development.

Last March 29, revolutionary farmers joined the multitude who paid their last tribute to the great hero of the masses Gregorio “Ka Roger” Rosal – former spokesperson of the Communist Party of the Philippines and dubbed as the “tinig ng rebolusyon”. They were among those who filled Manila’s major thoroughfares with the resounding call “Rebolusyon, hindi eleksyon!”.

In the midst of sheer violence and neglect for many Filipinos, the struggle Ka Roger waged serves as an inspiration for them to seize what they deserve.

While it is a lie and an offensive remark that such actions were instigated upon by the Left, it is true that the ensuing negligence by Malacañang eventually leads many more to decide to establish a new government – in the streets or in the countryside. # # #

Magsasakang biktima ng El Nino, pinapaslang ng pyudalismo, estado

04042016-Kidapawan-PR-1.png

Ipinapaabot ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan sa ilalim ng panrehiyong sentrong unyong PAMANTIK-KMU ang kanilang pinakamalakas na pagkundena sa marahas at walang-awang pamamaslang ng mga magsasaka sa North Cotabato, na siyang may mga pinakamakatarungan at lehitimong dahilan upang magprotesta.

Bilang mga biktima ng kontraktwalisasyon at ng mga neoliberal na opensiba ng mga kapitalista, alam naming kung gaano kahirap na sa paglipas ng bawat araw ay nakatatanggap kami ng napakababa at napakalayo-sa-disenteng sahod.

Ang makatanggap ng sapat na sahod para magtrabahong muli kinabukasan ay ‘di na makatarungan at makatao; ngunit ang mamatay sa gutom habang nananawagan para sa isang nararapat na serbisyo tulad ng rice subsidy ay rurok na ng kawalang-konsensya at siyang nakasusuklam.

Mataas ang pagtingin namin sa mga magsasaka – nasa kanila ang lahat ng dahilan upang kunin ang dapat ay sa kanila, lalo na kung ipinagkakait ng pamahalaan ang kanilang karapatan para sa serbisyong panlipunan. Ang sabihing ang kanilang barikada ay nakapagdulot lamang ng malaking kawalan sa kita at istorbo ay hindi kailanman tatapat sa gutom na dinaranas na ng mga magsasaka sa loob ng ilang buwan.

Kinukondena namin si North Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza sa kanyang pagkainutil, pagkamanhid at pagkapasista sa kanyang sariling mga mamamayan. Hindi na nga nasasapatan sa marahas na pagbubuwag sa protesta ng magsasaka, hinarang pa niya ang tulong na bumuhos para sa mga magsasaka.

Ang ganitong aktitud ay nakasusuklam at mala-Marcos: katulad ng dinanas ng mamamayan sa loob ng Daang Matuwid.

Kung naalala natin, responsibilidad ng pamahalaan na mabigyan ng kinakailangan at mabilis na tulong ang mamamayan sa oras ng kalamidad. Sa pagugong ng halalan sa Mayo, maraming tradisyunal na kandidato ang nagwawaldas ng bilyon-bilyong piso para sa mga advertisements na nangangako ng ginhawa para sa magsasaka – ngunit para lamang makakuha ng boto.

Ito ay nakababahala sapagkat namamatay sa gutom at desperasyon ang mga magsasakang sinumpaan nilang pagsilbihan. Wala ni isang kusing ng serbisyo ang natanggap nila mula sa mga trapo. Hindi pagkain, ngunit ampaw na mga salita at kontra-mamamayang polisiya ang ibinigay nila.

Mula sa masaker sa Mendiola, sa Hacienda Luisita at hanggang ngayon sa masaker sa Kidapawan, puno na ng dugo ang mga Aquino: dugo ng mga magsasakang martir. Hahaba lang ang listahan sa lalong pagtagal ng mga asyendero at komprador sa kapangyarihan.

Tulad ng napakarami nang pagyurak sa mga magsasaka at sa mga binubusabos, ang katotohanan ay lalo lamang nagiging malinaw: pinapatay ang mga magsasaka nang ilang ulit ng pyudal na pag-aari ng lupa at karahasan ng estado. Sa pangkalahatan, tayo ay unti-unting pinapatay ng tatlong salot ng walang-habas na paghahari ng dayuhan, dayukdok at atrasadong kondisyong ekonomiko at malawakang korapsyon.

Kahit nasa ibayo nang disgrasya, ang nararapat lamang na gawin ni BS Aquino ay kagyat na ibigay ang subsidiyo ng bigas at calamity fund para sa mga nagugutom na magsasaka ng Hilagang Cotabato, at tapusin na ang karahasang dulot ng pulisya at militar sa mga kanlungan ng mga magsasaka.

Kung hindi, pananatilihin lamang niyang kinukumbinsi ang mga magsasaka at mamamayan na mag-aklas, ibagsak ang mapaniil na sistema, at itatag ang isang estadong tunay na nagrerespeto sa karapatang pantao at nagsisilbi sa interes ng mamamayan. # # #