KMK: Manggagawang kababaihan, magkaisa, lumaban! Huwag matakot!

babae

Hindi maikakaila ang malaking papel ng kababaihan sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan ng buong daigdig. Sa lahat ng mga rebolusyon at pag-aalsa ng mga mamamayan, hindi maaaring mawala sa eksena ang mga nakikibakang kababaihan.

Higit na nakilala ang papel ng kababaihan sa pakikibaka noong ika-19 na siglo, panahon ng rebolusyong industriyal. Sa panahong nagsisimulang umigting ang iba’t ibang porma ng pagsasamantala ng mga kapitalista sa uring manggagawa, umigting din ang paglaban ng kababaihan para sa pantay na mga karapatan, mas mabuting kalagayan sa trabaho, at maging karapatang pulitikal.

Ngayong buwan ng Marso ginugunita sa buong mundo ang Araw ng Kababaihan. Hindi lamang ito paggunita sa kanilang araw, ito rin ang kanilang pagpapahayag para sa pagkundena sa mga karahasan at paglabag sa karapatan pantao na nararanasan ng mga kababaihan.

Hindi pahuhuli dito ang mga kababaihang manggagawa bilang sila ay nakakaranas ngayon ng ibayong pang-aapi at paglabag sa kanilang mga karapatan hindi lamang bilang isang babae kung hindi bilang isang manggagawa.

Kasaysayan ng paglaban ng mga kababaihan

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Isandaan at anim na taon na ang nakaraan nang magkaroon ng Second International Conference of Socialist Women sa Copenhagen, Denmark, na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa. Dito ay isinulong ni Clara Zetkin, isang lider kababaihang manggagawa, na magkaroon ng natatanging araw para gunitain ang kahalagahan ng kababaihan sa lipunan.

Noong Marso 8, 1857, nagsimulang mag-organisa at magtayo ng mga unyon ang mga kababaihang manggagawa sa mga pabrika para labanan ang mga kapitalista, at ipadama ang kanilang sama-samang pagkilos, sa mga pabrika ng damit sa Europa at Estados Unidos.

Marso 1911 nang magkaroon ng malaking pagkilos sa iba’t ibang bansa bitbit ang kahilingan ng mga kababaihan para sa trabaho, karapatang bumoto at pagwawakas sa diskriminasyon. Marso 1911 din nang maganap ang sunog sa Triangle Shirt Factory sa New York kung saan 146 na kababaihan at mga batang manggagawa ang namatay. Ang trahedyang ito ay nagpakilos sa 100,000 mamamayan para kondenahin ang kapabayaan ng kumpanya. Bumuhos sa Rusya ang halos 90,000 manggagawang kababaihan bitbit ang panawagang “tinapay at kapayapaan”. Tampok dito ang kanilang kahilingan sa kabuhayan at panawagan para sa pagwawakas ng gyera.

Simula noon, ipinagdiriwang tuwing Marso 8 ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Ang Kababaihang Manggagawa
Inilunsad ang dambuhalang protesta ng mga kababaihang manggagawa laban sa mababang sahod, 12 oras na pagtatrabaho, di makataong kundisyon sa paggawa, child labor, at maging ang karapatan sa pagboto at paglahok sa pulitika.

Mula’t sapul, kabahagi ang kababaihang manggagawa sa pagsulong sa kilusang manggagawa at kinilala ang partikular na pangangailangan ng kababaihan.

Si Narcisa Paguibitan, manggagawa sa La Helena (isang pabrika ng tabako), ay pangunahing lider ng Katipunang Anak Pawis, at isa sa mga lider ng Pambansang Liga ng Kababaihan na binuo noong Abril 1932. Siya ay hinuli at kinulong bunga ng nangunang papel niya sa Pangkalahatang Welga ng mga Manggagawa sa Maynila noong 1934.

Sa Pilipinas, Marso 8, 1971 nagkaroon ng unang paggunita ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Ito ay pinangunahan ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan at Katipunan ng Bagong Kababaihan sa pamamagitan ng isang kilos protesta laban sa kahirapan. Ang militante at determinadong paglahok ng kababaihan sa mga welga at kilos protesta ay isa ring hibla ng kasaysayan ng kilusang manggagawa.

Ang Kasalukuyang Kalagayan ng Manggagawang Kababaihan
Sa kasalukuyan, malaking bilang ng kababaihan ang nakakaranas ngayon ng labor flexibilization schemes tulad ng kontraktwalisasyon: walang kaseguruhan sa trabaho, mababang sahod.

Sa Takata, NXP, Aichi Forging, LMC, Toshiba, Samsung at iba pang pagawaan na may malaking konsentrasyon ng kababaihan, mas dumoble ang bilang ng mga kontraktwal kumpara sa regular. Sa pinakahuling pag-aaral, umaabot na sa 70 – 80% na ang bilang nga mga kontraktwal sa Pilipinas at malaking porsyento dito ay mga babae.

Maliban pa dito, kinakaharap ngayon ang malawakang tanggalan sa pagawaan, tulad sa Nidec Copal at Hamlin Garments. Karamihan ng mga manggagawang kababaihan ang biktima ng iligal na pagtatanggal. Hindi pa rin nalilimutan ang malawakang tanggalan na naranasan ng manggagawa sa Carina Apparel at Hoya Glass Disk.

Patuloy pa rin ang iba’t ibang klase at kaso ng sexual harassment na nararanasan ng mga manggagawang kababaihan sa mula sa kanilang mga manager at supervisor.

Kahit nasa ika-5 buwan na ng pagdadalantao, pinagtatrabaho pa sa gabi at madalas ay mga nakatayo pa ang mga kababaihang manggagawa – sa sektor man ng industriya, serbisyo at agrikultura.

Habang patuloy ang kawalan ng trabaho dito sa bansa, maraming mga kababaihan ang napipilitan na mangibang bansa at doo’y magpaalipin bilang mga kasambahay. Sila rin ang nagiging biktima ng Human Trafficking, katulad na lamang ni Mary Jane Veloso na nakulong sa ibang bansa at sinentensyahan ng bitay.

Magpapatuloy ito hanggang nananatili ang pagpapairal ng mga neoliberal na polisya ng mga papet na rehimen; at hanggang ang pyudal-patriyarkal na lipunan ay namamayani. Ito ang dahilan kung bakit ang Araw ng Kababaihan ay hindi isang pagdiriwang, kundi paalala na ang pakikibaka ng kababaihan para sa pantay na katayuan ay hindi matatapos hangga’t nananatiling naghihirap ang sambayanan.

Ginugunita rin natin ngayon ang isang taong anibersaryo ng pagpaslang kay Florencio “Ka Bong/YS” Romano, dakilang edukador at organisador ng manggagawa. Itinuturo ang Philippine Air Force, na nakabase sa Batangas, na may punong responsibilidad sa kanyang pagkakamatay.

Lahat tayo – babae man o hindi – ay biktima ng pampulitikang panunupil ng mga naghaharing uri!

Upang wakasan ang kaapihang nararanasan ng mga kababaihang manggagawa, kailangan na mas mahigpit na magkaisa at ipaglaban ang kanilang mga karapatan, magtayo ng mga tunay, palaban at anti-imperyalistang unyon – ang organisasyon na magsusulong ng kanilang mga batayang karapatan para sa sahod at benepisyo hanggang sa itaas ang kanilang antas ng pakikibaka tungo sa paggigiit sa isang lipunang magpapalaya sa kanila sa pagkaalipin sa sistemang sahuran.

Kaya ang hamon sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan: ibayong pasiglahin ang pagkilos laban sa mga anti-manggagawa, anti-kababaihan na batas. Lumahok sa mga pagkilos na nagsusulong ng pambansang kalayaan. Palawakin ang Kilusan ng Manggagawang Kababaihan na mangunguna para sa pagsusulong ng karapatan ng mga babae sa loob at labas ng pagawaan.

KABABAIHANG MANGGAGAWA, MAGKAISA AT MAKIBAKA!

KILUSAN NG MANGGAGAWANG KABABAIHAN
Marso 2016

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s