Batas Militar, Daang Matuwid “mukha ng iisang barya”

02152016-Martial-Law,-Daang-Matuwid

02152016-Martial-Law,-Daang-Matuwid

Ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), rehiyunal na sentro ng militanteng unyonismo, ay nagpapaabot ng pagkabahala sa mga komento nila Mar Roxas, Leni Robredo at Bongbong Marcos, na siyang nagpapabango lamang ng Batas Militar at Daang Matuwid.

Nagsasalita kami sa konteksto ng una, mga sagot ni Marcos sa isang panayam sa midya, na ang tanging naglalabas lamang ng mga kaso ng karahasan noong Batas Militar ay ang “midya at ang kanyang mga karibal sa pulitika”; at pangalawa, sa mga komento ni Robredo at Roxas ukol sa Batas Militar, na inilabas sa isang kilalang pahayagan.

Parehong iniiwasan nila Robredo at Roxas ang katotohanan: parehong ang Batas Militar at Daang Matuwid ay magkawangis lamang. Ang mga pahayag ni Robredo at Roxas ukol sa ilusyon ng pag-unlad na dala ng diktadurang Marcos ay kapareho lamang ng ilusyong dala ng Daang Matuwid. Hindi tulad nilang tatlo, hindi na natin kailangan ng pagbabalik-aral sa kasaysayan – ang mga manggagawa ay saksi sa paglabas nilang lahat ng dahas sa atin.

Kinukundena naming si Marcos, Roxas at Robredo sa kanilang palpak na pagpapabango ng kanilang pangalan o ang kanilang mga islogan sa kampanya. Milyong biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurya ang hindi makalilimot sa kung paano tila pinaglaruan ni Ferdinand Marcos ang mga buhay ng mamamayan, kapareho sa paggamit ng kaban ng bayan para sa sariling benepisyo. Ito ngayon ang pilit ipinalilimot ng kanyang anak sa mamamayan – ngunit hindi nito maibubura ang bahid ng dugo sa kanilang kayamanan.

Ang kaparehong ipinalalabas nila Robredo at Roxas na “Daang Matuwid” ay hindi nakapagdala ng hustisya para sa mga biktima ng Batas Militar. Nagdagdag pa nga ang Daang Matuwid ng ilan libo pa sa listahan habang dinedepensahan ang neoliberal na tulak nito sa ekonomiya, na iilan lamang ang nakinabang.

Pilit idinidikit ng Daang Matuwid ang pang-araw-araw na paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan sa isa umanong maunlad na ekonomiya: na kabaligtaran ng ibinabandera nitong pag-unlad na dama ng nakararami.

Niloko na ng ilang beses ang mamamayan ng mga tulad ni Marcos at ng Daang Matuwid. Hanggang ngayon, ang mabagal na usad ng hustisya sa Pilipinas ang nakapagpawala rin ng kung anumang pag-asa para sa mga pamilya ng mga biktima nila.

Parehong ang Daang Matuwid at Batas Militar ay nagdulot ng malalalim na sugat sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng napakaraming kaso ng karahasan. Inilubog pa nito lalo ang mga mangagagawa ng Timog Katagalugan at ng buong bansa sa hindi-mawaring lalim ng kahirapan, kawalang-empleyo at pagpapasakit.

Dahil dito, hindi na nakapagtataka na paparami ang nawawalan ng pag-asa sa pagbabago mula sa halalan sa Mayo: karamihan din sa mga kandidado ay malalaking panginoong maylupa, komprador o tuta ng kapitalista. Walang habas nilang binabali ang kanilang mga pangako sa mamamayan nang walang pasubali.

Kahit na mayroon kaming pag-asa para sa iilang mga progresibong kandidato, ang mas magandang piliin para sa kalakhan ay ang palakasin ang boses ng mamamayan – para sa manggagawa ay mag-unyon at kolektibong ipaglaban ang nakabubuhay na trabaho at tunay na pagbabago sa mga engklabo, pabrika, at sa buong bansa. # # #

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s