Nagdadalamhati kami sa kamatayan ni Ka Nestor: Bayani ng magsasaka at mamamayang Pilipino

02292016-Ka-Nestor.png

Ipinahahayag ng mga unyon, pederasyon at asosasyon ng manggagawa sa ilalim ng panrehiyong sentrong unyong Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang taos-pusong pagdadalamhati sa pamilya ni kasamang Nestor Villanueva.

Namatay siya noong Sabado, ika-27 ng Pebrero, bunga ng komplikasyon mula sa kanyang sakit.

Si Villanueva, 59, ay naging tagapangulo ng panrehiyong sentrong magsasaka Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), tagapagsalita ng Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM), at miyembro ng pambansang konseho ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Mula sa kanyang karanasan ng pangangamkam ng lupa at iba pang porma ng pag-aabuso sa mga magsasaka sa Hacienda Yulo, Calamba, si Ka Nestor ay tumahak sa kalsada at tinipon ang pinakamaraming bilang ng mga magsasaka laban sa pyudal na pagsasamantala at para sa pambansang industryalisasyon at demokrasya.

Hinangaan namin si Ka Nestor sa kanyang mahusay na paggagap ng sitwasyon ng magsasaka sa rehiyon kung saan man siya pumunta; mula sa mga komunidad hanggang sa mga pagtitipon at pagkilos. Sinasariwa namin ang kanyang mainit na pagbati at pagngiti habang kahati namin siya sa kalsada sa mga protesta laban sa malawak na inhustisyang panlipunan.

Tinitingala namin si Ka Nestor sa kanyang paglagpas sa napakaraming atake sa magsasaka at mamamayan nang may rebolusyonaryong militansya at determinasyon; sa mga dayalog, protesta, asembleya at kampanya. Kaparehong nagpamalas ng kanilang pagkakaisa kasama ang mga manggagawa at iba pang sector sa kanyang aktibong partisipasyon sa aming mga aktibidad.

Sa mga pangyayaring ito aming idinadakila ang tunay na ekspresyon ng aming batayang alyansa, habang nakipagkapit-bisig kami para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industrialisasyon.

Lubos kaming nalulungkot sa pagkamatay ni Ka Nestor, isang determinadong bayani ng magsasaka at mamamayang Pilipino.

Siya ay isang halimbawa na nais tularan ng mga manggagawa sa aming pakikibaka hindi lamang para sa nakabubuhay na sahod at benepisyo, pero lalo na sa labanang pulitikal, kung saan ang ating pagtatagumpay ay magtatakda ng mas magandang bukas para sa mamamayan.

Nalulungkot din kami na hindi na masasaksihan ni Ka Nestor ang tagumpay ng kanyang mga ipinaglalaban. Sa kabila nito, nananatili ang kanyang pangarap na mas marami pang magsasaka at mamamayan ang sumapi sa panibagong daluyong ng panlipunang pagbabago at pakikibaka para sa pambansang demokrasya.

Sa paraang ito, ating alalahanin at dakilain ang alalaala ni Ka Nestor Villanueva. # # #

Tatlumpung taon matapos ang EDSA: Pagpapanumbalik ng delubyo sa manggagawa

02252016-EDSA

“Tama na, sobra na!” ang aming ipinahahayag sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno, sa patuloy na pagpapahirap sa mga manggagawa talumpung taon matapos ang pagpapatalsik sa diktaduryang US-Marcos noong EDSA I.

Nananatili, kung hindi man mas matindi, ang dinaranas na kahirapan ng mga manggagawa sa kasalukuyan – na siyang ninais nilang wakasan noong humugos sila sa mga lansangan tatlumpung taon na ang nakararaan. Inipon lamang ng mga rehimen mula kay Corazon Aquino, hanggang sa kanyang anak na si Benigno, ang mga kasinungalingan at nakakamoplaheng panloloko sa pamamagitan ng iba’t ibang polisiya sa loob at labas ng pagawaan.

Si Corazon Aquino ang naging ina ng kontraktwal at delikadong trabaho. Si Ramos ang naging tagapamandila ng deregulasyon sa ekonomiya, na pumatay sa ating mga likal na industriya. Nangurakot si Estrada sa kaban ng bayan, habang inatake ni Arroyo ang mga pagtitipon ng mamamayan para sa kanilang karapatan. Itong lahat ay ipinamalas ni BS Aquino – na may halong kawalang-bahala at mundong nakadistrongka sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, higit pang mga manggagawang kontraktwal ang biktima ng napakababang sahod – na siyang pinipigilan ng mga kapitalistang magtayo ng unyong magtataguyod sa kanilang interes. Sa paghahabol ng pinakamabababang gastusin, pito hanggang sa siyam na manggagawa ang pinapasok bilang kontraktwal; binubuhay bilang mga binabawian ng dignidad mabuhay. Ang mga welga ng manggagawa, tulad ng sa Tanduay Distillers, Inc., at Karzai Corporation, ay sinalubong lamang ng mga taingang bingi at marahas na pwersa.

Ang ikatlong dekada matapos ang EDSA ay nangahulugan ding panibagong pagkakatapo upang pumili ng mga panibagong lider – na naging kalokohan para sa nakararami. Sa pamamagitan ng ampaw na pangako, unawa na ng mga manggagawa na ang eleksyon sa Mayo ay nangangahulugan lamang ng panibagong serye ng mga atake sa kanilang karapatan.

Sinaling tayo ng mga imperyalistang US at Tsina para sa kanilang makasariling interes ng pandaigdigang dominasyon sa eknomiya at pulitika. Ginamit ng US ang pananakot ng Tsina upang ilapit ang EDCA at ang panibagong mga polisiyang neoliberal sa pamamagitan ng APEC. Para sa mga manggagawa, ito ay serye lamang ng mga opensiba upang itulak sila sa panibagong balon ng paghihirap.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, humanton na naman tayong mga manggagawa sa panibagong mga salot na nilayon na nating tapusin. Hindi na natin papayagang mamayani ang iilan.

Kasama kami sa libu-libong sumasariwa sa kung paano natin pinatalsik ang diktaduryang Marcos; at sa pagtutol sa kaparehong diktaduryang nasa Malacañang ngayon.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, natuto na tayo na hindi lamang sapat na tapusin ang isang diktadurya, kung papalitan lamang ito ng isa pa. Napakahalaga ngayon para sa nakararami na kunin ang pamuuno sa pamahalaan at ibalik ito sa paglilingkod ng mamamayan.

Habang nakasalang tayo sa lumang mga salot, tatapatan natin ito ng atin ding matanda pero maasahang sandata – ang lakas sa ating pagkakaisa. Sinasabi nating tama na ang ‘di nakabubuhay na trabaho at imperyalistang pandarambong at digmaan; at nananawagan sa mamamayan upang baguhin ang lipunan tungo sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa pamamagitan nito, ibabalik natin ang tunay na diwa ng EDSA.

Batas Militar, Daang Matuwid “mukha ng iisang barya”

02152016-Martial-Law,-Daang-Matuwid

Ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), rehiyunal na sentro ng militanteng unyonismo, ay nagpapaabot ng pagkabahala sa mga komento nila Mar Roxas, Leni Robredo at Bongbong Marcos, na siyang nagpapabango lamang ng Batas Militar at Daang Matuwid.

Nagsasalita kami sa konteksto ng una, mga sagot ni Marcos sa isang panayam sa midya, na ang tanging naglalabas lamang ng mga kaso ng karahasan noong Batas Militar ay ang “midya at ang kanyang mga karibal sa pulitika”; at pangalawa, sa mga komento ni Robredo at Roxas ukol sa Batas Militar, na inilabas sa isang kilalang pahayagan.

Parehong iniiwasan nila Robredo at Roxas ang katotohanan: parehong ang Batas Militar at Daang Matuwid ay magkawangis lamang. Ang mga pahayag ni Robredo at Roxas ukol sa ilusyon ng pag-unlad na dala ng diktadurang Marcos ay kapareho lamang ng ilusyong dala ng Daang Matuwid. Hindi tulad nilang tatlo, hindi na natin kailangan ng pagbabalik-aral sa kasaysayan – ang mga manggagawa ay saksi sa paglabas nilang lahat ng dahas sa atin.

Kinukundena naming si Marcos, Roxas at Robredo sa kanilang palpak na pagpapabango ng kanilang pangalan o ang kanilang mga islogan sa kampanya. Milyong biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurya ang hindi makalilimot sa kung paano tila pinaglaruan ni Ferdinand Marcos ang mga buhay ng mamamayan, kapareho sa paggamit ng kaban ng bayan para sa sariling benepisyo. Ito ngayon ang pilit ipinalilimot ng kanyang anak sa mamamayan – ngunit hindi nito maibubura ang bahid ng dugo sa kanilang kayamanan.

Ang kaparehong ipinalalabas nila Robredo at Roxas na “Daang Matuwid” ay hindi nakapagdala ng hustisya para sa mga biktima ng Batas Militar. Nagdagdag pa nga ang Daang Matuwid ng ilan libo pa sa listahan habang dinedepensahan ang neoliberal na tulak nito sa ekonomiya, na iilan lamang ang nakinabang.

Pilit idinidikit ng Daang Matuwid ang pang-araw-araw na paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan sa isa umanong maunlad na ekonomiya: na kabaligtaran ng ibinabandera nitong pag-unlad na dama ng nakararami.

Niloko na ng ilang beses ang mamamayan ng mga tulad ni Marcos at ng Daang Matuwid. Hanggang ngayon, ang mabagal na usad ng hustisya sa Pilipinas ang nakapagpawala rin ng kung anumang pag-asa para sa mga pamilya ng mga biktima nila.

Parehong ang Daang Matuwid at Batas Militar ay nagdulot ng malalalim na sugat sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng napakaraming kaso ng karahasan. Inilubog pa nito lalo ang mga mangagagawa ng Timog Katagalugan at ng buong bansa sa hindi-mawaring lalim ng kahirapan, kawalang-empleyo at pagpapasakit.

Dahil dito, hindi na nakapagtataka na paparami ang nawawalan ng pag-asa sa pagbabago mula sa halalan sa Mayo: karamihan din sa mga kandidado ay malalaking panginoong maylupa, komprador o tuta ng kapitalista. Walang habas nilang binabali ang kanilang mga pangako sa mamamayan nang walang pasubali.

Kahit na mayroon kaming pag-asa para sa iilang mga progresibong kandidato, ang mas magandang piliin para sa kalakhan ay ang palakasin ang boses ng mamamayan – para sa manggagawa ay mag-unyon at kolektibong ipaglaban ang nakabubuhay na trabaho at tunay na pagbabago sa mga engklabo, pabrika, at sa buong bansa. # # #

Hinggil sa mga pangyayari sa Kongreso: Tuwirang panloloko sa mamamayan

02052016-House-adjourns-SSS.png

Ipinahahayag ng militanteng sentro ng unyonismo sa rehiyon, ang PAMANTIK-KMU, ang pagkadismaya nito sa mabilisang pagpatay sa SSS pension hike bill, o ang HB 5842 ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares.

Sa agarang pagsara ng sesyon na dapat magtatalakay at magtatanggal sa override ng veto ni BS Aquino, karamihan sa mga kongresista ang nagpakita ng kanilang pagkawalang-bahala para sa kanilang mga pinagsisilbihan.

Habang sinara nila ang pinto para sa mga pensyonadong naghahanap ng kaginhawaan mula sa nagsisitaasang presyo ng bilihin, muntik naman nilang natakasan ang pagpasa ng panukalang-batas para sa PPP – kahit na hindi sila nakakuha ng quorum. Ang PPP para sa mamamayan ay isang polisiyang puno ng bahid ng katiwalian, ang pagbubukas pa ng pagnenegosyo sa pamahalaan, ang papatinding pribaysasyon ng mga pampublikong serbisyo, at iba pa.

Nagpapasalamat kami kay Rep. Colmenares sa kanyang agarang paghain ng reklamo hinggil dito, na siyang nagpabawi sa minadaling pag-apruba nito ng Kongreso.

Ang mga nangyari sa mababang kapulungan nitong mga nakaraang araw ay siya lamang nagpapakita na karamihan sa mga mambabatas ay nagpakita ng kanilang pagkatuta sa neoliberal na polisiya ni BS Aquino at sa kanilang sariling kapritso. Lubos kaming nandidiri at nadidismaya sa ganitong mga aksyon ni BS Aquino at ng kanyang mga tuta sa mababang kapulungan.

Sa halip na unahin at tugunan ang mga karaingan ng mga manggagwa at mamamayan, pinili nilang unahin ang mga polisiyang kontra sa interes ng nakararami.

Sa tuwirang panlolokong ginawa sa atin ni Aquino at ng kanyang mga tuta sa kongreso, tiyak na wala silang matatanggap na suporta mula sa libu-libong manggagawa sa kanilang pagboto sa Mayo – kung nananatili man silang may tiwala sa pag-asang handog ng halalan. Kung ganito man, huwag na natin iboto ang mga pumatay sa SSS pension hike bill, at ang mga nagpapatuloy na yumuyurak sa ating mga karapatan at dignidad mabuhay.

Napakaraming beses nang niloko ng mga tradisyunal na pulitiko ang mga mamamayan. Inaasahan naming mas marami ang magpapakita ng pandidiri at kawalang-tiwala sa maruming sistemang elektoral.

Kaisa kami sa napakaraming naninindigan para sa kagyat na pag-override ng veto ng Pangulo sa SSS pension hike bill, at para sa mas maayos na serbisyong panlipunan. Ang ating pinag-isang lakas ay hindi masasayang kung tayo ay magpapatuloy hanggang sa tagumpay.

Patuloy nating isusulong: SSS pension hike, ngayon na! # # #