Image

Mga manggagawa ng Timog Katagalugan, nagtayo ng protest camps ngayong Linggo ng Karapatang Pantao

DSC_0125

PRESS RELEASE

Calamba City, Laguna – Naglunsad ng pangrehiyong pagkilos ang mga manggagawa ng Timog Katagalugan ngayong Linggo ng Karapatang Pantao upang kalampagin ang mga opisina ng Department of Labor and Employment, National Labor Relations Commission, at Bureau of Labor Relations.

“Pinakamahaba ang selebrasyon ng Pasko sa Pilipinas sa buong daigdig ngunit mas mahaba pa dito ang kalbaryo na nararanasan ng mga manggagawa. Inaabot ng ilang toan ang paglalabas ng desisyon sa mga kasong insinampa ng mga manggagawa. Nakikipagsabwatan ang mga kapitalista sa mga ahensya ng gubyerno upang patagalin ang Certification Election ng mga itinatayong tunay, palaban at makabayang unyon. Dalawa ito sa mga porma ng panunupil sa mga manggagawa na nais naming wakasan kung kaya kami ay naglulunsad ng sama-samang pagkilos at sama-samang tanggulan ngayong Linggo ng Karapatang Pantao,” ani Allan Bagas, Secretary General ng PAMANTIK-KMU.

Ika-10 ng umaga, naglunsad ng programa sa harap ng opisina ng DoLE Region IV-A upang igiit sa ahensya na maglabas ng desisyon na pabor sa mga manggagawa at magkaroon ito ng pangil sa pagpapatupad ng mga batas na nagpo-protekta sa karapatan ng mga manggagawa. Kasama sa itinambol na usapin ay ang pagde-delay ng management ng Manila Cordage Company (MCC) at Manco Synthetic, Incorporated (MSI) sa Certification Election ng mga unyon ng MCC-ELU-OLALIA at MSI-ELU-OLALIA; pagpapabalik sa mga manggagawang kontraktwal ng Tanduay at Karzai na iligal na tinanggal; pagde-delay sa Certification Election ng unyon sa Gardenia na KASAGPHI-OLALIA; at, iligal na pagtatanggal at suspension sa mga manggagawang kontraktwal sa Sagara Metro Plastics.
Ika-11 ng umaga, nagtungo ang mga manggawa sa opisina ng NLRC Region IV-A upang kalampagin ang mga labor arbiter na maglabas na ng desisyon sa matagal ng nakabinbin na mga kasong isinampa ng mga manggagawa laban sa kani-kanilang kumpanya o kaya ay agency.Pinangunahan ng Kaisahan ng mga Manggagawang Iligal na Tinanggal (KAMIT) ang programa at pagkatapos nito ay itinayo ang protest camp na tatagal hanggang bukas. Kasama sa nakiisa ang mga manggagawa ng Carina Apparel na kabilang sa halos 2,800 na iligal na tinanggal sa kumpanya.
“Tinawag naming Oplan Bantay Suhol sa mga Arbiter ang protest camp dahil kapaskuhan na naman. Ito ay panahon na bumubuhos ang suhol sa porma ng mga produkto at pera sa mga labor arbiter upang maglabas sila ng desisyon na pabor sa mga nanunuhol na kapitalista,” ani Maritess David, Spokesperson ng KAMIT.
Habang nagpo-programa sa labas ng NLRC ay nagkaroon ng dayalogo ang mga representative ng manggagawa at sina Executive Labor Arbiter Generoso Santos at Labor Arbiter Edgardo Bisana. Pagkatapos ng dayalogo, ibinalita sa mga manggagawa ng Carina Apparel na iligal na tinanggal na mayroon ng inilabas na desisyon na pabor sa kanila.
Ika-4 ng hapon, pinangunahan ng mga kasapi ng MCC-ELU-OLALIA at MSI-ELU-OLALIA ang pagtatayo ng protest camp sa harap ng mga opisina ng BLR at DoLE Region IV-A. Katuwang ang Alyansa ng mga Manggagawa sa Kalamba (ALMAKA) at PAMANTIK-KMU, layunin ng protest camp na itulak ang dalawang ahensya upang tugunan ang mga usapin sa mga kumpanya ng Karzai, Tanduay, MCC-MSI, Sagara Metro Plastics, Fuji ELectric Philippines, at Gardenia.
“Simula ngayong araw, magtutuloy-tuloy ang mga protest camps hanggang sa Pandaigdigang Araw ng Pagkilala at Paggalang sa Karapatang Panto sa ika-10 ng Disyembre. Alam ng mga manggagawa na hindi kikilos ang BLR, DoLE at NLRC kung hindi kakalampagin. Kung kaya higit naming palalakasin ang diwa ng sama-samang pagkilos at sama-samang tanggulan,” pagtatapos ni Bagas. ###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s