PAHAYAG: Magkapit-bisig laban sa APEC at dayuhang imperyalistang pandarambong! Ipaglaban ang tunay na kalayaan at kaunlaran!

12227222_931339060279067_1186356734327312087_n

Sa ika-18 at 19 ng Nobyembre, magaganap ang ikalawang pagkakataon na magpupulong sa bansa ang mga lider ng iba’t ibang mga bansa at mga pinuno ng mga malalaking korporasyon sa Economic Leaders’ Meeting (ELM) sa loob ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).

Dito pagpupulungan at pag-uusapan, sa gabay ng malalaking kapitalista at mga pinuno ng mga imperyalistang bansa, ang mga susunod na polisiyang tatahakin ng mga ekonomiya sa rehiyon, kasama na ang Pilipinas.

Muling magiging sentro ng atensyon ang ating bansa: sentro ng pagpaplano ng mga imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos at Tsina upang malubos at mapasakamay ang lalo pang maluluwag na daloy ng hilaw na materyales, magtapon ng labis na produkto; at para sa atin, ang lalo pang pagkalubog ng ating ekonomiya at pagsirit ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Sa pamamagitan ng rehimeng US-Aquino, tumatagos sa atin ang papatinding kahirapan at pagdarahop na idinudulot ng APEC at ng globalisasyon.

APECtado tayong lahat – sa mga matitindi at makadayuhang polisiyang siguradong magdadala sa atin sa mas malalim pang kahirapan!

APEC at ang paglubog ng Pilipinas sa krisis

BinuAPEC Polyeto for print-1buo ng 21 bansa ang APEC – na isang porum o kalipunan ng mga ekonomiya na sumasaklaw sa 21 bansa sa loob at labas ng rehiyong Asya-Pasipiko. Ibig sabihin, nilalaman ng APEC ang halos kalahati ng ekonomiya ng buong mundo: kasama ang China, US at Japan.

Mula pa lamang sa simula, nilayon nitong magtipon ang mga ekonomiya sa buong rehiyon upang magpanukala at magpatupad ng mga polisiyang magpapaluwag ng kalakalan at daloy ng produkto at serbisyo sa kani-kanilang mga bansa. Aniya, ito raw ang solusyon upang umunlad ang kanilang mga ekonomiya.

Ngunit, taliwas sa mga layunin nitong pag-unlad sa ekonomiya ng mga kasaping bansa nito ang nangyari sa loob ng halos tatlong dekadang pag-iral ng APEC. Lubhang bumaba ang taripa o buwis na ipinapataw sa mga dayuhang produkto at lalo namang bumaha ang mga yaring produkto ng dayuhan sa ating bansa – na pumapatay sa mga pagsisikap nating makapagtayo ng nagsasariling ekonomiya at pumapatay sa ating mga empresa!

Ibig sabihin, nasasangkalan na ang ating pag-unlad para sa pagkakamal ng pinapalaking tubo ng mga kapitalista mula sa ibang bansa. Bukod dito, lalo lamang tayong nagiging palaasa sa dayuhang kapital bilang pambawi sa kawalan natin ng kakayahan na makapaglikha ng buo-buong mga produkto.

Itinutulak ang pribatisasyon ng mga serbisyong publiko sa ngalan ng pilit na pagbabalik ng lipas nang panahon ng malayang kompetisyon sa ekonomiya. Kaya nagmamahal na naman ang presyo ng mga pampublikong serbisyo tulad ng transportasyon, edukasyon at iba pa – na dala rin ng malalaking mga kumpanya sa loob at labas ng bansa.

Bakit nga ba tila para sa mga malalaking korporasyon at bansa napupunta ang pakinabang sa mga napapag-usapang polisiya sa APEC? Kasama rin ang malalaking korporasyon na ito sa mga pulong! Bukod pa, sila na rin ang nagbibigay ng mga rekomendasyon sa mga bansa kung paano magiging mas maaliwalas ang kapaligiran para magnegosyo sa kanila.

APEC sa Pilipinas: Delubyo sa ekonomiya at manggagawa

Hindi na bago sa bansa ang mga pulong ng APEC. Nang idaos ang unang APEC Economic Leaders’ Meeting sa Pilipinas noong 1996, pareho pa rin ang istorya – ngunit ngayon, lalo lamang napasakamay ng mga malalaking kapitalista at mga dayuhan ang inaasam nitong malalaking mga tubo.

Ngunit, hindi lang kalakalan ang nais paluwagin ng mga polisiyang natutupad sa mga pulong ng APEC, pati ang ating mga likas-yaman! Sa mga panukalang ibalik ang pagpasok ng dayuhang korporasyon at bangko sa bansa, lalo lamang ding nabubuksan ang ating bansa sa malawakang pandarambong.

Sa kanayunan, darami na naman ang mga malalaking minahan, palaisdaan at plantasyon – na pagmamay-arian ng mga dayuhan at hindi nating mga mamamayan! Nakikita na natin ito sa Mindanao at sa ating rehiyon, na kaakibat ang malawakang pagkakampo, pananakot at pandarahas mula sa mga militar at paramilitar na nagpoprotekta sa mga interes ng mga dayuhang kumpanya.

Hindi pa rin natin nakalilimutan ang karahasan ng mga sundalo ng AFP sa ating mga kapatid na Lumad, na sa pandarambong ng kanilang lupang ninuno ay biktima rin ng APEC!

Sa ating kawalang-kakayahan sa industriyal na produksyon, hindi na tayo nakakalikha ng buo-buong produkto, na kailangan pa nating iangkat mula sa ibang bansa! Ang nakakayanan lang natin, sa dikta ng APEC, ay lumikha ng mumurahing mga kagamitan o components, na nakapagbibigay ng mababang pasahod at halagang naidaragdag.

Tatlong dekada ng APEC: Tatlong dekada ng ibayong pagdurusa ng manggagawa at mamamayang Pilipino

APEC Polyeto for print-2Sa pag-iral ng APEC, lubos na nabibiktima ang manggagawang Pilipino!

Matapos ang halos tatlong dekada ng pamamayagpag ng APEC at ng neoliberal na polisiyang dala nito, sadlak pa rin ang mamamayan sa kahirapan. Magiging open for business pa tayo, sa loob ng Factory Asia, isang adyenda na tatalakayin din sa porum ng APEC.

Sa ngalan ng magandang kapaligiran sa pagnenegosyo, ibinababa sa pinakamababang posible ang mga sahod ng manggagawa. Sa Timog Katagalugan, hindi makatao at hindi nakabubuhay ang P219 hanggang P362.50 na minimum na sahod. Ipinapairal naman ang kontraktwalisasyon para malubos ang malalaking tubo.

Binubuwag ang mga unyon at asosasyong nagtataguyod ng karapatan ng manggagawa. Hindi dinidinig ang ating panawagan para sa makatarungan at nakabubuhay na sahod! Pinababayaan ang kalagayan ng mga manggagawa sa produksyon – na siyang nagdadala sa kanila sa panganib. Hindi natin makakalimutan ang kamatayan ng 72 manggagawa ng Kentex at 11 manggagawa ng Eton dahil sa kawalang-pansin ng kapitalista sa kaligtasan sa paggawa.

Sa mga itinutulak na polisiya ngayon ng APEC tulad ng Free Trade Area of the Asia-Pacific (FTAAP), na kabalangkas ng Trans-Pacific Partnership Agreement, magmimistula na lang din tayong kalakal na maaaring i-eksport at ibenta nang mura. Lalo pang dadami ang mahigit tatlong libong kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibang bansa araw-araw, at dadami rin ang tulad nila Mary Jane Veloso, Flor Contemplacion at iba pang OFW na biktima ng labor export policy at kapabayaan ng gobyerno.

Ito ang katotohanang pilit na itinatago ni BS Aquino sa napakaraming paraan: mula sa pagtatakip ng mga bahay sa tulay, panunuhol sa mga pamilyang nasa kalsada upang magbakasyon sandali sa probinsya, hanggang sa mismong pagpigil sa laksa-laksang mamamayang naghahanda upang kondenahin ang tumitinding kahirapan sa loob ng pamamayagpag ng APEC. Hindi kailanman pumayag ang mamamayang Pilipino sa pagpasok ng mga bisitang nais lamang makinabang at dumambong sa ating mga kayamanan!

Nagkakamali si BS Aquino kung sa kanyang tingin ay sasapat na ang kanyang desperadong tugon sa hinaing ng mamamayan.

Labingsiyam na taon na ang nakalilipas, at lalo lamang tayong natatali sa dayuhang pamumuhunan at kapital. Hindi pa rin natin nararanasan ang mga produkto ng ibinabanderang pag-unlad sa ekonomiya. Itinutulak tayo ng malayang kalakalan na mabuhay sa kahirapan at pagpapakasakit. Hindi tayo papayag na maging kalakal na lamang sa malaking merkado.

Manindigan tayo para sa ating kaunlaran at kalayaan.

Sa paparating na mga linggo, at sa ika-18 at 19 ng Nobyembre, irerehistro at papatunayan natin sa buong mundo, kasama ang mamamayan ng buong daigdig – na hindi tayo magpapasailalim sa lalo pang pandarambong at digmaan sa loob ng imperyalistang globalisasyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s