TUDLA: ILANTAD ANG PAGKATUTA NG DALAWANG INSPEKTOR NG DOLE SA TANDUAY MANAGEMENT! TUTULAN ANG KANILANG PANLILIHIS SA ISYU NG LABOR ONLY CONTRACTING!

DSC_0979

DSC_0979

ILANTAD ANG PAGKATUTA NG DALAWANG INSPEKTOR NG DOLE SA TANDUAY MANAGEMENT! TUTULAN ANG KANILANG PANLILIHIS SA ISYU NG LABOR ONLY CONTRACTING!

Muling napatunayan ang pagkaganid ng Tanduay Distillers Inc. kasabwat ang mga inspektor ng Department of Labor and Employment (DoLE) nang baluktutin ang katotohanan at maniobrain ang inihaing reklamo ng mga manggagawa hinggil sa Labor Only Contracting o LOC.

Nito lamang Abril 28 ay naglunsad ng inspeksyon sa loob ng pagawaan ng Tanduay ang DoLE sa katauhan nila Jennifer C. Taip at Daisy G. Ramos. Sa halip na maging susi sina Taip at Ramos sa pagbibigay-pruweba ng LOC sa ilalim ng agency ng Global Skills Providers Multi-Purpose Cooperative at ang HD Manpower Service Cooperative – nagbulag-bulagan sila sa tunay na hinaing ng mga manggagawa at pinagtatakpan pa ang krimen ng kapitalistang Tanduay. Sa inilabas na ulat ng nasabing mga inspektor ay pilit pinapabango ang imahe ng management at inililihis ang isyu sa usaping labor standard lamang at hindi ang iginigiit na pagtigil sa kontraktwalisasyon at pagsasaregularisa ng ‘di-kukulanging 397 manggagawang kontraktwal.

Mahigpit na kinukundena ng Tanggulan Ugnayang Daluyang Lakas ng Anakpawis sa Tanduay Distillers Inc. (TUDLA) ang hayagang pagtapak sa karapatan naming manggagawa sa regularisasyon, na tanging solusyon dapat sa aming mababang pasahod, kawalan ng benepisyo at seguridad sa trabaho. Maliban pa dito, kabi-kabilang panggigipit at pananakot ang ginagawa ng mga ahente ng management sa aming kasapian upang isuko ang laban. Nariyan ang pagbabanta na pagkasuspinde sa trabaho ng isang buwan, pagtatanggal sa overtime, at maging ang pagbabahay-bahay, pananakot sa aming pamilya at pagsasabi na kami’y “walang utang na loob” upang mapapirma lamang sa waiver na iatras ang aming complaint.

Nauna nang nagkaroon ng hakbang ang management na pilayan ang aming paglaban noong Abril 24 nang magpataw ng limang araw na forced leave ang management na nakaapekto sa kabuhayan ng humigit kumulang 300 manggagawa. Iligal ang naging pagtigil ng produksyon at inilunsad lamang ito ng management upang makaiwas sa nasabing inspeksyon ng DoLE. Subalit nang dumating na ang inspeksyon at nakapagpanatili ang TUDLA ng mga kontraktwal na magiging testigo sa LOC ng kumpanya ay ang mga inspektor naman ngayon ng DoLE ang nagiging mga tuta ng kapitalista at balakid sa aming panawagan.

Naninindigan ang TUDLA na makatarungan ang aming hinaing at dapat panagutin ang dalawang inspektor ng DoLE sa kanilang pagpapabaya sa kanilang tungkulin – sa halip na maging tagapagtanggol ng mga manggagawa ay sila pa ang nanguna sa pagiging mapagbalat-kayo at bayaran upang protektahan ang pangunahing interes ni Lucio Tan na magkamal ng mas malaking tubo. Dahil sa kanilang hakbang, lalo pang nalalagay sa at ginagawang lehitimo ang malawakang pagbabanta ng tanggalan at panunupil ng mga kontraktwal na manggagawa. Dapat tanggalin sa pwesto sina Taip at Ramos, palitan sila ng mga inspector na may tunay na integridad na ilahad ang sabwatan ng management at agencies upang mailantad ang tunay na kulay ng Tanduay Distillers Inc. na malawakang nag-eempleyo ng LOC!

Bakit ganito na lamang ang pag-atake ni Lucio Tan – kasabwat ang mga bayaran mula sa ahensiya ng gobyerno – sa aming kabuhayan? Kaming mga manggagawang kontrakwal ay bumubuo ng 90% ng paggawa. Kaming araw-araw na gumagawa ng alak ay napakaliit ng inuuwing sahod at masahol ang kalagayan sa loob ng paggawa samantalang ang mga tulad ni Lucio Tan ang patuloy na masarap ang buhay at nagpapakalasing sa yaman!

Lalong nakagagalit na ngayong buwan ng Mayo, na itinuturing na Buwan ng Paggawa, ay patuloy na sumasahol ang kahirapan naming manggagawa. Naniniwala kaming madali lamang para kay Lucio Tan at ang management ng Tanduay na ibigay ang aming kahilingan – ang regularisasyon ng mga kontraktwal – na kung tutuusin ay simple lamang at makabubuti sa interes ng nakararami. Ang pagtaas ng sahod at pagbibigay benepisyo sa mga nagpagod at naghirap upang maging matagumpay ang Tanduay sa merkado ay kung tutuusin marapat na “pagbibigay ng utang na loob” sa aming mga manggagawa na nag-ambag sa kabuuang yaman ni Lucio Tan na $6.1 bilyon o P270 bilyon. Dahil sa pagpayag ng gobyerno ni Noynoy Aquino sa patakaran ng malawakang kontraktwalisasyon, nagkakaroon tuloy ng kapal ng mukha ang mga kapitalista na sagad-sagaring pigain ang dugo’t pawis nating mga manggagawa.

Kaya’t patuloy nating ipaglaban ang ating interes sa kabuhayan, bilang mga manggagawang mulat sa pagsasamantala at pagkaganid ng uring kapitalista. Hindi tayo titigil hangga’t hindi nakukuha ang katarungan sa paggawa. Alam naming hindi lamang kami ang nakararanas nito kundi marami pang ibang manggagawang kontraktwal na pilit tinitingnan ng mga kumpanya at ng estado na “maliliit lamang” at “walang magagawa”. Ngunit patuloy na pinatutunayan ng kasaysayan na ang mga “maliliit” kapag nagsama-sama sa matibay na paninindigan ay lumalakas ang panawagan upang dumating ang panahong hindi na ito matitibag ng sinumang nagpoposturang dambuhala, at hanggang sa kaya na nating ganap na gapiin silang mga nagpapakasasa sa ating pinaghirapan!

JENNIFER C. TAIP AT DAISY G. RAMOS, MGA BAYARANG TUTA NG TANDUAY! PALITAN NG INSPEKTOR NA MAY KREDIBILIDAD! LUCIO TAN, GANID SA YAMAN! 397 MANGGAGAWANG KONTRAKTWAL NG TANDUAY, IREGULARISA! IPAGBAWAL ANG MALAWAKANG KONTRAKTWALISASYON!

ITIGIL ANG PANUNUPIL SA MGA MANGGAGAWA! TUNAY NA UNYON NG MANGGAGAWA, ITAYO AT IPAGLABAN!

TUDLA – TANGGULANG UGNAYANG DALUYANG LAKAS NG ANAKPAWIS SA TANDUAY DISTILLERS INC.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s