Manggagawa, ipaglaban ang karapatan sa nakabubuhay na sahod at kasiguruhan sa trabaho! Patalsikin ang mamamatay-kabuhayan at pahirap sa mamamayang rehimeng US-BS Aquino!

for Agit Polyeto gfx

Hindi na maihahambing sa nakaraang mga taon ng administrasyon ni BS Aquino at sa napakatinding init ngayong panahon ang matinding galit at disgusto ng mga manggagawa at mamamayan sa mga kasalanan nito.

Lalong umaalingasaw ang baho ng hasyenderong rehimeng napatunayang kontra-manggagawa at kontra-mamamayan, kaya’t lumalapit tayo sa tarangkahan ng kasaysayan upang patalsikin si Aquino.

Singilin ang rehimeng labis na pahirap sa manggagawa at mamamayan!

Hindi maiibsan ng kakarampot na sahod ang labis na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyong panlipunan. Kasabay nito ay ang lansakang kontraktwalisasyon at pagtupad ng two-tiered wage system (2TWS), na unang ipinatupad sa Timog Katagalugan nitong 2012.

Iniinsulto pa ni BS Aquino ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbigay ng baryang umento sa sahod, katumbas ng ilang piraso ng pan de sal o mani, kaysa isatupad ang P 16,000 national minimum wage na matagal nang ipinapanawagan ng mga manggagawa.

Wala nang siguradong trabaho sa libu-libong mga magsisipagtapos ngayong panahon ng Abril-Mayo. Sa iskemang kontraktwal na sumasakop sa higit 70% ng buong lakas paggawa, binabaon na ng kapitalista ang mga manggagagawa sa walang-hanggang kumunoy ng pahirap at pagsasamantala.

Bukod pa rito, lansakan din ang pagbubuwag sa mga tunay, palaban at makabayang unyon. Halimbawa nito ay sa Sagara Metro Plastic, kung saan unang nasaksihan ang paggamit ng endorsement ng Office of the President upang pigilan ang gaganapin sanang certification elections nitong ika-8 ng Abril.

Noong nakaraang taon naman, pwersahang nagsara ang mga pagawaan ng Hoya Glass Disc Philippines sa Batangas at Carina Apparel sa Laguna bilang pagpigil sa napipintong negosasyon sa certification election at collective bargaining agreement sa mga ito.

Nagiging instrumento ng kapitalista ang biglaang pagsasara ng pabrika o upang hindi makapagtagumpay ang mga tunay, palaban at makabayang unyon at maisulong ang mas mataas na umento sa sahod at kinakailangang benepisyo.

Sa puntong ito, mapatutunayan nating hindi kailanman iniisip ng rehimeng Aquino ang kalagayan ng uring manggagawa at mamamayan, kundi isinasaalang-alang ang interes ng kapitalista at mga namumuhunan sa bansa.

Ang iskemang kontraktwalisasyon, mababang pasahod at pagbuwag sa mga unyon ng manggagawa ay nagbibigay-daan lamang sa murang pagtinda ng ating lakas-paggawa sa mga dayuhan at malalaking kapitalista. Ika nga, nagiging “open for business” na tayo para sa bansang tulad ng Estados Unidos, na siyang nagdidikta nito sa papet nitong si Aquino.

Panawagan ng manggagawa’t mamamayan: sahod, trabaho, karapatan, ipaglaban!

Mananatili sa kasalukuyan ang ating panawagan para sa nakabubuhay na sahod at benepisyo: ang P16,000 pambansang minimum na sahod kada buwan, at ang patuloy nating pagsasatupad ng ating karapatan sa pag-uunyon. Ito ay ang ating pinakaepektibong paraan sa ngayon upang makasabay ang malawak na hanay ng sambayanan sa patuloy na neoliberal na polisiya sa ating bansa.

Ngunit, habang nananatili ang rehimen ni Aquino, hindi na natin mailulubos pa ang mga panawagang ito. Bingi at bulag si BS Aquino sa mga panawagan at hinaing ng mga manggagawa at mamamayan.

Umaapaw na ang mga batayan upang panagutin at patalsikin ang kontra-manggagawa at kontra-mamamayang si BS Aquino: ang tuminding kahirapan sa ating bansa; papaigting na neoliberal na polisiyang nagtutulak sa pagsasanegosyo ng mga pampublikong serbisyo; pagyurak sa ating pambansang soberanya at panghihimasok ng Estados Unidos sa ating ekonomiya, pulitika, kultura at iba pang aspeto ng pamumuhay; walang-habas na paglustay sa pondo ng bayan; at ang patuloy na pamamayagpag ng paglabag sa karapatang pantao.

Dagdag pa nito ang patunay na puno at binanlaw na ng dugo ang mga kamay ni Aquino sa kanyang kawalang-pakialam sa mga biktima ng mga bagyong Pablo at Yolanda, at ang masusi nitong partisipasyon sa kaganapan sa Mamasapano.

Higit nang nararapat sa panahong ito na isulong ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor upang patalsikin si BS Aquino at itatag ang konseho ng mamamayan. Hindi natin kailanman papayagang mapawi ng sinumang pulitiko ang ating pagkakaisa, sapagkat ang ating nagkakaisang lakas ang magtitiyak na mapapagtagumpayan nating matahak ang landas ng pambansang pagkakaisa at pagbabagong panlipunan.

Ngunit hindi magtatapos ang ating pakikibaka tungo sa pagbabago kung hindi natin mailulubos na maibalik sa mamamayan ang kanilang dapat pag-aari.

Dapat bawiin ang paghahari ng iilan sa ating mga likas-yaman at produkto at ibalik ito sa kalakhan ng mamamayan; sapagkat ang pakikibaka natin para sa tunay na pagbabagong panlipunan ay isang pambansa-demokratikong pakikibaka tungo sa sosyalistang landas.

PATALSIKIN AT PANAGUTIN ANG REHIMENG-US AQUINO SA LAGANAP NA KONTRAKTWALISASYON, MILITARISASYON AT KAHIRAPAN!
ITAYO ANG KONSEHO NG MAMAMAYAN!
MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON, TUNAY NA REPORMANG AGRARYO AT KAPAYAPAAN!
HAWANIN ANG LANDAS TUNGO SA ISANG SOSYALISTANG LIPUNAN!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s