Marapat nang singilin at panagutin ang rehimeng US-Aquino sa malaon nang mga krimen sa sambayanan!

11144776_10152884095399331_95246151_o

11144776_10152884095399331_95246151_o

Sa loob ng limang taong pamumuno ng rehimeng US-Aquino, ibayong kagutuman, kahirapan, karahasan, pandarambong, paglabag sa karapatang pantao at panlilinlang ang sumambulat sa mamamayang Pilipino.

Isang delubyong maituturing sa kabuhayan at kinabukasan ng mga Pilipino ang mga patakaran at programang ipinatupad ni Aquino – dahilan kung bakit naghigpit lalo ng sinturon, pangunahin ang sektor ng mga manggagawa, upang araw-araw na maharap ang pamalagiang krisis pang-ekonomiya dulot ng pagkontrol ng mga dayuhang kapitalista. Hindi natin pahihintulutang mabaon na lamang sa limot ang mga patung-patong na kasalanan ng gobyernong Aquino sa malawak na sektor na biktima ng kapabayaan at kainutilan.

Rehimeng utak at hugas-kamay sa madugong masaker sa Mamasapano!

Sa pag-usad ng imbestigasyon sa iba’t ibang saray ng gobyerno, malinaw ang patuloy na pag-iwas at paghugas-kamay ni BS Aquino. Ngunit hindi na niya matatanggal sa kasaysayan na siya ang pasimuno sa madugong labanang pumatay sa 44 operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), 17 mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), pitong sibilyan kabilang ang isang 9-na-taong gulang na bata, at dalawang mandirigma ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Liban sa pagbubunton ni Aquino ng sisi sa hepe ng PNP-SAF na si Getulio Napeñas, Jr., at ang pagpuri sa suspendido at kurakot na PNP Chief Alan Purisima, nilabag ni Aquino ang chain-of-command na dapat pagkoordina sa Department of Interior and Local Government. Nilabag lalo ni Aquino ang soberanya ng ating bansa sa pagpapapasok at pagpapahintulot sa mga sundalong Amerikano na maniobrahin ang operasyon. Buhul-buhol ang kasinungalingang inilalabas ng Malacañang, kabilang na ang umanong “walang alam” si Aquino sa operasyon gayong nasa Zamboanga siya noon upang subaybayan ito. Nilabag ni Aquino ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng MILF na nagresulta sa pagpaslang sa mga Pilipino at pagsalanta sa kabuhayan ng libu-libong mamamayang Moro. Dahil na rin ito sa pagkahayok niya sa gantimpalang $9 milyon, papuri mula sa amo niyang imperyalisatang U.S.  at pagkilala mula sa international community. Ipinapakita nito ang walang-kahihiyang pagiging tuta niya sa imperyalistang U.S. na siyang nag-udyok sa nasabing operasyon sa tabing ng “gyera kontra-terorismo”. Noon pa man, hayagan nang sunud-sunuran si Aquino sa mga utos ng kanyang among dahuyan, nang walang pagsaalang-alang sa kapakanan sa sinasabi niyang kanyang mga “boss”. Patuloy na pagtapak sa karapatan ang kanyang ginagawa laluna sa sektor ng paggawa.

Kakarampot na pasahod at malawakang kontraktwalisasyon!

Insultong maituturing ang P15 umentong “allowance” na ipinatupad ng Department of Labor and Employment (DoLE) nitong Marso para lamang sa mga manggagawa ng National Capital Region. Hindi isinaalang-alang ng DoLE ang milyun-milyong mga manggagawa sa mga rehiyon laluna sa Timog Katagalugan (TK), na kinatatagpuan ng ilan sa mga pinakamalalaking engklabong industriyal tulad ng Economic Processing Zone Authority sa Cavite, First Philippines Industrial Park (FPIP) sa Batangas at Laguna Technopark. Insulto rin ang nasabing umento kumpara sa pambansang panawagang itaas ang national minimum wage sa P16,000 upang makasabay sa nakabubuhay na kalagayan dahil sa walang-habas na pagtaas ng presyo ng mga bilhin at gastusing pampamilya.

Patuloy na nakapako ang sahod ng mga manggagawa sa minimum wage na P310-P335, mas mababa pa sa mga kontraktwal at casual na pumapatak lamang sa dayukdok na P215. Dahil sa patakarang Two-Tiered Wage System, bumaba pa ang floor wage at isinangkalan sa lalong pagpiga ng pagod at pawis ang manggagawa dahil sa productivity-based na dagdag-sahod.Pangunahing pahirap pa rin sa mga manggagawa ang patakarang kontraktwalisasyon na ipinagpatuloy ni BS Aquino sa pamamagitan ng Herrera Law. Sa katunayan, tinatayang 20%-30% na lamang ng mga manggagawa sa loob ng mga pagawaan ang regular. Humigit 500 agencies ang naitalang nag-eempleyo ng mga kontraktwal na manggagawa sa buong TK. Kalakhang bilang ng nasasabak sa iba’t ibang bahagi ng asembliya’t manupaktura ay mga kontraktwal na manggagawa – na liban sa kakarampot na sahod ang natatanggap ay walang mga benepisyo, at ipinagbabawal na magbuo o sumama sa unyon.

Nitong Abril 8, saksi mismo ang Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Sagara Metro Plastic Industrial Corp. – Ind. sa pananabotahe ng DoLE at Malacañang sa kanilang Certification Elections upang maitaas sana ng parehong regular at kontraktwal na manggagawa ang kanilang kalagayan sa loob ng pagawaan. Isa lamang ito sa maraming kaso ng pagpaslang sa kabuhayan ng mga sektor na siyang lumilikha ng tunay na yaman ng bansa.

Union-busting at pasismo sa kilusang paggawa!

Malawakang tanggalan sa mga pagawaan ang nangyari nitong nagdaang taon, kabilang na dito ang mahigit 3,000 nawalan ng kabuhayan nang iligal na nagsara ang pabrika ng Carina Apparel Inc. sa Biñan, Laguna, noong Pebrero 2014 at ang iligal na tanggalan sa mahigit 2,500 manggagawa ng Hoya Glass Disc Inc. sa FPIP, Tanauan City, Batangas noong Abril 2014. Parehong union-busting ang dahilan sa iligal na tanggalang ito dahil kakaharap noon ang Carina Apparel sa Collective Bargaining Agreement samantalang anim na araw pa lamang matapos ang union registration ng mga manggagawa ng Hoya ng naganap ang illegal closure.

Muling naranasan ang pangil ng pasismo ng estado nang paslangin si Florencio “Ka Bong” Romano nito lamang Marso 8, 2015 sa Batangas City. Isang edukador at organisador si Ka Bong na regional coordinator ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU), staff ng Organized Labor in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU) at legal department head ng National Coalition for the Protection of Workers’ Rights. Walang-awa siyang binugbog at tinortyur bago binaril ng walang-iba kundi mga bayarang elemento ng pulis at militar na nagtatanggol sa mga kapitalista. Nadagdagan muli ang bilang ng mga manggagawang pinaslang at hanggang sa ngayon ay walang hustisya, gaya nila Diosdado “Ka Fort” Fortuna (2005) ng Nestle Workers’ Union, Buth Servida (2008) at Jerry Cristobal (2010) ng Samahan ng Manggagawa sa EMI Independent. Dahil sa pangkalahatang programa ni Aquino na Oplan Bayanihan, umaabot na sa 29 ang biktima ng pampulitikang pagpaslang sa rehiyon ng TK, kabilang na ang sapilitang pagdukot at pagkawala kay Benjamin “Ka Ben” Villeno na lider-unyonista ng Honda.

Garapalang pandarambong at kapabayaan sa mga biktima ng Superbagyo!

Napabayaan nang napabayaan ang mga biktima ng superbagyong Yolanda sa Eastern Visayas at Pablo sa Mindanao. Pilit pinagtatakpan kasabwat ang mass media ang higit 20,000 mga biktimang nagkilos-protesta at malalim ang poot sa kawalan ng tulong na natanggap mula sa gobyerno sa kabila ng bilyon-bilyong pondong ibinuhos ng mga iba’t ibang organisasyon sa ibayong dagat.

Sa halip na taos-pusong pagtulong ay pinagkakitaan pa ang mga itinayong kabahayan para sa mga nawalan. Dagdag pa rito, wala sa kalingkingan ang bilang ng “narehabilitate” at sa halip ay ibinukas pa ito ng gobyerno sa pangangamkam ng lupa ng mga malaking-burgesya komprador tulad ng angkan nila Ayala-Zobel at Sy. Makikita nating taon man ang lumipas ay walang ipinagbago at lalala pa ang kalagayan ng mga residente sa mga sinalantang lugar, sa halip na “mabiyayan” ng donasyon ay korupsyon ang naranasan at mararanasan.

Kaugnay pa nito ang pagkalantad ng rehimeng US-Aquino sa kabalintunaan sa naunang islogang “Kung walang korap, walang mahirap.” Sa kabila ng pagdedeklara ng Korte Suprema na parehong unconsitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP) ay masugid pa ring tagapagtanggol si Aquino sa mga pondong ito. Mantakin ba namang P137 bilyon ang inabot ng DAP na makabubuti na sana hindi lamang sa mga biktima ng bagyo kundi sa kabuuang serbisyong panlipunang natatanggap ng publiko.

Patuloy na paghihikahos na kalagayan ng iba’t ibang sektor!

Huwad ang lahat ng pagbabagong ipinangako. Ipinako lalo sa hikahos na kalagayan ang ordinaryong mamamayan! Pangunahin na rito ang sektor ng mga magbubukid na patuloy na nakatali sa katotohanang 7 sa 10 sa kanila ang walang sariling lupang sakahan samantalang lumalawak ang lupain at yumayaman ang angkan ng Cojuangco-Aquino kabilang na ang mga cronie nilang sina Sy, Ayala-Zobel, Tan, Lopez at iba pa. Sa pagtatapos ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms noong nakaraang taon, ay pawang dumami ang bilang ng kinamkam na lupain at land-use-conversion na lalong nagpagutom sa mga nagtatanim upang may makain ang bayan.

Tumataas ang mga bilihin na tagibang sa napakaliit na sahod ng mamamayan.  Pamahal nang pamahal ang presyo ng edukasyon; tinatayang 400 pampubliko at pribadong kolehiyo ang nagtaas ng matrikula ngayong taon. Walang trabahong naghihintay sa mga kabataang Pilipino liban na lamang kung maging alipin ng mga dayuhan sa ibang bayan – sanhi kung bakit nagpapatuloy ang Oversease Filipino Workers na nasasalang sa panganib ng pagmamaltrato, pang-aapi at bitay.

Mamamayan magkaisa: Patalsikin ang papet na pinuno at itayo ang Konseho ng Mamamayan!

Walang ibang dapat gawin ang sambayanan kundi PATALSIKIN NA’T PANAGUTIN ANG PAPET, PAHIRAP, KORAP, INUTIL AT PASISTANG SI NOYNOY AQUINO! Kung hahayaan natin siyang manatili pa sa poder ay maaaring masundan pa ang mga trahedya ng madugong Mamasapano at kapabayaan sa biktima ng Yolanda!

Malinaw ang ating tunguhing dapat hindi na muling agawin ng mga nananamantalang pulitiko ang mga “People Power” na inilunsad ng sambayanan. Sa pagpapatalsik kay Aquino ay hindi tayo papayag na isang bagong mukha lamang ang papalit na pareho rin ang mga patakarang ipatutupad, bagkus isang bagong kaayusan at sistemang panlipunan ang ating inaasam – isang sistemang magtitiyak ng ganap na pambansang-demokrasyang nangangalaga sa interes ng mayoryang naghihirap! Makakamit lamang ito sa pagtatayo ng Konseho ng Mamamayan na kapapalooban ng mga masugid na lumaban sa rehimeng US-Aquino!

Kaya’t ngayon, lalong kinakailangan ang ating pagkakaisa. Sa darating na Mayo Uno at sa mga susunod pang araw, tiyak ang pagbuhos ng mamamayan sa lansangan at protesta sa mga pangunahing ahensiya upang ganap na usigin ang gobyernong BS Aquino sa mga krimen nito sa sambayanan! Sa ating kapasyahan ganap na makukuha ang hustisyang panlipunan at tagumpay ng pagtatayo ng isang lipunang may malasakit sa taumbayan!

PATALSIKIN AT PANAGUTIN ANG REHIMENG-US AQUINO SA LAGANAP NA KONTRAKTWALISASYON, MILITARISASYON AT KAHIRAPAN! ITAYO ANG KONSEHO NG MAMAMAYAN! MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON, TUNAY NA REPORMANG AGRARYO AT KAPAYAPAAN! HAWANIN ANG LANDAS TUNGO SA ISANG SOSYALISTANG LIPUNAN!    

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s