Image

Ipagpatuloy ang Pakikibaka ni Gat Andres Bonifacio! Isulong ang Pambansa-Demokratikong Pakikibaka na may Sosyalistang Perspektiba!

“Ang maghimagsik ay makatarungan!” ~ Gat Andres Bonifacio

Makasaysayan para sa ating bansa ang petsang Nobyembre 30. Maraming okasyon at pangyayari ang naganap sa araw na ito. Isa na rito ang kapanganakan ng dakilang Supremo ng Katipunan na si Gat Andres Bonifacio, 151 taon na ang nakakaraan.

Si Andres Bonifacio, o Andoy para sa kanyang pamilya at malalapit na kaibigan, ay isinilang noong ika-30 ng Nobyembre taong 1863 sa Tondo, Maynila. Bilang panganay sa limang anak nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro, itinaguyod ni Andoy ang kanyang mga nakababatang kapatid nang sila ay maulila noong siya ay edad 14 na taong gulang pa lamang. Dinanas ni Andoy ang mabibigat at iba’t ibang tipo ng trabaho mairaos lamang ang kanyang mga kapatid. Dito napanday ang pagiging masigasig, masipag, at determinado ni Bonifacio.

Dahil batid at danas ni Bonifacio ang matinding kahirapan, hindi naging mahirap para sa kanyang yakapin ang pangangailangan ng solidong pagkakaisa ng mamamayan upang ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang sariling kalayaan mula sa mga mapanakop na Kastila at Pilipinong alipores nito sa bansa. Pinangunahan ni Bonifacio ang pagtatatag ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK, ang lihim na samahang naglalayong wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng dayuhang Kastila at lokal na burgesya. At noong 1896, naipagtagumpay nito ang unang malawakang rebolusyong Pilipino.

Maihahalintulad ang buhay ni Bonifacio sa buhay ng mga manggagawa sa rehiyon ng Timog Katagalugan at buong bansa. Gaya ni Andoy, murang edad pa lamang napilitan nang magbanat ng buto at sumabak sa loob ng mga pagawaan ang mga manggagawa upang mairaos sa pang-araw-araw na buhay ang kanilang mga pamilya. Ngunit sa kabila ng matinding hirap na nagtulak sa mga manggagawang ito upang maghanap-buhay, matinding pagpapahirap ang pilit pang idinaragdag ng mga ganid na kapitalista at ang papet na rehimen.

Tulad ng sa panahon ni Bonifacio, ang mga manggagawa ay nakararanas ng matitinding pang-aapi at pagsasamantala mula sa mga dayuhang monopolyo kapitalista at ang tagapagtaguyod ng mga ito, ang bulok na estado, sa pamamagitan ng patung-patong at di-matawarang mga anti-manggagawang polisiyang ipinatutupad. Ilan lamang sa mga ito ang matagal nang pagkakapako sa napaka-babang halaga ng sahod na mas pinababa pa sa Two-Tiered Wage Scheme (TTWS), wala o hindi sapat na benepisyo, kontraktwalisasyon, forced OT, pleksibilisasyon sa paggawa, malawakang tanggalan, union busting, no union no strike policy, gawa-gawang kaso, iligal at biglaang pagsasara ng mga pabrika, hindi makataong trato sa loob ng pagawaan, at marami pang iba. Pinagtitibay ang mga polisiyang ito sa pamamagitan ng paghahari ng mga kapitalista sa loob ng mga engklabo sa tulong ng Department of Labor and Employment (DoLE), National Labor Relations Commission (NLRC), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at ng mga gwardya, pulis, at militar sa ilalim ng Tripartite Industrial Peace Council – Manifestos of Commitment (TIPC-MOC).

Samu’t saring paglapastangan sa karapatan sa pamumuhay ang ginagawa ng mga dayuhang kapitalista sa hanay ng mga manggagawa at kanilang pamilya, subalit makikitang pinapaburan ito ng papet na rehimeng US-Aquino II dahil imbis na mamagitan sa hindi-maipagkakasundong interes ng kapitalista at manggagawa, kabi-kabilang patakarang maka-dayuhan ang ibinababa nito, tulad na lamang ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Malinaw na mas pinapanigan ni BS Aquino ang mga dayuhan kaysa buhay ng mga Pilipino, sapagkat sa mga kapitalistang ito at sa kanilang dayuhang bansa nakakakuha ng lakas at kapangyarihan ang mga gahamang katulad ni BS Aquino para pagnakawan at pagsamantalahan ang yaman ng Pilipinas.

Sa kabila ng lahat ng pagpapahirap na ginagawa ng pinagsamang lakas ng kapitalista at estado, hindi nagpapapigil ang mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang hanay at tanganan ang hamon sa kanila na pamunuan ang bagong tipo ng rebolusyon. Gaya nga ng laging sinasambit ng Dakilang Supremo, “Ang maghimagsik ay makatarungan!”, pinaniniwalaan ng mga manggagawa na tanging sa sama-samang lakas ng kanilang mga bisig at pagkakaisa makakamtan ang tunay na pagbabago at kalayaan. Kaya’t tulad ng ginawa ni Bonifacio at ng kanyang mga kasamahan, ipagpapatuloy ng mga manggagawa ang rebolusyong magwawakas sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo!

Pagpupugay sa ika-151 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio!

Manggagawa, magkaisa! Ipagpatuloy ang rebolusyon!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!

Miserableng kalagayan ng mga biktima ni Yolanda: Larawan ng kontra-mamamayan, inutil at kurap na gobyernong BS Aquino

Isang taon ngayong araw mula nang halos 10 libong kababayan natin ang namatay dahil sa bagyong Yolanda. Ngunit higit sa mapaminsalang bagyo, ang inutil at kurap na gobyernong BS Aquino ang pangunahing dahilan kung bakit dumami ang walang nagawa kundi tanggapin na lamang ang hindi inaasahang kamatayan.

Sagad sa buto ang kainutilan ng gobyernong BS Aquino dahil hanggang sa ngayon, kalunos-lunos ang kalagayan ng mga biktima sa tent city at temporary bunkhouses sa Tacloban at maraming bahagi ng Visayas. Tinatayang 918,621 ang nananatili sa mga evacuation centers, habang 1.2 milyong kabahayan ang nawasak. Kapag tiningnan, tila ilang araw pa lang mula ng tumama ang bagyo dahil nananatiling miserable ang pang-araw-araw na pamumuhay. Walang maayos na serbisyo ng tubig at kuryente, walang malinaw na pagkukunan ng ikabubuhay, walang naaasahang kongkretong programa at serbisyo mula sa gobyerno.

Ayon sa IBON Foundation, aabot ng 5.6 hanggang 6 milyong Pilipino ang matinding naapektuhan ang kabuhayan. Ayon naman sa di-kapani-paniwalang datos ng gobyerno, 215,471 pamilya ang nabigyan ng panandaliang suportang pangkabuhayan, habang 780,000 pamilya naman ang umaasa sa pribadong sektor at non-government organizations.

Napakahirap ding unawain kung paanong nasikmura ng gobyernong Aquino na gawing ‘negosyo’ ang rehabilitasyon ng mga biktima. Umaalingasaw ang kurapsyon na ipinangakong babaguhin ni Noynoy Aquino noong panahon ng eleksyon.

Noong 2013, may P693 milyong quick response funds (QRF) ang Office of Civil Defense (OCD). Tumanggap naman ng P48 milyong donasyon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Hindi ito napakinabangan ng mga biktima at sa halip, P119 milyon ng QRF ng OCD ay ibinigay sa AFP para diumano sa gastusin sa petrolyo, langis at lubricant na kailangan sa disaster operations.

Malaking pondo din para sa pagpapatayo ng permanenteng mga bahay ang hindi malinaw kung saan napunta. Sa kinakailangang 14,500 permanenteng bahay para sa mga biktima, umabot lang sa 2.75% o 400 ang sinabing matatapos ngayong ngayong araw.

Sa loob ng isang taon, walang matinong hakbangin para lunasan ang ibayong kahirapang dinaranas ng mga biktima. Sa katunayan, kamatayan ang hatid ng kontra-mamamayan, inutil at kurap na gobyernong Aquino hindi lang sa mga biktima ng bagyong Yolanda kundi maging sa milyon-milyong magsasaka, manggagawa at iba pang pinagsasamantalahang sektor.

Ngayong araw, nasa 20 libong mamamayan ang nagtipon upang alalahanin ang mga kaanak at kababayang naging biktima hindi lang ng natural na kalamidad kundi ng kalamidad na dulot ng iresponsibilidad ng gobyernong BS Aquino. Higit sa lahat ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na paniningil sa kapabayaan ng gobyerno upang maigawad ang hustisya sa mga inagawan ng karapatang mabuhay.

PANAGUTIN AT PATALSIKIN ANG INUTIL AT KURAP NA REHIMENG AQUINO!