PAGPASLANG KAY LAUDE NG SUNDALONG AMERIKANO, LARAWAN NG PAGLABAG NG IMPERYALISMONG US SA SOBERANYA AT DANGAL NG BANSA

JL2

Ika-11 ng Oktubre, pinaslang si Jennifer Laude – isang Pilipinong transgender – ng isang US serviceman – Private First Class Joseph Scott Pemberton – sa Olongapo City, Pampanga. Walang ibang itinuturong dahilan ng pagpaslang kundi ang kanyang kasarian, na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang tanggap sa buong daigdig. Maliban at higit pa sa kawalan ng paggalang sa karapatan ng mga lesbians, gays, bisexuals and transgenders (LGBT), naging madali ang pagpaslang dahil sa mababang pagtingin ng mga sundalong Kano sa mamamayang Pilipino. Katulad ng pagturing ng imperyalistang Estados Unidos sa Pilipinas bilang isang mala-kolonya, na ginagatasan ng halos wala ng bayad na hilaw na materyales at mura at maamong lakas paggawa.

Tropang Kano: human rights violator

Kasabay ng mahabang panahong inilagi ng mga tropang Kano sa Pilipinas ay ang mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao. Isa sa pinakahuling naging mainit na kaso ay ang Subic rape case – ang panggagahasa kay “Nicole” ni Lance Corporal Daniel Smith at tatlo pang sundalong Kano noong 2005.

Batay sa mga naitalang datos ng Karapatan, may mga kaso ng pamamaril at pamamaslang na direktang sangkot ang mga tropang Kano. Ilan sa mga ito ang papamaril ni Sergeant Reggie Lane kay Buyong-buyong Isnijal noong ika-25 ng Hulyo; pamamaril kay Arsid Baharun sa Zamboanga City noong 2004; at, pagkapaslang sa 7 sibilyan noong ika-4 ng Pebrero 2008, habang diumano ay nagsasagawa ang mga sundalong Kano at Pinoy ng military raid laban sa mga Abu Sayyaf.

VFA at EDCA: lisensya at proteksyon para sa mga paglabag

Ang mga paglabag na ito ay naging posible dahil sa hindi pantay na kasunduang Visiting Forces Agreement (VFA). Dahil dito, ngayon ay ika-15 taon na ng malayang pagpasok at pananatili ng mga sundalong Kano sa Pilipinas. May mga lugar pa nga tulad sa Angeles, Pampanga kung saan tila sila ang hari at walang pagkilala sa mga batas ng bansa.

Malakas ang loob ng mga dayuhang sundalo dahil na rin sa mga probisyon ng kasunduan na nagbibigay sa kanila ng maka-isang panig na proteksyon. Halimbawa, sa Article V Section 6 nakasaad na military authorities ng Estados Unidos ang dapat na may kustodiya sa mga sundalong Kano na may kaso. Talaga namang tuta ang gobyerno sa pagpayag sa ganitong kaayusan.

Sa ilalim ni Noynoy Aquino, hindi lang VFA, kundi ang bagong kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang instrumento ng imperyalistang Estados Unidos upang higit pang gahasain ang mamamayan, ekonomiya at kalikasan ng Pilipinas.

Ika-28 ng Abril 2014, pinirmahan ng mga representante ng gobyernong BS Aquino at Obama ang EDCA – isang kasunduan na niratsada, hindi dumaan sa demokratikong proseso, at para lamang sa kapakinabangan ng Estados Unidos.

Kung dati ay sa piling bahagi lang, ngayon ay malayang gamitin ng mga tropang Kano ang anumang bahagi ng bansa para sa kanilang pagsasanay. Nangangahulugan ito ng mas marami at matitinding paglabag sa karapatang pantao.

Hustisya para kay Jennifer

Kung gano kabilis sumunod ang gobyernong BS Aquino sa kagustuhan ng gobyerno ni Obama, ganun din ito kabilis sa pagdepensa sa mga sundalong Kano. Sa halip na protektahan ang dignidad ni Jennifer, sinabi pa ni AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Harold Cabunoc na masyadong minamalaki ng mga human rights at LGBT rights groups ang pagkapaslang sa kanya. Lantarang pinanigan ni Cabunoc ang kriminal na sundalong Amerikano sa pagsasabing “crime of passion” lamang ang nagawa nito.

Ang ganito kakitid na pag-iisip ay ibinunga ng mahabang panahong pagkaalipin ng mga naunang henerasyon sa kanluraning tipo ng edukasyon. Idagdag pa dito ang kawalan ng kaalaman tungkol sa sektor ng LGBT at kanilang mga karapatan.

Kilusang LGBT laban sa imperyalismo

Hindi makakamit ang hustisya para kay Jennifer, at lahat ng biktima ng diskriminasyon, karahasan, at paglabag sa karapatang tao ng mga may piniling kasarian, hangga’t nananatiling lukob ng pyudal at patriyarkal na kultura ang bansa. Kinakailangan ang pagpapalakas ng kilusang LGBT upang imulat ang mamamayan sa kalagayan ng sektor. Higit pa rito, mahalaga na maitaas ng sektor ang kanyang pagkaunawa sa imperyalismo – na isa sa mga ugat ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga LGBT.

Dahil sa imperyalismo, nagiging madali sa mga makapangyarihang bansa ang makapagsamantala sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Naisasakatuparan ito sa pamamagitan ng mga idinidiktang polisiya tulad ng VFA at EDCA. Ang resulta, hindi lang paglapastangan sa ating soberanya kundi walang takot na pagyurak sa karapatan nating mga Pilipino.

Katulad ng sektor ng manggagawa, magsasaka, kababaihan at iba pa, mahalaga ang pakikiisa ng sektor ng LGBT sa pagpapabagsak sa imperyalismo na pinangungunahan ng Estados Unidos. Sa pagpapalakas sa kilusang LGBT at ng pakikibaka laban sa imperyalismo, tiyak maigagawad natin kay Jennifer Laude, at iba pang mga biktima ano man ang kasarian, ang katarungang ipinagkakait ng mga nakaraang gobyerno ng kasalukuyang rehimeng US-BS Aquino.

HUSTISYA PARA KAY JENNIFER LAUDE!

PANAGUTIN SI PRIVATE FIRST CLASS JOSEPH SCOTT PEMBERTON!

IGALANG ANG KARAPATAN NG MGA LGBT!

US TROOPS OUT NOW!

JUNK VFA! JUNK EDCA!

IMPERYALISMO, IBAGSAK!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s