Marcos at Aquino: Hari ng Martial Law, Berdugo ng Manggagawa

10468625_537534449710653_8577682593593735218_n

Pagkaraan ng 42 taon, nananatiling sariwa sa alaala ng mamamayan ang malagim na karahasang sinapit sa karumaldumal na paglabag sa karapatang pantao, iligal na pag-aresto, panggagahasa, pagdukot, pagtortyur, at pagpaslang sa mga mamamayang nanindigan upang labanan ang diktadurang Marcos. Nakakintal pa rin sa isip ng mga biktima at mga kaanak hanggang sa ngayon ang bawat bahid ng dugo at panaghoy ng pagdurusang dulot ng malagim na pasismo ng estado sa panahon ng Martial Law.

Batas militar ni Marcos

Setyembre 21, 1972 nang ideklara ni Ferdinand Marcos ang Proclamation Decree No. 1081 – na mas kilala sa tawag na Martial Law o Batas Militar – matapos ang pambobomba sa miting de avance ng Liberal Party sa Plaza Miranda na ibinibintang sa maka-kaliwang grupo. Ngunit naging malinaw na pakana ito ni Marcos upang magkaroon siya ng dahilan na isailalim sa state of emergency ang bansa. Sa ilalim ng Batas Militar, buung-buo niyang inilagay sa kanyang mga kamay ang kapangyarihan at kontrol sa pulitika, ekonomiya, armadong pwersa, at midya.

Kabi-kabila ang naitalang paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng diktadurang Marcos gamit ang armadong pwersa ng Philippines Constabulary (PC) at Citizens Armed Force Geographical Unit (CAFGU). Kabilang dito ang 3,257 kaso ng extra judicial killings, 35,000 na tinortyur, 75,000 iligal na ikinulong, at 737 na desaparesidos na hindi pa inililitaw hanggang sa ngayon.

Isa ang uring manggagawa sa nakaranas ng matinding karahasan sa ilalim ng diktadurang Marcos. Pilit binuwag at dinahas ang maraming unyon sa mga pagawaan tulad ng Foamtex Industries, Ricoa, at La Tondeña. Isa si yumaong dating Anakpawis representative Crispin Beltran sa mga naikulong. Kasama naman sa mga pinaslang sina Felixberto Olalia Sr., Felipe Caracas, at Antonio de Guzman pawang mga lider-obrero at tagapagtanggol ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ngunit sa kabila ng sukdulang panunupil ng estado sa hanay ng mamamayan, sa halip na matakot, higit na nag-umapaw ang galit sa damdamin ng mga manggagawa. Ang bawat karahasang kanilang naranasan ang nagsilbing gatong na nagpaliyab sa pagnanasang mabago hanggang sa tuluyang mapabagsak ang diktadurang paghahari ng rehimeng Marcos. At sa pamamagitan ng pinagsamang lakas ng manggagawa at sambayanan, tuluyang napabagsak ang diktadurya ni Marcos noong Pebrero 25, 1986 sa tinaguriang People Power Revolution.

Batas militar ng mga sumunod na rehimen

Dahil sa People Power I, sumunod na naluklok sa pwesto si Corazon Aquino – ang huwad na ina ng demokrasya. Nagpatuloy ang sunud-sunod na pamamaslang sa mga mamamayang naghahangad ng tunay na pagbabago – laluna sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka.

Noong Mayo 1, 1988, habang nagdiriwang ang mga manggagawa ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Crossing, Calamba, Laguna, walang habas silang pinagbabaril ng mga pasistang militar sa utos ng rehimeng US-Aquino I.

Sa ilalim ni Aquino, naging mas masahol ang kalagayan ng mamamayan partikular ang manggagawa at magsasaka. Nagpatuloy ang karahasan ng batas militar at ikinubli lamang ito sa tipo ng Oplan Lambat Bitag 1, 2, 3 – na naglalayong durugin ang rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng ‘Total War’.

Matapos ang hungkag na pamumuno ng rehimen ni Aquino, wala ring pinagkaiba sa kanyang kontra-rebolusyonaryong iskema ang pinagpatuloy ng mga pangulong sumunod sa kanya.

Walang gatol na ipinatupad ni Fidel Ramos ang Oplan Lambat Bitag 4; Oplan Makabayan ni Joseph Estrada; at Oplan Bantay Laya 1 at 2 ni Gloria Arroyo – bilang pagpapatuloy ng lantarang pasismo ng estado para sa lubusang pagdurog sa mga rebolusyonaryong pwersa at mga progresibong grupo. Kinasangkapan ng estado sa pagpapatupad ng mga kontra insurhensyang programang ito ang mga tuta at berdugong PNP, AFP, at CAFGU. Wala itong ibang idinulot sa mamamayan kundi papatinding karahasan, ibayong kahirapan, at talamak na paglabag sa karapatang pantao.

Batas militar ni Noynoy Aquino

Sa kasalukuyang rehimen ng US-Aquino II, walang pakundangan niyang inilantad ang pagnanais na isailalim ang bansa sa kumpas ng diktadura. Kapit-tuko siya sa estado poder at buong kapal ng mukhang nais magpalawig ng termino sa pamamagitan ng pagmamadali sa Charter Change (Chacha), sa kabila ng panawagan ng sambayanan ng pagpapatalsik sa kanya sa pwesto dahil sa kurapsyon sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ipinatupad nito ang mapanlinlang na Oplan Bayanihan sa kanayunan at kalunsuran na may layunin ding tiktikan, takutin, dahasin, dukutin hanggang sa paslangin ang mga indibidwal o grupo na lumalaban sa kanyang mga di-makatao at anti-mamamayang mga polisiya at programa. Halimbawa nito ang Two-Tiered Wage System, Tripartite Industrial Peace Council Manifesto of Commitment (TIPC-MOC), at No Union No Strike Policy ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na matinding sumisikil sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon, at sa karapatan sa nakabubuhay na sahod at disenteng trabaho.

Walang seryosong plano si Aquino na magkaroon ng kapayapaan sa bansa dahil tuwiran nitong tinalikdan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Kamakailan lamang, planadong inilitaw ng gobyerno ni BS Aquino ang berdugong si Hen. Jovito Palparan upang pahupain ang galit ng sambayanan makaraang mabulgar ang pinakatalamak at sistematikong korapsyon sa kasaysayan. Ginawa rin ito upang papaniwalain ang sambayanan na matutuldukan na ang pagdukot, pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao.

Sa ganitong kalagayan, sapat nang patunay na ang administrasyon ng US-BS Aquino ang Martial Law ng kasalukuyang panahon. Kinaya ng lakas ng mga manggagawa at sambayanan ang pagpatay sa pangarap ng rehimeng US-Marcos na maghari sa bansa, ganitong lakas din ang papatay sa kanyang pangarap na pagtutuloy sa pwesto at sa kalauna’y pagpapataw ng Martial Law. Sama-samang lakas ng mga manggagawa, mula sa mga matatatag na at mga bagong tatag na mga unyon, sa Timog Katagalugan ang lulusaw sa kamay na bakal ng pasistang rehimeng US-BS Aquino!

HUSTISYA PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG MARTIAL LAW!

TUTULAN ANG DIKTADURANG US-BS AQUINO!

PATALSIKIN AT PANAGUTIN ANG REHIMENG US-BS AQUINO!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s