Mga DAPat Malaman at DAPat Gawin Hinggil sa DAP ni BS Aquino

Ipinahahayag ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang pinakamariing layunin sa pagpapanagot at pagpapatalsik sa lahat ng sangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, pangunahin si BS Aquino sa pamamagitan ng DAP.

Habang mainit ang pag-uusap hinggil sa malawakang anomalya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa hanay ng mga senador, kongresista, at iba pang opisyal at empleyado ng gobyerno, biglang pumutok ang isyu ng pagiging iligal sa Saligang Batas ang paggamit ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ano ang DAP?

Ang Disbursement Acceleration Program o DAP, ayon sa Palasyo, ay isang paraan upang magamit sa iba pang pangangailangan ng bansa, tulad ng ayuda sa mga biktima ng kalamidad, ang mga hindi nagalaw na pondo ng gobyernong nakalaan sa bawat taon. Ito umano ay paraan upang makatulong sa mas mabilis at mas epektibong pagtugon ng administrasyon sa mabagal na paglago ng pambansa at pandaigdigang ekonomiya.

Ang DAP diumano’y nagsisilbi bilang stimulus fund para sa mga kagyat na pangangailangan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Subalit, ang totoo ay binuo ito ng gobyernong BS Aquino para magkamal nang mas malaki pang kita at pag-ibayuhin ang kontrol nito sa kongreso.

Saan Galing ang DAP?

Ang DAP ay nagmula sa mga hindi nagalaw na pondo o unused appropriations mula sa National Budget ng nagdaang taon.

Kapansin-pansing inianak ang DAP ng Presidential Decree No. 1177, Section 44 o ang Budget Reform Act of 1977 ng dating pangulong si Ferdinand Marcos. Nilalaman ng batas na ito ang pagbibigay kapangyarihan sa presidente na maglipat ng pondo, mula sa perang nakalaan sa iba’t ibang departamento, kawanihan, at/o tanggapan at ahensya, tungo sa anumang programa, proyekto, at/o aktibidad ng iba pang departamento, ahensya, o tanggapan.

Mula pa noong 2011, katuwang ang Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) na si Butch Abad, nagpahayag si BS Aquino ng intensyon nitong pondohan ang mga dagdag na proyekto sa taong iyon gamit ang P72.11 bilyong mula sa natirang pondo umano nang mga taong 2010 at 2011.

Noong 2012, pinagtibay ng DBM sa pamamagitan ni Abad, ang kapangyarihan ni BS Aquino na ipunin ang mga di-nagamit na pondo para sa mga pangunahing proyekto nito. Dagdag pa, nagkaroon ng ispesyal na awtoridad si Abad na bawiin ang mga unobligated allotments, o ang mga pondong nailipat mula sa DBM papunta sa mga partikular na ahensya, na hindi nagamit kahit hindi pa natatapos ang taon.

Bukod pa sa mga nabanggit, pwede ring pagmulan ng DAP ang mga di-programado o mga nakatabing pondo, hiwalay pa sa nakapaloob sa National Budget. Halimbawa na lang dito ang perang nagmumula sa mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Government Financial Institutions (GFIs), at pinagbentahang ari-arian ng gobyerno.

Lahat ng nabanggit na pondong pinagmulan ng DAP ay nabubuo mula sa buwis na binabayaran at kinukuha sa mamamayan. Malinaw na ang perang inilalagay sa DAP ay galing sa taumbayan.

Saan Dinala ang DAP?

Ayon sa Malacanang, mayroong 116 na proyekto ang pinondohan sa ilalim ng DAP. Ilan sa mga pinagdalhan nito mula 2011-2012; ang pagpapaayos ng mga kalsada sa lalawigan ng Tarlac, suporta para sa mga local government units (LGU), at pandagdag sa pondo para sa mga ‘sari-saring lokal na proyekto’ ng mga senador at kongresista. Hindi pa nagkasya sa DAP para sa 2 taong iyon, naglabas muli ng bilyong pisong halaga sina BS Aquino at Sec. Abad diumano para sa mga nasalanta ng bagyong Pablo at Yolanda nito lamang nakaraang taon.

Kataka-takang habang mainit na tinutuligsa ang anomalya sa pagkakaroon ng PDAF sa kongreso, tahasang kinukonsinte pa ito ni BS Aquino. Dinagdagan nito ang pondo ng piling mga kongresista’t senador sa panahon ng pagpapatalsik sa dating Chief Justice na si Renato Corona, upang tiyakin ang pabor-kay-Aquino na boto ng mga nakaupo sa kongreso. Sa mga masususing pananaliksik, natagpuan ang ilang bahagi ng DAP sa mga ‘Napoles NGOs’, bagay na magpapakita ng tunay na layunin ng programang ito ni BS Aquino.

Mula sa pag-uumpisa ng termino ni BS Aquino noong 2010 hanggang sa kasalukuyan, may tinatayang mahigit P177.234 bilyong halaga na ang pinipirmahan at inaaprubahan ni BS Aquino para mailabas at magamit sa kanyang mga ‘proyekto’. Ngunit batay sa marginal notes o tinatayang gastos, tanging P174 bilyon lamang ang pangkabuuang halaga ng mga aprubadong proyekto. Nang hingiin sa panig ng palasyo ang listahan ng 116 proyektong pinondohan ng DAP, tanging sagot nito ay bigyan sila ng kaukulang panahon para sa listahang ito.

Iligalidad, Paglabag sa Saligang Batas

Tulad ng Presidential Decree No. 1177 ni Marcos, hinatulan ng Korte Suprema na iligal at labag sa Saligang Batas ang paggamit ng DAP. Noong ika-1 ng Hulyo ngayong taon, inilabas ng Korte Suprema ang hatol nitong partial unconstitutionality ng DAP.

Nasasaad sa Saligang Batas na hindi basta-basta maaaring galawin ang pondong mula sa National Treasury o kaban ng bayan kung hindi ito napapailalim o kinikilala sa batas, halimbawa na lamang sa General Appropriations Act. Dagdag pa rito, tanging ang kapulungan ng Kongreso lamang ang maaaring magtakda ng appropriations o paglalaanan ng mga pondo, dahil din dito, ayon sa batas, hindi basta-basta pwedeng ilipat ng sinumang opisyal ng gobyerno ang appropriations ng partikular na pondo o magsagawa ng savings realignment, maliban na lamang kung ito ay pahihintulutan ng batas at kung ito ay umabot na sa dulo ng taon.

Tanging kongreso, laluna ang Mababang Kapulungan, lamang ang may power of the purse o kapangyarihan sa pagdedesisyon sa kung paano at saan gagastusin ang pera ng mamamayan.

Noong 2008, isa ang noo’y senador pa lamang na si BS Aquino sa mga pangunahing naniniwala na iligal ang pagsasalin ng pambansang pondo bilang savings sa kalagitnaan ng taon. Sa ikalawang sesyon ng ika-14 na Kongreso, pinangunahan ni BS Aquino ang pagpapasa ng Senate Bill 3121 o ang Budget Impoundment Control Act na diumano’y naglalayong limitahan ang kontrol sa sariling pagpapasya ng presidente sa pag-aayos at/o pag-aantala sa paglalabas ng pondo.

Subalit, tanging sa panahon lamang ni BS Aquino bilang presidente nagkaroon at naisakatuparan ang DAP – pinaka-masahol na paggamit ng pondo ng gobyerno kumpara sa PD No. 1177 ni Marcos at pagtatangkang lumikha ng stimulus funds ng iba pang nagdaang presidente ng bansa.

Napatunayang ginamit ang DAP upang suhulan ang mga nasa Kongreso na bumoto ayon sa ikapagpapatalsik ni Corona, na noon ay may malaking kasalanan kay BS Aquino at sa kanyang angkan dahil sa paglalabas nito ng desisyong maka-magsasaka hinggil sa tunggalian sa lupa sa Hacienda Luisita, Inc.

Gayun pa man, hanggang sa kasalukuyan ay hindi humihingi ng patawad ang palasyo hinggil dito. Aminado ang kampo ni Aquino na maaaring hindi umano perpekto ang DAP ngunit ginawa nila ito nang walang masamang hangarin (in good faith). Ani pa ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng palasyo, hindi raw nangangahulugan ng kriminalidad ang ligalidad o iligalidad ng DAP.

Ano ang mga Implikasyon?

Bukod sa P1.3 trilyong pork barrel, mayroong P177.234 bilyon ang napasa-kamay ni BS Aquino.

Maluwag na nailulusot ni BS Aquino ang paglalabas ng pondo para sa mga arbitraryong ‘proyekto’ at ‘pangangailangan’ dahil hindi na ito dumadaan pa sa deliberasyon ng kongreso’t senado. Katuwang ng DBM, mabilis na nakagagawa ng mga hakbangin ang dalawang kampo para makuha ang ‘naipong pondo’ kahit pa sa kalagitnaan ng taon upang gamitin saanman nila naisin.

Batay sa pault-ulit na pahayag ng palasyo, ang DAP ay binuo dahil sa underspending ng gobyerno, makikita kung gaano kalaki ang unused appropriations na inilipat sa DAP – perang hindi nagastos sa nagdaang mga taon.

Samantala, habang pino-problema ng Malacanang ang ‘sobra-sobrang pera’ ng gobyerno at kung saan nila dadalhin ito, pinoproblema naman ng ordinaryong manggagawa ang nagmamahalang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo dahil sa kawalan ng pondo ng gobyerno para sa mga ito.

Sa kalagitnaan ng paglulusot ng pera ng Malacanang para ilaan sa ibang mga ‘proyekto’ dahil sayang at hindi ito nagastos, hinihintay ng mga manggagawa at mamamayan kung kailan madaragdagan ang budget para sa mga batayang serbisyo katulad ng kuryente, pabahay, pagkain, pangkalusugan, trabaho, at petrolyo.

Simula nang maupo sa trono si BS Aquino, sunud-sunod at tuluy-tuloy na ang pagtataas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at singil sa serbisyong panlipunan. Ayon sa talang naihanda ng PAMANTIK-KMU, malaki na ang agwat ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayang Pilipino mula 2010 sa kasalukuyang taon.

Produkto Presyo 2010 Presyo 2014
Bigas P30.00 per kilo P45.00 per kilo
LPG P560.00 per 11-kilo tank P809.00 per 11-kilo tank
Petrolyo (Diesel) P33.00 per liter P44.00 per liter
Bawang P40.00 – P50.00 per kilo P400.00 per kilo
Manok P100.00 per kilo P160.00 per kilo
Karneng Baboy P140.00 per kilo P220.00 per kilo
Isda (Galunggong) P80.00 per kilo P140.00 per kilo
Pamasahe P7.00 minimum P8.50 minimum
PhilHealth Contribution 100 125
SSS Premium 100 125

Kitang-kita na hindi sa mamamayan napupunta ang mga pondong ipinaloob sa DAP. Hindi totoong wala nang mapaggamitan ang mga unused appropriations o savings ng National Budget dahil malaki ang pangangailangan ng mamamayan sa suportang pinansyal mula sa gobyerno para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ano ang DAPat na Gawin?

Sa lahat ng pagkakasala ni BS Aquino sa manggagawa’t mamamayan, sukdulan na kung mahahayaan pa rin siyang makalusot sa biliyun-bilyong pisong ninakaw niya sa pamamagitan ng iligal na DAP.

Nasusulat sa batas na isa sa mga pribilehiyong tinatamasa ng presidente ng bansa ang immunity from suit o pagkaligtas sa anumang kaso at paghahabla. Kaya’t ang pinakamahusay na paraan para panagutin si BS Aquino ay ang patalsikin siya sa pwesto upang maluwag siyang mai-habla sa lahat ng krimen at kasalanang ginawa niya sa mamamayan. Kailangang magkaisa ang mamamayan para papanagutin si BS Aquino, Butch Abad, at lahat ng sangkot sa pagnanakaw sa dugo at pawis ng mamamayan.

Kailangang hatulan at tunay na pagbayarin ang administrasyong BS Aquino dahil sa masahol na paglala ng buhay at kabuhayan ng manggagawa at mamamayang Pilipino sa ilalim ng kanyang pamumuno.

BS AQUINO, Papet, Kurap, Pahirap at Pasista, PANAGUTIN AT PATALSIKIN NA!

SUMAMA SA DARATING NA SAKBAYAN PARA SA TUNAY NA SONA NG MAMAMAYAN!
July 26, Crossing Calamba

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s