2,600 Manggagawa ng Hoya Glass Disk, Tinanggalan ng Trabaho, Nag-file ng Notice of Strike dahil sa Iligal na Pagsasara ng Pabrika

Libu-libong manggagawa ng electronics ang nawalan ng trabaho dahil sa iligal na pagsasara ng pagawaan ng Hoya Glass Disk Philippines (HOGP) sa First Philippine Industrial Park (FPIP) sa Tanauan, Batangas ngayong araw, ika-30 ng Abril, bisperas ng Araw ng Paggawa. Nagtungo ang mga manggagawa, sa pamumuno ng Kalipunan at Saligan ng Manggagawa sa Hoya Glass Disk Philippines – Indepent (KASAMA sa HOGP – Ind.), sa tanggapan ng National Concilliation and Mediation Board (NCMB) sa Calamba, Laguna upang magsampa ng Notice of Strike at mga kasong Illegal Closure at Union Busting laban sa kapitalistang Hoya.

HoyaNgayong araw, tinipon ng kapitalistang Hoya ang 2,600 mga manggagawa nito sa isang General Assembly (GA) upang hainan ng waiver, quit claims, cheke, at iba pang mga dokumento ng separasyon. Pilit na ipinatatanggap ng kapitalista ang iligal na pagsasara ng pagawaan sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsasama ng nakaraang sahod at separation pay sa iisang chekeng ipinamamahagi sa mga ito.

Ani Ian Ordoño, Pangulo ng KASAMA sa HOGP–Ind., “Tahasang pambabastos ang ginagawa ng kapitalistang Hoya sa mga manggagawa. Idinaan nila sa simpleng intriga ang pagsasara ng pagawaan nang ipakalat nila ito sa mga production line, ilang araw na ang nagdaan, na magsasara na nga raw ang Hoya. Walang makatuwirang paliwanag ang kapitalista para rito.”

Ayon sa kapitalista, nagsilbing Notice of Closure para sa hanay ng mga manggagawa ang isinagawang GA. Subalit, nananatiling iligal ang pagsasara ng pabrika dahil sa kawalan ng sapat na pagpapaabot sa mga manggagawa hinggil sa naturang pagsasara, isang buwan bago ang implementasyon nito.

Walang Pagtatagong Union Busting

Mula noong Nobyembre taong 2011, nagkaisa ang mga manggagawa ng Hoya laban sa mga isyung kinakaharap nila sa loob ng pagawaan. Ilan na rito ang napakababang sahod na umiikot sa P315 kada araw, matinding kontraktwalisasyon sa pagpapapasok ng mahigit 700 manggagawang kontraktwal, at kawalan ng makataong benepisyo at pagtrato sa hanay ng mga manggagawa. Habang tuluy-tuloy na binubusabos ng kapitalista ang mga manggagawa, kumikita ito ng humigit-kumulang 27 milyong dolyar o 1.188 bilyong piso na netong tubo kada taon.

Tumatanggap ng humigit-kumulang P500 pisong sahod kada araw ang mga manggagawang regular na nagtatrabaho sa Hoya sa loob ng 15 taon.

“Ang kalagayan sa loob ng pagawaan ang dahilan kung bakit nagkaisa ang mahigit 900 manggagawa upang itayo ang isang tunay, palaban, at makabayang unyon. Naniniwala kaming desperadong hakbangin ito ng ganid na kapitalista para buwagin ang katatayo ngunit lumalawak na lakas ng unyon ng manggagawa sa Hoya. Wala nang ibang makatotohanang dahilan ang maaari nilang iharap sa amin kundi ang tangkang pagsira sa aming samahan,” dagdag pa ni Ordoño.

Lens ng glass disk at hard disk ang pangunahing ginagawa sa HOGP.

Ayon pa kay Ordoño, “Saksi kaming mga manggagawa sa laki ng produksyong nalilikha namin para sa kapitalista, dahil sa mataas na pangangailangan ng merkado para sa ginagawa naming produkto, imposibleng malugi ang pabrika sa kabila nito. Maraming sangay ng Hoya sa Timog Katagalugan, subalit kataka-takang tanging sa HOGP sa Batangas na may itinatayong unyon lamang magaganap ang pagsasara.”

Sunud-sunod na Iligal na Pagsasara sa TK

Noong nagdaang Pebrero, iligal na nagsara ang pagawaan ng Carina Apparel, Inc. sa LIIP, Biñan, Laguna na nagdulot ng kawalang trabaho para sa 3,600 manggagawa. Sinundan ito ng iligal ding pagsasara ng isa pang pagawaan ng garments na Freshtex Philippines sa Carmelray 1, Canlubang, Laguna noong nakaraang Marso na nakaapekto sa humigit-kumulang 200 manggagawang nawalan din ng ikabubuhay. Ngayon, kumakaharap sa pagkakawala ng kanilang hanap-buhay ang 2,600 bilang ng manggagawa ng HOGP sa iligal na pagsasara ng pabrika.

Ayon kay Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), “Ginagawang libangan ngayon ng mga kapitalista ang biglaan at walang pasabing pagsasara ng mga pagawaan sa ilalim ng mga arbitraryong kadahilanan. Talamak na rason ng mga kapitalista ang pagkakalugi ng kumpanya kaya sila napipilitang magsara, ngunit sa hinaba-haba ng panahong paghihirap ng mga manggagawa sa loob ng mga pagawaan, barya-barya lang ang nakukuha nilang kapalit sa bilyun-bilyung halaga ng pisong naibibigay nila sa kapitalista.”

Nagiging matapang ang mga kapitalista sa pagsasagawa ng mga iligal na hakbangin hinggil sa panunupil ng karapatan ng mga manggagawa sa kabila ng mga nakalatag na batas, dahil napakadali nitong baliin ng mga ahensya ng gobyerno katulad ng DoLE para tuwangan ang kapitalista sa kanilang desisyon.

Abala si BS Noynoy Aquino at mga alipores nito sa pangangayupapa sa mga dayuhang mono-kapitalistang naglalatag ng mga anti-manggagawang batas na nagdudulot ng mga kahalintulad na kaganapang ito. Pagkatapos lamang ng pagbisita ng pangulo ng Imperyalistang Estados Unidos na si Barack Obama ngayong Abril 29, nagsawa ng umanong pagpupulong si Aquino upang dinggin ang mga karaingan ng sektor ng paggawa – ngunit walang naipangako ang kanyang administrasyon kundi pawang “imbestigasyon”. “Patunay ito na papogi lamang ang nangyaring diyalogo at walang interes si Noynoy na isulong ang kapakanan ng mga manggagawa – kung sa katunayan halos araw-araw ang tanggalan at pambubusabos dahil sa mga patakarang pabor sa mga dayuhang kapitalista.”

“Tanging sa pagkakaisa ng mga manggagawa sa Hoya maipagtatagumpay ang laban sa iligal na pagsasara ng pagawaan. Hindi dapat hayaang maibasura ang pagsisikap na makapagtayo ng isang tunay, palaban, makabayang unyon sa loob ng pagawaan para sa sahod, trabaho, at karapatan. Ngayon, higit kailanman, kailangang ipakita ng mga manggagawa ang kanilang lakas, bilang, at pagkakaisa upang pagbayarin ang kapitalistang Hoya,” pagtatapos ni Urgel.

Advertisements

Kundenahin ang iligal na pagsasara ng Hoya Glass Disk Philippines! Suportahan ang welga ng mga manggagawang pinagkaitan ng karapatan sa sahod, trabaho, at pag-uunyon!

Mahigpit na kinukundena ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang iligal na pagsasara ng pagawaan ng Hoya Glass Disk Philippines (HOGP) upang pigilan ang pagtatayo ng mga manggagawa ng kanilang unyon. Sa panahong tahasang nilalabag ng kapitalista ang batas at karapatan ng manggagawa sa pag-uunyon, wala nang ibang dapat gawin ang mga manggagawa kundi palakasin ang kanilang hanay, ibuhos ang lakas sa lansangan, at makiisa sa sambayanang nakikibaka para sa pambansang-demokrasya na may sosyalistang perspektiba.

 

Hoya Glass Disk PhilippinesIpinapaabot ng PAMANTIK-KMU ang mahigpit na pakikiisa sa mga manggagawang nangahas na itayo ang kanilang tunay, palaban, at makabayang unyon sa loob ng Hoya Glass Disk Philippines. Nakasaad sa saligang batas at batas paggawa ang karapatan ng bawat manggagawa sa pagtatayo ng unyon upang magkaroon ng makapangyarihang boses sa paggigiit ng kanilang karapatan sa nakabubuhay na sahod at benepisyo. Ito ang tuntungan ng mga manggagawang matapang na pumaloob sa Kalipunan at Saligan ng Manggagawa sa HOGP-IND (KASAMA sa HOGP-IND) nang itayo nila ang unyon noong Abril 10.

 

Karamihan sa mga manggagawang nagtatrabaho sa Hoya Glass Disk ay tumatanggap lamang ng humigit-kumulang P500 kada araw, walang benepisyo, at walang karapatang magreklamo. Matatagpuan din sa pagawaang ito ang mahigit 700 kontraktwal na manggagawa—isang iskemang ipinatutupad upang makapagbulsa ng mas malaking tubo ang kapitalistang Hoya.

 

Samantala, kumita ng P1.188 bilyong netong tubo ang kapitalista noong 2012—malayong malayo sa baryang ibinibigay niya sa mga manggagawa. Makatuwiran lamang na igiit ng mga manggagawa ang kanilang karapatan sa pakikipagnegosasyon upang makaagapay ang kanilang sahod sa walang-tigil na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at bayarin.

 

Ngunit tulad ng karaniwang ginagawa ng mga kapitalista sa tuwing magtatayo ng unyon ang mga manggagawa, biglaang ipinatawag ng kapitalistang Hoya ang mga manggagawa at idineklarang sarado na ang kumpanya. Walang prior notice, at walang ipinakitang notice of closure na ipinasa sa Department of Labor and Employment. Inalok ng bayaran at pilit na pinapipirmahan ang quitclaims at waiver na pipirmahan ng mga manggagawa. Isinama pa sa chekeng inaalok ang huling sahod ng mga manggagawa.

 

Hindi dapat magpalinlang ang mga manggagawa sa ginagawa ng kapitalistang Hoya na pagdurog sa unyon at iligal na pagsasara. Takot ang kapitalista sa matatag at malakas na pagkakaisa ng mga manggagawa sa ilalim ng bagong-tayong tunay, palaban, at makabayang unyong KASAMA sa HOGP-IND. Sapagkat sa nagkakaisang lakas, tiyak ang mga tagumpay na naghihintay sa unyon sa usapin ng pakikibaka para sa sahod, trabaho, karapatan, at hustisyang panlipunan. Gayunman, sadyang ganito kagahaman ang kapitalistang Hoya—handa itong lumabag sa batas, huwag lang mabawasan ang kanyang bilyong tubo na mula rin sa dugo at pawis ng uring manggagawa!

 

Hindi dito nagtatapos ang pakikibaka at paghahangad ng disenteng pamumuhay. Kapag ang karapatan sa sahod, trabaho, benepisyo, at pag-uunyon ay tahasang binabawi sa atin, iisa ang natitirang sandata ng uring manggagawa upang ipagtanggol ang kanyang dangal at karapatan sa lipunan—ang paglulunsad ng pinakamataas na pampulitikang pakikibaka, ang welga. Tatagan ang hanay, sapagka’t tanging sa pagkakaisa, determinasyon, at paninindigan makakamit ang tagumpay. Kakapit-bisig ang mga manggagawa sa buong rehiyon, bansa, at daigdig, kakamtin natin ang hustisya hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi para sa lahat ng uring anakpawis na pinagsasamantalahan ng pandaigdigang sistemang kapitalista!

 

ISULONG ANG KILUSANG WELGA!

 

URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA!

 

ISULONG ANG PAMBANSA-DEMOKRATIKONG PAKIKIBAKA NA MAY SOSYALISTANG PERSPEKTIBA!

 

 

 

 

Manggagawa, Pamunuan ang Paglaban ng Mamamayan! Patalsikin ang Papet, Korap, Pahirap, at Pasistang Rehimeng US-Noynoy Aquino!

Mayo Uno FinalSukdulan na ang pagiging papet, korap, pahirap, at pasista ng rehimeng US-Noynoy Aquino. Kasabay ng paggunita ng mga manggagawa sa buong daigdig ng kanilang natatanging araw, ang Mayo Uno, mariing ipinapanawagan ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno ang pagpapatalsik kay Benigno Simeon Aquino III dahil sa kanyang anti-manggagawa at makadayuhang pamamahala.

Papet ng Imperyalismo, Sunud-sunuran sa Kanyang Dayuhang Amo
Tulad ng kanyang ina, masugid na tagapamandila ng mga maka-imperyalistang patakaran si Noynoy Aquino. Pilit niyang ipinagmumukhang mabuti ang mga diktang hakbang ng imperyalismong US na naglalayong ibayong pagkuhanan ng labis-labis na superganansya ang dugo at pawis ng mga manggagawa sa bansa.

Ipinatutupad ni Aquino ang liberalisasyon sa kalakalan at dayuhang pamumuhunan sa bansa. Binibigyan ng malalaking insentibo sa pamumuhunan ang mga dayuhan, tulad ng tax holidays at garantiyang kabayaran sakaling ‘malugi’ sa bansa. Ibinababa sa napakamurang halaga ang mga taripa para sa anumang produktong inaangkat mula sa ibayong dagat. Hindi nakapagtataka kung bakit hanggang sa ngayon, napakalaki ng depisito ng Pilipinas sa usapin ng pakikipagkalakalan sa ibang bansa.

Kasalukuyang niluluto ng rehimeng US-Noynoy Aquino ang charter change na magpapahintulot sa 100% pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga lupa, kayamanan, at negosyo sa bansa. Kapag naaprubahan, bibigyang-daan ng ChaCha ang mas matinding pagsasamantala ng mga kapitalista sa lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino, malakihang pagyurak sa kalikasan, walang-hanggang pandarambong sa likas-yaman ng bansa, at maramihang paglalabas ng hilaw na materyales mula sa mga sakahang patuloy na ipinagkakait sa mga magsasaka.

Kamakailan lamang, isinara ang iligal na kasunduan hinggil sa Enhanced Defense Cooperation sa pagitan ng AFP at US military upang tiyakin ang mas mahigpit na kontrol ng US sa gobyerno at ekonomiya ng Pilipinas. Muling pababalikin ang mga base-militar ng US sa bansa, at papapasukin ang mas maraming sundalong Amerikano. Bukod sa mas mabilis na pagpapatupad ng mga neoliberal na polisiya, tiyak na mas magiging matindi ang panunupil ng reaksyunaryong estado sa kilusang paggawa. Higit pa rito, nanganganib na maipit ang mga Pilipino sa isang digmaan ng imperyalistang US at ngayo’y-lumalaking Tsina sa nalalapit na panahon.

KORAP: Magnanakaw, Kurakot, Manunuhol, Mangingikil
Nailantad nitong nakaraang taon ang malaganap, sistematiko, at malalang korupsyon sa ilalim ng rehimeng US-Noynoy Aquino. Napatunayang labag sa konstitusyon ang pagkakaroon ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na sa loob ng napakahabang panahon, ibinubulsa ng mga senador at kongresista para sa kanilang sariling luho at pagpapayaman. Sumunod na nailantad ang pamumudmod ni Aquino ng 50 hanggang 100 milyong piso sa mga kaalyadong senador at kongresista sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP), upang ilusot ang pagpapatalsik kay dating Chief Justice Corona.

Halos magkasabay ring naibulgar ang pangingikil ng kapatid ni Noynoy Aquino, si Ballsy, sa isang Czech company para sa kontrata hinggil sa pagpapaunlad ng MRT at LRT sa bansa. Sa parehong panahon din nailantad ang korupsyon sa Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Commission on Audit, Philippine National Police, at marami pang ibang ahensya ng gobyerno. Hindi mangyayari ang pinapangarap ni Aquino na sugpuin ang korupsyon sa ilalim ng kanyang administrasyon dahil siya mismo ang utak at tagapagtaguyod nito—ginagamit niya ito para sa pagpapayaman ng sariling angkan at pagpapalakas ng sistemang padrino sa bansa.

Pahirap sa Manggagawa at Mamamayan
Sa kabila ng kanyang pangakong tuwid na daan, isinadlak ng rehimeng US-Noynoy Aquino ang mamamamayang Pilipino sa walang kahalintulad na kahirapan.

Mula 2006, patuloy na tumataas ang antas ng kahirapan sa bansa. Dahil sa kawalan ng lupang sasakahin ng mga magsasaka, bunga ng pang-aagaw ng mga panginoong maylupa tulad ng angkan ni Aquino, marami ang napipilitang makipagsapalaran sa lungsod at dumagdag sa bilang ng mga walang trabaho. Sa kasalukuyan, mahigit kalahati ng populasyon ang wala o kulang sa trabaho. Samantala, halos 70% ng kabuuang bilang ng manggagawa ang kontraktwal na tumatanggap ng minimum wage o mas mababa pa.

Wala na nga sa kalahati ng daily living wage, lalupang ibinaba ang minimum wage sa Timog Katagalugan noong 2012 mula P315 tungong P255 na floor wage sa ilalim ng Two Tiered Wage System. Ngayong taon, ipinagmamalaki ng gobyerno ang P13 Socio-economic Allowance na ibibigay sa mga manggagawa sa Mayo 1.

Walang kahiya-hiyang ipinaghahambog ito ng Malacañang, samantalang isang insulto ito sa mga manggagawang matagal nang nagdarahop at nagpapakaalipin habang kumikita ng bilyun-bilyon ang mga kapitalista kada taon.

Hindi sapat ang kakarampot na limos na ito kung ihahambing sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, gasolina, kuryente, tubig, kontribusyon sa SS at Philhealth, bayad sa ospital, gamot, bayad sa eskwela, at marami pang iba.

Siguradong tataas pa ang singil sa mga ospital dahil nakaprogramang i-pribatisa ang 72 nalalabing pampublikong ospital sa bansa. Ganito rin ang kinabukasang nag-aabang para sa pabahay at edukasyon sa bansa dahil sa Public-Private Partnership Program ni Aquino.

Berdugo, Mamamatay-Tao
Ginagawa ng rehimeng US-Noynoy Aquino ang lahat ng maaari nitong gawin upang pilit na patahimikin ang mga manggagawa sa kabila ng kanyang pagpapahirap, panloloko, at pambubusabos. Patuloy na ipinatutupad ang No Union No Strike policy sa mga engklabo sa rehiyon at buong bansa. Labag man sa Internasyunal na Makataong Batas, pinahihintulutan ng Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) ang pagkakampo sa mga pagawaan at direktang panghihimasok ng mga pulis at militar sa tuwing mayroong mga labor dispute.

Dinukot ng mga ahente ng militar noong Agosto 27, 2013 si Benjamen Villeno, lider-manggagawa ng Timog Katagalugan. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya inililitaw ng mga berdugong militar. Nagpapatuloy ang paniniktik at pananakot sa mga lider-manggagawa sa rehiyon sa ngalan ng Oplan Bayanihan ni Aquino.

Ipinagkakait ang karapatang mag-unyon sa mahigit 70% ng mga manggagawa sa rehiyon dahil sa kontraktwalisasyon. Ipinagkakait naman sa mga unyon ang karapatang magkaroon ng certification elections at collective bargaining negotiations sa pamamagitan ng iligal na pagsasara at tahasang di-pagkilala sa mga desisyon ng matataas na hukuman, kagaya ng ginawa ng Carina Apparel, Inc., Takata, Philippine Auto Components, at iba pa.

PATALSIKIN NA!
Walang maaasahang mabuti ang mga mamamayan sa rehimeng US-Noynoy Aquino. Kinakailangang patalsikin na ang papet, pahirap, korap, at pasistang pangulo sa pangunguna ng mga manggagawang nagnanais ng maayos na kinabukasan para sa buong sambayanan.

Sa pagpapatalsik sa anti-manggagawang rehimen, kinakailangang kasabay na palakasin ng mga manggagawa at mamamayan ang pambansa-demokratikong pakikibaka upang itayo ang mga batayang industriya at ipapatupad ang tunay na reporma sa lupa—mga esensyal na hakbang para sa tunay na ikauunlad ng ekonomiya at kabuhayan ng sambayanang Pilipino.

Uring Manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!
P125 Dagdag na Sahod Across-the-Board, Nationwide, IPATUPAD!
Pambansang Industriyalisasyon at Tunay na Reporma sa Lupa, IPATUPAD!
Noynoy, Tuta ng Dayuhan, PATALSIKIN!

P13 na Dagdag-Sahod sa CALABARZON, Insulto sa mga Manggagawa!

Kinukundena ng Pagkakaisa ng Manggagawa ng Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK – KMU) ang P13 na idaragdag sa minimum wage sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Para sa PAMANTIK–KMU, isang insulto para sa mga manggagawa ang bagong Wage Order na ipinatupad ng Department of Labor and Employment na isa lamang panakip butas para pahupain ang galit ng mga manggagawa sa nakaraan nilang pag-aaral sa pag-aalis sa minimum wage.

 

Ano ang WO No. IVA-16?
Ang Wage Order No. IVA – 16 ang bagong labas na batas ng DoLE at Regional Tripartite Wages and Produvtivity Board hinggil sa dagdag na sahod partikular para sa mga manggagawa sa Timog Katagalugan. Nakasaad dito na makakatanggap ang mga manggagawang sumasahod ng mas mataas sa P267 – P349 kada araw ng P13/araw o socioeconomic allowance. Maituturing na hindi tunay na dagdag-sahod ito dahil sa patakarang “no work, no allowance,” ibig sabihin, tuwing holiday o walang pasok, walang karagdagang P13 na makukuha ang mga manggagawa para sa naturang araw na iyon.

 

Sa kabilang banda, ang mga sumasahod ng mas mababa sa P267 ay makatatanggap ng P12/araw na ipatutupad sa May uno ngayong taon. Ngunit, hindi kaagad idaragdag ito, ibig sabihin, partial muna ang matatanggap na dagdag-sahod ng mga manggagawang ito sa Mayo at sa Disyembre pa ng taong ito ibibigay ang karagdagan.

 

Patuloy na ginagawang laboratoryo ng rehimeng US-Aquino ang rehiyon ng Timog Katagalugan sa walang humpay na pag-eeksperimento nito pagdating sa usapin ng sahod. Matatandaang sa rehiyon din unang ipinatupad ang DO 15 – A o mas kilala bilang Two – Tiered Wage Scheme (TTWS) noong Mayo 2012 kasabay ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC-MOC). Ang TTWS, isang iskema ng sahuran na ang napakababa nang minimum wage ay lalo pang pinababa sa pamamagitan ng pagtatakda ng floor wage.

 

Binubusabos ang mga Manggagawa ng Timog Katagalugan
BaryaAnimo’y limos ang ibinigay na ito sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan, imbis na ipatupad ang P125 dagdag sahod across the board, nationwide na labing-limang taon na mula nang ipasa ng namayapang si Ka Crispin Beltran, barya-baryang dagdag lamang ang iniaambon ng gobyerno’t kapitalista. Samu’t saring mga pambubulag ang ibinibigay ng rehimen ni Aquino kasabwat ang mga bulok na ahensya katulad ng DoLE at RTWPB pagdating sa usapin ng dagdag na sahod para sa mga manggagawa sa industriya at agrikultura.

 

Nagpapakadalubhasa sa pamumudmod ng socio economic allowances ang rehimen ni Aquino upang itago ang kawalang pakialam nito sa tunay na katayuan ng mga manggagawang Pilipino.

 

Sa pag-iimplenta ng panukalang ito, pilit lamang tinatakasan ng gobyerno ang tunay na pagtataas ng minimum wage, dahil napakalayo sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa ang allowance na P12 – P13. Kung susumahin, sa Conditional Temporary Productivity Allowance (CTPA) na ibinigay ng gobyerno noong 2012 na P12.50, makikitang .50 sentimos lamang ang ibinibigay na umento sa sahod ng mga manggagawa ngayong taon. Lubhang napakalayo nito sa daily living wage na P1069 para masabing disente at nakabubuhay ang sahod na natatanggap ng isang manggagawa para sa kanyang pamilya.

 

Sa kabila ng mas lalong pagpapaliit ng sahod ng mga manggagawa, patuloy ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ano na lang ang mabibili ngayon ng halagang P12-P13?

 

Ayon kay Sherycyl Platino, Tagapagsalita ng Liga ng mga Manggagawang Kontraktwal (LIGA), “Kulang pa nga ni sa pamasahe ‘yang P13 na dagdag-sahod kuno na ‘yan. Kahit sa isa sa mga pang-araw-araw na gastusin ng mga manggagawa, hindi ‘yun kasya.”

 

Nagkakahalagang P40-P45 ang kilo ng bigas na madilaw at may amoy, nagmahal na rin ang presyo ng sardinas, asukal, kape, gatas, at iba pang mga pangunahing pangangailangan ng manggagawa. Ang singil sa kuryente, na nakaamba na namang muling magtaas, pati ang singil sa tubig tumataas din. Lumaki rin ang ikakaltas sa sahod ng manggagawa para sa SSS at Philhealth. Nariyan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na pangunahing dahilan kung bakit sunod-sunod na tumataas ang mga bilihin. Lalo’t higit ang walang humpay na pagtaas ng tubong nakukuha ng mga ganid na kapitalista mula sa murang lakas-paggawa, lubhang napakalaking kabaligtaran ito sa tinatanggap ng mga manggagawa.

 

Hindi matatapos ang ganitong pagbabalat-kayo ng gobyerno ng mga naghaharing uri, hangga’t pinaghaharian at kontrolado ng mga dambuhalang monopolyo kapitalista ang Pilipinas, hindi kailanman makakukuha ang mga manggagawa ng makatwirang dagdag na sahod.

 

“Ang kailangan ng mga manggagawa, P125 across the board nationwide na pagtataas ng sahod. Higit na nararapat na magkaisa at kumilos ng mga manggagawa para kamtin ang batayang karapatan at pangangailangan! Makibaka para sa pambansang kalayaan at industriyalisasyon!” Pagtatapos ni Platino.

 

P125 across the board nationwide ipatupad, NGAYON NA!
Sahod, trabaho at karapatan, IPAGLABAN!
ISULONG ang pambansa – demokratikong pakikibaka!
Noynoy Aquino, salot! Patalsikin!

Rehimeng US-Aquino II, Poncio Pilato ng Makabagong Panahon

Mariing kinukundena ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang ipokrito, inutil, at papet na rehimeng US-Aquino II (RUSA II) matapos itong maglabas ng panawagan sa mamamayan na magtiis at magsakripisyo ngayong mahal na araw. Sadyang walang alam ang inutil at papet na pangulong ito sa usapin ng pagsasakripisyo.

 
Ayon kay BS Aquino, akma ang nagdaang panahon upang tularan si Hesukristo sa kanyang pagpapakasakit at pagsasakrisyo.

 
Hindi nakapagtatakang batikos at galit ang sagot ng mamamayan sa kanyang panawagan na matagal nang dumaranas ng kalabaryo sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

 
Kabilang sa kalbaryong dinadanas ng mamamayan ang kawalan ng serbisyong panlipunan, regular at disenteng trabaho, malinaw na programa sa pabahay, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan. Dagdag pa rito ang walang habas na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, presyo ng gasolina, singil sa kuryente, SSS at Philhealth.

 
Malaking pahirap din sa mamamayan ang mga di-makataong programa ng papet na pangulo tulad ng Public-Private Partnership (PPP) na nagbunga ng pagsasapribado ng ilang mga pampublikong ospital at eskwelahan na nangangahulugan ng mas mataas na singil sa serbisyo nito.

 
Malaking pabigat sa hanay ng mga manggagawa ang programang Two-Tiered Wage Scheme kung saan lalo pang ibinaba ang minimum wage na P337 tungo sa tinatawag nilang floor wage na P255. Nariyan din ang bagong nilulutong Job Expansion and Development Initiative Program na naglalayong tanggalin o ibayong pababain ang mandatory minimum wage, pahabain ang probationary period mula sa anim na buwan tungong dalawang taon, at magpatupad ng mas maluwag na labor regulations sa panig ng kapitalista.

 
Matagal nang nagdurusa at nagsasakripisyo ang mga manggagawa dahil sa pagkainutil at pahirap ni Noynoy Aquino—ang numero unong tuta ng imperyalistang Amerikano, ang Poncio Pilato ng makabagong panahon. Manhid at walang hiyang ipanawagan pa ni Aquino ang pagsasakripisyo ng mamamayan, samantalang patuloy ang kanyang pagpapakasasa sa yaman ng bayan sa pamamagitan ng 1.43 trilyong pisong pork barrel niya. Walang habas rin ang pagpapayaman ng iba pang nasa gobyerno gamit ang buwis na mula sa dugo at pawis ng mga manggagawa.

(photos courtesy of google.com)

BS3BS2

Pagbabalik ng US Military Bases, Napipintong Ikatlong Digmaang Pandaigdig

Muli na namang magsasagawa ng pag-uusap sa pagitan ng GPH at US negotiating panel para sa pagpaparami ng presensya ng mga sundalong Amerikano at pagbabalik ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Diumano, isinasagawa ito upang makatulong ang Amerika sa muling pagbangon ng Pilipinas mula sa hagupit ng bagyong Yolanda at sa patuloy na paghahanap sa nawawalang Malaysian Airlines flight MH370. Subalit, ang ultimong layunin ng Amerika sa kasunduang ito ay ikalat ang kanyang lakas-militar sa Asya-Pasipiko upang pigilin ang unti-unting paglakas ng Tsina at pilit na makaigpaw sa krisis pinansyal na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nito naiigpawan.

Ngayong araw, sinimulan ang ika-US-PH8 round ng usapan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos para sa Increased Rotational Presence (IRP) o kasunduan sa pagpapanumbalik at pagpapataas ng bilang ng US military bases sa bansa. Ayon kay Defense Undersecretary Pio Lorenzo Batino, Chairman ng Philippine negotiating panel, malaki ang maitutulong ng kasunduang ito sa panahong nagpapalakas ang pwersang militar ng Pilipinas laluna ngayong may hidwaan ang Pilipinas at Tsina dahil sa Spratlys.

Halatang minamadali ang usapang ito bago dumating si Obama sa bansa ngayon ika-27 ng Abril.

Naniniwala ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) na magbubukas lamang ang kasunduang ito sa ibayong pagdurusa at kapahamakan ng mamamayang Pilipino. Pansariling interes ang tunay na layunin ng imperyalistang US sa pagkakalat nito ng 60% ng kanyang lakas militar sa bahagi ng Asya Pasipiko. Taun-taon, naglalaan ang US ng $700B para sa mga gastusing militar, kabilang na ang pagtatayo ng mga base at pagpaparami ng tropang Amerikano sa mga kolonya at malakolonya nito tulad ng Pilipinas. Habang maaga, pinipilit ng US na pigilin ang paglakas ng Tsina sa larangan ng militar. Dagdag pa rito, hindi pa rin nakakaahon mula sa pandaigdigang krisis sa pinansya ang US, kaya’t mahigpit na kinakapitan nito ang lahat ng rekursong maari niyang pagkuhanan ng pang-ekonomiya at pampulitikang lakas para manatiling pinaka-makapangyarihang bansa sa daigidig.

Nagpapaulit-ulit na Kasaysayan

aquiNObamaWalang ibang maidudulot na maganda ang pagbabalik ng base militar ng US sa Pilipinas. Maaalalang lumala ang prostitusyon at samu’t saring krimen sa kababaihan nang magkampo ang mga dayuhang sundalo rito sa Pilipinas. Kaya naman noong 1991, pinaalis sa teritoryo ng Pilipinas ang mga sundalong Amerikano nang dahil sa malawakang pagtutol ng mamamayan. Napatunayang labag sa konstitusyon ng bansa ang pagtatayo ng mga base-militar ng US sa alinmang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Habang tuluy-tuloy na lumalaki ang ekonomiya ng Tsina at tinatayang mauungusan na nito ang US matapos ang ilang taon, puspusan itong nagpapalakas pa sa pamamagitan ng paglalatag nito ng pwersang militar sa paligid ng kanyang bansa at nang-aagaw ng teritoryo katulad na lamang ng ginagawa nito sa Pilipinas at Japan. Samantala, nagkakandarapa ang US na pigilin ang hakbanging ito ng Tsina – kaya’t bukod sa pilit nitong ipinanunumbalik ang base militar nito sa Pilipinas at sa iba pang parte ng Asya para palawakin ang kanyang impluwensya, itinutulak nito ang iba’t ibang bansa katulad ng Pilipinas upang giyerahin at labanan ang Tsina.

Kahalintulad ng mga nagyayari ngayon ang minsang sinabi ni Karl Marx, isang dakilang guro mula sa Alemanya, “Inuulit ng kasaysayan ang kanyang sarili, una bilang isang trahedya, at pangalawa bilang isang komedya.” Kung babalikan natin ang kasaysayan, makikita nating matapos mangyari ang mga pandaigidigang krisis sa pinansya nagaganap ang mga malalaking digmaang pandaigdig. Nangyari ang pinakaunang seryosong krisis sa kasaysayan ng kapitalismo noong 1873 (Long Depression) at kagyat na kasunod na naganap ang World War I. Naulit ito nang mangyari ang ikalawang pagbagsak ng kapitalismo noong 1930’s (Great Depression), na sinundan ng World War II. Sa kasalukuyan, dahil hindi pa nakakabangon ang mga bansang tinamaan ng nagdaang pandaigidigang krisis sa pinansya noong 2007-2008 na tinatawag ng Amerika na Great Recession – kahit pa mas tumpak na tawagin itong Greater Depression – mamamalayang nagbabadya na naman ang isang malaking digmaang pandaigdig dahil sa tuluy-tuloy na pag-aaway ng mga imperyalistang bansa dahil sa pambubuyo ng Estados Unidos.

Kapag nangyari ito, madudurog at higit na maaapektuhan ang Pilipinas – dahil kinikilala ng Amerika na nasa First Line of Defense o unang linya ng depensa ang Pilipinas laban sa Tsina. Gagamitin lamang ng Amerika ang Pilipinas upang mawasak nito ang Tsina habang hindi naaapektuhan ang kanyang sariling bansa. Kapag naipagwagi ng Amerika ang kanyang ultimong mithiin, ang manatiling nag-iisang pinaka-makapagyarihang bansa sa daigdig, higit at ibayong kahirapan ang mararanasan ng mamamayang Pilipino.

Walang kahit anong ganansya ang mamamayang Pilipino sa mga sundalong Amerikano, lalo’t higit sa pagiging imperyalista ng Estados Unidos at Tsina. Habang patuloy na nagpapayaman ang parehong bansa mula sa dugo’t pawis ng uring manggagawa, mananatiling hikahos at kaaba-aba ang kalagayan ng mga manggagawa sa loob at labas ng bansa.

Tanging sa pamamagitan ng pagsusulong at pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan makakalaya ang sambayanang Pilipino mula sa kontrol at panghihimasok ng mga dayuhan. Saka lamang maitatayo ang gobyernong magsisilbi sa mamamayan, mga batayang industriyang gagamitin para sa kapakinabangan ng mamamayan, at maipatutupad ang mga pantay na kasunduang magsisilbi para sa interes ng mamamayan.

Ngayon higit na kinakailangan ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa imperyalistang US at lahat ng mga imperyalistang bansa na patuloy na nagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino. Upang wakasan ang walang habas na pambubusabos, panggigipit, at panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas, marapat lamang na isulong at ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan!

NO to US Bases, NO to US Troops!
Tutulan at Pigilan ang mga Giyera ng mga Imperyalista!
Imperyalismo, IBAGSAK!
Rehimeng BS Aquino, Inutil, Pagbayarin!
Isulong ang Pambansa-Demokratikong Pakikibaka ng Mamamayan!

JEDI Program ng rehimeng US-Aquino, mapanlinlang, ibasura!

Image

PRESS STATEMENT

JEDI Program ng rehimeng US-Aquino, mapanlinlang, ibasura!

Nagpahayag ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS), non-government organization na pag-aari ng gubyerno, na ang minimum wage ay sagabal sa pagkakaroon ng trabaho at pag-unlad ng mahihirap. Ito ay matapos talakayin sa isa nilang forum na ang palagiang mataas na unemployment at underemployment ang isa sa mga banta sa economic growth o paglago ng ekonomiya. Kaya sa pangunguna ni President Gilbert Llanto, ipinanukala ng PIDS ang Jobs Expansion and Development Initiative (JEDI) – isang 12-point program diumano para sa pagpaparami ng trabaho.

Pagtatanggal ng mandatory minimum wage

Isa sa mga laman ng JEDI ay ang panukalang tanggalin ang mandatory minimum wage. Ito ay upang mapayagan ang mga kapitalista na tumanggap ng mababa ang kakayahan at mahihirap na mga manggagawa na papayag na tumanggap ng sahod na mas mababa pa sa naitakdang minimum wage. Ganitong paraan ang naisip ng PIDS upang “paramihin” ang trabaho.

Sa esensya, sinasabi nila na kung may mandatory minimum wage mas maliit ang bilang ng mga manggagawa na pwedeng tanggapin ng mga kapitalista. Hindi magkakaroon ng pagkakataon ang mga may mababang kasanayan at mahihirap na magkaroon ng pagkakakitaan. Dahil daw dito kaya nananatiling marami ang walang trabaho at mga may trabahong hindi ayon sa kanilang kasanayan o tinapos.

Minimum wage bilang tagumpay ng Kilusang Paggawa

Mahigit isang daang taon na ang lumipas nang pagtagumpayan ng mga manggagawa ang pagkakaroon ng walong oras na paggawa sa isang araw. Naging bahagi din ng laban ng Kilusang Paggawa ang pagkakaroon ng minimum wage upang masigurado na maging disente ang buhay ng manggagawa at kanyang pamilya. Sa kasalukuyang matinding krisis sa bansa, kapos na kapos na nga ang minimum wage sa pang-araw-araw na gastusin ng isang pamilya o kahit nga ng isang manggawa. Kaya hindi lang minimum kundi living wage ang dapat ipinapatupad ng rehimeng US-Aquino.

Sa Timog Katagalugan, P337 ang minimum wage habang P1,069 naman ang living wage para sa pamilyang may anim na miyembro. Batay ito sa kwenta ng Labor Education Advocacy Development Response Services, Incorporated (LEADER, Inc.), isang non-stock at non-profit organization. Subalit mas pagpapasahol ng sahod ang tugon ng rehimeng US-Aquino para daw matugunan ang pangangailangan sa trabaho ng mas maraming mahihirap. Hindi nito kinikilala na maging ang mga kumikita ng minimum wage ay hirap na hirap makaagapay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ibang gastusin tulad ng kuryente at tubig.  

Dalawang taon bilang probationary

Isang panukala din sa JEDI ang pagpapahaba ng panahon bago maregularisa ang isang manggagawa. Sa kasalukuyan ay anim na buwan ang kailangan batay sa Labor Code ngunit nais pa itong palawigin ng PIDS hanggang dalawang taon.

Ayon kay Sherycil Platino, Spokesperson ng Liga ng mga Manggagawang Kontraktwal (LIGA), “Tinatakasan ng mga kapitalista ang pagre-regularisa gamit ang malawakang kontraktwalisasyon upang matiyak na mababa ang gastusin sa mga manggawa. Naisasakatuparan nila ito sa pamamagitan ng ilegal na labor only contracting (LOC). Halimbawa, sa Asia Brewery, Inc. na pag-aari ni Lucio Tan, mayroong mahigit sampung agencies na nagsu-supply ng kontraktwal na mga manggagawa sa kumpanya. Sa pagpapahaba ng proseso ng pagre-regularisa, lalong tinatanggalan ng karapatan ang manggagawa para sa mas mataas na sahod at mga benepisyo, habang lalong natitiyak na mas tumataas ang tubo taon taon ng mga kapitalista.”

Mas maluwag na labor regulations

Nakakapangamba din ang panukala sa JEDI na bawasan ang pagpapataw ng labor regulations and practices. Hinayaan nito na maging mapagpasya ang kapitalista sa usapin ng pagpapasahod at mga kondisyon sa paggawa. Sa kasalukuyan, maraming ahensya at departamento ng gubyerno tulad ng NLRC, NCMB at DoLE ang inaasahan na magtanggol at magbigay ng proteksyon sa mga manggawa laban sa pagsasamantala ng mga kapitalista tulad ng unfair labor practices.

“Sa katotohanan, walang pangil at bagkus ay nagiging instrumento pa ang mga ito para maglabas ng mga desisyon, polisiya at programa na pabor sa mga kapitalista. Halimbawa nito ay ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) na unang naipatupad sa PhilSteel sa Timog Katagalugan. Sa esensya, ito ay nagbibigay ng karapatan sa mga kapitalista upang gamitin ang mga pulis at militar sa pagsupil sa mga nagwe-welga o lumalabang manggagawa at unyon. Isang halimbawa din ang Two-Tiered Wage System na una ding ipinatupad sa rehiyon. Layunin nito na mapababa ang minimum wage na P337 patungong floor wage na P255,” pahayag ni Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng PAMANTIK-KMU.

Sa pagkakaroon ng mas maluwag na regulasyon sa mga kapitalista, mas magiging madali para sa kanila ang takasan ang mga pananagutan at obligasyon sa mga manggagawa. Noong Pebrero, ilegal na nagsara ang Carina Apparel, Inc. na nagresulta sa 3,600 manggagawa na nawalan ng trabaho. Nitong Marso sumunod na nagsara ang Freshtex, isa ding pagawaan ng garments. Sa implementasyon ng JEDI program, mas magiging mahirap para sa mga manggagawa na habulin ang mga kapitalista.

Sapat na trabaho sa pambansang industriyalisasyon

“Nagpapanggap ang PIDS na tumutulong na resolbahin ang problema sa mataas na unemployment rate. Ngunit kung susuriin, isa itong sistematikong paraan ng rehimeng US-Aquino upang mas gawing paborable para sa mga dayuhang kapitalista ang polisiya at programa sa paggawa sa bansa. Kaya malinaw na hindi seryoso at lalong walang plano ang guberyno na tugunan ang pangangailangan para sa disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod para sa mamamayang Pilipino.” Ayon kay Urgel.

Iginiggiit ng PAMANTIK-KMU na tanging pambansang industriyalisasyon lang ang tunay na makakapagresolba sa malaking kakulangan sa trabaho at napakasahol na pasahod. Dapat tiyakin nang gubyerno ang paglalaan ng malaking pondo sa paglilinang at pagpapaunlad ng mga batayang industriya tulad ng bakal, kemikal at langis. Napakayaman ng Pilipinas. Kung mga Pilipino ang gagamit nito, tiyak lahat ay may trabaho at may maayos na pamumuhay.

JEDI 12-point program, maka-kapitalista, ibasura!

Mga batayang industriya, isabansa!

NOYNOY AQUINO, ANTI-MANGGAGAWA, PABABAIN SA PWESTO!