Sigaw ng PAMANTIK-KMU sa Araw ng mga Puso: NLRC, Walang Puso para sa mga Manggagawa

NLRC, Walang Puso!Kasabay ng pagdiriwang ng buong daigdig sa Araw ng mga Puso, mariing kinukundena ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang kawalan ng puso ng National Labor Relations Comission (NLRC) para sa mga manggagawa.

Sa loob ng mahabang panahon, nagsilbi bilang ahensya para sa mga kapitalista ang Department of Labor and Employment at lahat ng mga sangay nito, kabilang ang NLRC. Hanggang sa ngayon, patuloy nitong dinudurog hindi lamang ang mga puso ng mga manggagawa, kundi pati na rin ang kanilang hanapbuhay at kinabukasan ng kanilang mga pamilya.

Itinuturing ng mga manggagawa bilang libingan ng mga kaso ang National Labor Relations Commission. Taon-taon, maraming manggagawa ang naiiwang luhaan dahil sa malinaw na pagpanig ng NLRC sa mga mapagsamantalang kumpanya at hiring agencies sa rehiyon.

Sa timog katagalugan matatagpuan ang mahigit sa kalahati ng mga pagawaan at engklabo sa bansa, kabilang ang malalaking kumpanya tulad ng Nestle, Asia Brewery, Toyota, Universal Robina Corporation, Hoya Glass Disk, Procter & Gamble, EMI Yazaki, at iba pa. Ipinapatupad sa mga pagawaang ito ang malawakang kontraktwalisasyon gamit ang mga cooperative at in-house o hiring agencies upang makatipid sa pasahod, ipagkait ang mga benepisyo, at pagbawalan mag-unyon ang mga manggagawa. Bukod pa rito, lantarang dinudurog ang mga unyon sa pamamagitan ng iligal na tanggalan at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga kasapi at opisyales ng mga unyon, at direktang pagmamanipula ng kapitalista at mga opisyales ng DoLE sa tuwing mayroong Certification Elections na magaganap.

Mga kasong isinasampa sa National Labor Relations Cemetery

Malaganap na isinasagawa ang labor only contracting sa rehiyon upang madulas na makakupit ng mas papalaking tubo ang mga kapitalista. Hina-hire ang mga manggagawa sa pamamagitan ng mga agencies o cooperatives at ipinapasok sa mga kumpanya bilang kontraktwal na manggagawang sumasahod ng minimum o mababa pa sa minimum wage. Pilit na pinag-oovertime ang mga ito nang walang bayad, walang benepisyo tulad ng rice subsidy, transportation, HMO, bonuses, at 13th month pay. Matapos ang 5 buwan, tinatapos ang kontrata o di kaya’y nirerehire sa parehong agency, kundi man inililipat sa iba pang agency o bilang direct hires. Tumatagal ng isa hanggang mahigit limang taon, at minsan pa nga ay umaabot ng 10 taon ang mga manggagawang kontraktwal sa mga pagawaan.

Marami ding manggagawa na dating regular o direktang pinapasahod ng kapitalista ang pilit na ipinapailalim sa mga cooperative o agency, tulad ng ginawa ng Makati Development Corporation (isang construction company na pagmamay-ari ng mga Ayala) sa 1000 manggagawa nito na ngayon ay tumatanggap na lamang ng minimum wage sa ilalim ng kooperatibang Asia Pro.

Ayon sa batas paggawa, maituturing na labor only contracting ang ginagawa ng isang agency o cooperative kung wala itong sapat na perang kapital, walang kagamitan sa produksyon, at hindi sa kanya nanggagaling ang mga direktiba, utos, at superbisyon sa mga manggagawang ipinapasok niya sa mga pagawaan bilang mga kontraktwal.

Mahigit 70% ng mga kasong isinasampa sa NLRC ay mula sa mga manggagawa ng Coca Cola, Asia Brewery, P&G, Hoya Glass Disk, NXP, Yutaka, Wyeth, Monde Nissin, Shinetsu Metal Phils, Alaska, at iba pang malalaking kumpanyang gumagamit ng labor only contracting hiring agencies at cooperatives. Ilan sa mga ito ang ANR, Asia Pro, Serman, Career, Core Staff, One Source, ByPro, at Peerless.

Marami ding kaso ng illegal dismissal, illegal suspension, at iba pa ang nakasampa sa NLRC. Ngunit sa loob ng mahabang panahon, kalakhan ng mga desisyon na inilalabas ng mga labor arbiter at commissioner ay panig sa mga kapitalista. Sa kabila ng malinaw na batayan na sila ay lumalabag sa batas, kapitalista pa rin ang pinapanigan ng NLRC.

Noong 2011, 32 (28.82%) lamang  sa 111 kasong isinampa sa NLRC RAB-IV na nagkaroon ng desisyon ang pabor sa mga manggagawa. Sa mga kasong isinampa sa NLRC National, 61 (35.26%) lamang sa kabuuang 173 kasong nagkaroon ng desisyon ang panig sa mga manggagawa. Noong 2012, 10 lamang sa 58 kasong isinampa sa legal arbitration ang nagkaroon ng desisyong pabor sa manggagawa. Sa 143 kasong isinampa sa NLRC RAB-IV, 34 (23.77%) lamang ang naipanalo ng mga manggagawa.  Dagdag sa napakaliit na bilang ng mga naipapanalo ng mga manggagawa, hindi siguradong ipatutupad ito ng kapitalista dahil walang pangil, at sadyang pro-kapitalista ang NLRC at lahat ng sangay ng DoLE sa ilalim ni Sec. Rosalinda Baldoz.

Sa ilang pagkakataong nagiging pabor sa manggagawa ang mga desisyon, umaabot ng ilang taon bago ito naipapatupad. Mabilis na naiaakyat sa mas mataas na hukuman hanggang Korte Suprema ang mga desisyong nais i-apila ng mga kapitalista, tulad ng ginawa sa kasong isinampa ng mga manggagawang iligal na tinanggal sa Asia Brewery, Enkei, at iba pa. Sa pangkabuuan, mahigit 62 porsyento ng lahat ng kasong isinasampa ng mga manggagawa sa LA, NLRC, hanggang Korte Suprema ang nabibigyan ng desisyong pabor sa mga kapitalista.

NLRC bilang makinarya ng mga kapitalista sa ilalim ng papet na rehimeng Aquino

Mahal na mahal ng mga kapitalista ang kasalukuyang administrasyon, mula kay Aquino na lantarang nagtataguyod ng kontraktwalisasyon hanggang kay Baldoz at mga labor arbiter at commissioner na tumatayong abogado at tagapagpatupad ng batas para sa mga kapitalista.

Sa ilalim ng NLRC, ipinatutupad ang Single Entry Approach (SEnA) bilang bahagi ng burukratikong proseso na naglalayong pumigil sa mga manggagawa na magsampa ng kaso laban sa mga kapitalista. Bago pa man makapagsampa ng kaso ang manggagawa, pinaghaharap muna ang kapitalista at manggagawa sa pamamagitan ng mediation, na karaniwang umaabot ng isang buwan bago maganap. Sa loob ng panahong ito, tinatakot o di kaya’y inaalok ang manggagawa ng settlement na may katumbas na halagang 5 hanggang 10 libong piso. Bukod pa dito, obligado ang manggagawang sagutin ang mga gastos sa pagpapadala (thru LBC) ng notice sa kanyang kinakasuhang kapitalista o agency. Hindi na nakakapagtaka kung bakit lumiliit ang bilang ng mga manggagawang nagsasampa ng kaso sa mga nakaraang taon, na siya namang mapanlinlang na ipinagmamalaki ni Aquino bilang pagkamit ng industrial peace.

Kapag naman nakapagsampa ng kaso ang manggagawa matapos dumaan sa SEnA, nagkakaroon ulit ng mandatory conference na sa esensya ay paghaharap muli ng dalawang panig. Umaabot ng 6 hanggang 9 na buwan ang prosesong ito, sang-ayon sa direktiba ni Commissioner Nograles. Ngunit sa patakaran ng NLRC, dapat maglabas ng desisyon ang mga arbiter sa loob ng 1 buwan. Gayong karamihan sa mga arbiter ay inaabot ng 9 na buwan o higit pa bago makapaglabas ng desisyon, tuso naman nilang dinuduktor ang petsa ng paglalabas ng desisyon (kunwa’y nailabas ito nang mas maaga) upang makatanggap ng pro rata incentives na ibinibigay kapag nakapaglabas sila ng hindi bababa sa 15 desisyon kada buwan.

Tumatagos hanggang sa NLRC ang bulok na sistema ng rehimeng US-Aquino II. Nasaksihan ng mga nagwelgang manggagawa ng Philippine Steel Corporation kung paanong nasuhulan ng kapitalistang PhilSteel ang NLRC upang mabilis itong maglabas ng TRO laban sa welga ng mga manggagawa. Marami pang ganitong tipo ng lantarang pagkatuta ang ipinakita ng NLRC sa loob ng mahabang panahon. Kung ginamit ni Aquino ang DAP upang suhulan ang mga senador ang kongresista para sa pagpapatalsik kay dating CJ Corona, mayroon namang sariling bersyon ang mga labor arbiter at mismong ang ahensya ng NLRC.

Pusong bato ng NLRC, dahilan ng paghihirap ng manggagawa

Ipinagkakait ng pusong bato ng NLRC ang hustisya para sa mga manggagawang biktima ng labor only contracting, illegal dismissal, illegal suspension, at iba pang paglabag sa batas ng mga kapitalista at hiring agencies at cooperatives.

Tulad ng nakasaad sa awiting madalas inaawit ng mga sawi sa pag-ibig, hindi na makatulog at hindi rin makakain nang maayos ang mga manggagawa dahil sa pagpapakatuta ng NLRC, DoLE, at buong administrasyong Aquino sa mga lokal at dayuhang kapitalista sa bansa.

Samantalang patuloy na lumalaki ang yaman ng pinakamayayaman sa bansa, paliit nang paliit ang natatanggap ng mga manggagawa, walang tigil na tumataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa kuryente, patubig, SSS, philhealth at iba pa, at tuloy-tuloy na binabawi ng gobyerno ang mga tagumpay sa pakikibaka ng mga ninunong manggagawa.

Walang maaasahan ang uring manggagawa sa NLRC, lalo’t higit sa pamumuno ni Aquino na isang pro-kapitalista at anti-manggagawang pangulo. Sa pagharap ng manggagawa sa mas matinding krisis ngayong taon, kailangang pagbigkisin ang mga manggagawang handang ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho, edukasyon, at pag-uunyon!

 

ITIGIL ang kontraktwalisasyon! IBASURA ang DO 18-A!

 

NLRC, pro-kapitalista, anti-manggagawa!

 

DoLE Secretary Rosalinda Baldoz, anti-manggagawa, PATALSIKIN!

 

ISULONG ang pambansa-demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba!

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s