BAGONG TAON, BAGONG PAGTAAS NG MGA BAYARIN

Nagpalit na ng taon ngunit wala pa ring malinaw na resolusyon ang gubyernong Aquino para sa pagpawi ng laganap na kahirapan sa bansa. Hinahayaan pa nito na lalong maghirap ang mga Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bayarin at presyo ng bilihin.

Sa halip na pagpapataas ng sahod, mas mataas na singil sa mga bayarin ang regalo ni Noynoy sa manggagawang Pilipino: 

  • mula P175, magiging P200 ang babayaran ng mga PhilHealth members na may trabaho;
  • mula 10.4%, magiging 11% na ang ikakaltas sa buwanang sweldo ng mga SSS members. Ito ay katumbas ng karagdagang kaltas na P25 para sa mga kumikita ng minimum wage;
  • dagdag na P4.15 per kilowatt-hour sa singil ng Meralco; at
  • dagdag na P5 hanggang P15 sa presyo ng isang kaha ng sigarilyo.

Sabi ng gubyernong Aquino, ang pagtataas ng singil sa kontribusyon sa SSS ay dahil wala nang sapat na pondo ang ahensya para sa retirement at iba pang benefits ng mga miyembro nito. Ito ay isang malaking kasinungalingan. Ayon kay Bayan Muna Representative Neri Colmenares, ang assets at investments ng ahensya noong 2010 ay tumataginting na P345 bilyon. Bukod pa rito ang kita taon-taon na umaabot ng P21-23 bilyon at ang mga kokolektahin pa na aabot sa P8.5 bilyon. Kaya hindi kataka-taka na noong Nobyembre 2013, pumutok ang isyu na P10 milyon bonus para sa mga miyembro ng Board of Directors ng ahensya at P276 milyon bonus naman para sa mga empleyado nito. Noong 2010 ay tumanggap ng P200 milyon bonus ang mga executives ng ahensya. Patunay ito na sa tuwid na daan ni Noynoy ay walang maayos na paggastos ng kaban ng bayan at kabi-kabila ang kurapsyon.

Sa pagtataas ng singil sa kuryente, walang pangil ang gubyernong Aquino na kontrolin ang pagkagahaman ng power cartel – mga kompanyang may monopolyo sa pagsu-supply ng kuryente. Sa halip, isinisisi ng gubyerno ang walang humpay na pagtataas sa Energy Power Industry Reform Act (EPIRA) ngunit wala itong plano na ibasura ang batas. Ayon kay PAMANTIK Secretary General Wenecito Urgel, “Pinagmumukha ng gubyernong Aquino na sila ay helpless o wala nang pwedeng gawin para pigilan ang mga pagtaas. Kinukundisyon ang isip ng mga nagbabayad na tanggapin na lang ng dagdag na singil habang pinapaliit nang pinapaliit ang sahod.”

Nakaamba din ang muling pagtaas ng singil sa pamasahe dahil sa maya’t mayang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ngayong buwan, inaasahan ang rollback na P0.40 hanggang P0.60 sa presyo ng kada litro ng diesel. Maglalaro naman sa P0.15 hanggang P0.35 ang itatapyas sa presyo ng kerosene. Bumaba ng bahagya ang presyo ngunit malayo ito sa napakataas na oil price hikes. Nitong nakaraang Disyembre, tumaas ng P1.10 hanggang P1.25 ang presyo ng kada litro ng gasolina at P0.50 hanggang P0.70 kada litro ng diesel. Hindi pa kasama dito ang mga nakaraang pagtaas sa presyo.

Ang bawat pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay nakakaapekto din sa presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng gulay. Subalit kagaya ng singil sa kuryente, hindi ito makontrol ng gubyernong Aquino dahil naman sa Oil Deregulation Law na nagbibigay laya sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo.

Natapos ang 2013 na nasa gitna ng natural na kalamidad at kalamidad ng gubyernong Aquino ang mga mamamayan. Bago at pagkatapos humagupit si Yolanda, nalantad sa buong daigdig ang pagiging incompetent o kawalan ng kakayanan at pagiging inutil ni Noynoy Aquino. Halos umabot na sa 10,000 ang bilang ng mga namatay. Ito ay dahil mas pinili ni Noynoy na ilaan ang malaking bahagi ng bilyon-bilyong pondo ng NDRRMC sa relief distribution sa halip na ipagpagawa ng evacuation centers na makakaiwas sana sa sobrang laking pinsala.

Ngayong 2014, maaari sanang magsimulang muli ang mga biktima ni Yolanda at ng gubyernong Aquino ngunit patung-patong na mga dagdag na bayarin ang sumalubong sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino. May dalawang taon pa si Noynoy bilang pangulo. Maaari itong mangahulugan pa ng mas matitinding hagupit sa porma ng mas matataas na bayarin at mas masahol na pasahod.

Ngunit bago pa tayo lalong malugmok sa kahirapan, dapat nating lalong pagkaisahin ang ating hanay at tiyakin na maibasura ang mga dagdag na bayarin. Sa mga susunod na araw at buwan, ipinapanawagan natin na maging militante laban sa mga anti-manggagawa at anti-mamamayang hakbangin ni Noynoy Aquino.

 

LABANAN ANG MGA DAGDAG NA BAYARIN!

IBASURA ANG EPIRA LAW!

IBASURA ANG OIL DEREGULATION LAW!

MAGHIMAGSIK LABAN SA GUBYERNONG AQUINO!

ITAYO ANG PAMBANSANG INDUSTRIYA NG LANGIS AT KURYENTE!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s