PNP, Kasangkapan ng Rehimeng US-Aquino sa Marahas na Pagsupil sa Mamamayan

Nito lamang nakaraang linggo, tumambad sa atin ang balita ng paggamit ng diumano’y isang Torture Roulette ng Philippine National Police – Provincial Intelligence Branch (PNP-PIB) sa Biñan, Laguna. Ang roletang ito ay ginagamit ng mga kapulisan sa pag-aalam ng kaukulang mga impormasyon sa pamamagitan ng pagpapahirap. Kung saang punto hihinto ang roleta, ito ang klase ng tortyur na igagawad nila sa mga iniinteroga. Ayon sa mga biktima ng tortyur, ginagamit ito ng mga pulis para mapa-amin sila kung saan kumukuha ng ginagamit na droga at madalas ay ito rin ang pamamaraan para kikilan ng pera ang mga nakabilanggo.

Walang signipikanteng pag-aresto ang administrasyong Aquino sa ganitong mga kaso kundi mga mapanlinlang na mga salita at simpleng pagtatanggal sa tungkulin ng mga pulis at paglilipat sa kustodiya ng Camp Vicente Lim ang 10 bilanggong tinortyur. Ang hakbanging pinagtutuunan ng gobyerno ay ang pagpapatupad ng mas kumprehensibo at mas epektibong kontra-insurhensiyang programa sa mukha ng Oplan Bayanihan.

Kontra-insurhensiyang Programa: Oplan Bayanihan

Alinsunod sa target ng pasistang rehimen na lusawin ang progresibong bloke at mga kritiko nito sa unang hati ng kanyang termino, ibinigay nito sa kamay ng PNP ang papel ng lubusang paglilinis ng mga nalalabi sa kilusan sa taong 2014-2016. Bilyun-bilyong pondo ang inilalaan para sa surveillance ng Philippine Intelligence Group para tugisin at arestuhin ang mga “nagtatagong” subersibo at taga-suporta ng mga ito. Aktibong gumagana ang ahensyang ito sa tangkang pagsupil sa hanay ng mga manggagawa. Tulad na lamang ng patuloy na nararanasan ng asawa ni Diosadado “Ka Fort” Fortuna, Tagapangulo ng Unyon ng Manggagawa sa Nestle na pinatay noong 2005. Ilang taon nang nakalilipas ang nangyaring pagpatay ngunit hanggang sa kasalukuyan, hindi tumitigil ang mga pulis at intelligence agents na magtungo sa bahay ng mga Fortuna para takutin ang mga ito at patigilin si Ka Luz Fortuna sa pagpapatuloy ng pakikibaka ni Ka Fort para sa mga manggagawa. Nanguna ang Laguna Police na palabasing isang drug lord si Ka Fort at ang ang dahilan ng pagpatay rito ay drug-related, gayong matapos ang pamamaril ay walang kiming dumiretso sa loob ng pagawaan ng Nestle sa Cabuyao City ang gunman.

Ani Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK) “Laganap ang paniniktik ng ahensya ng kapulisan sa hanay ng mga manggagawa. Sa opisina na lamang ng mga organisasyon ng mga manggagawa tulad ng OLALIA at PAMANTIK, regular na may nagpupunta para magmatyag. Kahit mismo sa mga opisina ng mga unyon, gumagawa ng paraan ang mga ahensyang ito para makapanguha ng impormasyong kinakailangan nila.” Dagdag pa nito, “wala ring aktibidad at pagkilos ang mga manggagawa na hindi pinuntahan at minanmanan ng mga intelehansiya.”

Lagi’t laging sa masisinsing paniniktik nagsisimula ang sunud-sunod na paglabag sa karapatang pantao. Gaya ng sapilitang pagdukot at pagkawala ng dating Tagapangulo ng PAMANTIK na si Benjamen Villeno, bago ito tuluyang mawalan ng ugnay sa mga kasamahan, nakapagpaabot ito ng mensaheng mayroong kahina-hinalang sumusunod sa kanya. Mahigit limang buwan na ang nakalilipas, mula noong ika-27 ng Agosto 2013, hindi pa rin inililitaw si Kasamang Ben. Hindi na rin natin ipagtataka kung nakararanas siya ng matitinding tortyur sa kamay ng mga dumukot sa kanya dahil hayagang ipinakikita ng kapulisan kung ano ang ginagawa ng mga ito sa kanilang mga bilanggo.

Sa takot ng administrasyong Aquino na sa kanila gamitin ng imperyalistang Estados Unidos ang Torture Roulette sa kabagalan nitong ubusin ang mamamayang nakikibaka, matindi at masinsing paghahabol ang ginagawa niya sa huling hati ng kanyang termino. Gayunman, tiyak ang PAMANTIK na hinding-hindi magtatagumpay ang kagustuhang ito ng sabwatang US-Aquino. Manggagawa at sambayanang Pilipino na mismo ang hahatol sa rehimeng US-Aquino, hindi sa pamamagitan ng Torture Roulette, kundi sa malawakan at sama-samang pagkilos para pabagsakin ang paghahari nito.

Kundenahin ang berdugong militar at kapulisan!
Labanan ang pasistang rehimeng US-Aquino!

(Photos courtesy of Google.com)

images (9) torture-roulette-0129

Advertisements

Rehimeng US-Aquino, Tagapaghatid ng Madilim na Kinabukasan ng Kabataang Pilipino

Image 

“Sir, kung pdi lang po 1000 po lang sana ang ibabayad ko kasi po wala po kaming pera po sa ngayon kasi po mahirap lang po kasi kami. Nakiki-usap po lang ako sir salamat po”

Ito ang note na nakitang nakasulat sa notebook ng isang freshman student ng Criminilogy sa University of Eastern Philipines (UEP) na nagpakamatay kahapon matapos na hindi makapagbayad ng mahal na tuition. (Mula sa The Pillar: Official Student Publication of UEP). Noong nakaraang taon, nagpakamatay din si Kristel Tejada, isang freshman student ng Behavioral Science sa UP Manila, matapos namang pwersahin ng school administration na mag-leave dahil hindi nakapagbayad agad ng matrikula.    

Laging bukambibig ng gubyerno na edukasyon ang tulay para makamit ng mga kabataan ang kanilang pangarap. Kaya lagi din nitong pangaral na asikasuhin na lang ang pag-aaral at huwag nang makialam sa mga isyung pambansa. Subalit ang gubyerno mismo ang sumasagka sa pagkakamit ng disenteng buhay na pinapangarap ng milyun-milyong kabataan. Sa katunayan, ito pa ang gumagawa ng mga hakbangin upang ipahamak ang buhay ng mga kabataang nagsisikap na makapag-aral.

Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, lalong tumindi ang negosyong katangian ng sistema ng edukasyon. Para sa school year 2013-2014, 354 mula sa 451 na pribadong mga pamantasan na nag-apply ng pagtataas ng matrikula ang inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED). Pinayagan ang mga pagtataas na ito kahit walang demokratikong konsultasyon, hindi katanggap-tanggap ang mga dahilan, at mariin ang pagtutol ng mga estudyante. Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP) Tuition Monitor, nasa 3.5% hanggang 10% ang itinaas ng matrikula at 300% naman ang sa miscellaneous fees.

Walang pagtataas ng matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan noong nakaraang taon dahil sa tuition moratorium na inilabas ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC). Ibinunga ito ng tuloy-tuloy at masikhay na pagkilos ng mga iskolar ng bayan.

Ginagamit naman ng rehimeng US-Aquino ang kolonyal na katangian ng sistema ng edukasyon upang lalong amuin ang mga malalaking kapitalista mula sa mga imperyalistang bansa. Sa pamamagitan ng mga neo-liberal na polisiya na dikta ng imperyalistang Estados Unidos, ipinatutupad na ngayon ang K+12 Basic Education Program na naglalayong makapagpaaral ng milyun-milyong kabataan na magiging balon ng mga kontraktwal na mangggagawa. Sa esensya, ito ay pagsunod sa dikta ng mga kapitalista na suplayan sila ng napakamurang lakas-paggawa.

Malinaw na ang patuloy na pagpatataas ng matrikula at pagpapatupad ng mga maka-imperyalistang polisiya sa sistema ng edukasyon ay mga pabor na ginagawa ng rehimeng-US Aquino para sa mga lokal na malalaking kapitalista edukador at dambuhalang dayuhang kapitalista. Hindi na kataka-taka kung bakit may mga estudyante ang mas pinipili na lang na putulin ang sariling buhay. Nililikha ng kasalukuyang kapitalistang sistema ang madilim na kinabukasan kaya’t hindi maiiwasan ang makaramdam ng kawalan ng pag-asa.

Subalit sa sama-samang pagkilos, napapatunayan nating nakakamit ang mga karapatang dapat nating tinatamasa. Sigurado tayong walang maaasahang hustisya mula sa rehimeng US-Aquino. Maigagawad lang natin ang hustisya sa mga estudyanteng ito kung titiyakin nating mababago ang bulok na sistema ng edukasyon at ang buong mapagsamantalang kapitalistang sistema.

KATARUNGAN PARA SA MGA BIKTIMA NG KAINUTILAN NG REHIMENG US-AQUINO!

ITAKWIL ANG KOLONYAL, KOMERSYALISADO AT PASISTANG

SISTEMA NG EDUKASYON!

ISULONG ANG MAKABAYAN, MAKA-MASA AT SIYENTIPIKONG

TIPO NG EDUKASYON!

Pribatisasyon ng Fabella Hospital, Kapahamakan para sa Manggagawang Kababaihan, Tutulan!

Mariing kinukundena at tinututulan ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) at Kilusan ng Manggagawang Kababaihan-Timog Katagalugan (KMK-TK) ang nakaambang pribatisasyon ng Fabella Hospital. Walang ibang hatid ang public-private partnership program (PPP) ng rehimeng US-Aquino kundi ang ibayong pagdurusa ng mamamayang Pilipino.

Sa ilalim ng PPP ng rehimeng US-Aquino, nakaamba ang pribatisasyon ng Fabella Hospital, isa sa mga pampublikong ospital kung saan ipinapanganak ang mahigit-kumulang 20 porsyento ng mga sanggol sa bansa. Kilala ang Fabella Hospital sa libre o abot-kayang serbisyo sa panganganak mula nang maitayo ito noong 1920.

Iginawad ang kontrata sa pagtatayo ng panibagong building na lilipatan ng ospital sa JD Legaspi Construction, isang pribadong kumpanya, sa halagang P743 milyon. Wala itong ibang idudulot kundi ang pagtataas ng singil sa mga kababaihang walang kakayahang magbayad dahil sa kawalan ng trabaho, napakababang pasahod, at kawalang ng mga benepisyo para sa maternity.

Sa karanasan, ang pakikipagsosyo sa mga pribadong kumpanya ay nag-uudyok para patakbuhin bilang negosyo ang mga pampublikong ospital.

Hindi sana mangyayari ito kung binibigyan ng sapat na badyet ang serbisyong pangkalusugan sa bansa, na sa loob ng mahabang panahon ay nakakatanggap ng ikalawa sa pinakamaliit na pinaglalaanan ng badyet sa bansa, kasunod ng pabahay.

Sa kabila ng pangangalandakan ng rehimeng US-Aquino na nakatanggap ang sektor ng kalusugan ng pinakamalaking pagtaas ng badyet ngayong taon, malinaw na hindi ito sapat upang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan. Nananatiling napakataas pa rin ng halagang binabayaran ng mamamayan sa mga ospital—pribado o hindi—mula sa kanilang mga sariling bulsa. Nagmula mismo sa bunganga ng tagapagsalita ng palasyo na si Coloma na ‘hindi maaaring libre ang mga benepisyong ito’.

Tahasang tinatalikuran ng rehimeng US-Aquino ang kanyang mga obligasyon sa mamamayan. Maliban sa nakaplanong tuloy-tuloy na pagsasapribado ng mga pampublikong ospital ngayong taon, dagdag-pasanin ang pagtataas ng buwanang kontribusyon ng mga manggagawa sa Philhealth mula P175 tungong P200 para sa mga sumasahod ng minimum wage. Habang hinuhuthutan ang mga manggagawa para sa serbisyong hindi naman tunay na naibibigay sa kanila, tumanggap naman ng milyun-milyong bonus ang mga opisyales ng Philhealth nitong mga nakaraang taon mula nang umupo si Aquino.

Tulad ni Aquino na nagpapakasasa sa trilyong pisong pondo ng gobyerno, nagpapakasasa ang mga matataas na opisyales sa iba’t ibang ahensya sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Samantala, pahirap nang pahirap ang buhay ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Marapat lamang na labanan ang lahat ng pagtatangka ng rehimeng US-Aquino na lalupang ilibing sa hukay ng kadustaan ang sambayanan.

Pribatisasyon ng Fabella, Tutulan!

Public-Private Partnership Program, Tutulan at Ibasura!

Noynoy Aquino, pahirap sa manggagawa at sambayanang Pilipino!

(photo courtesy of Google.com)


Rehimeng US-Aquino, Utak ng Mararahas na Demolisyon

1506204_642259222499753_1100730173_o

1501420_642259289166413_1555517942_o1781667_642259342499741_2009077119_o

1545103_10202314183349623_623094482_n

Ipinapaabot ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap-Southern Tagalog (KADAMAY-ST) at Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang mahigpit na pakikiisa sa mga mamamayan ng North Triangle, Quezon City sa walang pag-iimbot na pagtatanggol sa kanilang karapatan sa paninirikan. Sadyang walang maaasahan ang mga maralita sa ilalim ng rehimeng tuta ng mga kapitalista na nagdudulot ng pinakamalaking sakunang pumapatay sa mamamayan saanman sa bansa.

Bukod sa hindi dumaan sa tamang prosesong nakasaad sa Urban Development and Housing Act of 1992 tulad ng pagkakaroon ng sapat na dayalogo, walang court order, at expired and notice of demolition para sa nasabing lugar.

Ipinatupad ang demolisyon upang pagbigyan diumano ang road widening project sa Agham Road Quezon City. Ngunit sa katotohanan, ang ubod ng malawakang demolisyon na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan ay isinasagawa ng rehimeng US-Aquino upang pagbigyan ang kagustuhan at interes ng mga kapitalista at negosyante, tulad ng nakaplanong itayo na Quezon City Central Business District.

Mula nang maupo si Aquino sa estado poder, ipinatutupad ang sistematikong demolisyon, sukdulang labagin ng rehimen ang sarili nitong mga batas. Ipinapatupad nito ang mararahas na demolisyon sa tulong ng kapulisan, SWAT, at mga pwersa ng militar. Walang puso ang rehimeng US-Aquino sa paggamit nito ng teargas, pambabato, at pisikal na dahas upang pilit na palayasin ang mga maralitang matagal nang pinagkakaitan ng serbisyong panlipunan.

Matapos palayasin ang mga maralita sa kanilang lupang panirikan, itinatapon sila sa malalayong relokasyon na maituturing bilang death zone dahil sa kawalan ng hanap-buhay, at di-makataong kalagayan. Bukod pa rito, pinagbabayad ang mga maralita ng halagang hindi nila kayang bayaran buwan-buwan. Sa Timog Katagalugan matatagpuan ang pinakamalalaking relokasyon sa bansa kung saan walang hanapbuhay, malayo sa mga ospital, eskwelahan, at unti-unting pinapatay ang mamamayan.

Marapat lamang na ipagtanggol ng mga maralita ng karapatan sa panirikan. Ang ginagawa ng rehimeng Aquino ay tahasang pagtalikod sa mamamayan, at ito mismo ang dahilan kung bakit kailangang higit na magkaisa at lumaban ang mga maralita.

Ipagtanggol ang karapatan sa panirikan!

Serbisyong panlipunan, hindi demolisyon!

Noynoy Aquino, inutil! Patalsikin!

Hinggil sa bangayang Aquino-Revilla: GUBYERNO, MAKINARYA PARA SA GANANSYA NG REHIMENG US-AQUINO

Image 

            Nitong nakaraang linggo, tampok na laman ng mga balita ang bangayan sa pagitan nina Senator Bong Revilla at BS Aquino. Pinag-ugatan nito ang pagsisiwalat ni Revilla hinggil sa paghingi ni Aquino kay Revilla na “ibalato na ang boto” para sa pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Ginawa ito ni Revilla matapos siyang madiin sa isyu ng P10 bilyon pork barrel scam.

Bumoto si Revilla ng “oo” para patalsikin si Corona kaya isa siya sa mga nabigyan ng P50 milyon bilang incentive sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP). Lalo lamang nitong inilalantad ang pagiging korap at bulok ni Aquino, at higit na napatutunayan ang pagiging unconstitutional ng DAP.

Mula sa dating magkaalyado laban kay Corona hanggang sa pagtutunggali dahil sa pork barrel scam, nagsanga-sanga na ang isyu at maraming bagong lumalabas na kasangkot tulad ni Mar Roxas. Unti-unti nang naglalaglagan at nagkakaroon ng bitak sa hanay ng mga kaibigan, kapamilya at kabarilan ni Aquino. Ano man ang maging pag-usad sa usaping ito, isa lang ang malinaw:

Nagbabangayan ang mga tradisyunal na pulitiko dahil nagkakaroon ng aberya sa paggamit nila sa gubyerno bilang isang makinarya para makapagkamal ng bilyon-bilyon. 

            Nagsisiraan ang mga nasa pwesto habang ang mga mamamayang dapat nilang pinaglilingkuran ay nakararanas ng walang kaparis na kahirapan. Marami ang namamatay at dumarami ang unti-unting namamatay nang dahil sa pag-abandona ng rehimeng US-Aquino sa kanyang mga responsibilidad sa mamamayang Pilipino. Sistematiko at buong-buong isinasapribado ang mga batayang serbisyo kagaya ng edukasyon at kalusugan gamit ang mga neoliberal na polisiya tulad ng Public-Private Partnership (PPP).

Sa halip na magkaisa sa pamumuno at tugunan ang pangangailangan ng mamamayan, pagtataas ng bayarin sa PhilHealth, SSS, singil sa kuryente at “sin” taxes ang tugon ng rehimeng US-Aquino. Hindi rin maitatago ang kurapsyon at pag-abandona ng gubyerno sa relief and rehabilitation ng mga biktima ni Yolanda. Lumalaki rin ang bilang ng walang trabaho kahit na sinabing nanguna sa buong daigdig sa paglaki ang ekonomiya ng bansa. Pilit itong pinagtatakpan lahat ni Noynoy Aquino gamit ang isa pa niyang makinarya, ang Social Weather Station (SWS), para panatilihing bulag at tahimik ang mamamayan.

Ngunit dahil ang nararamdaman ng sikmura ay hindi kailanman kayang pagtakpan, patuloy na tumitindi ang galit ng mamamayan at nananaig ang paghahangad na makamit ang hustisya. Tuloy ang laban para sa disente at makataong pamumuhay!

BUWAGIN ANG PORK BARREL SYSTEM!

PAPANAGUTIN ANG KORAP, BERDUGO, AT BANGKAROTENG REHIMENG US-AQUINO!

(Photo from http://www.untvweb.com.)

MAS MATAAS NA SINGIL SA KURYENTE, MAS MATAAS NA TUBO NG MERALCO

Dagdag na P4.15 singil sa kuryente kada kilowatt hour ang isa sa mga sumalubong sa mga mamamayan nitong bagong taon. Ipapatupad sana ito ngayong Enero ngunit pansamantalang napigilan dahil sa petisyon na inihain ng Bayan Muna at iba pang partylist mula sa Makabayan Bloc. Dahil sa petisyon, naigiit sa Korte Suprema ang paglalabas ng 60 araw na Temporary Restraining Order (TRO) sa MERALCO.

Mariin nating tinututulan ang bantang muling pagtataas dahil ito ay hindi makatao. Sobra-sobra na itong pangingikil sa mga manggagawa at mamamayang bugbog sa mahigit 8 oras na paggawa halos araw-araw sa isang linggo. Sa katunayan, ang power supply ay batayang serbisyo na dapat tinitiyak at ibinibigay ng gubyerno. Ngunit sa loob ng 111 taon, pinagkukunan ito ng MERALCO ng napakalaking tubo.

Ang MERALCO ang may pinakamalaking tubo sa bansa. Hindi na ito nakakapagtaka dahil ang Pilipinas ang may pinakamahal na kuryente sa Asya. Noong 2012, umabot sa P16.3 bilyon ang tubo ng kumpanya. Lumobo ng halos 60% taon-taon ang tubo ng kumpanya nitong nakaraang anim na taon. Ngayong 2014, target nito na kumita ng 17 bilyong piso. Malayang nakakapaningil ng mataas ang kumpanya dahil sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 o R.A. 9136 (EPIRA).

Sa halip na gumawa ng kongretong hakbang ang rehimeng US-Aquino II, isinantabi nito ang panawagan na ibasura ang EPIRA. Hindi umuusad ang House Bill 256 ng Makabayan Bloc na naglalayong ipabasura ang batas. Ni walang bayolenteng reaksyon ang gubyerno sa pananakot ng MERALCO na magkakaroon ng power shortages at malawakang blackouts.

Hindi papipigil ang MERALCO sa pagtataas ng singil. Hindi din ito pipigilan ng rehimeng US-Aquino. Tanging tayong mga mamamayan ang may kakayahang labanan at itigil ang patuloy na pagkakamal ng kumpanya ng sobra-sobrang tubo.

IBASURA ANG EPIRA LAW!
MAGHIMAGSIK LABAN SA GUBYERNONG AQUINO!
ISABANSA ANG INDUSTRIYA NG KURYENTE!

Mendiola Masaker: 27 Taong Kawalang Hustisya

Dalawampu’t pitong taon na ang nakalilipas, nang libu-libong bilang ng mga manggagawa’t magsasaka ang marahas na pinamaril sa paanan ng Malacanang noong ika-22 ng Enero 1987.

 

Martsa para sa Lupa, Trabaho, at Kabuhayan

Noong Enero 15-21 taong 1987, ilang serye ng kilos-protesta ang isinagawa ng may humigit-kumulang 15,000 mga manggagawa’t magsasaka mula sa iba’t ibang parte ng bansa. Isa sa mga ahensyang kanilang pinuntahan ay ang Ministry of Agrarian Reform o MAR (Department of Agrarian Reform sa kasalukuyan). Bagamat sila ay hinarap nang noo’y MAR Minister na si Heherson Alvarez, ang tanging binaggit lamang nito ay maghintay na lamang daw ang mga magsasaka sa pagkakapasa ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL).

 

Matapos ang dayalogo sa MAR, dumiretso ang mga manggagawa’t magsasaka sa Liwasang Bonifacio para sa isang maikling programa. Lingid sa kanilang kaalaman, naghahanda na pala silang salubungin ng mga armadong elemento ng militar at pulisya sa pangunguna nina Capital Regional Commander Gen. Ramon Montaño, Task Force Nazareno Commander Col. Cesar Nazareno, at Western Police District Chief Police na si Brig. Gen. Alfredo Lim sa Mendiola. Dahil doon, hindi pa man nakatutuntong sa tulay ng Mendiola ang mga raliyista, pinaulanan na kaagad sila ng bala gamit ang mataas na kalibre ng baril tulad ng 30-Calibre.

 

Marami ang naging biktima sa masaker na iyon sa Mendiola, mahigit 100 ang sugatan mula sa hanay ng mga nagpo-protesta at masang nakapaligid sa lugar, 39 ang tinamaan ng bala at naging kritikal ang kalagayan, at 13 ang namatay (9 sa mga ito ay nagmula sa rehiyon ng Timog Katagalugan) – sila ay sina Adelfa Aribe, Danilo Arjona, Ronilo Domanico, Dante Evangelio, Bernabe Laquindanum, Roberto Yumul, Leopoldo Alonzo, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Sonny Boy Perez, Vicente Campomanes, Angelito Gutierrez, at Rodrigo Grampan.

 

Ganito sinalubong ng noo’y kauupo pa lamang na despotikong-panginoong maylupang presidente na si Corazon Aquino ang mga manggagawa’t magsasaka na ang tangi lamang ninais ay ang lupang masasaka, disenteng trabaho, at makataong kabuhayan.

 

27 Taon nang Kawalang Hustisya

Lumipas ang maraming taon, hindi pa rin nakakamit ng mga biktima ang hustisya. Walang-humpay ang panunupil ng mga nagdaang rehimen sa mamamayan. Ipinagpapatuloy ni Noynoy Aquino ang legasiya ng kanyang ina sa usapin ng pagpapahirap at pandarahas. Si Noynoy noong 2004 ang General Manager ng Central Azucarera de Tarlac sa Hacienda Luisita nang mangyari ang masaker sa mga magsasaka. Tulad ng ginawa ng kanyang ina sa mga manggagawa’t magsasaka sa Mendiola, pamamaril din ang isinagot ng mga Cojuangco sa mga nagwewelgang manggagawang bukid.

 

Hindi pa rin nakakamit ang hustisya matapos ang halos 3 dekada dahil hanggang sa kasalukuyan, kabi-kabilang kahirapan pa rin ang dinaranas ng mamamayan. Nananatiling parang mga asong pinagpapahabul-habol ng rehimeng US-Aquino ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita para sa Land Distribution order ng Korte Suprema. Sa halip na ipamahagi ang may 400 ektarya ng lupain, sapilitan naman itong inaangkin ng Tarlac Development Corporation (TADECO), binakuran ang lupain, binuldoser ang mga panananim, at pinalalayas ang mga magsasaka’t manggagawang bukid. Samantalang sa Hacienda Dolores naman sa Pampanga, habang kinakamkam ng mga Ayala ang kanilang lupang-sakahan, pinaslang ang isang magsasaka at kinasuhan pa ang ibang mga kasamahan nito.

 

Sa rehiyon ng Timog Katagalugan sari-saring panadarahas at kaapihan din ang kinakaharap ng mamamayan – lahat nang ito ay dahil sa mas pinapaburan ng rehimeng US-Aquino ang sariling ganansya at kaalwanan. Ani Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), “Parehong-pareho ang ugali ni Noynoy sa kanyang ina, pandarahas ang isinusukli niya sa mga hinaing ng mamamayan. Ang nangyaring Mendiola Massacre sa ilalim ni Corazon Aquino ay unti-unting ginagawa ni Noynoy sa kanyang termino. Inuunti-unti niyang patayin ang mamamayan sa mga hindi maka-taong patakaran nito.”

 

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin inililitaw ang lider-manggagawa na si Benjamen Villeno, biktima ng sapilitang pagdukot ng militar sa ilalim ng administrasyong Aquino. Nito lamang pagbubukas ng taon, sapilitang ikinulong at sinampahan ng gawa-gawang kaso ang mag-asawang Dionisio at Gloria Almonte, mga naninirahan sa baybay-lawa sa Pagsanjan, Laguna, at kasalukuyang naka-ditene sa Camp Crame. Hindi rin maitatago ang kawalang-galang ng gobyerno sa patuloy na paghihirap ng mga magsasaka sa Timog Katagalugan. Nariyan ang pagpapalit-gamit sa 7,100 ektaryang lupa sa Hacienda Yulo sa Calamba, Laguna, huwag lamang itong mapabilang sa lupang agrikultural na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka doon, ang tuluy-tuloy na pangangamkam at pandarahas ng kampo ni Henry Sy sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas, at ang hindi pa rin naibabalik na pondo ng Coco Levy sa mga magsasaka sa Lalawigan ng Quezon.

 

“Danas ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan ang kabulukan ng rehimeng US-Aquino, dahil tulad ng maraming bilang ng paglabag sa karapatan ng mamamayan, araw-araw na nararamdaman ito ng mga manggagawa sa loob ng pabrika.” dagdag ni Urgel. Ang kawalang hustisya maging sa loob ng pagawaan ay sumasalamin sa paggamit ng gobyerno at mga kapitalista sa lakas ng manggagawa para sa kanilang sariling kagalingan.

 

Sa ganitong kalagayan, makikita nating hindi kusang loob na ibibigay ng gobyerno ang hustisyang matagal na nating hinihingi. Tanging sa pagkakaisa ng mga manggagawa, magsasaka, at mamamayan at sa kapasyahan nating pabagsakin ang nabubulok na paghahari ng berdugo at ganid na pamahalaan, makakamit natin ang hustisya para sa ating mga inaapi’t pinahihirapan. Katulad ng mga manggagawa’t magsasakang pinaslang sa Mendiola 27 taon nang nakalilipas, pakikibaka ang pinanghawakan nilang solusyon sa kalagayan ng lipunan. Ani Urgel, “Walang ibang hustisya ang nanaisin ng mga biktima ng masaker sa Mendiola kundi ang ipagpatuloy natin ang pakikipaglabang ipinag-buwis nila ng buhay, para sa lupa, trabaho, at kabuhayan.”

 

 

Hustisya para sa mga Biktima ng Mendiola Massacre!

Papanagutin ang Berdugong Rehimeng US-Aquino!

Patalsikin si Noynoy Aquino!

Isulong ang Tunay na Reporma sa Lupa!

Isabatas ang Genuine Agrarian Reform Bill! 

(Photos courtesy of Google.com)

tumblr_ly98jsg1IU1qay2lu

 

 

 

 

 

 

images (3)

 

 

 

 

 

images (4)

Hinggil sa Mataas na Singil sa Kuryente: Bam Aquino, para sa Kapitalista, Anti-Mamamayan!

Kamakailan, hinagupit tayo ng panibagong pagtataas ng singil sa kuryente. Dahil sa petisyong inihain ng Bayan Muna Partylist at iba pang mga kabilang sa Makabayan Bloc, naglabas ang Korte Suprema ng 60-araw na Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Manila Electric Company (MERALCO) at Energy Regulatory Commission (ERC) upang pansamantalang pigilan ang pagpapatupad sa nakaambang pagtataas sa sisingilin sa mga konsumer. Dahil dito, nagpahayag ang Meralco na kung pipigilan ang kanilang mungkahing pagtataas ng P4.15 kada kilowatt hour sa singil sa kuryente, ay hindi nila maiiwasang magkaroon ng malalawakang blackouts at power shortages. Dagdag pa nila, itinutulak ang pagtaas ng singil dahil sa na-oobliga silang bumili ng mataas na presyo ng kuryente sa ibang mga power plants sa panandaliang pagsasara ng Malampaya.

Hindi pinalampas ng Tagapangulo ng Komite ng Trade, Commerce, and Entrepreneurship na si Senador Bam Aquino ang isyung ito. Maaaring magresulta raw ang rotational power shortages at blackouts sa pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo na sa kalauna’y magsasanhi ng pagbagsak ng ekonomiya. Magbubunga raw ito ng pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa sa Kamaynilaan at mga karatig bayan sa Luzon. Ayon kay Senador Aquino, maiiwasan ang nakaambang pagtataas ng singil sa kuryente at ang mga blackouts kung ipauubaya sa mga pribadong korporasyon at kumpanya ang industriya ng kuryente sa bansa. Makikitang parehong mag-isip ang mag-pinsang Noynoy at Bam Aquino sa pagtugon sa pangunahing suliranin ng mga mamamayan. Kunwa’y iniisip nila ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino ngunit ang tunay na layunin ay ang madulas na pagkakapasok ng pribadong sektor sa industriya ng kuryente – mangangahulugan ito ng patuloy at mas matataas pang singil sa kuryente.

Ani Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), “Bagamat hiwalay sa Maynila, ang ilang parte ng Timog Katagalugan ay nasasakop ng operasyon ng Meralco at anumang klase ng pagtataas ng singil dito ay mararanasan ng mga manggagawa at mamamayan sa ating rehiyon. Unti-unti nang ipinapakita ng mga bagong upong senador ng halalang 2013, katulad ni Bam Aquino, ang tunay nilang layunin sa ating bansa at sasahol pa ito sa pagtagal nila sa pwesto.” 

Dagdag pa ni Urgel, “Ang kailangan natin ay kongkreto at pangmatagalang pamamaraan sa pagpigil sa mataas na pagsisingil sa kuryente. Kung totoong seryoso si Noynoy Aquino na tugunan ang problemang ito sa kuryente, dapat ay kagyat na kilalanin at isabatas ang House Bill 256 na naglalayong ibasura ang EPIRA Law at alisin ang monopolyo ng mga kapitalista sa kuryente. Para matiyak na hindi pabigat sa mamamayan ang pagtaas ng singil sa kuryente, dapat na manindigan ng gobyerno para sa mga serbisyong sosyal, kunin ang pamamahala nito sa mga pribadong namumuhunan at isabansa ang industriya ng kuryente.”

Sa darating na ika-21 ng Enero magaganap ang oral arguments ng Korte Suprema hinggil sa isyung ito. Magkakaroon ng pagkilos ang mga manggagawa’t mamamayan para bantayan ang magiging resulta ng pagpupulong.

 

Pigilan ang pagtataas ng singil sa kuryente!

Ibasura ang EPIRA Law!

Labanan ang kabulukan ng mga Aquino!Image

Justice for Cambodian and Korean Workers! Stop trade union repression!

The Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Solidarity of Workers in Southern Tagalog-May First Movement) condemns to the highest level the brutal dispersal, shooting, illegal arrest and detention of Cambodian workers, as well as the illegal arrest and harassment of South Korean workers fighting for just wages and benefits.

 

In a crisis-stricken world capitalist system, workers suffer from endless repression instigated by reactionary state forces and private goons under the control of pro-capitalist governments such as that in Cambodia and South Korea, no different than what takes place in the Philippines.

 

Capitalism reached its highest and rotten state wherein its profit-oriented nature has driven it to exploit workers in developed and ‘undeveloped’ countries through very low wages, deprivation of benefits, right to union, and regular employment.

 

By implementing pro-capitalist labor laws, governments likewise ensure foreign capitalists’ continuous expansion of capital through tax holidays, and trade liberalization as indicated in the IMF-World Bank’s prerequisites for lending.

 

Workers and people from all over the world are slowly dying from austerity measures implemented by governments both in capitalist and non-capitalist countries that further make wages insufficient for basic family needs.

 

To protect their greedy ambitions, governments and capitalists connive to suppress workers and use brute force to silence the latter either by busting trade unions, filing false criminal charges, abduction, illegal arrest, or worst, extrajudicial killings.

It is no wonder that just as Filipino workers are still calling for the surfacing of Benjamen Villeno, labor leader who was abducted by military forces last year, workers in Cambodia and Korea are suffering from deliberate harassment and oppression.

We are certain that until capitalists subsist by taking profit out of the blood and sweat of workers, the latter will remain victims of state-sponsored, capitalist-dictated persecution.

There is no other way to end such global tyranny but to build solidarity with workers from all over the world, only through which we can create a strong force that will bring down capitalism, and provide us with our rights to just and living wages, benefits, to form unions, to regular employment—to a life with dignity, free from exploitation.

Workers of the world, UNITE! End capitalist oppression! Down with US Imperialism!

New year’s resolution ni pnoy “Ignore the people who are hopeless..” (Huwag pansinin ang mga taong wala nang pag-asa..)

Sa simula ng bagong taon, sinalubong tayo ng kabi-kabilang mga pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo, idagdag pa rito ang matinding karanasan sa nakalipas na bagyo. Hindi nakapagtataka kung maging mas agresibo ang mamamayang Pilipino na kalampagin ang natutulog na rehimeng US-Aquino II. Subalit imbes na pagtugon sa kahilingan ng sambayanan ang maging pambungad ni PNoy sa bagong taon, tahasan itong nagpirmi sa kanyang tindig na wala na lang talagang ibang magawa ang mga nagpapanawagan ng pagbabago gayong 99% ng kagalingan na raw ang naipapamalas ng kanyang gobyerno.

Habang patuloy niyang pinupuri ang  mga miyembro ng kanyang gabinete sa umano’y puspusan nitong paggampan sa kanilang trabaho, ginagawa naman niyang kongkreto ang kanyang kainutilan sa pamamagitan ng kanyang New Year’s Resolution: “Huwag pansinin ang mga taong wala nang pag-asa, mga walang saysay. Kung hindi natin sila kayang patahimikin, huwag na lamang natin silang pansinin.”.

Hindi naisakatuparan ang pangako ni Energy Secretary Jericho Petilla, sa pagbabalik ng linya ng kuryente sa mga apektadong lugar ng nagdaang bagyong Yolanda. Pero sa halip na aminin ito ni Presidente Aquino, taas-noo niyang ipinagmayabang noong Martes, ika-7 ng Enero, sa harap ng mga kabataang-estudyante sa Kamaynilaan na ang solusyon niya para sa mas epektibong paglilingkod sa bayan ay ang pagsasawalambahala sa kanyang mga kritiko at pag-aalaga sa kanyang mga masusugid na taga-suporta.

Wala nang pagtatangka ang administrasyon ni Aquino na itago ang nabubulok na pamumuno at kawalang-respeto nito sa mamamayan. Pinatutunayan lamang nito na wala siyang kahit na anumang balak na tugunan ang ating mga pangunahing pangangailangan. #