Maghimagsik laban sa korap at inutil na rehimeng US-Aquino! Serbisyo para sa mga biktima ng sakuna, hindi pork barrel para sa bulsa ng mga mambabatas!

Hindi pa man natatapos ang usapin hinggil sa kamakailang nailantad na pork barrel scam, nahaharap na naman ang mamamayan sa napakalaking hamon matapos salantain ng super bagyong Yolanda ang kabisayaan, bahagi ng Mindanao, MIMAROPA, at CALABARZON.

Tumambad sa mamamayan ang pangungurakot at pagnanakaw ng mga kongresista, senador, at maging ng pangulo ng Pilipinas ilang buwan na ang nakalilipas. Trilyong pisong pondo ang direktang napupunta at dumadaan sa mga kamay ni BS Aquino, na hindi sumasailalim sa auditing ng COA. Milyon-milyong piso naman ang pork barrel ng mga kongresista at senador,na ninanakaw gamit ang mga pekeng NGO, pekeng proyekto, at iba pa. 

Sumunod na nailantad ang Disbursement Acceleration Program, kung saan humigit-kumulang 50 milyong piso ang ibinigay ni Aquino sa bawat senador at kongresista upang ilusot ang planadong pagpapatalsik sa noo’y Chief Justice Corona. 

Sa kabilang banda, walang humpay na binabawasan ang pondo para sa serbisyong panlipunan tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan, at paglalaan ng maayos na imprastruktura para sa mamamayan. Patuloy na dumadausdos ang kabuhayan ng manggagawa, habang walang pakundangang nagpapakasasa sa kaban ng bayan ang mga burgesya-kumprador at panginoong maylupa na nakaupo sa gobyerno.

Nagtataasan ang presyo ng bigas, gasolina, singil sa kuryente at tubig, at maging ang kontribusyon sa SSS at Philhealth. Sa kabilang banda, nabunyag naman ang milyon-milyong pisong bonus na ibinigay ng mga opisyales ng SSS sa kanilang mga sarili—mula sa mga kontribusyon ng mga manggagawa at mamamayan. 

Tila inilagay sa kumukulong tubig ang dati nang may paltos na mga katawan, sinalanta ng bagyong Yolanda ang mahigit 13 milyong Pilipino sa kabisayaan, MIMAROPA, CALABARZON, at hilagang Mindanao—karamihan ay mga maralita na hindi nabibigyan ng maayos na serbisyong panlipunan.

Libo-libo ang nasawi sa nasabing kalamidad. Matapos ang pananalanta ng bagyo, nalantad ang kawalan ng kakayahan, kahandaan, at sinseridad ng gobyerno ni Aquino sa pagbibigay ng tulong sa mamamayan nito. 

Maraming survivors ang unti-unting namamatay sa gutom, kawalan ng tubig, kuryente, gamot, at iba pang mga batayang pangangailangan upang mabuhay. Dahil sa kabagalan ng gobyerno sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta, marami na ang namatay sa gutom at sakit. Bumuhos ang ayuda mula sa iba’t ibang bansa at organisasyon. 

Gayunman, ang mga biktima mismo ang nagsasabing hindi nakakarating sa kanila ang bilyong dolyar na tulong mula sa mga dayuhan. Mula sa pambansang antas hanggang sa mga departamento tulad ng DSWD, DILG, AFP, PNP, at iba pang sangay ng gobyerno, tumatagos ang pagiging korap at inutil ng rehimeng US-Aquino. Ultimo relief goods mula sa ibang bansa, ginagamit ng gobyerno ni Aquino upang magpapogi at pilit na linlangin ang mamamayan nito—nirerepack ang mga goods at tinatatakan ng pangalan ng DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno ni Aquino.

Samantala, matapos salantain ng bagyo ang mamamayang Pilipino, nananalasa naman ang imperyalistang amo ni Aquino sa pagbuhos nito ng bilyong dolyar na pautang at sundalong Amerikano sa bansa. Sa gitna ng desperadong kalagayan ng mamamayang Pilipino dahil sa inutil nitong gobyerno, malayang ipinupuslit ng imperyalismong US ang mga paraan upang lalupang kontrolin ang pulitika, ekonomiya, militar, at kultura ng bansa. 

Imbes na makatulong ang pautang na iniaalok ng World Bank at Asian Development Bank, daragdag lamang ito sa kadenang nakapulupot sa leeg ng bawat mamamayang Pilipino. Sa pangmatagalan, ito rin ang magiging dahilan kung bakit higit na magiging bulnerable ang masang Pilipino sa mga sakuna dahil sa dikta ng imperyalismong US na ibayong tipirin ang badyet para sa mga batayang serbisyong panlipunan. 

Hindi na nakapagtataka kung bakit ganito ang sinasapit ng mamamayan tuwing mayroong bagyo o sakunang tatama sa bansa. Noong 2011, walang pag-iisip na tinanggalan ni BS Aquino ng pondo ang Calamity Preparedness Funds na dapat sana ay kukunin sa trilyong pisong pork barrel niya. Subalit ngayon, nais gamitin ni Aquino ang trahedyang kanyang idinudulot sa mamamayan upang lalo pang palakihin ang kanyang pork barrel, ibalik ang nauna nang ‘inabolish’ na PDAF, at ibayong palalain ang korupsyon sa bansa.

Kailangang higit pang palakasin ang panawagan para sa pagbuwag sa pork barrel system, at pagrechannel sa pondo tungo sa maayos na serbisyong panlipunan, kahandaan sa mga kalamidad, at maayos na imprastruktura para sa mamamayan. Hangga’t mayroong mga kurakot at inutil na opisyales sa gobyerno, mapipilitang umasa sa mga dayuhan ang mamamayang Pilipino tuwing mayroong trahedyang dala ang kalikasan.  

PORK BARREL, BUWAGIN!
IRECHANNEL ANG PONDO NG MAMAMAYAN SA PAGLIKHA NG SAPAT NA TRABAHO AT SERBISYONG PANLIPUNAN! SINGILIN ANG KURAKOT AT INUTIL NA REHIMENG US-AQUINO!

BURUKRATA KAPITALISMO, IBAGSAK! IMPERYALISMO AT PYUDALISMO, IBAGSAK! 

PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON AT TUNAY NA REPORMA SA LUPA, IPATUPAD!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s