Labanan ang interbensyong militar ng imperyalismong US! Ibasura ang Visiting Forces Agreement!

Sa pagtindi ng krisis ng kapitalismo sa buong daigdig, higit na nagiging agresibo sa panghihimasok ang imperyalismong US sa mga bansang maaari pa nitong pagkunan ng lakas upang iligtas ang kanyang sarili mula sa tuluyang pagbagsak. Pinatatatag ng US ang kanyang lakas-militar sa timog silangang Asya—isa sa mga tampok na layunin ng kasalukuyang mga hakbang nito na ibayong pagtibayin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Pilipinas.

Habang binabayo ng matitinding anomalya ang ating bansa, abala naman ang mga kinatawan ng US at papet na gobyerno ni Aquino sa pagbubuo ng panibagong kasunduan para sa mas mahaba at matibay na paglalagi ng mga sundalong Amerikano sa bansa.  Sinimulan ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at US noong Agosto 14, kung saan binibigyang-daan ang pagkakaroon ng more intensified US-Philippine military training, at binibigyang pahintulot ang pagpasok sa bansa ng mas maraming military assistance mula sa US. Itinutulak ng US ang pagkakaroon ng isang kasunduan para sa “rotational presence” ng mga sundalong Amerikano na tatagal ng 20 taon.

Pagbawi sa naunang tagumpay ng mamamayan laban sa US military bases sa bansa

Malinaw na binabawi ng VFA ang nauna nang tagumpay ng mamamayang Pilipino para sa pagsasara ng mga baseng militar ng US sa bansa noong 1992. Ang kasalukuyang tangka na pagpapalawig ng VFA ay desperadong hakbang ng US para bawiin ang kasarinlan ng mamamayan, at sukdulang nagpapakita ng pagkatuta ng rehimeng Aquino.  

Nag-udyok ng malaking debate sa loob at labas ng senado ang pananatili ng US military bases sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty bago ito tuluyang naibasura. Maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan ang ibinunga ng walang hanggang paglabas-masok ng mga sundalong amerikano sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Tila naging garrison ng mga dayuhang pwersa ang buong kapuluan, at nag-iwan ito ng mapapait na alaala ng paglapastangan, panggagahasa, at pangingialam sa pambansang depensa. Mistulang nanumbalik ang Pilipinas sa panahon ng pananakop ng imperyalismong US mahigit 100 taon na ang lumipas.

Sa kabila ng dahas at pananakot ng US, hindi nagpalupig ang mamamayang Pilipino. Naging aktibo ang hanay ng mga manggagawa mula sa Timog Katagalugan sa paglulunsad at paglahok sa mga dambuhalang kilos-protesta kapwa sa rehiyon at sa Kamaynilaan. Nakisangkot maging ang mga propesyunal at maliliit na negosyante sa kampanya laban sa mga base-militar ng imperyalismong US. Nahati ang senado sa dalawang kampo: ang mga pumanig sa malawak na mamamayan, at mga sagadsaring papet ng kano. Makasaysayang naipagtagumpay ng mamamayan ang pagpapalayas sa mga tropang kano matapos lumabas ang 12-11 boto, pabor sa mamamayan.

Ngunit nangibabaw ang pagiging papet ng mga pumalit na administrasyon. Niratipika ng senado ang VFA noong 1999, walong taon matapos mapaalis ang mga baseng militar ng US sa bansa. Ibinalot sa samu’t saring pananalita ang kasunduan upang pagtakpan ang ultimong layunin nitong ibalik ang presenya ng mga sundalong Amerikano sa panahon ng muling pagsibol ng mas matindi, mapangwasak, at malaganap na krisis. Bilang bahagi ng paglalatag ng armadong lakas ng imperyalismo sa timog silangang Asya, at pagtitiyak ng kontrol nito sa pulitika at ekonomiya ng Pilipinas, iniutos ng US ang pagpapatupad sa VFA na hindi lumao’y naging tuntungan ng tuloy-tuloy na pagpasok, pagkakampo, at pagkakaroon ng mga eksklusibong karapatan ng mga sundalong Amerikano sa teritoryo at kayamanan ng Pilipinas.

Mas mahigpit na kontrol, mas malawak na kapangyarihan ng Imperyalismong US: Layunin ng VFA

Ipinatupad ang VFA kakambal ng ibayong pagtulak sa papet na gobyernong Estrada na lalo pang hikayatin ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa. Isinabatas ang mga makadayuhang panukala tulad ng tax holidays, 100% foreign ownership, at iba pa. Isinanggalang ang dangal at kabuhayan ng manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng napakababang pasahod, kawalan ng benepisyo, kontraktwalisasyon at kaswalisasyon ng paggawa, at pagtanggal sa karapatang mag-unyon. Ibayong binuyangyang ang likas-yaman ng bansa para sa kapakinabangan ng mga dayuhang kapitalista.

Ginamit ng Estadong Unidos ang 9/11 attack noong 2001 bilang tuntungan ng kanyang paglulunsad ng “giyera laban sa terorismo” at di kalaunan ay atakihin ang Iraq at Afghanistan—mga bansang mayaman sa reserbang langis (bagay na matagal nang nais mahawakan nang buong buo ng imperyalismong US). Inilatag ng giyera laban sa terorismo ang pagkakaroon ng panibagong yugto ng relasyon sa “mutwal na pagdedepensahan”. Dito, itinakda bilang pangalawang mukha ng kampanya ang pagdedeploy ng kanyang pinakamalaking armadong pwersa sa dagat-pasipiko upang suportahan ang mga operasyong “kontra-terorismo”.

Pinagtibay ang VFA upang kunwa’y tapusin ang tumitinding armadong labanan sa pagitan ng pwersa ng estado at mga mamamayang Moro sa Mindanao. Hindi na nakapagtataka kung gagamiting muli bilang tuntungan ng mas mabilis na pagpipinal at pag-aapruba ng mga detalye ng panibagong kasunduan ang kasalukuyang kaguluhan sa Zamboanga peninsula.

Sa pangkalahatan, ang kaibuturan ng pagpapatupad ng anti-mamamayan at makadayuhang kasunduang ito ay ang pagtatayo ng mas estable at estratehikong base ng US sa dagat Pasipiko upang bantayan, sagkaan, at pilit na kontrolin ang mga kalapit-bayan laluna ang lumalaking kapitalistang bansang Tsina.

Kahit ang mga kasalukuyang komprontasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas dahil sa Scarborough at Second Thomas Shoal ay sinasamantala ng US upang bigyang-katwiran ang panibagong kasunduan sa “mutwal na pagdedepensahan”. Habang pilit nitong ibinabaling ang atensyon at inuudyukan ang galit ng mamamayang Pilipino sa agresibong Tsina, mas maluwag namang naisasagawa ng imperyalismong US ang mga pakana sa pagpapanatili at pagpapatatag ng kanayang armadong pwersa sa rehiyon.

Mas agresibong panghihimasok ng pwersang Amerikano sa panahon ng lumalalang krisis

Nang pumutok ang Great Recession noong 2008, muling naharap sa matinding krisis ang Estados Unidos dahil mismo sa pangkalahatang katangian at layunin ng sistemang kapitalista na magpalaki ng tubo. Sa kabilang banda, unti-unting lumaki ang kapangyarihan ng kapitalistang bansang Tsina.

Hanggang sa ngayon, hindi pa nakakaahon ang US sa matinding krisis noong 2008, at ito ang dahilan kung bakit kailangan nitong gumamit ng armadong lakas upang kontrolin at dambungin ang mga bansang atrasado tulad ng Pilipinas.

Direktang magkaugnay ang pagnanais ng mga manggagawa na magkaroon ng disenteng pamumuhay at pangangailangang pangunahan ang panawagang wakasan ang Gerang agresyon at interbensyong militar ng US. Hangga’t narito sa bansa ang mga sundalong Amerikano na malayang nakakapagsagawa ng mga operasyong militar, patuloy na makakapaghuthot ng superganansya ang mga kapitalistang dayuhan mula sa lakas-paggawa ng uring manggagawa at murang hilaw na materyales.

Kasabay ng maigting na panawagang ibasura ang lahat ng klase ng pork barrel at wakasan ang korupsyon, sistemang padrino, at pangkabuuang kabulukan ng burukrata kapitalismo sa bansa, napapanahon na upang tuluyang ibasura ang VFA at labanan ang panghihimasok ng imperyalismong US sa bansa. Tanging sa pagbagsak sa imperyalismo, burukrata kapitalismo, at pyudalismo—ang dahilan kung bakit walang humpay ang kahirapan at pagdurusa ng mamamayang Pilipino—magkakaroon ng tunay na kalayaan at pag-unlad ang bansa.

Visiting Forces Agreement, IBASURA!

ITIGIL ang gerang agresyon at interbensyong militar ng US!

Imperyalismo, IBAGSAK!

Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo, IBAGSAK!

Pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lipunan, IPATUPAD!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s