Imperyalismong Amerikano: Ugat ng pagdurusa ng manggagawang Pilipino

Hindi maituturing na kaibigan ng mamamayang Pilipino ang US. Makalipas ang 67 taon mula nang ideklara ang “pagkakaibigan ng US at Pilipinas”, nananatili ang mga di-pantay na kasunduan, pandarambong ng US sa likas-yaman, paghuthot sa murang lakas-paggawa, at pagbuhos ng pwersa ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Bilang ugat ng kahirapan ng manggagawa at mamamayan, kailangang pamunuan ng mga manggagawa ang pagwawakas sa kontrol at pagnanakaw ng imperyalismong US sa yaman at kalayaan ng mamamayang Pilipino.

Taliwas sa sinasabi ng mga libro, hindi ipinagtanggol ng US ang Pilipinas mula sa mga Kastila. Ipinagbili ng nahuhuli ang bansang pinangalanan nilang “Las Islas Filipinas” sa US sa halagang $20 milyon. Naipormal ang pagpapasa ng Pilipinas bilang kolonya ng US matapos na lihim na pirmahan ng gobyerno ng Espanya at Amerika ang Treaty of Paris noong December 10, 1898.

Mula noon, namuhunan ang malalaking kumpanyang Amerikano sa mga panimulang industriyang semi-processing sa Pilipinas. Pinalago nila ang kanilang mga kumpanya na noo’y nakakaranas ng matinding krisis dulot ng sobrang produksyon sa kanilang bansa. Sinamantala nila ang kawalan ng lupa ng malawak na masang magsasaka sa kanayunan at lumikha ng trabahong may mababang pasahod at mahabang oras ng paggawa.

Walang ibang idinulot ang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas kundi krisis at sigalot sa hanay ng manggagawa at mamamayan. Sa mga sumunod na taon, lumakas ang kilusang paggawa at pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang paglaya. Napagtanto ng imperyalismong US na hindi na nila kayang panatilihin ang tuwirang paghahari sa bansa. Idineklara ang huwad na kalayaan ng bansa noong 1946, na kalauna’y tinawag na “Filipino-American Friendship Day”.

Ngunit para sa manggagawang Pilipino, hindi pagkakaibigang maituturing ang relasyon ng dalawang bansa. Hanggang sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na nakakapagdikta ang US sa rehimeng Aquino ng mga neo-liberal na patakarang nagiging sanhi ng tuluyang pagdausdos ng kabuhayan ng mamamayan.

Ipinatupad ang Two Tiered Wage Scheme (Department Order 15-IVA) sa Timog Katagalugan. Imbes na dinggin ang mahigit-dekadang panawagan para sa P125 dagdag-sahod, lalo pang pinababa ang minimum wage sa rehiyon patungong P255/araw na floor wage.

Pinalaganap ang kontraktwalisasyon. Karaniwan na ngayon ang salitang endo, matapos ang 1 hanggang 20 taong trabaho ng mga manggagawang kontraktwal na walang natatanggap na benepisyo, at walang karapatang mag-unyon. Bagama’t labag sa Batas Paggawa, malayang ipinatutupad ng mga kapitalista ang labor-only contracting sa malalaking kumpanya tulad ng Toyota, Takata, Aichi Forging, EMI Yazaki, Hoya Glassdisk, Epson, Carina, Asia Brewery, NXP, Nestle, Coca Cola, Philippine Auto Components, Alaska, at marami pang iba. Itinatago ito sa iba’t ibang katawagan tulad ng OJT, interns, agency workers, cooperative, at iba pa.

Sa utos ng IMF-World Bank (na kontrolado ng US), ipinatutupad ang malawak na pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at institusyon. Itinutulak ng Public-Private Partnership Program ang pagpapatakbo sa mga ito (tulad ng pabahay, ospital, eskwelahan, kuryente, at patubig) bilang mga negosyo. Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi na magkasya ang sahod ng manggagawang Pilipino sa pang-araw-araw na gastusin.

Upang pilit na patahimikin ang mga manggagawa at pigilan ang pagkakaisa para sa kanilang mga batayang karapatan, inuutos ng diumano’y “programang kontra-terorismo” ng imperyalismong US ang pagpapatupad ng Oplan Bayanihan. Ito ang nagpapalaganap ng teror o pananakot sa hanay ng mamamayan at manggagawang naglalayon ng kalayaan mula sa pagpapahirap ng mga dayuhang kapitalista at mga lokal na kasabwat nito.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ipinatutupad sa rehiyong Timog Katagalugan ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) na pinirmahan ng DoLE, PNP, AFP, at mga dilawang pederasyon ng manggagawa. Pinapayagan ang direktang panghihimasok ng mga kapulisan at militar sa tuwing mayroong labor dispute sa mga pagawaan.

Nilalabag nito ang Internasyunal na Makataong Batas na nagbabawal sa pagkakampo ng mga militar sa mga lugar kung saan may sibilyan na populasyon. Laganap naman sa mga englabong industriyal sa rehiyon ang No Union, No Strike policy—bagay na sumasagka at bumabali sa batayang karapatan ng manggagawa sa asosasyon at mag-organisa para sa kanilang karapatan sa sahod at trabaho.

Habang nananatili ang pangangayupapa ng papet na gobyerno sa imperyalismong US, hindi magbabago ang pangkabuuang kalagayan ng manggagawa at mamamayang Pilipino. Kinakailangang pangahasan ng mga manggagawa ang pagtatayo ng kanilang mga anti-imperyalistang unyon at itransporma ang kanilang pakikibaka mula sa paglalayon ng mga pang-ekonomyang benepisyo tungo sa mas mataas na pampulitikang pagbabago sa bansa.

Tanging sa pagpapabagsak sa imperyalismo at mga lokal na papet nito, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa kanayunan, at pagkakaroon ng mga batayang industriya sa bansa makakaranas ng kaginhawahan ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

LABANAN ang mga neoliberal na patakaran ng rehimeng US-Aquino!

 

Imperyalismo, IBAGSAK!

 

ISULONG ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa!

 

Uring manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s