[Filipino Version] Matapos mahuling nandaraya ang DoLE officer, mga manggagawa ng PAC maglulunsad muli ng Certification Elections

Hulyo 30, 2013 Calamba, Laguna – Limang buwan matapos ang maanomalyang Certification Elections sa planta ng Philippine Auto Components (PAC) kung saan nahuling nandaraya sa pamamagitan ng ballot switching si DoLE officer Marivic Martinez, nakatakdang maglunsad muli ng kampanya at eleksyon ang mga manggagawa sa ilalim ng Lakas Nagkakaisang Manggagawa ng PAC-Independent (LNMPAC-IND) para sa kanilang kagyat na recognition bilang bargaining agent sa Agosto.

Batay desisyon na inilabas ni DoLE Bureau of Labor Relations Med Arbiter Maureen Zena Tongson noong Hulyo 19, muling naghahanda para sa certification elections ngayong Agosto ang LNMPAC-IND. Inilabas ang paborableng desisyong makalipas ang limang buwan ng mga piket protesta, pagsasampa ng kaso laban kay Martinez, at tuloy-tuloy na kampanya sa hanay nila.

Ayon sa desisyon, “WHEREFORE, premises considered, the formal protest and/or petition to annul the certification election is hereby GRANTED. Accordingly, the Election Officer is hereby ordered to conduct a certification election within ten (10) days from receipt of this Resolution.”

“Muling napatunayan ng LNMPAC-IND na nandaya si Martinez sa nakaraang CE. Ipinapakita lamang ng desisyon na tunay ngang lumalala ang kalagayan ng paggawa sa Pilipinas, kung saan walang humpay na naisasagawa ng mga kapitalista ang kanilang mga anti-manggagawang iskema na suportado ng Department of Labor and Employment, ng kanilang mga batas, at kanilang mga mapanlinlang na sabwatan.” Ani Kristoffer Oliver, Pangulo ng LNMPAC-IND.

Sa kabilang banda, nagpahayag ng pagsuporta sa unyon ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), sentro ng militanteng unyonismo sa Timog Katagalugan. Ayon sa PAMANTIK-KMU, magbibigay daan ang desisyon sa mas malaking pagkakataon ng uring manggagawa sa higit pang pagpapalakas ng kanilang hanay habang pinaglalaban ang kanilang mga karapatan sa sahod, benepisyo, regular na empleyo, at organisasyon.

“Kasama ang mga manggagawa mula sa ibang unyon, ipinakita ng mga manggagawa ng PAC kung ano ang ibinubunga ng sama-samang pagkilos at tuloy-tuloy na paninindigan para sa tunay, militante, at anti-imperyalistang unyonismo. Sa kabila ng sabwatang DoLE at mga kapitalista, lagi tayong may pagpipilian—ang tumindig at ilantad ang mga ito, ipaglaban ang ating mga karapatan, at matibay na pagpasyahan ang pagsusulong ng ating mga adhikaing mapabuti ang mga kalagayan sa loob at labas ng pagawaan.” Ani Wenecito Urgel, Pangkalahatang Kalihim ng PAMANTIK-KMU.

Nakatakdang maglunsad ng mga shift meeting at department meeting ang mga manggagawa ng PAC upang pag-isahin ang kanilang hanay hinggil sa paborableng desisyon, at maghanda para sa matagumpay na certification elections sa Agosto 6, batay sa 10-working day-period na nakalagay sa desisyon.

Mga batayang karapatan bilang katwiran ng mga manggagawa

Sinimulan ng mga manggagawa ng PAC ang pag-oorganisa at pagbubuo ng kanilang unyon noong Pebrero 2012 dahil sa mababang pasahod, ‘di sapat na benepisyo, at kawalan ng kaseguruhan sa trabaho.

“Kalakhan ng mga manggagawa ay nagseserbisyo sa kumpanya sa loob ng 5 hanggang 15 taon, ngunit nakapako pa din sa P350/araw ang sahod—halagang mas mababa sa kalahati ng daily living wage sa rehiyon. Umaabot naman sa 448 ang bilang ng mga kontraktwal sa kumpanya, na mayroong mas masahol na kalagayan sa paggawa at tumatanggap lamang ng P315 kada araw. Ito ay mga lehitimong batayan upang magtayo ng unyon—upang maigiit ang aming karapatan sa buhay na may dignidad, at karapatan sa pag-oorganisa. Dapat tinatamasa ito ng lahat ng manggagawa.” ayon kay Oliver.

Union-busting, unfair labor practices, kumon sa PAC at iba pang suplayer ng Toyota

“Maliban sa direktang kinalaman ng PAC management sa pagtatangkang pigilan ang mga manggagawang itayo ang kanilang unyon, naging kalakaran na sa hanay ng mga suplayer ng higanteng tagayari ng sasakyan na Toyota ang union busting at unfair labor practices. Habang ipinakita ng maanomalyang CE noong Marso 2013 ang isa sa mga pinakadesperado at pinakamaruming aksyon ng DoLE upang hadlangan ang unyonismo, hindi na nakakagulat ang ganitong pangyayari dahil ang Toyota mismo ay kilalang-kilala bilang union bustersa rehiyon.” Ani Urgel.

“Bukod sa pagtutulak sa PAC management na sumunod sa batas at kilalanin ang mga karapatan ng mga manggagawa, maglulunsad ng kampanyang internasyunal ang PAMANTIK-KMU na magtutulak sa Toyota upang mamagitan at itulak ang kanyang mga suplayer na kilalanin ang mga karapatan ng mga manggagawa sa asosasyon at collective bargaining. Isasabay ang kampanyang ito sa dekada nang laban ng mga manggagawa ng Toyota laban sa kanyang mga anti-manggagawang iskema at kaso ng union busting.” Pagtatapos ni Urgel.

Isang kaanib na kumpanya ang PAC ng DENSO Corporation na nakabase sa Japan. Mula March 7, 1995, tuloy-tuloy ang operasyon ng PAC sa Canlubang, Calamba Laguna. Kabilang sa kanilang mga produkto ay mga fuel pump assemblies, meter assemblies, radiator assemblies, clean air filters, spark plugs, at busina na kalakhan ay isinusuplay para sa lokal at internasyunal na produksyon ng higanteng tagayari ng sasakyan na Toyota.###

After DoLE officer gets caught cheating, PAC workers to hold another Certification Election

July 30, 2013 Calamba, Laguna – Five months after the anomalous certification elections in the Philippine Auto Components (PAC) plant where DoLE Laguna Supervising Labor Executive Officer Marivic Martinez was caught switching ballots, workers under the Lakas Nagkakaisang Manggagawa ng PAC-Independent (LNMPAC-IND) are set to hold another round of campaigning and elections for their immediate recognition as bargaining agent in August.

Grounded on the decision released by DoLE Bureau of Labor Relations Med Arbiter Maureen Zena Tongson dated July 19, the LNMPAC-IND is once again geared to undergo certification elections in August. The decision was finally released following five consecutive months of picket protests, filing of charges against Martinez, and continuous campaigning amongst their ranks.

According to the decision, “WHEREFORE, premises considered, the formal protest and/or petition to annul the certification election is hereby GRANTED. Accordingly, the Election Officer is hereby ordered to conduct a certification election within ten (10) days from receipt of this Resolution.”

“LNMPAC-IND has once again proven the veracity of its previous accusation regarding Martinez’ cheating. The decision verifies that there is truth behind the worsening Philippine labor conditions, where capitalists are able to continue their anti-worker schemes with the support of the Department of Labor and Employment, their laws and their underhanded conspiracies.” said LNMPAC-IND president Kristoffer Oliver.

At the same time, militant trade union center in Southern Tagalog Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) expressed its support to the union, saying that this is a huge opportunity for the working class to further strengthen their ranks as they fight for their rights to wages, benefits, regular employment, and organization.

“The workers of PAC, together with workers from other unions, have demonstrated what their unified ranks and unwavering stance to establish genuine, militant, and anti-imperialist unions can do. Despite the connivance between capitalists and the DoLE, we can always stand firm in exposing them, fight for our rights, and resolutely push through with our aspirations in improving our conditions within and outside our workplaces.” Wenecito Urgel, PAMANTIK-KMU Secretary General said.

The workers are scheduled to hold shift and department meetings to unify their ranks regarding the favorable decision, and prepare for a victorious elections certification which is expected to take place in August 6, based on the 10 working day-period stated in the decision.

Our basic rights as raison d’être

The PAC workers began organizing and forming their own union in February 2012 due to low wages, insufficient benefits, and the lack of security of tenure.

“We have been in the company for 5 to 15 years, and yet our salaries are stuck at P350 per day, which is less than half of the daily living wage in the region. The contractual workers in our company, totaling to 448, have worse working conditions and only receive an average salary of P315 a day. These are our grounds for establishing a union—to assert our rights to life with dignity, and our right to freedom of association. These are rights that all workers should enjoy.” Oliver said.

Union busting, unfair labor practices common among PAC and other Toyota suppliers

“Aside from the PAC management’s direct hand in attempting to stop the workers from forming their union, union-busting and unfair labor practices have become a trend among suppliers of giant automaker Toyota. While the anomalous CE in March 2013 showed one of the most desperate and unscrupulous moves of the Department of Labor and Employment to obstruct trade unionism in the region, it is no longer surprising since Toyota itself is a notorious union-buster in the region.” Urgel stated.

“Apart from impelling PAC to follow the law and respect workers’ rights,  PAMANTIK-KMU will launch an international campaign urging Toyota to intervene and oblige its suppliers to recognize workers’ rights to association and collective bargaining. This campaign will simultaneously happen with the decade-long campaign against Toyota’s anti-worker schemes and union busting case.” ended Urgel.

PAC is an affiliate company of DENSO Corporation based in Japan. Since March 7, 1995, PAC has operated in Canlubang, Calamba Laguna Philippines. Products range from fuel pump assemblies, meter assemblies, radiator assemblies, clean air filters, spark plugs, and horns which are mainly for giant auto-maker Toyota’s local and international productions.###

‘Sobra na! Tama na!’ –sigaw ng mamamayan sa pagtaas ng presyo at mga bayarin

Naglunsad ng kilos-protesta ang mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa Balibago, Sta. Rosa Laguna ganap na ika-2 ng hapon ngayong araw. Kasabay ng pambansang protesta laban sa pagtaas ng mga presyo at bayarin, ipinaabot ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang pakikiisa nito sa panawagan ng mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Muli na namang nagtaas ang presyo ng produktong petrolyo ngayong araw, Hulyo 16. Itinala ng Department of Energy bilang pinakamataas na increase sa loob ng taong 2013 ang P1.20 dagdag sa presyo sa kada litro ng gasulina, at P0.80 sa diesel. Dahil deregularisado ang presyo ng langis sa bansa, walang kontrol ang gobyerno sa pagtaas nito anumang oras na gustuhin ng mga dambuhalang kartel sa langis.

Nakaamba rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng tinapay dahil pangunahing nakaasa ang ekonomiya sa pag-aangkat ng mga produkto tulad ng harina.

Samantala, nagtaas na naman ang singil sa kuryente at patubig dahil ipinapasa ng mga pribadong kumpanya tulad ng MERALCO ang kanilang buwis sa mga consumer.

Sa kabilang banda, nakaplanong taasan ng P33 ang buwanang kontribusyon sa SSS at P100 sa Pag-ibig, gayundin sa Philhealth.

May 350 kolehiyo at unibersidad, at mahigit 1100 pribadong paaralan sa elementarya at hayskul na pinayagang magtaas ng matrikula ngayong taon.

Magtataas din ang bayarin sa mga ospital dahil sa patuloy na pribatisasyon ng mga pampublikong ospital dulot ng programang Public-Private Partnership (PPP).

Walang tigil ang demolisyon sa hanay ng mga maralita dahil na rin sa PPP, at kagustuhan ng administrasyong Aquino na pagbigyan ang mga proyekto ng malalaking kapitalista. Sa Lupang Arenda, isang relokasyon sa probinsa ng Rizal kung saan itinapon ang libo-libong mamamayan mula sa tabing-riles, may nakaambang demolisyon dahil sa Global City Extension project ng gobyerno.

“Habang patuoy na nakapako ang sahod ng mga manggagawa at walang kaseguruhan sa trabaho dulot ng malawakang kontraktwalisasyon, sabay-sabay namang nagtataas ang mga bayarin at presyo ng mga bilihin. Sa kabila ng pangangalandakan ng rehimeng Aquino na mayroong paglaki ang ekonomiya, walang ibang nararamdaman ang mamamayan kundi krisis at ibayong kahirapan dahil sa pagiging tuta ni Aquino sa kanyang mga among dayuhan. Ito ang dahilan kung bakit nagpoprotesta ang mamamayang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayon.” Ani Hermenegildo Marasigan, tagapagsalita ng PAMANTIK-KMU.

“Nasaan ang tuwid na daan? Ang tanging nakikita ng mga manggagawa at mamamayan ay kumunoy ng kahirapan kung saan unti-unting ibinabaon sa krisis at pagdurusa ang mga manggagawa at kanilang pamilya. Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni Aquino, puro kasinungalingan at kayabangan ang ibinubulalas nito sa mamamayan.” Dagdag ni Marasigan.

“Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na ibuhos ang kanilang galit sa lansangan. Wala nang panahon upang magkibit-balikat dahil ginagawa tayong pulubi sa sarili nating bayan. Habang nagpapakaalipin sa mga kapitalista ang mga manggagawa, buong araw na nagpapagod ang mga tsuper at manininda sa paghahanap-buhay, at halos hindi na makatulog sa pag-iisip ang mamamayan kung saan kukunin ang kanilang panggastos sa pang-araw-araw, ipinapatupad naman ng rehimen ang mga maka-kapitalista at maka-dayuhang mga polisiya na nagtutulak sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”

“Naghahanda ang mamamayan para sa isang malaking protesta sa araw ng SONA ni Aquino, kung saan inaasahang maglulubid muli ito ng mga kasinungalingan. Isa lamang ang tiyak: dahil sa pagtaas ng presyo at mga bayarin, dadaluyong ang mga manggagawa at mamamayan ng Timog Katagalugan sa Kamaynilaan upang ilahad ang tunay na state of the nation.”, pagtatapos ni Marasigan.###

Tunay na State of the Nation: Mas Matinding Pagdurusa ng Manggagawang Pilipino

Kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin—ito ang handog ng rehimeng US-Aquino sa kanyang ikatlong taon sa estado poder. Walang humpay na nilalako ni Aquino bilang mga pipitsuging kalakal ang lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.  Buong-buo niyang ibinubukas ang likas-yaman at kalayaan ng bansa sa pandarambong at panggagahasa ng mga dayuhang kapitalista. Ito ang tunay na State of the Nation—ang larawan ng pagdurusa ng mamamayan dahil sa pagiging tuta at kainutilan ng rehimeng US-Aquino.

 Kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin

 Matapos bigyan ng pakonswelo ang mga tsuper, operator, at commuters sa kakarampot na rollback noong nakaraang linggo, muling nagtaas ang presyo (P0.60, 0.45, 0.40 bawat litro) ng gasolina, diesel, at kerosene kahapon, Hulyo 9. Mula Mayo, umabot na sa P4/litro ang itinaas ng presyo ng diesel, samantalang P3.80/litro naman ang sa gasolina.

 Hindi rin maitatanggi ang pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto tulad ng bigas, gatas, karne, gulay, noodles, sardinas, at iba pa kumpara sa nakaraang taon. Hindi maampat ang pagtaas ng singil sa kuryente at patubig, at nakaamba pa ang muling pagtaas nito sa susunod na buwan dahil sa buwis ng mga pribadong kumpanya (tulad ng Manila Electric Corporation) na ipinapasa sa mga konsyumer nito.

 Samantala, mahigit 350 pamantasan at kolehiyo at 1,100 paaralan sa elementary at highschool ang pinayagang magtaas ng matrikula ngayong taon. Nakaplano namang taasan ngayong buwan ng P33 ang buwanang kontribusyon sa SSS, at P100 naman sa Pag-ibig.

Kawalan ng serbisyong panlipunan

Upang matiyak ang pagbabayad utang panlabas, ipinapatupad ng IMF-World Bank ang structural adjustment policies, kung saan direkta nitong inuutusan ang mga gobyerno tulad ng rehimeng US-Aquino na bawasan ang budget ng gobyerno para sa mga pampublikong serbisyo tulad ng edukasyon, pabahay, at kalusugan.

Mula sa bibig ni Aquino at kanyang mga galamay, pinagmumukhang “matulungin” ang IMF-WB at imperyalismong US sa tuloy-tuloy nitong pagpapautang sa Pilipinas ng milyon-milyong dolyar. Ngunit ginagawa lamang nila ito upang higit pang kontrolin ang yaman at kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng mga neoliberal na polisiyang nag-“eengganyo” sa mas marami pang dayuhang mamumuhunan sa bansa.

 Kabilang sa mga neoliberal na polisiyang ito ang Private Public Partnership Program ni Aquino, kung saan itinutulak ang mga pampublikong institusyon (tulad ng mga ospital, pamantasan, at pabahay) na makipag-“partnership” sa mga pribadong kumpanya. Dahil dito, pinatatakbo bilang mga negosyo ang mga institusyong ito.

Malawakang disempleyo at kontraktwalisasyon, mababang pasahod, kawalan ng benepisyo

Sa kasalukuyan, umaabot na sa P1069 ang tantyang arawang gastusin para sa isang pamilyang may 6 miyembro sa Timog Katagalugan. Ngunit hindi nakakasabay dito ang dumadausdos na kabuhayan para sa mamamayang Pilipino.

Mula nang maupo si Aquino bilang papet na pangulo, mabilis na lumaki ang bilang ng kontraktwal na empleyo sa buong bansa. Hayagan itong itinataguyod ng rehimen para diumano dumami ang trabahong malilikha para sa mamamayan. Pero ang katotohanan, nais lamang pagbigyan ni Aquino ang mga pangangailangan ng kanyang mga among dayuhan sa murang pasahod at kung gayon, mas malaking tubo.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 65-70% ng lahat ng manggagawa ang napapailalim sa iba’t ibang tipo ng kontraktwal na empleyo tulad ng agency workers, OJT, interns, cooperative workers, casual employees, at iba pa. Kontraktwal ang halos kalahati o higit pa sa kabuuang bilang ng mga manggagawa sa Asia Brewery, NXP, EMI Yazaki, Aichi, Takata, Coca Cola, Ebara, PAC, Moriroku, URC, at Hoya Glassdisk. Marami sa mga ito ang 1-20 taon nang nasa serbisyo, ngunit wala pa ring kaseguruhan sa trabaho hanggang sa ngayon.

Ayon sa labor code, iligal ang labor-only contracting subalit pilit itong nilulusutan ng mga kapitalista at mga kasabwat nitong ahensya ng gobyerno. Naglipana ang mga in-house agencies o yaong mga pinag-mamay-arian mismo ng mga kumpanya upang gawing “ligal” ang pagbibigay ng kontraktwal na trabaho, kagaya na lamang ng The Red Systems sa Coca Cola.

Karaniwan, tumatanggap lamang ng minimum wage (P315-P337) o mas mababa pa ang mga kontraktwal na manggagawa sa rehiyon. Wala silang natatanggap na benepisyo tulad ng rice subsidy, night differential, overtime pay, health benefits, at leave. Lalo pang pinababa ang sahod sa rehiyon nang ipatupad ang Two Tiered Wage Scheme noong nakaraang taon.

Sa pagtatakda ng floor wage na P255/araw at Conditional Temporary Productivity Allowance na P12.50, buong-buo nang tinalikuran ng administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employement (DoLE), ang kanyang obligasyong tiyakin na nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Para sa mga kapitalista, walang karapatang mag-unyon ang mga kontraktwal. Sa ganoong kalagayan, hindi naipagtatanggol ng huli ang mga kanilang mga karapatang pilit na ipinagdadamot sa kanila.

Dahil sa kakulangan ng arawang sahod na tinatanggap, napipilitan ang mga manggagawang mag-overtime. Kadalasan, umaabot ng 10-16 oras ang pagtatrabaho ng mga manggagawa. Gayunpaman, karaniwan pa rin ang mga nakasanlang ATM at mga gamit ng mga manggagawa dahil sadyang kapos ang kanilang kinikita.

Mula 6.9%, tumaas naman ng 7.5% ang unemployment rate sa Pilipinas, kalakhan ay binubuo ng mga college graduate at undergraduate. Hindi na nakapagtataka kung bakit tumaas din ang bilang ng mga manggagawang Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat. Mahigit 70,000 ang umaalis ng bansa mula sa Timog Katagalugan taun-taon.

Sa kabila ng pinangangalandakan ni Aquino na nagkaroon ng paglaki ang ekonomiya ng bansa (6.8% noong 2012, at 7.8% na paglaki sa gross domestic product ng bansa noong unang kwarto ng 2013), ang pagtaas ng bilang ng walang trabaho sa bansa at paglaki ng bilang ng nangingibang-bayan ay nagpapatunay na kabaligtaran ang nararanasan ng mamamayang Pilipino.

Panunupil at pandarahas sa mga manggagawang inaalipin ng mga dayuhan

Alinsunod sa programa “kontra-terorismo” ng amo nitong imperyalismong US, ipinatupad ni Aquino ang Oplan Bayanihan upang tugisin ang mga naglalayong makawala sa daantaong pagkakagapos sa kontrol at pagsasamantala ng mga dayuhan. Tinuturing na terorista ang sinumang magnais na mabuhay nang marangal, handang ipagtanggol ang karapatan, at ipaglaban ang buhay na may dignidad.

Sa hanay ng kilusang paggawa sa rehiyon, ipinatutupad na, bagama’t hindi pa ganap na batas, ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC). Pinahihintulutan ng kasunduang ito ang panghihimasok at pagkakampo ng mga militar at kapulisan saanman hilingin ng mga kapitalista. Ginamit ng kapitalistang PhilSteel ang kasunduang ito upang buhusan ng daan-daang kapulisan ang picketline ng mga manggagawang nagwelga.

Noong Marso, pinirmahan ni Aquino ang batas na nag-uutos ng pagtatayo ng National TIPC upang maging makinarya sa pagpapatupad ng mga anti-manggagawang batas. Bubuuin ito ng mga pambansang kinatawan ng DoLE, PNP, AFP, mga kapitalista, at mga dilawang pederasyon ng mga manggagawa.

LABANAN ANG ANTI-MANGGAGAWA, PRO-KAPITALISTANG REHIMENG US-AQUINO

Walang tuwid na daan sa bayang batbat ng krisis. Ang tanging daan para sa mga manggagawang matagal nang pinagsasamantalahan at nagdurusa sa ilalim ng papet na rehimen ay ang daan ng pakikibaka.

Upang wakasan ang paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan, kailangang labanan ang mga neoliberal na polisiya ni Aquino, sama-samang ipaglaban ang sahod, trabaho, at karapatan, at makibaka para sa ganap na paglaya ng bansa mula sa kontrol at pandarambong ng imperyalismong US.

Tanging sa pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa magiging maginhawa ang buhay at kabuhayan ng manggagawang Pilipino. Makakamit lamang ito kung magkakaisa ang lahat ng manggagawa at mamamayan upang igiit ang malalaking pagbabago na maghahatid ng tunay na pag-unlad sa bansa.

 

SERBISYO SA TAO, HUWAG GAWING NEGOSYO!

 

SAHOD, ITAAS! PRESYO, IBABA!

 

LABANAN ANG MGA NEO-LIBERAL NA POLISIYA NG REHIMENG US-AQUINO!

 

IMPERYALISMO, IBAGSAK!

Sumama at makiisa sa mga pagkilos laban sa kahirapan!

  • Panrehiyong pagkilos ng mga manggagawa, Hulyo 10, kitaan ng 6am sa PhilSteel picketline
  • SoNA ng mamamayan, July 21-22

                                                                                                

Imperyalismong Amerikano: Ugat ng pagdurusa ng manggagawang Pilipino

Hindi maituturing na kaibigan ng mamamayang Pilipino ang US. Makalipas ang 67 taon mula nang ideklara ang “pagkakaibigan ng US at Pilipinas”, nananatili ang mga di-pantay na kasunduan, pandarambong ng US sa likas-yaman, paghuthot sa murang lakas-paggawa, at pagbuhos ng pwersa ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Bilang ugat ng kahirapan ng manggagawa at mamamayan, kailangang pamunuan ng mga manggagawa ang pagwawakas sa kontrol at pagnanakaw ng imperyalismong US sa yaman at kalayaan ng mamamayang Pilipino.

Taliwas sa sinasabi ng mga libro, hindi ipinagtanggol ng US ang Pilipinas mula sa mga Kastila. Ipinagbili ng nahuhuli ang bansang pinangalanan nilang “Las Islas Filipinas” sa US sa halagang $20 milyon. Naipormal ang pagpapasa ng Pilipinas bilang kolonya ng US matapos na lihim na pirmahan ng gobyerno ng Espanya at Amerika ang Treaty of Paris noong December 10, 1898.

Mula noon, namuhunan ang malalaking kumpanyang Amerikano sa mga panimulang industriyang semi-processing sa Pilipinas. Pinalago nila ang kanilang mga kumpanya na noo’y nakakaranas ng matinding krisis dulot ng sobrang produksyon sa kanilang bansa. Sinamantala nila ang kawalan ng lupa ng malawak na masang magsasaka sa kanayunan at lumikha ng trabahong may mababang pasahod at mahabang oras ng paggawa.

Walang ibang idinulot ang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas kundi krisis at sigalot sa hanay ng manggagawa at mamamayan. Sa mga sumunod na taon, lumakas ang kilusang paggawa at pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang paglaya. Napagtanto ng imperyalismong US na hindi na nila kayang panatilihin ang tuwirang paghahari sa bansa. Idineklara ang huwad na kalayaan ng bansa noong 1946, na kalauna’y tinawag na “Filipino-American Friendship Day”.

Ngunit para sa manggagawang Pilipino, hindi pagkakaibigang maituturing ang relasyon ng dalawang bansa. Hanggang sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na nakakapagdikta ang US sa rehimeng Aquino ng mga neo-liberal na patakarang nagiging sanhi ng tuluyang pagdausdos ng kabuhayan ng mamamayan.

Ipinatupad ang Two Tiered Wage Scheme (Department Order 15-IVA) sa Timog Katagalugan. Imbes na dinggin ang mahigit-dekadang panawagan para sa P125 dagdag-sahod, lalo pang pinababa ang minimum wage sa rehiyon patungong P255/araw na floor wage.

Pinalaganap ang kontraktwalisasyon. Karaniwan na ngayon ang salitang endo, matapos ang 1 hanggang 20 taong trabaho ng mga manggagawang kontraktwal na walang natatanggap na benepisyo, at walang karapatang mag-unyon. Bagama’t labag sa Batas Paggawa, malayang ipinatutupad ng mga kapitalista ang labor-only contracting sa malalaking kumpanya tulad ng Toyota, Takata, Aichi Forging, EMI Yazaki, Hoya Glassdisk, Epson, Carina, Asia Brewery, NXP, Nestle, Coca Cola, Philippine Auto Components, Alaska, at marami pang iba. Itinatago ito sa iba’t ibang katawagan tulad ng OJT, interns, agency workers, cooperative, at iba pa.

Sa utos ng IMF-World Bank (na kontrolado ng US), ipinatutupad ang malawak na pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at institusyon. Itinutulak ng Public-Private Partnership Program ang pagpapatakbo sa mga ito (tulad ng pabahay, ospital, eskwelahan, kuryente, at patubig) bilang mga negosyo. Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi na magkasya ang sahod ng manggagawang Pilipino sa pang-araw-araw na gastusin.

Upang pilit na patahimikin ang mga manggagawa at pigilan ang pagkakaisa para sa kanilang mga batayang karapatan, inuutos ng diumano’y “programang kontra-terorismo” ng imperyalismong US ang pagpapatupad ng Oplan Bayanihan. Ito ang nagpapalaganap ng teror o pananakot sa hanay ng mamamayan at manggagawang naglalayon ng kalayaan mula sa pagpapahirap ng mga dayuhang kapitalista at mga lokal na kasabwat nito.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ipinatutupad sa rehiyong Timog Katagalugan ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) na pinirmahan ng DoLE, PNP, AFP, at mga dilawang pederasyon ng manggagawa. Pinapayagan ang direktang panghihimasok ng mga kapulisan at militar sa tuwing mayroong labor dispute sa mga pagawaan.

Nilalabag nito ang Internasyunal na Makataong Batas na nagbabawal sa pagkakampo ng mga militar sa mga lugar kung saan may sibilyan na populasyon. Laganap naman sa mga englabong industriyal sa rehiyon ang No Union, No Strike policy—bagay na sumasagka at bumabali sa batayang karapatan ng manggagawa sa asosasyon at mag-organisa para sa kanilang karapatan sa sahod at trabaho.

Habang nananatili ang pangangayupapa ng papet na gobyerno sa imperyalismong US, hindi magbabago ang pangkabuuang kalagayan ng manggagawa at mamamayang Pilipino. Kinakailangang pangahasan ng mga manggagawa ang pagtatayo ng kanilang mga anti-imperyalistang unyon at itransporma ang kanilang pakikibaka mula sa paglalayon ng mga pang-ekonomyang benepisyo tungo sa mas mataas na pampulitikang pagbabago sa bansa.

Tanging sa pagpapabagsak sa imperyalismo at mga lokal na papet nito, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa sa kanayunan, at pagkakaroon ng mga batayang industriya sa bansa makakaranas ng kaginhawahan ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

LABANAN ang mga neoliberal na patakaran ng rehimeng US-Aquino!

 

Imperyalismo, IBAGSAK!

 

ISULONG ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa!

 

Uring manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!