Welga ng mga manggagawa ng Coca Cola-Sta Rosa, ipinutok

“Ang welga ang pinakamataas na porma ng pampulitikang  pagkilos ng mga manggagawa laban sa mga mapagsamantalang uri upang ipaglaban ang sahod, trabaho at karapatan.” Ani Hermie Marasigan, Tagapagsalita ng Pagakakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK – KMU).

ganito_kami_sa_coke_walang_happinessInilunsad ng mga manggagawang Driver, Hauler, Fork Lift Operator at Picker sa Coca–Cola Bottlers Philippines, Inc.-Sta. Rosa plant ang welga bilang kanilang pinakamataas na pagkilos upang ipanawagan ang sahod, kaseguruhan sa trabaho at  pagkilala sa kanilang unyon; at upang ilantad ang naging sabwatan ng kapitalistang Coca-Cola, DoLE at dilawang Federation of Free Workers.

Ipinanawagan din ng mga manggagawa ang  pagsuporta ng lahat ng mga tagatangkilik ng produkto ng Coca–Cola na suportahan ang laban ng mga manggagawa.

Ipinutok ng mahigit 300 manggagawa at tagasuporta ang welga sa ganap na ika–4 ng umaga sa harapan mismo ng planta ng Coca-Cola Sta. Rosa, Laguna. Bitbit ng mga manggagawa ang kanilang mga plakard at streamer na may panawagan para sa sahod, kaseguruhan sa trabaho at pagkilala sa kanilang itinatayong unyon.

Bilang hudyat ng pagputok ng welga, kinandado at hinarangan ng mga manggagawa ang apat na gate ng planta upang pigilan ang paglabas ng mga produkto. Tuloy-tuloy na hinikayat ang humigit kumulang 1000 manggagawa na nasa production upang makiisa sa  inilulunsad na welga ng mga Driver, Hauler, Fork Lift Operator at Picker.

Nagsumite ng Notice of Strike ang mga manggagawang nagwelga noong March 22, 2013 dahil sa mga kaso ng paglabag ng kompanya o Unfair Labor Practice.

April 10, 2013 nang inilunsad ang stike voting, kung saan 262 mula sa 267 bumoto ang sumang-ayon sa pangangailangang iputok ang welga bilang sagot sa pambabalahura ng kumpanya sa mga karapatan ng manggagawa.

 Naudlot na Certification Election

Noong July 18, 2012, nagsumite ang Unyon ng mga Manggagawang Driver, Forklift Operator, at Picker sa Sta. Rosa CCBPI-Independent ng Petition for Certification Election (PCE) para sa mga manggagawang nakapailalim sa Red System agency.

Matapos ang ilang palitan ng mga position paper ng magkabilang panig (management at unyon), naglabas ng desisyon si Med-Arbiter Tiongzon ng DoLE-BLR IV-A noong January 14, 2013 na nagdedeklarang regular na empleyado ng Coca- Cola Bottlers Phils., Inc.-Sta. Rosa ang 430 manggagawa na nasa ilalim  ng Red System. Kaakibat ng desisyon ang order hinggil sa paglulunsad ng CE ng mga manggagawa.

Mula noon, lalong tumindi ang paggigipit na naranasan ng mga kasapi at opisyales ng unyon.

Mula sa 121, 62 binawasan ang mga company truck na ginagamit ng mga kasapi ng unyon. Naging malawakan din ang pagkakaso  sa mga opisyales  at maging sa mga aktibong kasapi ng itinatayong unyon. Nag-hire ng mga panibagong forklift operator ang CCBPI upang siguraduhing tuloy-tuloy ang kanilang ibubulsang kita sa kabila ng nagaganap na labor dispute.

Sa kabila ng pagiging non-appealable ng order hinggil sa paglulunsad ng CE ng mga unorganized establishment (i.e. mga manggagawang driver, hauler, forklift operator, at picker sa ilalim ng Red System) ayon sa Department Order 40 Section 17, nagsumite ng apila ang CCBPI at Red System agency sa DoLE.

Noong February 5, mahigit dalawang linggo matapos ilabas ang desisyong pabor sa mga manggagawa, nakatanggap ang unyon ng kopya ng liham ni Romeo Montefalco, Jr., Officer in Charge-Director ng BLR sa Intramuros, Manila kay DoLE-IVA Regional Director Alex Avila hinggil sa paglilipat ng folder ng PCE sa tanggapan ng DoLE sa Intramuros, Manila.

Nakatanggap din ang unyon ng kopya ng endorsement ni Avila hinggil sa paglilipat ng kaso ng mga manggagawa ng Coca Cola sa nasabing tanggapan.

Sa kabila ng pagiging iligal ng paglilipat ng kaso ng mga manggagawang nagfile ng PCE, nagkaroon ng mga hearing batay sa apila ng CCBPI at Red System sa mga sumunod na araw, kung saan binaliktad ang desisyon ng Med Arbiter sa DoLE-BLR IV-A.

“Malinaw sa naging desisyon ng DoLE-BLR IV-A na ang 430 manggagawa sa ilalim ng Red System ay mga regular na empleyado ng Coca Cola, at marapat lamang na pahintulutang magkaroon ng CE para sa pagtatayo ng kanilang unyon. Ito na sana ang magbibigay daan para sa pagkakaroon ng mabungang CBA sa kapakinabangan ng mga manggagawa. Ngunit sa pagkakataong ito, muli na naman ipinakita ng DoLE ang kanyang kawalang hiyaan at pagiging tuta ng mga kapitalista sa panahong mayroong labor dispute.” Ayon kay Marasigan.

 Panghihimasok ng dilawang FFW

Matapos maglabas ng desisyong pabor sa manggagawa ang DoLE-BLR IV A hinggil sa PCE, nag-file din ng motion for intervention ang Federation of Free Workers upang pigilan ang naging desisyon.

“Nakisawsaw na pati ang FFW, na kilalang dilawang pederasyon na instrumento din ng mga kapitalista upang bulagin at pigilan ang mga manggagawang itayo ang kanilang tunay na unyon. Ngunit hindi nagpalinlang ang mga manggagawa sa ganitong iskema ng kapitalista, kasabwat ang mga dilawan, upang patahimikin ang mga manggagawa sa pamamagitan ng mga binabarat at hindi makatwirang Collective Bargaining Agreement.” Ani Marasigan.

Bagama’t mayroong nakatayong unyon ng mga manggagawa sa ilalim ng Red System sa buong bansa, hindi ito nilahukan at inaniban ng mga manggagawa sa Sta. Rosa plant kung kaya’t nananatiling walang unyon ang mga manggagawa ng Red System sa nasabing planta.

 Paninindigan ng mga manggagawa

“Ang sabwatang DoLE-Coke-FFW-Red System, ang panggigipit na nararanasan ng mga manggagawa ng CCBPI, at ang determinasyon na ipagtanggol ang kanilang mga lehitimong karapatan ang nagtulak sa mga manggagawa na ilunsad ang welga bilang pinakamataas na porma ng pampulitikang pagkilos laban sa matinding pagsasamantala ng kapitalistang Coca Cola.”

“Simple lang ang hinihiling ng mga manggagawang nakawelga—nakabubuhay na sahod, benepisyo, at regular na empleyo kapalit ng kanilang pagpapagal sa multinasyunal na kumpanyang humuhuthot ng bilyon-bilyong piso mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino araw-araw. Ngunit hanggang sa kahuli-hulihan, matapos maideklarang lehitimo ang kanilang mga panawagan, nagagawa pa itong manipulahin at baliktarin ng DoLE, sa pangunguna ni Secretary Rosalinda Baldoz at Undersecretary Rebecca Chato.”

“Ang welgang ito ay hindi lamang para sa mga kasapi ng unyon, kundi sa lahat ng manggagawa ng Coca Cola Bottlers Philippines, Inc. na tuloy-tuloy na nakakaranas ng kawalan ng nakabubuhay na sahod, benepisyo, at kaseguruhan sa trabaho. Higit pa rito, ang welgang ito ay laban ng buong uring manggagawa na naghahangad wakasan ang mapagsamantalang sistemang kapitalista. Walang katumbas na halaga sa salapi ang laban na ito, sapagkat tanging ang pagkamit sa mga karapatan ang ultimong hinahangad ng mga manggagawa.” Dagdag ni Marasigan.

Mula April 27 hanggang May 2, binigyan ng mga seminar ang mga forklift operators at pilit na pinapaanib ang mga ito sa unyon sa ilalim ng FFW, kapalit ang P30000 signing bonus.

“Buong giting na hinaharap ng mga manggagawang driver, hauler, forklift operator, at picker sa CCBPI-Sta Rosa ang hamon na ipagtagumpay ang welga—dahil sa kabila ng magandang imahe na ipinapakita ng dambuhalang kapitalistang ito sa pamamagitan ng mga milyon-pisong halagang mga patalastas, nananatiling walang happiness ang mga manggagawang lumilikha ng mga produktong pinagkakakitaan nito.” Pagtatapos ni Marasigan.###

 

7 thoughts on “Welga ng mga manggagawa ng Coca Cola-Sta Rosa, ipinutok

  1. buti na lang at hindi ako mahilig sa softdrinks. gayumpaman, ikakampanya ko sa mga kaibigan at kakilala na i-boycott ang coke, bilang isang maliit na suporta sa laban ng mga manggagawa.

  2. isa lang masasabi ko barat talaga magpasweldo ang CCBP, itanong mo pa sa mga mexicanong boss dun sa femsa!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s