Mayo Uno: Ang Makasaysayang Araw ng Manggagawa

Hindi mabubuo ang isang taon kung walang Mayo Uno. Kasintulad ito na hindi mabubuo ang isang produkto kung walang manggagawa. Ngunit bakit nga ba mayroong Mayo Uno? Ano nga ba ang katuturan ng paggunita at pagdiriwang  ng Mayo Uno para saa manggagawa?

 Pagsibol ang industriyalisasyon noong 1900s, itinulak ang libu-libong mamamayan patungo sa pabrika sa kalunsuran upang gumampan ng panibagong tipo ng trabaho—ang maging manggagawa. Sa panahong iyon, pinepwersa ang mga manggagawa na magtrabaho ng 10-14 na oras o higit pa. Ginamit ng mga kapitalista ang sistema ng pagpapahaba ng oras paggawa upang makahuthot ng sobra-sobrang halaga mula sa lakas paggawa ng mga manggagawa.

 Sa Southern Hemisphere sa Europa, kapag pumasok ang summer solstice, tirik pa din ang araw kahit 10pm na. Sapilitang pinagtatrabaho ng mga kapitalista ang mga manggagawa hangga’t may sikat pa ng araw, bukod pa ang pagtatrabaho sa gabi. Sa kadusta-dustang kalagayang naranasan  ng mga manggagawa, nagtayo sila ng mga unyon at ipinanawagan ang makataong kundisyon sa paggawa, pagtaas ng sahod, at ang 8 oras na paggawa.

 Ang Kasaysayan ng Mayo Uno at 8 oras na paggawa

Nagmula sa Australia ang pagtatalaga ng isang araw  ng manggagawa bilang daluyan ng pakikibaka para sa 8 oras na paggawa.  Noong 1856 nagkaisa ang mga manggagawa dito na ihinto ng isang araw ang trabaho at manawagan para 8 oras ng paggawa. Ito ang unang Mayo Uno na inilunsad sa buong daigdig. Sa Estados Unidos bago ang Mayo Uno, naglunsad ng mga pagkilos at welga ang mga manggagawa at umani ito  ng mga tagumpay. Kaya noong 1886 pinagpasyahan ng mga manggagawang Amerikano na tuwing Mayo Uno titigil sila sa pagtatatrabaho.

Noong ding taong iyon sa Haymarket Square sa Chicago, nagtipon-tipon ang mahigit na 200,000 manggagawa na iniwan ang kanilang mga trabaho upang lumahok sa Mayo Uno at ipanawagan ang 8 oras na paggawa. Sa pagkilos na iyon, libu-libong buhay ang nawala. Walang habas na pinaputukan ng baril ng mga kapulisan ang mga manggagawang  nasa pagtitipon na iyon, sa utos ng mga kapitalista kasabwat ang estado.

Ngunit sa kabila ng nangyaring ito sa Chicago, patuloy pa ding lumakas ang mga pagkilos para sa 8 oras na paggawa  sa iba’t ibang panig ng daigdig. Sa Europa, itinatag nila Karl Marx at Frederick Engels ang International Workingmen’s Association.

Ang Mayo Uno sa Pilipinas

Inilunsad ang unang Mayo Uno dito sa Pilipinas noong 1903 sa Maynila, sa ilalim ng kolonyalistang Amerika. Pinangunahan ito ng Unyon Obrera Democratica (UOD). Dinaluhan ng mahigit 100,000 manggagawa ang pagkilos, bukod pa ang mga mamamayan na sumama sa pagkilos. Bitbit nila ang panawagan sa makataong kundisyon sa paggawa at ang kanilang sigaw na “KAMATAYAN SA IMPERYALISMONG AMERIKANO”.

Katulad ng nangyari sa Haymarket Square sa Chicago, nakaranas din ang mga manggagawa sa Timog Katagalugan  ng matinding pandarahas sa araw mismo ng Mayo Uno. Sa Crossing Calamba Laguna noong May 1, 1988. Walang habas na pinaputukan ng matataas na kalibre ng baril ang mga manggagawa at mamamayan. Isang manggagawa sa Sunripe Quezon ang sugatan sa tama ng punglo ng baril.

Pangunahing responsable dito ang mga kapitalista, kasabwat ang mga pulis at militar. Naganap ito sa ilalim ng Total War Policy ng rehimeng US- Aquino. Subalit hindi ito naging dahilan upang itigil ng mga manggagawa ang pakikibaka para sa mga lehitimong karapatan maging ang pagdaraos ng pagkilos tuwing Mayo Uno.

Ang Ating Paninindigan

Sa kasalukuyang panahon, patuloy pa rin ang mga tangkang pagbawi ng mga kapitalista at papet na gobyerno ni Noynoy Aquino sa mga napagtagumpayang laban ng mga manggagawa tulad ng 8 oras na paggagwa at ang Mayo Uno bilang araw ng paggawa. Upang pigilan ang mga manggagawa na lumahok sa Mayo Uno, ginagawa nilang double o triple ang bayad kapag pumasok sa araw ng May 1. Itinataon din ang mga company outing at family day sa araw na ito, upang pilit na pauntiin ang sasama sa pagkilos at panawagan para sa sahod, trabaho, at karapatan.

Ngunit hangga’t may manggagawang bumubuhay sa lipunan, hangga’t nananatili ang pagsasamantala at pagyuyurak sa mga lehitimong karapatan, patuloy pa rin na itatanghal ang Mayo Uno bilang dakilang araw ng manggagawa. Hindi tayo papayag na agawin sa atin ng mga ganid na kapitalista at ng papet na gobyerno ang ating mga napagtagumpayan at ng mga manggagawang nagbuwis ng kanilang buhay.

Kaya’t ngayong Mayo Uno, muli nanamang lalabas ang mga manggagawa at mamamyan sa kanilang pagawaan at tahanan  at buong lakas na isisigaw ang mga  panawagan para sa sahod, trabaho, at karapatan. Ibayong organisahin at pakilusin ang  ating hanay. Sama sama nating palayain ang ating sarili sa kamay ng mapagsamantalng uri.

 Sahod, trabaho, at karapatan, IPAGLABAN!

 Dumalo at magpadalo sa pagkilos sa Araw ng Paggawa, May 1, 3pm sa Crossing, Calamba!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s