Manggagawa, Magkaisa! Pamunuan ang pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya!

mayouno2013small“Walang mawawala kundi ang tanikala ng pagkagapos” – Ito ang dahilan kung bakit mapagpasyang sinusuong ng uring manggagawa ang landas ng pakikibaka. Sa loob ng daantaong paghihirap dahil sa imperyalismo, pyudalismo, at mga lokal na naghaharing uri, napatunayan nang tanging ang uring proletaryado ang maaaring mamuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

Dahil taglay nito ang makauring layuning palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala, ang disiplina at organisadong paggawa na hinasa ng malaon nang pagpapakaalipin sa pagawaan, at ang kasanayan sa kolektibong pamumuno, hinding hindi mabibigo ang pagkakaisa ng mga manggagawang ginagabayan ng teoryang Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Ngayong nalalapit ang ika-110 taong paggunita sa Araw ng Paggawa, haharapin ng uring manggagawa ang hamon na wakasan ang nabubulok na sistemang kapitalista at isulong ang kanyang mga demokratikong karapatan sa nalalapit ng pambansang halalan. Kinakailangang pagkaisahin ng uring manggagawa at mamamayan ang kanilang mapagpasyang lakas upang wakasan ang kahirapan at pagsasamantala.

Ang Dakilang Araw ng Paggawa: Noon at Ngayon

Nagsimula ang pagdiriwang ng Mayo Uno bilang dakilang araw ng paggawa at protesta upang igiit ang 8-oras ng paggawa.  Itinuring ang Mayo Uno bilang araw ng lahatang welga ng manggagawa sa iba’t ibang bansa, kung saan mapagpasyang itinitigil ang trabaho upang iparating ang mga panawagan para sa makataong kalagayan sa loob ng mga pabrika. Noong 1886, habang inilulunsad ng mahigit 200,000 manggagawa ang kanilang pagkilos sa araw ng paggawa sa Haymarket Square, Chicago, walang habas silang pinaputukan ng baril mga kapulisan. Libo-libong manggagawa ang nagbuwis ng buhay sa araw na iyon.

Sa Pilipinas, unang naglunsad ng pagkilos ang mahigit 100,000 manggagawa noong Mayo 1, 1903 sa pangunguna ng Unyon Obrera Democratica. Naranasan sa Timog Katagalugan ang isa sa mga pinakamarahas at madugong demonstrasyon noong May 1, 1988, kung saan walang pakundangang pinaputukan ng matataas na kalibre ng baril ang mga manggagawa. Gayunpaman, nagpatuloy ang taunang pagkilos ng mga manggagawa tuwing sasapit ang kanilang dakila at makasaysayang araw.

Ngunit, matapos pagbuwisan ng buhay ng mga ninunong manggagawa ang 8-oras na paggawa, pilit itong binabawi ng estado at mga kapitalista. Sa pamamagitan ng mga batas na ipinatutupad ng rehimeng Aquino, naisasagawa ng mga kapitalista ang sistematiko at mas matinding pagpiga ng lakas-paggawa ng uring manggagawa, at nakapag-uuwi ng mas papalaking tubo na siyang ginagamit niya upang pilit na iahon ang kanyang sarili sa pagkabulok at ganap na pagbagsak.

Sa timog katagalugan, malawakang ipinatutupad ang iba’t ibang work flexibilization schemes, pangunahin ang kontraktwalisasyon. Mahigit 65% na ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa rehiyon ang nakapaloob sa kontraktwal na empleyo, na itinatago bilang agency workers, cooperative, OJT, interns at iba pa. Makikita ang napakalaking bilang ng mga kontraktwal na manggagawa sa pagawaan ng Nestle, Carina, Toyota, SMP, NXP, PAC, Asia Brewery Inc. (ABI), Takata, Clarmil, Aichi Forging, EMI Yazaki, at Hoya Glass Disk. Gamit ang Department Order 18-A DoLE, malayang naipagkakait ng mga kapitalista ang pagbibigay ng makabuluhang sahod at benepisyo sa mga manggagawang kontraktwal.

Maliban dito, patuloy na ginagawang laboratoryo ng mga anti-manggagawang batas ang rehiyon, kung saan makikita ang mahigit kalahati ng pangkabuuang bilang ng mga empresa at sonang industriyal sa bansa. Noong nakaraang taon, ipinatupad ang Two Tiered Wage Scheme (DO 15-4A) ilang araw bago ang Mayo Uno. Sa pagpapatupad ng batas na ito, lalo pang pinababa ang minimum na sahod sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatakda ng floor wage na P255.

Habang pilit na ipinagkakait sa mga manggagawa ang pagkakaroon ng makabuluhang dagdag sahod, walang benepisyo ang mga kontraktwal na manggagawang nagpapagal ng mahigit 8 oras araw-araw. Umaabot na sa P1,069 ang arawang pangangailangan ng isang pamilyang may 6 miyembro sa ngayon, subalit sadyang nakapako ang sahod at benepisyo at di matustusan kahit ang pansariling pangangailangan ng manggagawa.

Pilit namang pinapaliit ng mga kapitalista ang bilang ng mga regular na manggagawa sa pamamagitan ng mga Voluntary Separation Programs, retrenchment, retire and rehire, at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso. Tahasan nitong binabali ang mga napagtatagumpayan ng manggagawa sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA), at ipinagkakait ang CBA ng mga manggagawa, tulad ng ginagawang CBA Moratorium sa Philippine Steel at Takata. Sa ABI, tuloy-tuloy na binabarat ng kapitalista ang mga usapin sa dagdag sahod at benepisyo tuwing mayroong CBA ang mga manggagawa.

Dagdag pa, kinakasabwat ng kapitalista ang DoLE, sa pangunguna ni Sec. Rosalinda Baldoz at Usec. Rebecca Chato, at mga sangay nito at ang Supreme Court at Court of Appeals upang pigilan at hindi kilalanin ang mga unyong naipapanalo bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent.  Sa certification election ng unyon sa Philippine Auto Components noong Marso 22, 2013, isang opisyal ng Bureau of Labor Relations-Region 4A na si Marivic Martinez ang nandaya sa pamamagitan ng ballot switching.

Upang panatilihin ang kasalukuyang pang-aalipin sa mga manggagawa, ginagamit ng mga kapitalista ang mga pwersa ng militar at kapulisan upang tiktikan, takutin, guluhin, at sa huli, pigilan ang pagkilos ng mga manggagawa para sa kanilang mga karapatan. Sa ilalim ng Oplan Bayahinan ni Aquino, ipinatutupad ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment sa rehiyon, kung saan pinapahintulutan ang direktang panghihimasok ng mga militar at kapulisan sa tuwing mayroong aktwal o nakaambang labor dispute sa mga pagawaan. Malinaw na nilalabag nito ang International Humanitarian Law na nagbabawal sa pagkakampo ng mga militar sa mga lugar kung saan mayroong sibilyang populasyon.

Pasan ng mga manggagawa at mamamayan ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, produktong petrolyo, at kahit mga serbisyo tulad ng tubig, kuryente, at ospital. Sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ni Aquino, binibigyang daan ang pribatisasyon ng mga serbisyo sosyal tulad ng edukasyon, mga ospital at pabahay. Dahil pinatatakbo ang mga ito bilang negosyo ng mga pribadong sektor, hindi na makasabay ang barya-baryang tinatanggap ng manggagawa mula sa mga kapitalista.

Ipinatupad ang K+12 program sa edukasyon sa layuning bigyan ng mga teknikal na pagsasanay ang mga kabataan bago pa man ito makatungtong ng kolehiyo upang tustusan ang pangangailangan ng mga kapitalista sa murang lakas paggawa. Imbes na dagdagan ng badyet ang sektor ng edukasyon, patuloy na itinutulak ang mga pampublikong paaralan na makipagpartnership sa mga pribadong kumpanya. Hindi pa man nakakakuha ng pormal na kurso ang mga estudyante, ipinapasok na sila bilang interns sa mga pagawaan, tulad ng ginagawa sa Takata. Hayagan ding ipinagkakanulo ng gobyerno ang mga kabataan at manggagawang mangibang-bayan, kung saan kalahati ng kanilang katawan ay maituturing na nasa hukay.

Nagpapatuloy naman ang land use conversion sa kanayunan, kung saan ginagawang sona at plantasyong industriyal ang mga sakahan. Ito ang dahilan kung bakit lumolobo ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa. Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamataas na unemployment rate sa Timog Silangang Asya.

Sa paglapit ng pambansang halalan, ginagamit ng gobyerno ang Commission on Elections upang gipitin ang mga progresibong partylist tulad ng Piston at Kabataan, at pilit na pigilan ang pagpapaupo nito ng tunay na kinatawan ng mamamayan sa kongreso. Dagdag dito, binaboy ng Korte Suprema ang partylist system, at pinapayagan nang tumakbo ang mga non-marginalized sectors sa pamamagitan ng mga partylist. Walang dudang ginawa ito upang itaguyod ang pananatili ng mga naghaharing uri sa gobyerno.

Walang maaasahan ang mga manggagawa at mamamayan mula sa administrasyong sumasamba sa mga dayuhang kapitalista. Hangga’t nananatiling tuta ng

imperyalistang Estados Unidos ang gobyerno ng Pilipinas, magpapatuloy ang pagpapakasasa ng mga dayuhan sa yaman at lakas-paggawa ng bansa, habang nakakaranas ng walang kaparis na krisis at kahirapan ang mga manggagawa at mamamayan.

Pakikibaka ng Mamamayan sa Pamumumo ng Manggagawa: Landas Tungo sa Paglaya

Tanging sa pakikibaka ng mamamayan na pinamumunuan ng uring manggagawa makakalaya ang bansa mula sa pananalasa ng imperyalismo. Kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng manggagawa, magsasaka, at mamamayan upang wakasan ang pangangamkam ng lupa sa kanayunan, malawak na disempleyo, mababang pasahod, kawalan ng benepisyo, pagyurak sa karapatan, at paglala ng krisis pang-ekonomya at pampulitika sa bansa.

Gaya ng sinabi ng limang dakilang guro, tanging sa pamamagitan ng karit ng mga magsasaka, maipapatupad ang tunay na reporma sa lupa at mahahawan ang daan para sa tunay na kasaganahan. Gamit ang maso ng uring proletaryado, mapamumunuan ang pakikibaka ng mamamayan tungo sa pambansang industriyalisasyon, at maipapanday ang lipunang walang pagsasamantala—ang lipunang sosyalista.

Sahod, Trabaho, at Karapatan, IPAGLABAN!

Tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, IPATUPAD!

SULONG tungo sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!

MABUHAY ang mga dakilang ambag nina Marx, Engels, Lenin, Stalin, at Mao sa kilusang paggawa!

Uring Manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s