Pagkakapasa ng HB 375 sa Subcommittee Level: “Paborable sa mga manggagawa” – PAMANTIK-KMU

Ikinatuwa ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan ang panimulang hakbang sa kamakailang pagkakapasa ng House Bill 375, o mas kilala bilang P125 wage hike bill, sa subcommittee level. Muling ipinanawagan ng militanteng panrehiyong sentrong unyong Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang higit pang pagpapalakas ng kampanya para sa makabuluhang dagdag sahod.

 

Matapos ilahad ng mga kinatawan ng mga unyon at organisasyon ang tunay na kalagayan ng sahod ng mga manggagawa sa kani-kanilang rehiyon sa isang isinagawang Luzon-wide public consultation noong Enero 18 sa Baguio City, inaprubahan ang HB 375 sa house subcommittee on labor standards ng mababang kapulungan ng Kongreso.   Matapos ito, nakatakdang pag-usapan ang panukalang batas sa lebel ng Committee on Labor and Employment, bago pagbotohan sa plenaryo.

 

Ayon kay Joycee Rosales, deputy secretary-general ng PAMANTIK-KMU, “Matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan at buong bansa ang panukalang ito.  Sadyang hindi na kayang tustusan ng minimum wage ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa.”

 

“Isang malaking hakbang pasulong ang pagkakaapruba ng P125 wage hike bill, kahit pa man sa panimulang lebel na ito.  Higit kailanman, kailangang palakasin ang kampanya para sa P125 dagdag na sahod, across the board, upang pansamantalang ibsan ang pinapasang krisis ng sambayanan,” dagdag ni Rosales.

 

Ayon sa pananaliksik na isinagawa ng Labor Education Advocacy Development Response Services, Inc., tinatayang nasa P1,069 na ang family living wage (FLW) para sa isang lima-kataong pamilya. Samantala, 29-32% lamang ng FLW ang kasalukuyang minimum wage sa CALABARZON.

 

Samantala, binatikos naman ni Rosales ang pagpapatupad sa rehiyon ng “two-tiered wage system” sa pamamagitan ng inilabas na Wage Order No. IVA-15 noong nakalipas na taon, na aniya “lalo pang nagpababa sa minimum na sahod ng manggagawa sa itinakdang ‘floor wage’ na P255”.

 

Sa tala ng Ibon Foundation, humigit-kumulang P355 na ang FLW sa mga rehiyon labas ng NCR noong 1999, panahon kung kailan unang ikinampanya ng mga manggagawa ang panukalang batas para sa P125 dagdag sa arawang sahod.  Makalipas ang halos 14 taon, tumaas ito ng hindi bababa sa 201%, ngunit nanatiling nakapako ang sahod ng manggagawa.

 

Mula sa P159-P200 minimum wage sa CALABARZON (Region IVA) noong 1999, umabot lamang sa P315-P337 ang kasalukuyang minimum wage dito.

 

“Nakabatay sa tuluy-tuloy na pakikibaka at pagkakaisa ang pagkamit ng mga esensyal at malalaking tagumpay hindi lamang ng ating uri, kundi ng buong sambayanan,” pagtatapos ni Rosales.

 

Nakatakdang maglunsad ng buwanang pagkilos ang mga manggagawa sa rehiyon, sa pangunguna ng PAMANTIK-KMU, sa tanggapan ng Department of Labor and Employment at Kongreso upang isustine ang panawagan sa pagpapasa ng HB 375.###

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s