Uring Manggagawa at Mamamayan, Magkaisa Laban sa Pahirap at Pasistang Rehimen US-Aquino! Pamunuan ang Pakikibaka ng Uring Anakpawis tungo sa Ganap na Kalayaan!

Image

Makalipas ang mahigit isang siglo mula nang ihudyat ng katipunan, sa pamumuno ni Andres Bonifacio, ang rebolusyong nagpalaya sa sambayanang Pilipino mula sa mahigit tatlong daang taong pang-aalipin ng kolonyalistang Espanya, patuloy pa ring nakakaranas ng kahirapan ang uring anakpawis.

Pagdurusa sa Ilalim ng Dayuhan Noon at Ngayon

Pumasok sa bansa ang kapangyarihang Estados Unidos, inangkin ang malalawak na lupain at tuloy-tuloy na naglagak ng kapital nang hindi pinauunlad ang mga batayang industriya sa bansa. Itinayo ang mga institusyong nagtaguyod ng kolonyal na kultura, ang binuo ang papet na gobyernong nagsilbing pangunahing ahente ng imperyalismong US sa bansa. Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling kontrolado ng US ang ekonomiya, pulitika, kultura at military ng bansa sa pamamagitan ng mga lokal na papet niya—bagay na pangunahing nagdudulot ng kahirapan sa masang Pilipino.

Ipinagpatuloy at pinapanatili ng imperyalismong US ang pyudalismo sa kanayunan mapahanggang ngayon, upang tustusan ang kanilang pangangailangan sa mura at maramihang hilaw na materyales. Ang patuloy na pagmomonopolyo ng mga panginoong maylupa sa malalawak na lupain sa kanayunan ay siya ring nagtutulak sa mga mamamayan upang tumungo sa kalunsuran at nagpapalobo sa bilang ng reserbang hukbo ng paggawa.

Walang Katapusang Paghihirap ng Manggagawa at Mamamayan

Sa kabila ng kawalan ng seguridad sa trabaho at napakababang sahod na pinalala ng mga patakarang neoliberal ng gobyernong Aquino (tulad ng DO18-A na nagliligalisa sa kontraktwalisasyon at DO15-4A o Two Tiered Wage Scheme), marami pa rin ang nakapila sa mga agency at tanggapan ng mga pabrika upang mamasukan bilang mga contractual workers na kumikita ng wala pa sa kalahati ng daily living wage (nasa P1000 mahigit sa rehiyon) at walang natatanggap na benepisyo tulad ng SSS, Philhealth, Pag-ibig, at health care.

Tinatayang nasa 40% na lamang ng kabuuang pwersa ng paggawa sa timog katagalugan ang regular na empleyado ng kanilang mga pagawaan, samantalang nanganganib na tanggalin sa trabaho ang mahigit 60% anumang oras. Nagtatrabaho ang mga ito bilang agency workers, OJT o interns, at iba pang katawagang iisa lang naman ang ibig sabihin: ang mas mababang sahod at kawalan ng benepisyo’t seguridad sa trabaho.

Dahil ang tanging layunin ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa ay magkamal ng napakalaking tubo at isalba ang mga sarili mula sa pagkabangkarote dala ng krisis ng sistemang kapitalista, hindi nito binibigyan ng halaga ang papel ng uring manggagawa, kung sa gayon ay walang pag-aatubili nitong sinasamantala ang pangangailangan ng masang Pilipino sa trabaho at empleyo. Batay din sa report ng gobyerno noong nakaraang taon, ang Pilipinas ang may pinakamataas na unemployment rate sa buong timog-silangang Asya.

Kabilang sa mga walang trabaho o kulang sa trabaho ang mga maralitang lungsod, na karamihan ay nabubuhay sa mga impormal o di kaya’y hindi permanenteng trabaho bilang side walk vendor, labandera, arawang karpintero o construction worker, at iba pa. Sa mga maralitang komunidad at relokasyon, talamak ang prostitusyon bunga ng kawalan ng hanapbuhay at serbisyong panlipunan, kasabay ng tuloy-tuloy na pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin dala na rin ng deregularisadong presyo ng mga produktong petrolyo.

Rehimeng US-Aquino laban sa Sambayanang Pilipino

Imbes na unahin ng gobyerno ang kapakanan ng mamamayang naghihikahos, ipinagmamalaki pa nito ang pagiging sunud-sunuran sa among imperyalista, at pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal na lalong nagbabaon sa hukay sa sambayanang unti-unti ay kinikitlan ng buhay.

Sa pamamagitan ng pribatisasyon ng mga pampublikong institusyon tulad ng mga ospital at eskwelahan, inilalayo ng gobyernong US-Aquino ang mamamayan sa mga batayang karapatang disinsana’y makakapagbigay ng kaunting alwan sa kanilang araw araw na gastusin.

Hanggang sa ngayon, nasa hulihan ng kanyang listahan sa usapin ng paglalaan ng badyet ang serbisyong pabahay at pangkalusugan, habang nananatiling kulang ang inilalaan para sa sektor ng edukasyon. Upang mapunan ang kakulangan sa badyet na ito, itinutulak niya ang mga ito sa pakikipag-“partnership” sa mga pribadong kumpanya. Wala itong ibang ibig sabihin kundi ang pagpapatakbo sa mga ospital, eskwelahan, at pabahay bilang mga negosyong pagkakakitaan ng tubo.

Dagdag pasanin pa sa mamamayan ang pagpapatupad ng K+12 program sa sistemang edukasyon sa bansa, kung saan arbitraryong dinagdagan ng 2 taon ang hayskul upang ihanda ang mga kabataan sa maagang empleyo at pagbebenta ng murang lakas-paggawa.

Sa ilalim ng labor-export policy ni Aquino, itinutulak  din ang mga kabataan na mangibang-bansa kung saan madalas na nalalagay sa panganib ang buhay ng mga manggagawang Pilipino—walang batas na nagseseguro sa kanilang kalagayan. Gayundin, hindi pa rin ligtas sa lumalalang krisis ang mga mamamayang nangingibang-bayan at doble ang pinapasan na hirap bunga ng pangungulila sa kanilang mga sariling pamilya.

Kawalan ng Paggalang sa Karapatang Pantao ng Manggagawa

Upang tiyakin ang pananahimik ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng papatinding krisis at pagsasamantala, sistematikong ipinatutupad ng rehimeng US-Aquino ang Oplan Bayanihan, alinsunod s utos ng kanyang among imperyalista. Sa hanay ng mga manggagawa, pasikretong pinirmahan at ipinatupad ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) sa pagitan ng DoLE, AFP, PNP, DND, at mga dilawang pederasyon ng manggagawa. Bulgaran at walang pagaatubiling pinapahintulutan ng mga kasunduang ito ang panghihimasok ng mga militar sa mga lugar kung saan may pagkilos ang mga manggagawa sa loob man o labas ng pagawaan.

Tahasan nang inihalintulad ng rehimeng US-Aquino ang mga lehitimong panawagan ng manggagawa para sa sahod, trabaho at benepisyo bilang banta sa pambansang soberanya at seguridad. Wala itong ipinagkaiba sa mga Civil Military Operations at iba pa, kung saan nagtatayo ng kampo o detachment ang mga militar sa gitna ng civilian population—na malinaw na paglabag sa mga internasyunal na batas sa karapatang pantao. Malinaw na ligalisasyon ng dumog na atake sa manggagawa, ang TIPC MOC ay hindi lamang usapin ng uring manggagawa kundi ng mamamayan.

Ang Makasaysayang Papel ng Uring Anakpawis sa Pagkamit ng Kalayaan

Gayunpaman, hindi dapat manahimik ang sambayanan. Habang papalala ang nararanasang krisis sa, lalo pang kinakailangan ang tibay ng paninindigan at pagkakaisa upang wakasan ang daantaong pagkontrol ng mga dayuhan sa bansa. Napatunayan na ng kasaysayan ang mapagpasyang lakas ng uring anakpawis sa pagbabagsak sa isang sistemang mapang-api, at papatunayang muli ng mamamayang malaon nang pinahihirapan sa ilalim ng nagpapalit-palit na mukha ng mga pulitikong nagsisilbi lamang sa interes ng dayuhan at mga lokal na naghaharing uri.

Sa kabilang banda, bagamat walang maaasahang signipikante at tunay na pagbabago dala ng nalalapit na eleksyon, kailangang samantalahin ito ng mga aping sektor upang isulong ang makabagong pulitika na siyang magbibitbit sa mga panawagan ng uring manggagawa at magsasaka, at magtataguyod sa pangangailangan ng mga maralita para sa mga batayang serbisyong panlipunan.

Sa patuloy na pagdausdos ng kabuhayan at kalidad ng pamumuhay ng sambayanang Pilipino, marapat lamang na pamunuan ng uring manggagawa ang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Tanging sa pagtangan ng kanyang makasaysayang papel bilang hukbong mapagpalaya na mamumuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka mabibigyang wakas ang pagdurusa ng sambayanan dulot ng daantaong pagkontrol ng mga dayuhan, walang habas na pagsasamantala ng mga malalaking negosyante at panginoong may lupa, at pagpapahirap ng pyudal na sistema sa kanayunan.

Kasabay ng paggunita sa araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, kinakailangang ipakita ng masang maralita, sa pangunguna ng uring manggagawa, ang bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Sa ganitong paraan lamang mawawakasan ang ilang dekadang pagsasamantala ng imperyalismong US sa manggagawang Pilipino, maibabagsak ang paghahari ng mga burukrata sa gobyerno, at maisusulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang daan tungo sa tunay na kasaganahan.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s