MANGGAGAWA at MAMAMAYAN, Maghimagsik laban sa pahirap na rehimeng US-Aquino! KaSONAngalingan ni Noynoy, ITAKWIL!

 

                                     

 

Noynoy Aquino SoNA
Mga Manggagawa, maghimagsik laban sa pahirap na rehimeng US-Noynoy Aquino!

Sa muling pagtuntong ni Benigno “Noynoy” Aquino III sa entablado upang mag-ulat sa kalagayan ng sambayanan sa kanyang State of the Nation Address (SoNA), siguradong sasalubungin ito ng masigabong palakpakan mula sa kanyang mga kauri at iilang nakikinabang sa kanyang panunungkulan.  Ngunit tiyak na mas malakas at dumadagundong ang sigaw ng malawak na mamamayang nakararanas ng walang kaparis na kahirapan at disgusto sa ilalim ng kanyang rehimen.  Kabaliktaran ng kanyang ipinangangalandakang paglaki ng ekonomya at pagbuti ng kalagayan ng sambayanang Pilipino mula sa kanyang mga patakarang neoliberal, walang pag-unlad na nararanasan, bagkus lalo pang naghihikahos ang uring manggagawa at sambayanan.

Sa SoNA ni Aquino, walang inaasahan kundi mga papogi, imbentong estadistiko at kasinungalingang nakabatay sa kanyang mapangarapin, mabuladas, at mayabang na administrasyon.  Ngunit kahit na ilang beses pang magtalumpati ang papet na si Aquino, hinding-hindi niya mapagtatakpan ang tunay na kalagayan ng hikahos at nagugutom na sambayanan.

Ang tunay na kalagayan ng manggagawa

Makalipas ang mahigit isang dekadang panawagan para sa P125 dagdag na sahod, nakapako pa rin sa minimum ang pasahod sa rehiyong Timog Katagalugan.  Imbes na pakinggan ang manggagawa, kinampihan ni Aquino ang mga kapitalista sa luma at gasgas nang katwirang “maaaring malugi ang mga kumpanya kapag ibinigay ang hiling ng mga manggagawa”.

Kamakailan pa, ipinatupad sa rehiyon ang Wage Order No. IVA-15 na lalong nagpapasahol sa kasalukuyang sistema ng sahuran sa tinatawag nitong two-tiered wage system. Sa wage order na ito, lalong pinabababa ang sahod ng manggagawa sa pamamagitan ng pagtatakda ng floor wage na P255.  Pinapakomplika naman nito ang proseso ng pagpapatupad ng dagdag na sahod sa pamamagitan ng productivity based pay na makaisang panig na pinagpapasyahan ng mga kapitalista ayon sa kanilang “kakayahang magbigay”.

Sa bagong sistema ng pasahod na ito, tuwiran nang tinalikuran ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang kanyang resposibilidad sa manggagawa sa pagtatakda ng sahod. Manapa’y inutil at ipinalapa nito ang manggagawa sa kapritso at pambubusabos ng kapitalista. Lalo pa ngayong ibinaon ang nakapakong sahod, na siyang imposibleng makasabay sa humigit-kumulang P1,000 daily cost of living ng isang pamilya sa rehiyon.

Mas matinding tatamaan ng panukalang ito ang mga kontraktwal na manggagawa na ngayo’y umaabot na sa 60% ng buong lakas-paggawa sa rehiyon. Matatagpuan ang napakalaking bilang ng mga kontraktwal sa Asia Brewery, Nestle, Toyota, Honda, Hoya Glassdisk, UTT, Coke, at napakarami pang malalaking kumpanya sa Timog Katagalugan. Itinatago sa ngalan ng agency workers, on the job trainees, student interns, at marami pang iba, ang mga kontraktwal ay walang habas na pinipigaan ng lakas paggawa, ngunit tahasang pinagkakaitan ng makatarungang sahod, at nagsisilbing mga epitomiya ng pinagsasamantalahang uri.

Pagtalikod ng rehimen sa responsibilidad sa mamamayan

Habang nananatiling kakarampot ang kinikita ng mga manggagawa, patuloy namang binabawasan ng gubyerno ang badyet para sa serbisyong panlipunan. Patuloy si Aquino sa pagsasapribado ng mga pampublikong ospital, eskwelahan, at iba pa sa ilalim ng programang Private-Public Partnership upang gawing negosyong pagkakakitaan ang dapat na serbisyo at responsibilidad ng gubyerno sa kanyang mamamayan.

Hindi na nga nakalalasap ng serbisyo, patuloy din ang sistematiko at mararahas na demolisyon sa mga komunidad ng maralita. Sa kabila nito, walang maayos na relokasyong nakalaan sa milyun-milyong biktima ng demolisyon.

Imbes na dagdagan din ang badyet sa edukasyon, ipinatupad ang K+12 o dalawang taong dagdag na pag-aaral sa hayskul.  Ayon sa rehimen, dinisenyo ang K+12 “upang makapagtrabaho ang mga kabataan pagkatapos ng hayskul”.  Sa katunayan, hindi itinataas ng K+12 ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Malinaw na karagdagang pagkakakitaan na naman ito ng gubyerno at hinuhubog ng programang ito ang mga kabataan para maging kontraktwal na manggagawa para sa mas murang lakas-paggawa na pakikinabangan ng mga dayuhang kapitalista.

Hindi na malaman ng manggagawa kung paanong pagkakasyahin ang ga-mumong sahod sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagsirit ng singil sa kuryente at krudo. Sa kabila nito, insultong pinirmahan ni Aquino ang P1.16 bilyong subsidyo sa kuryente para sa mga dayuhang kumpanya sa ilalim ng PEZA upang maghikayat diumano ng marami pang mamumuhunan na lilikha ng trabaho.

Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, nagsisilbi pang tagapagsalita ng mga dambuhalang kartel ng langis ang Malacañang. Conditional cash transfer, Pantawid Pasada Program, at iba pang mga programang pampalubag-loob ang ibinibigay ng gubyerno ngunit sa katunaya’y insultong limos ito sa sambayanang baon na sa kahirapan.

Pangangayupapa sa dikta ng imperyalistang globalisasyon

Kamakailan, umugong at pinopopularisa na naman ang usapin ng Charter Change (ChaCha) o pag-amyenda sa Saligang Batas ng Pilipinas. Isinusulong nito ang todong panggagahasa ng mga dayuhang korporasyon sa ating bansa lalo na ang probisyon ng 100% karapatang magmay-ari ng mga dayuhan sa mga likas-yaman, kumpanya, korporasyon, at institusyon sa bansa.

Hindi na ito bago. Matagal nang pilit isinasagawa ng papalit-palit na mga papet na rehimen ang ChaCha, hindi lamang upang tuluyang ibugaw ang matagal nang napagsasamantalahang bansa, kundi para na rin ipagpilitan ang pananatili ng bulok na administrasyon sa estado poder.

Gayunpaman, hindi pa nga pinag-uusapan at naaaprubahan ang ChaCha, unti-unti at lantaran nang ibinebenta ni Aquino ang bansa sa pamamagitan ng mga patakarang neoliberal, tulad ng kamakailan niyang pinirmahang Executive Order 79 hinggil sa pagmimina.  Ang lahat ng ito ay alinsunod sa dikta ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB).

Noong nakaraang buwan, nangakong magbibigay ng isang bilyong dolyar ($1 billion) ang papet na gobyerno para sa warchest ng IMF-WB upang ‘tulungan’ ang naghihingalong ekonomiya sa European Union. Aniya, maisasalba nito ang mga OFW na nabubuhay at nagtatrabaho sa Europa.  Ngunit matagal nang alam ng sambayanan na ang higit na kailangan ay lumikha ng sa bansa ng mga trabahong may nakabubuhay na sahod, upang sa huli’y hindi na mapilitang mangibang-bayan at maging mas bulnerable sa pagsasamantala ang mga manggagawa.

Matagal na ring alam ng sambayanan na imbes na ibigay ang bilyun-bilyong piso sa mga dayuhan, dapat itong ilaan sa serbisyong panlipunan at pagpapaunlad ng agrikulturang lilikha ng sapat na pagkain para sa mamamayan.

Patuloy na pandarahas sa mamamayan

Para maging madulas na maisakatuparan ang kanyang mga anti-mamamayang patakaran sa kapakinabangan ng dayuhang mamumuhunan, patuloy na pinalalakas ng rehimen ang kanyang armadong pwersa sa ilalim ng kontra-insurhensyang programang Oplan Bayanihan.

Sa rehiyon, tinambakan ng halos walong (8) batalyong pandigma ang dulong timog ng lalawigan ng Quezon, partikular ang bahagi ng Bondoc Peninsula pa lamang. Niraragasa ng militarisasyon ang mga magsasaka at mamamayan dito. Ikinukubli nito ang ultimong pang-ekonomiyang interes ng mga dayuhang mamumuhunan sa lugar – ang mayaman nitong mina ng ginto.

Sa kalunsuran, pasikretong pinirmahan at ipinapatupad ang inter-agency Memorandum of Commitment sa pagitan ng DoLE, AFP, PNP, DILG, at mga dilawang unyon noong nakaraang taon.  Sa memorandum na ito, tuluyan nang nililigalisa ang panghihimasok ng militar sa mga usaping pang-manggagawa.

Sa kabila ng pagkondena ng international community sa mga naitalang parehong porma ng militarisasyon at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang tao sa pagawaan ng Nestle, Nissan, Toyota, Hanjin, EMI-Yazaki, at iba pa, ipinagpatuloy lamang ni Aquino sa anyo ng Oplan Bayanihan ang panunupil ng mga nakalipas na rehimen.

Walang pinag-iba si Aquino kay Gloria Arroyo (na hindi pa napaparusahan hanggang ngayon) sa paparaming kaso ng paglabag sa karapatang tao, pagnanakaw sa kabang yaman, at panlilinlang sa mamamayan.

Sistematikong sinusupil ni Aquino ang mamamayang uhaw sa pagbabago.  Hindi nakapagtataka ang kumakalat na online survey na nagsasabing si Noynoy Aquino ang pinakamasahol na pinuno sa buong mundo—mas masahol pa kay Hitler.  Hindi rin maipagkakaila na siya ang pinakamasugid na tagasunod ng imperyalistang Estados Unidos.

Ang maghimagsik ay makatarungan

Tanging ang malawak na sambayanan ang makapagsasabi ng tunay na State of the Nation.  Tanging ang sambayanan ang may kakayahang baguhin ang kasalukuyang sistemang mapang-api tungo sa isang sistemang makatarungan. Sa kasalukuyang kalagayan, walang ibang solusyon kundi ang sama-samang kumilos at lumaban. Ang maghimagsik ay makatarungan, at ngayon ang pinakamainam na panahon upang pagkaisahin ang lakas ng uring manggagawa at sambayanang api.

Manggagawa at mamamayan, itakwil ang papet na rehimeng US-Aquino!

Makibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!

Makiisa sa pagkilos ng mamamayan ng Timog Katagalugan laban sa papet, pasista, at pahirap sa masang si Noynoy Aquino! Sumama sa Lakbayan ng Mamamayan at Dumalo sa People’s State of the Nation Address!
July 21- 10 am assembly Dita Rotonda, 12 nn San Pedro City: State of the Region Address
July 22- Lakbayan ng Mamamayan
July 23- Pambansang Protesta sa Commonwealth

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s