Pagpupugay sa buhay at pakikibaka ni Kasamang Arman Albarillo

Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) sa buhay at pakikibaka ni Kasamang Armando Albarillo, dating pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (BAYAN-ST), lider-masa, lingkod ng sambayanan.  Hangga’t patuloy na ipinagkakait sa sambayanan ang hustisya at ginhawa, marami pang “Arman” ang hindi magdadalawang-isip na tahakin ang pinakamataas na porma ng pakikibaka.

Simula pagkabata, danas ni Ka Arman ang kahirapan.  Ipinanganak siya sa Oriental Mindoro at pangalawa sa walong anak nina Expidito at Manuela Albarillo, mula sa angkan ng mga magsasaka.  Pangalawa siya sa walong magkakapatid.  Ni minsan, hindi naranasan ng magkakapatid ang maalwang buhay sa ilalim ng malapyudal at malakolonyal na sistemang panlipunan.

Naging mananahi ng bag at sapatos si Ka Arman.  Ibinuhos niya ang kanyang galing sa pagbibigay-serbisyo sa ibang tao.  Habang nananatiling hikahos ang buong pamilya, naging aktibo ang kanyang mga magulang sa pagtuligsa sa mapagsamantalang sistema at nagsilbing mga coordinator ng Bayan Muna sa kanilang lokalidad.  Ngunit sa ilalim ng matinding militarisasyon sa isla ng Mindoro noong panahong iyon, pinagbintangang mga kasapi ng NPA ang kanyang ina, at ama na noo’y konsehal ng kanilang barangay.

Sa utos ni noo’y Col. Jovito Palparan, walang awang tinortyur at pinaslang noong Abril 8, 2002 ang kanyang mga magulang kung saan naging saksi ang kanyang paslit na bunsong kapatid.

Hindi pa nasiyahan dito ang mga militar.  Pinagbantaan nila ang magkakapatid kung kaya’t nagpasya ang mga ito, kasama ang asawa’t mga anak ni Arman, na lisanin ang isla ng Mindoro.  Kabilang sila sa internal refugees na napalayas mula sa Mindoro dahil sa matinding militarisasyon sa ilalim ng Oplan Bantay Laya noong panahong iyon.

Bitbit ang prinsipyong ikinamatay ng mga magulang, hinanap ni Ka Arman ang hustisya sa pamamagitan ng paglahok sa mga pagkilos laban sa pampulitikang panunupil at pandarahas.  Pinag-aralan niya ang lipunan kasabay ng pakikipamuhay sa batayang masa.  Hindi nagtagal, naitalagang pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (BAYAN-ST) si Ka Arman.

Naging aktibo siya sa pagtuligsa sa iba’t ibang mukha ng kabulukan ng gobyernong Arroyo.  Inalam niya ang kalagayan ng mga manggagawa, magsasaka, maralita, kabataan, kababaihan, at iba pang sektor.  Kasabay ng paghahanap niya sa napakailap na hustisya para sa sariling magulang at pamilyang biktima ng pandarahas ng estado, pinamunuan niya ang malalaking pagkilos ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan.  Walang pag-aalangan niyang ibinuhos ang kanyang panahon sa pagkilos kasama ang mamamayan ng Timog Katagalugan.

Isa siya sa mga nagsampa ng reklamo at kaso laban kay GMA noong 2006 at 2007, at nakilahok sa iba’t ibang aktibidad na nananawagan para sa karapatan ng sambayanang api.  Nakilala siya bilang isang mahusay na lider masa sa buong bansa, gayundin sa internasyunal na antas.

Sa pamamagitan ng kanyang natatanging ‘karisma’, husay sa pananalita, pagpapaliwanag, pakikipamuhay, at pagtindig para sa karapatan kasama ang mga maralita, naging huwaran ng isang magiting ngunit mapagkumbabang lider masa si Ka Arman.  Minahal siya ng mga maralita at mamamayang kanyang pinagsilbihan.

Ngunit dahil na rin sa kanyang hindi matatawarang kakayahan sa pag-oorganisa, naranasan ni Ka Arman ang iba’t ibang porma ng pandarahas, pananakot at panunupil.  Inilagay siya sa Order of Battle ng militar, tinakot, binantaan ang buhay, at kinasuhan ng gawa-gawang kasong kriminal.  Kabilang siya sa 72 lider aktibista ng Timog Katagalugan na sinampahan ng “multiple murder” at “multiple frustrated murder” sa Calapan, Oriental Mindoro.

Sa kasong iyon, pinagbintangan silang gumawa ng isang ambus sa mga kapulisan noong 2006 sa parehong isla kung saan nanggaling si Ka Arman.  Tatlong beses na isinampa ang parehong mga kaso sa parehong mga tao, at tatlong beses din itong naibasura dahil sa kawalan ng ebidensya.

Dahil dito, naging malinaw na kay Ka Arman ang sagot ng rehimeng Arroyo sa kanyang paghahanap ng hustisya para sa kanyang mga magulang.  Sadyang walang katarungan para sa mga maralita sa ilalim ng administrasyong nagsisilbi sa mga naghaharing uri.

Simula noon, hindi na muling nakita si Ka Arman sa mga lansangan.  Hindi na siya nakasama ng mga maralita sa mga komunidad.  Hindi na narinig ang kanyang tinig sa mga pagkilos, at lalong hindi na siya nakita sa unahan ng mga martsa ng bayan.  Nagpasya siyang tahakin ang mas mataas na antas ng pakikibaka sa kanayunan, kung saan ang hustisya ay unti-unting nakakamit sa pamamagitan ng pagtatayo ng rebolusyonaryong gobyerno ng mamamayan.

Hunyo 30, 2012 nang maibalita ang isang engkwentro sa pagitan ng mga militar at New People’s Army sa San Narciso, Quezon.  Sa 11 kasapi ng NPA na nasawi sa nasabing engkwentro, tanging si Ka Arman ang kinilala at pinangalanan bilang “Ka Jun” ng militar.  Anila, si “Ka Jun” ay isang kumander ng NPA, at isa sa mga pinakamataas na lider ng mga komunista sa lugar.  Sa pagkakakilala ng mga maralita sa kanya, hindi na nakapagtataka kung bakit at paano naabot ni Ka Arman ang nasabing posisyon.

Isa lamang si Ka Arman sa libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa.  Isa lamang siya sa milyun-milyung mamamayang pinagkakaitan ng regular na empleyo, sapat na sahod at benepisyo, batayang serbisyo, at karapatan para sa isang lipunang makatarungan.

Hanggang ngayon, nananatiling gutom ang mahigit kalahati ng populasyon ng bansa dahil sa mga patakarang naaayon sa utos ng imperyalistang US tulad ng PPP, CCT, kontraktalisasyon, two-tier wage system, deregularisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon, at iba pa.  Dinaig pa ng kasalukuyang Oplan Bayanihan ang dating Oplan Bantay Laya sa pamamagitan ng walang pakundangang pagbuhos ng mga pwersa militar sa kanayunan, lalo na sa probinsya ng Quezon, sa mga pagawaan at mga komunidad—dahilan kung bakit lalo pang dumarami ang bilang ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Gayunpaman, kasabay ng papalalang kalagayan ng uring manggagawa at sambayanan sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, hindi mapipigilan ang pagsibol ng mga panibagong lider at rebolusyonaryong magpapatuloy sa pakikibakang naiwan ni Kasamang Arman.  Ang buhay at kamatayan ni Ka Arman ay patunay na walang ibang nagtutulak sa mamamayan upang lumaban kundi ang mapang-aping sistema.

Hustisya para kay Ka Arman at lahat ng biktima ng pampulitikang panunupil!

Pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, sagot sa daantaong kahirapan ng sambayanang pilipino!

Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s