Inter-Agency Memorandum of Commitment ng DoLE, AFP, PNP, at dilawan: Ligalisasyon ng dumog na atake laban sa manggagawa

Mariing kinokondena ng panrehiyong sentrong unyon, sa pangunguna ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), ang nagpapatuloy na dumog na atake at panunupil ng iba’t ibang ahensya ng gubyerno, kapitalista, at mga dilawang unyon sa karapatan ng manggagawa sa anyo ng isang Inter-Agency Memorandum of Commitment.

Kamakailan lamang nabunyag sa mga manggagawa na pinirmahan pa noong 2011 ang mapagpanggap na Memorandum of Commitment sa pagitan ng Department of Labor and Employment, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at mga dilawang unyon tulad ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Federation of Free Workers (FFW), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL), at iba pa.

Habang sinasabi ng DoLE na bahagi ang kasunduan ng ‘compliance’ nito sa “ILO recommendations” matapos ang high level mission na idinaos ng huli sa bansa noong Setyembre 2009, napapalamutian ang kasunduan ng pagtataguyod diumano ng karapatan ng mga manggagawa ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas, International Labor Standards tulad ng Conventions 87 at 98, at International Humanitarian Law.

Oplan Bayanihan

Samantala, tahasan namang sinasabi sa Memorandum of Commitment sa AFP na bahagi ito ng Oplan Bayanihan, “Whereas, the AFP has implemented on January 1, 2011 the Internal Peace and Security Plan ‘BAYANIHAN’ that prescribes two (2) Strategic Approaches: the Whole Nation Approach that entails the participation of all stakeholders in peace and development efforts, and the People-Centered Approach that gives primacy to the respect for and protection of human rights, adherence to the International Humanitarian Law, and abidance to the Rule of Law.”

Sa ganito, ultimong layunin nitong gawing ligal ang panghihimasok at pandarahas ng PNP at AFP, kabilang na ang CAFGU at barangay tanod, sa mga karapatan ng manggagawa, lampas at taliwas sa umiiral na Kodigo ng Paggawa at Saligang Batas ng Pilipinas.

Industrial peace sa pamamagitan ng militarisasyon

Habang ipinagyayabang ng mga nakapirma ang nasabing inter-agency Memorandum of Commitment bilang isang hakbang tungo sa mas ‘matiwasay’ na relasyon o industrial peace, inilalagay naman nito sa mas malaking kapahamakan ang manggagawa sa pamamagitan ng pagliligalisa ng matagal nang nagaganap na militarisasyon sa mga engklabong industriyal, pagawaan, at komunidad ng manggagawa at maralita.

Pinabibilis at pinatitigas din nito ang sabwatang kapitalista at gubyerno upang lehitimong kitlin sa usbong pa lamang ang pag-oorganisa ng manggagawa sa kanilang unyon, gayundin ang paggamit ng dahas upang buwagin ang mga piketlayn, pagkilos at iba pang aktibidad ng mga manggagawa sa pagtataguyod ng kanilang batayang karapatan.

Sa mga nakalipas na taon, malupit na karanasan na sa kamay ng pulisya at militar ang sinapit ng mga pakikibaka ng manggagawa ng Nestlé, Nissan, Toyota, Takata, EMI-Yazaki, at iba pa. Gayundin ang sinapit na militarisasyon ng mga komunidad ng manggagawa at maralita sa Santa Rosa, Cabuyao, at Calamba sa Laguna, Dasmariñas sa Cavite, at iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Kung dati’y tanging ang Malakanyang ang may kapangyarihang mag-utos sa AFP, sa bagong kasunduan, binibigyan ng kapangyarihan ang DoLE sa pagsupil sa mga manggagawa gamit ang militar. Sa pamamagitan ng request mula sa kapitalista na palagi namang ginagawa ayon sa kanyang sariling pagtatasa sa kalagayan at seguridad, maaari na niyang hingin ang presensya ng AFP, katulong ng PNP, sa mismong lugar kung saan inilulunsad ang pagkilos ng mga manggagawa.

Sa bisa ng parehong kasunduan, pinahihintulutan na ang pagtatayo ng mga kampo ng militar sa loob at paligid ng mga engklabo o pagawaan batay sa ilang mga “kundisyon”.  Matagal nang naitala ang mga reklamo ng manggagawa hinggil sa iligal na pagtatayo ng mga detachments ng militar sa loob ng mga engklabo at komunidad sa rehiyon. Malawakang sinuportahan ng sambayanan at internasyunal na komunidad ang mga hinaing na ito ng manggagawa.

Gayunpaman, imbes na tumalima sa mga batas na nagpapatibay sa karapatan ng manggagawa para sa pag-uunyon, pagwewelga, pakikipagtawaran sa CBA, paglahok sa mga usaping pulitikal at pang-ekonomiya, nagbibigay daan naman ang pro-kapitalistang kasunduan upang tabingan ng ligalidad at makalusot ang mga paglabag at pandarahas laban sa hanay ng mga manggagawa.

Pagtatanggol at paglaban ng manggagawa

Walang idudulot na kabutihan ang inter-agency MOC sa mga manggagawa.  Kitang-kita, at nakalagay mismo sa kasulatan, na naaayon ang kasunduan sa Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino—na walang pinagkaiba sa Oplan Bantay Laya at iba pang kontra-insurhensyang programa ng mga nakaraang rehimen.

Sa kasunduang ito, hindi malayong danasin din ng mga manggagawa ang kasalukuyang dinaranas na militarisasyon ng mga magsasaka at mamamayan sa Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon.

Hindi magiging sagot ang karahasan upang bigyang wakas ang mga hinaing at pakikibaka ng uring manggagawa para sa makatwirang sahod, seguridad sa hanapbuhay at karapatan.  Walang ibang natitirang dapat gawin ang uring manggagawa at sambayanang dumog na inaatake ng sabwatan ng kapitalista-DoLE-AFP-PNP-LGU-korte kundi sama-samang ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang mga lehitimo at batayang karapatan.

Inter-Agency Memorandum of Commitment, IBASURA!

Oplan Bayanihan, TUTULAN! LABANAN!

Sahod, trabaho, at karapatan, IPAGLABAN!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s