Pagpupugay sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan! Pagpupugay sa kababaihang nakikibaka!

Mahigpit na nakikiisa ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) sa ika-101 taong paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.  Habang tumitindi ang krisis at pagsasamantala na nararanasan ng manggagawang kababaihan sa kasalukuyang panahon, higit nitong kinakailangang pangunahan ang pakikibaka para sa isang tunay na panlipunang pagbabago.

Tuwing Marso 8, ipinagdiriwang sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang Araw ng Kababaihan bilang pagkilala sa kanyang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng lipunan.  Nagmula ang pagdiriwang na ito sa idinaos na Pambansang Araw ng Manggagawang Kababaihan noong 1909 upang kilalanin ang mga tagumpay ng isang welga ng mga manggagawang kababaihan sa isang garments factory sa New York noong 1908.  Dahil sa kalunos-lunos na kalagayan sa loob ng pagawaan, nagdeklara ng strike ang mga kababaihang iyon at matagumpay na naipakita ang kanilang nagkakaisang lakas.

Makalipas ang dalawang taon, idineklara ang naturang petsa bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, kung saan ipinapanawagan ang karapatan ng kababaihan sa pagtatrabaho, sa pagsasanay ng bokasyon, sa pagwaksi sa diskriminasyon batay sa kasarian, at sa kanilang karapatang bumoto at  maihalal sa gubyerno.  Mahigit isang milyong kababaihan at kalalakihan ang nakiisa sa malawakang pagkilos na inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng daigdig bilang unang pormal na pagkilala sa pakikibaka ng kababaihan para sa kanyang mga karapatan.

Sa kasalukuyang lipunang Pilipino, ipinagdiriwang sa araw na ito ang mga kunwa’y pantay na katayuang nakamit ng kababaihan sa paglipas ng panahon.  Gayunpaman, nananatili ang pagsasamantala ng sistemang malakolonyal at malapyudal, at pyudal-patriyarkal na kulturang dominado ng kalalakihan ang namamayani sa ating bansa.  Itinutulak ng kalagayang ito ang lalo pang pagkaapi ng manggagawang kababaihan sa loob at labas ng mga pagawaan—dahilan kung bakit ang Araw ng Kababaihan ay hindi isang pagdiriwang kundi isang paalala na ang pakikibaka ng kababaihan para sa pantay na katayuan sa lipunan ay hindi natatapos hangga’t nananatiling naghihirap ang sambayanan.

Sa rehiyong Timog Katagalugan, nakapako sa P337 kada araw ang pinakamataas na minimum na sahod sa mga pagawaan, habang P312  kada araw naman sa mga manggagawang bukid o sa mga agrikultural na trabaho.  Napakaliit nito kumpara sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo (7 beses na nagtaas mula Enero 2012) at pagsirit ng presyo ng LPG patungong halos P900 kada tangke. Sinusundan ito ng pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng de-lata na mahigit P20 bawat isa, bigas na P25 hanggang P27 kada kilo, noodles, at iba pang mga batayang pangangailangan.

Hindi na makaugaga ang mga ilaw ng tahanan kung papaano pagkakasyahin ang kakarampot na sahod sa napakaraming gastusin sa kanilang mga tahanan.  Wala nang mailabas sa bulsa tuwing bayaran ng matrikula ng mga anak, o di kaya’y kailangang magpagamot kung may magkasakit.

Habang pinipiga ang lakas at talino ng mga manggagawa sa loob ng pagawaan para sa tubong inaangkin ng mga kapitalista, papalaki naman ang bilang ng unemployed at underemployed.  Sa buong bansa, umaabot sa 4.5 milyong katao ang walang trabaho, kalahati rito ay mga kababaihan.  7.1 milyon naman ang tinuturing na underemployed.

Malaking bilang ng mga manggagawa ang biktima ng labor flexibilization schemes, tulad ng kontraktwalisasyon.  Walang kaseguruhan sa trabaho at higit na mas mababa ang kinikita ng mga kababaihang manggagawa sa kalagayang ito.  Sa NXP, Aichi Forging, Hoya Glassdisk, URC, Takata, at iba pang pagawaang may malaking konsentrasyon ng kababaihang manggagawa, doble ang bilang ng mga kontraktwal kumpara sa mga regular.  Itinatago naman sa ngalan ng OJT, special project employees, relievers, at iba pang inimbentong katawagan ng DoLE at kapitalista ang parehas na iskema ng pang-aabuso sa mga manggagawa sa iba pang pagawaan.

Sa pinakahuling pag-aaral, mahigit 60% ng kabuuang hukbong paggawa sa rehiyong Timog Katagalugan ang nasasailalim sa iba’t ibang iskema ng pleksibilisasyon o kontraktwalisasyon.

Kadusta-dusta man, sinusuong pa rin ng mga kababaihan ang mga pagawaan na pilit pa silang pinagtatrabaho ng higit sa itinakda ng batas walong (8) oras na paggawa.  Talamak itong ipinapatupad sa mga pagawaan ng garments and textile tulad ng Hanjin, Sy-on, Hamlin, Carina, at iba pa.  Pinagtatrabaho ang mga manggagawang kababaihan hanggang madaling araw at lumalabas ng dis-oras ng gabi na naghahantad sa kanilang maging biktima ng panggagahasa.

Sa loob naman ng mga mala-garison na economic zones, mas madulas ang panunupil at pagkukulong sa mga manggagawa ng naghaharing uri.  Nagsasanib-pwersa ang mga kapitalista, DoLE, security forces, goons at reaksyunaryong pwersa upang siilin ang mga batayang karapatan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “no union, no strike policy”.

Habang walang ikabubuhay sa bansa, itinutulak ang maraming manggagawang Pilipino na maghanap ng trabaho sa ibayong dagat. Karamihang lumalabas ng bansa ang mga kababaihan at silang may pinaka-bulnerableng kalagayan bilang mga OFWs. Sa kawalan ng proteksyon sa kanila ng pamahalaan, nakababahalang maraming dokumentado at di-dokumentadong kaso ng mga biktima ng pang-aabuso ng mga employer, diskriminasyon, at ang iba’y sinasamantala ng mga recruiter.

Patuloy ang mga ganitong pagsasamantala sa kababaihan dahil sa pahintulot ng rehimeng US-Aquino.  Sa pagpapairal ng rehimen ng imperyalistang globalisasyon, napahihintulutan ang ganitong kalagayan upang paglagakan ng sobrang produkto, pagkunan ng murang hilaw na materyales, pagpigaan ng murang lakas-paggawa, at sa huli ay magkamal ng superganansya ang mga kapitalista sa Pilipinas.

Upang wakasan ang matagal nang paghihirap ng mga manggagawang Pilipino, kailangang magtayo ng mga tunay, militante, at anti-imperyalistang unyon na lalahukan ng malaking bilang ng mga kababaihang manggagawa.  Gayundin, kailangang itaas ang antas ng pakikibaka ng mga ito mula sa mga usaping ekonomiko gaya ng pagpapataas ng sahod at karagdagang benepisyo, tungo sa paggigiit sa isang lipunang nagbibigay ng pantay na oportunidad sa kalalakihan at kababaihan.

Mananatiling api ang kababaihan hangga’t hindi naitatayo ang lipunang nakabatay ang produksyon sa pangangailangan ng sambayanan at hindi sa pagkagahaman sa tubo at ganansya.  Hangga’t hindi napapaunlad ang sektor ng agrikultura bilang pangunahing pagkukunan ng hilaw na materyales at pagkain ng mamamayan, patuloy pa ring maitutulak ang maraming kababaihan sa pagsasamantala sa loob ng mga pagawaan.

Tanging sa pagpapalaya sa buong sambayanan makakalaya ang kababaihan mula sa higit pa sa tatlong ulit na pagkakagapos sa pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.  Ang laban ng kababaihan, kung gayon, ay laban ng buong sambayanan.

Kababaihang manggagawa, MAGKAISA at MAKIBAKA!

Sahod, trabaho, at karapatan, IPAGLABAN!

ISULONG ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya!

MAKIBAKA para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon!

 

3 thoughts on “Pagpupugay sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan! Pagpupugay sa kababaihang nakikibaka!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s