Pagpupugay sa nagpapatuloy na pakikibaka ng mga manggagawa ng Toyota Motors Philippines

ImageTaas-kamaong nagpupugay ang panrehiyong sentrong unyong Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) sa okasyon ng ika-11 taong nagpapatuloy na pakikibaka ng mga manggagawa ng Toyota Motors Philippines.

Matatandaan noong Marso 16, 2001, iligal na tinanggal ng kapitalistang Toyota ang 233 manggagawa nito matapos itayo ang kanilang unyon na magtataguyod sa kolektibong kagalingan at karapatan ng mga manggagawa. Kasama sa mga tinanggal ang mga upisyales at kasapian ng unyon.

Sa mga taong nagdaan matapos nito, dinanas ng mga manggagawa ng Toyota ang dumog na salakay ng kapitalista-PEZA-DoLE-DTI-korte-PNP-AFP-dilawan, ang karaniwang komposisyon ng makinarya ng panunupil sa manggagawang Pilipino ngayong ika-21 siglo.

Kahit pa inaangkin ng Toyota ang titulong “10-year consecutive triple crown” at market share bilang No. 1 Carmaker (mula 2008), nasa likod ng tagumpay na ito ang mga manggagawang higit na sinupil upang maghatid ng supertubo sa ganansya ng kapitalistang Toyota. Kung kaya, hindi maitatanggi ng Toyota sa buong mundo ang kanyang pagiging No. 1 Union Buster.

Pinatunayan sa rekomendasyon ng inilunsad na International Labor Organization (ILO) High Level Mission to the Philippines noong Setyembre 22, 2009 ang paglabag ng Toyota sa batayang karapatan ng manggagawa nito. Subalit hindi magkapangil ang rekomendasyong ito at hindi maigawad sa mga manggagawa ng Toyota ang katarungang panlipunan habang nangangayupapa sa kapritso ng mga kapitalista ang gubyerno mula pa sa administrasyon ni Arroyo hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Aquino.

Sa katunayan, nagpatuloy ang atake ng Toyota sa pagtatanggal pa nito ng apat (4) na lider ng unyon noong Agosto 2, 2010.

Habang patuloy na naghahabol sa tubo at papalaking tubo ang Toyota, magpapatuloy ang panunupil nito sa mga manggagawa at kakayanin nitong patuloy na balewalain ang hinaing ng 237 manggagawang iligal na tinanggal. Ipagpapatuloy nitong sagasaan ang mga hangganan ng batas at lapastanganin ang katarungan habang inutil na nakatanghod lamang ang gubyernong dapat sanang nagtataguyod sa interes ng manggagawa at mamamayan.

Magpapatuloy ang pang-aalipin ng kapitalistang Toyota hangga’t hindi nagkakaisa at naninindigan ang lahat ng manggagawa laban sa pang-aalipin nito. Nasa kamulatan at pagkilos ng mga manggagawang patuloy pang pinagsasamantalahan sa loob ng kumpanyang Toyota ang paglulubos ng laban ng mga manggagawang nauna nang tinanggal.

Kung kaya, hinahamon para sa ibayong pag-oorganisa at mapagpasyang pagkilos ang lahat ng manggagawa ng Toyota, at isanib ang pinakamataas na pagkakaisang ito sa lakas at pagkilos ng buong uri at ng sambayanan.###

Advertisements

Workers laud recent court dismissal of ST 72 case, call to end political persecution

Workers, led by Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), rejoice over yet another dismissal of fabricated cases filed against 72 leaders and activists from Southern Tagalog, including nine (9) regional trade union leaders and activists.

For the third time, the “multiple murder” and “multiple frustrated murders” cases against the 72 were dismissed for lack of prima facie evidence, this time by deputy regional prosecutor Elnora Largo-Nombrado thru a joint resolution issued on February 13, 2012 in San Pablo, Laguna.

“The complainants are incapable of proving their allegations against the 72 leader activists valid and justifiable because not once did these leaders been involved in any crime.  True to their commitment in serving the masses, they are respected leaders and organizers in factories, communities, plantations, and schools,” according to Wenecito Urgel, secretary-general of PAMANTIK-KMU.

Trumped-up charges against the Southern Tagalog 72 were first filed in 2008 at the Calapan Regional Trial Court.  The case implicated the leaders and activists to an alleged ambush by the New People’s Army in Mindoro Oriental on March 3, 2006 based on the sworn statement of a certain Wilson A. Gani of the Philippine National Police (PNP-MIMAROPA).

This followed the arrest and detention of 8 from the 72, including two (2) trade union leaders.

When Judge Tomas Leynes of the Calapan RTC ordered the release of the eight (8) leaders in February 2009, another case filed at the Rizal Provincial Prosecutor’s Office accused the 70 (out of the 72 leaders) of being direct suspects and accomplices to the alleged murder of a certain Ricky Garmino, a member of the paramilitary Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).

Both previous cases were quashed and dismissed for absence of due filing process and insufficient evidences.

Urgel added, “The systematic filing of fabricated criminal charges against leaders and activists of progressive organizations is part of the counter-insurgency program Oplan Bayanihan of the Aquino regime, which was Oplan Bantay Laya during Arroyo’s term.  It is but a desperate attempt to forcefully silence and discredit activists through criminalization. This is not new to workers.”

“Workers who call for an increase in wages and struggle against contractualization are arbitrarily suspended from work, widely dismissed from their workplaces, and up to the end experience direct assaults of repression, including criminalization of labor disputes, from capitalists and the state,” he added.

In the next two months, Urgel announced, workers are set to launch a series of protest actions to call for an end to the continuing political persecution against union leaders and activists, as well as to campaign for legitimate workers issues and demands. The series of protests culminates at the annual May Day commemoration.

“We shall continue to advance and struggle for our legitimate right to employment, wages, right to union, to collectively bargain, and to strike against the worsening Greater Depression and its component of state terrorism, concluded Urgel.###

(FILIPINO TRANSLATION)

Mga manggagawa nagbunyi sa muling pagbabasura sa kaso ng ST 72, ipinanawagan ang pagtigil sa pampulitikang persekusyon

Ipinagbunyi ng mga manggagawa sa pangunguna ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang muling pagkakabasura ng gawa-gawang kasong isinampa laban sa 72 lider aktibista sa Timog Katagalugan, kabilang ang siyam (9) na lider-manggagawa.

Sa ikatlong pagkakataon, ibinasura naman ni deputy regional prosecutor Elnora Largo-Nombrado ng San Pablo, Laguna sa pamamagitan ng isang joint resolution na inisyu noong Pebrero 13, 2012 ang mga kasong “multiple murder” at “multiple frustrated murder” sa kawalan ng sapat na ebidensyang maipakita ng nagsampa laban sa 72.

“Sadyang hindi nila kayang patunayan ang kanilang ibinibintang sa 72 lider aktibista ng rehiyon sapagkat hindi ni minsan nasangkot ang mga ito sa anumang krimen.  Kilalang lider at organisador sila sa mga pagawaan, komunidad, sakahan at eskwelahan na tapat sa kanilang layuning maglingkod sa mamamayan,” ani Wenecito Urgel, pangkalahatang-kalihim ng PAMANTIK-KMU.

Una nang lumabas ang anim na patung-patong na kasong isinampa laban sa 72 lider noong 2008 sa Calapan Regional Trial Court. Isinasangkot nito ang mga lider at aktibista sa isang ambus diumano ng New People’s Army na isinagawa noong Marso 3, 2006 sa Mindoro Oriental, batay sa salaysay ng isang Wilson A. Gani ng Philippine National Police (PNP-MIMAROPA).

Sunod na inaresto at ikinulong ang walo (8) sa 72, kabilang ang dalawang manggagawa.

Nang palayain ang walo (8) noong Pebrero 2009 sa utos ni Judge Tomas Leynes ng Calapan RTC, lumbas ang panibagong kasong isinampa sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office na nagdadawit naman sa 70 pang lider at aktibista sa pagpaslang diumano sa isang Ricky Garmino na kasapi ng paramilitary Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).

Parehas na napawalambisa ang mga naunang kaso dahil sa hindi pagsunod sa tamang proseso ng pagsasampa at kawalan ng sapat na ebidensya.

Dagdag pa ni Urgel, “Bahagi ng kontra-insurhensyang programang Oplan Bayanihan ng gubyernong Aquino, na dati’y Oplan Bantay Laya sa panahon ng rehimeng Arroyo, ang pagsasampa ng gawa-gawang kasong kriminal sa hanay ng mga progresibo. Isang desperadong hakbang ang programang ito upang tanggalan ng kredibilidad at patahimikin ang mga aktibista sa pamamagitan ng pagkikriminalisa sa kanila. Hindi na ito bago sa hanay ng mga manggagawa.”

“Ang mga manggagawang nananawagan para sa dagdag na sahod at nakikibaka laban sa kontraktwalisasyon ay arbitraryong sinususpinde, malawakang tinatanggal sa mga pagawaan, at hanggang sa huli ay nakakaranas ng direktang panunupil, kabilang na ang kriminalisasyon ng mga lehitimong kasong manggagawa, mula sa mga kapitalista at estado,” dagdag ni Urgel.

Ayon din kay Urgel, Nakatakdang maglunsad ng serye ng mga pagkilos sa susunod na dalawang buwan ang mga manggagawa upang tuligsain ang nagpapatuloy na persekusyon sa hanay ng mga lider-manggagawa at aktibista, gayundin upang ikampanya ang mga lehitimong isyu ng manggagawa. Lulundo ang serye ng mga pagkilos na ito sa taunang pagkilos ng manggagawa at mamamayan sa Mayo Uno.

“Magpapatuloy kaming kumilos upang igiit ang aming mga lehitimong karapatan sa trabaho, sahod, karapatang mag-unyon, makipagtawaran, at magwelga laban sa tumitinding krisis dulot ng papatinding Depresyon at kaakibat nitong terorismo ng estado,” pagtatapos ni Urgel.###

Pagpupugay sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan! Pagpupugay sa kababaihang nakikibaka!

Mahigpit na nakikiisa ang Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) sa ika-101 taong paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.  Habang tumitindi ang krisis at pagsasamantala na nararanasan ng manggagawang kababaihan sa kasalukuyang panahon, higit nitong kinakailangang pangunahan ang pakikibaka para sa isang tunay na panlipunang pagbabago.

Tuwing Marso 8, ipinagdiriwang sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang Araw ng Kababaihan bilang pagkilala sa kanyang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng lipunan.  Nagmula ang pagdiriwang na ito sa idinaos na Pambansang Araw ng Manggagawang Kababaihan noong 1909 upang kilalanin ang mga tagumpay ng isang welga ng mga manggagawang kababaihan sa isang garments factory sa New York noong 1908.  Dahil sa kalunos-lunos na kalagayan sa loob ng pagawaan, nagdeklara ng strike ang mga kababaihang iyon at matagumpay na naipakita ang kanilang nagkakaisang lakas.

Makalipas ang dalawang taon, idineklara ang naturang petsa bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, kung saan ipinapanawagan ang karapatan ng kababaihan sa pagtatrabaho, sa pagsasanay ng bokasyon, sa pagwaksi sa diskriminasyon batay sa kasarian, at sa kanilang karapatang bumoto at  maihalal sa gubyerno.  Mahigit isang milyong kababaihan at kalalakihan ang nakiisa sa malawakang pagkilos na inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng daigdig bilang unang pormal na pagkilala sa pakikibaka ng kababaihan para sa kanyang mga karapatan.

Sa kasalukuyang lipunang Pilipino, ipinagdiriwang sa araw na ito ang mga kunwa’y pantay na katayuang nakamit ng kababaihan sa paglipas ng panahon.  Gayunpaman, nananatili ang pagsasamantala ng sistemang malakolonyal at malapyudal, at pyudal-patriyarkal na kulturang dominado ng kalalakihan ang namamayani sa ating bansa.  Itinutulak ng kalagayang ito ang lalo pang pagkaapi ng manggagawang kababaihan sa loob at labas ng mga pagawaan—dahilan kung bakit ang Araw ng Kababaihan ay hindi isang pagdiriwang kundi isang paalala na ang pakikibaka ng kababaihan para sa pantay na katayuan sa lipunan ay hindi natatapos hangga’t nananatiling naghihirap ang sambayanan.

Sa rehiyong Timog Katagalugan, nakapako sa P337 kada araw ang pinakamataas na minimum na sahod sa mga pagawaan, habang P312  kada araw naman sa mga manggagawang bukid o sa mga agrikultural na trabaho.  Napakaliit nito kumpara sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo (7 beses na nagtaas mula Enero 2012) at pagsirit ng presyo ng LPG patungong halos P900 kada tangke. Sinusundan ito ng pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng de-lata na mahigit P20 bawat isa, bigas na P25 hanggang P27 kada kilo, noodles, at iba pang mga batayang pangangailangan.

Hindi na makaugaga ang mga ilaw ng tahanan kung papaano pagkakasyahin ang kakarampot na sahod sa napakaraming gastusin sa kanilang mga tahanan.  Wala nang mailabas sa bulsa tuwing bayaran ng matrikula ng mga anak, o di kaya’y kailangang magpagamot kung may magkasakit.

Habang pinipiga ang lakas at talino ng mga manggagawa sa loob ng pagawaan para sa tubong inaangkin ng mga kapitalista, papalaki naman ang bilang ng unemployed at underemployed.  Sa buong bansa, umaabot sa 4.5 milyong katao ang walang trabaho, kalahati rito ay mga kababaihan.  7.1 milyon naman ang tinuturing na underemployed.

Malaking bilang ng mga manggagawa ang biktima ng labor flexibilization schemes, tulad ng kontraktwalisasyon.  Walang kaseguruhan sa trabaho at higit na mas mababa ang kinikita ng mga kababaihang manggagawa sa kalagayang ito.  Sa NXP, Aichi Forging, Hoya Glassdisk, URC, Takata, at iba pang pagawaang may malaking konsentrasyon ng kababaihang manggagawa, doble ang bilang ng mga kontraktwal kumpara sa mga regular.  Itinatago naman sa ngalan ng OJT, special project employees, relievers, at iba pang inimbentong katawagan ng DoLE at kapitalista ang parehas na iskema ng pang-aabuso sa mga manggagawa sa iba pang pagawaan.

Sa pinakahuling pag-aaral, mahigit 60% ng kabuuang hukbong paggawa sa rehiyong Timog Katagalugan ang nasasailalim sa iba’t ibang iskema ng pleksibilisasyon o kontraktwalisasyon.

Kadusta-dusta man, sinusuong pa rin ng mga kababaihan ang mga pagawaan na pilit pa silang pinagtatrabaho ng higit sa itinakda ng batas walong (8) oras na paggawa.  Talamak itong ipinapatupad sa mga pagawaan ng garments and textile tulad ng Hanjin, Sy-on, Hamlin, Carina, at iba pa.  Pinagtatrabaho ang mga manggagawang kababaihan hanggang madaling araw at lumalabas ng dis-oras ng gabi na naghahantad sa kanilang maging biktima ng panggagahasa.

Sa loob naman ng mga mala-garison na economic zones, mas madulas ang panunupil at pagkukulong sa mga manggagawa ng naghaharing uri.  Nagsasanib-pwersa ang mga kapitalista, DoLE, security forces, goons at reaksyunaryong pwersa upang siilin ang mga batayang karapatan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “no union, no strike policy”.

Habang walang ikabubuhay sa bansa, itinutulak ang maraming manggagawang Pilipino na maghanap ng trabaho sa ibayong dagat. Karamihang lumalabas ng bansa ang mga kababaihan at silang may pinaka-bulnerableng kalagayan bilang mga OFWs. Sa kawalan ng proteksyon sa kanila ng pamahalaan, nakababahalang maraming dokumentado at di-dokumentadong kaso ng mga biktima ng pang-aabuso ng mga employer, diskriminasyon, at ang iba’y sinasamantala ng mga recruiter.

Patuloy ang mga ganitong pagsasamantala sa kababaihan dahil sa pahintulot ng rehimeng US-Aquino.  Sa pagpapairal ng rehimen ng imperyalistang globalisasyon, napahihintulutan ang ganitong kalagayan upang paglagakan ng sobrang produkto, pagkunan ng murang hilaw na materyales, pagpigaan ng murang lakas-paggawa, at sa huli ay magkamal ng superganansya ang mga kapitalista sa Pilipinas.

Upang wakasan ang matagal nang paghihirap ng mga manggagawang Pilipino, kailangang magtayo ng mga tunay, militante, at anti-imperyalistang unyon na lalahukan ng malaking bilang ng mga kababaihang manggagawa.  Gayundin, kailangang itaas ang antas ng pakikibaka ng mga ito mula sa mga usaping ekonomiko gaya ng pagpapataas ng sahod at karagdagang benepisyo, tungo sa paggigiit sa isang lipunang nagbibigay ng pantay na oportunidad sa kalalakihan at kababaihan.

Mananatiling api ang kababaihan hangga’t hindi naitatayo ang lipunang nakabatay ang produksyon sa pangangailangan ng sambayanan at hindi sa pagkagahaman sa tubo at ganansya.  Hangga’t hindi napapaunlad ang sektor ng agrikultura bilang pangunahing pagkukunan ng hilaw na materyales at pagkain ng mamamayan, patuloy pa ring maitutulak ang maraming kababaihan sa pagsasamantala sa loob ng mga pagawaan.

Tanging sa pagpapalaya sa buong sambayanan makakalaya ang kababaihan mula sa higit pa sa tatlong ulit na pagkakagapos sa pagsasamantala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.  Ang laban ng kababaihan, kung gayon, ay laban ng buong sambayanan.

Kababaihang manggagawa, MAGKAISA at MAKIBAKA!

Sahod, trabaho, at karapatan, IPAGLABAN!

ISULONG ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya!

MAKIBAKA para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon!