100 Taon ng Nestlé sa Pilipinas: Sentenaryo ng pagsasamantala at panunupil sa manggagawa at mamamayan

Habang pinagbubuhusan ng bilyon-bilyong salapi ang mga advertisements ng Nestlé para sa kanyang pagdiriwang ng 100 taong pagnenegosyo sa Pilipinas, walang dapat ipagdiwang ang manggagawa at mamamayang Pilipino sa sentenaryo ng pagsasamantala at paghahasik ng teror ng dayuhang monopolyo kapitalistang ito.

Natuklasan at umingay sa media ang salmonella contamination ng mga Maggi noodle products noong unang linggo ng Mayo. Bukod dito, malaki pa ang utang na dugo ng Swiss company sa likod ng mga ad blitz at sponsorships.

Walang ikararangal sa isang kumpanyang Numero Unong lumapastangan at patuloy na lumalapastangan sa umiiral na mga batas sa Pilipinas. Dinesisyunan ng kataas-taasang Korte Suprema noong 1991 na lehitimong isyu ang Retirement Benefits ng mga manggagawa at dapat pag-usapan sa collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng unyon ng manggagawa at Nestlé management sa Cabuyao, Laguna. Subalit hindi ipinatupad ng Nestlé ang desisyon ng Korte Suprema.

Ang pagtatanggol sa desisyon ng Korte Suprema, karapatang mag-unyon, karapatang makipagtawaran sa CBA, at iba pang mga batas sa bansa ang dahilan ng pagwewelga ng mahigit 600 manggagawa sa Nestlé Cabuyao noong Enero 14, 2002. Muling kinatigan ng Korte Suprema ang kanyang naunang desisyon nitong 2008 subalit patuloy na hindi ito ipinapatupad ng Nestlé.

Mahigit siyam (9) na taon nang naninindigan at nakatirik ang welga ng mga manggagawa. Sa panahon ito, may 48 manggagawa ng Nestlé na ang namatay nang hindi nakamit ang katarungan sa kanilang makatwirang laban.

Kung tutuusin, napakaliit lamang ng Retirement Benefits para sa mga manggagawang magreretiro at matapat na nagserbisyo ng mahigit kalahati ng kanilang buhay sa Nestlé. Napakaliit lamang nito kung ikukumpara sa gastos ng Nestlé na P1.67 bilyon para sa 4,319 minutong advertisement sa telebisyon sa unang tatlong buwan pa lamang ng taong ito.

Bukod sa paglapastangan sa batas ng bansa, responsable ang Nestlé sa pagpaslang sa dalawang pangulo ng unyon sa Cabuyao. Gamit ang mga bayarang goons, pulis at militar, pinaslang si Meliton Roxas sa harapan ng kanilang piketlayn noong Enero 20, 1989 at si Diosdado Fortuna habang papauwi mula sa piketlayn noong Setyembre 22, 2005. Hindi pa din naigagawad ang katarungan sa pagpaslang sa mga lider na ito.

Sa ibang bansa, pinaslang din ang may 12 aktibong unyonista sa Nestlé Colombia, kabilang sina Luciano Enrique Romero Molina at Gustavo Gomez.

Para sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino, isang malaking palabas lamang at tigmak sa dugo ang pagdiriwang ng sentenaryo ng Nestlé sa Pilipinas.###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s