Archive for the ‘Oust Baldoz’ Category

Mariing kinukundena ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang iligal na pagtatanggal sa trabaho ng 24 na lider ng unyon sa NXP Semiconductors Inc. (NXPI) sa Light Industry and Science Park I (LISP I) sa Cabuyao, Laguna.

Ayon sa isang memo mula sa management na ibinigay noong ika-5 ng Mayo, tinatanggal ang 24 na opisyales ng NXP Semiconductors Inc. Workers Union (NXPSCIWU-NAFLU-KMU) dahil umano sa sadyang paglahok ng mga ito sa isang iligal na welga. Nagbuhat ito sa hindi pagpasok sa trabaho at pagtanggi na mag-overtime ng mga manggagawa sa mga nagdaang petsang Abril 9, 17, 18, at Mayo 1 – mga deklaradong non-working holidays, na siya ring kinikilala sa existing CBA ng unyon bilang mga holiday.

Kasalukuyang nakabinbin ang negosasyon sa pagitan ng management ng NXP at pamunuan ng NXPSCIWU-NAFLU-KMU hinggil sa Collective Bargaining Agreement (CBA). Mayroong 2 mayor na ekonomiko at di-ekonomikong probisyon sa usapang ito; una, sa 8% pagtaas ng sahod na hiling ng mga manggagawa ngunit pagbabarat na pangontra rito ng management ang 3.5% pagtataas, at ikalawa, ang inihahain ng unyon na pagreregularisa ng mga kontraktwal na mga manggagawa, na mariing tinututulan ng kapitalistang NXP.

Tuluy-tuloy na Harrassment sa Hanay ng mga Manggagawa

Hindi pa nagkasya ang kapitalista sa iligal na pagtatanggal sa trabaho ng 24 na opisyal ng unyon, kabi-kabilang panunupil at pananakot ang nararanasan ng mga manggagawa ng NXP mula sa management.

NXP01Sa pamamagitan ng mga bayarang security guards, hinaharangan ang pintuan ng mga service bus para hindi makababa ang mga manggagawa mula sa pabrika para makadalo sa mga inilulunsad na pagkilos sa labas ng engklabo. Madalas napipilitan ang mga manggagawa na tumalon sa mga bintana ng bus upang makababa at makalahok sa pagkilos.

Tuwing umaga, buhat nang tanggalin ang 24 na lider ng unyon, umaakyat ang mga pulis ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa mga service bus upang, gamit ang mga litrato, tiyaking hindi nakasakay rito ang 24 na opisyales ng unyon.

Sa pinagsamang lakas ng management ng NXP, LISP I, at pulisya, mayroong idine-deploy na mga emergency response personnel, pulis, at trak ng bumbero sa mga mapayapang pagkilos na isinasagawa ng mga manggagawa. Kasabay ng mga ito ang mahigpit na pagbababala ng management ng NXP sa mga manggagawa na tatanggalin ang sinumang sasama at lalahok sa mga pagkilos.

Maging ang abogado ng 24 na manggagawang iligal na tinanggal na si Atty. Remigio “Meng” Saladero, nakararanas ng pagbabanta at harrassment mula sa management ng NXP para bitiwan ang laban ng mga manggagawa.

Papatinding Hagupit ng mga Kapitalista sa TK

Mula Pebrero ng taong ito, sunud-sunod ang mga iligal na pagsasara at malawakang tanggalan sa mga pagawaan. Nariyan ang iligal at biglaang pagsasara ng Carina Apparel Inc. na may 3600 manggagawa, at Freshtex Philippines na may ilandaang manggagawa, at ang malawakang tanggalan ng libu-libong manggagawa sa Hoya Glass Disk Philippines.

NXP02Isa ang NXP sa mga pinaka-malalaking pagawaan ng electronics sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Pangunahing nililikha rito ang mga sensor, audio amplifier, microchips, at marami pang ibang bahagi ng mga mamahaling gadgets. Bukod sa milyun-milyong dolyar na netong tubo na nakukuha nito taun-taon, patuloy ang paglaki ng halaga ng sapi (stocks) nito sa merkado dahil sa papalawak na produksyon sa aktwal na paggawa at sa pamumuhunan sa financial market.

Sa loob ng mahigit 3 dekadang pagkakatatag ng unyon ng manggagawa sa NXP na dumaan sa marami nang negosasyon sa CBA, mapapansing sa negosasyon ngayong taon, tahasang gumawa ng hakbangin ang kapitalistang NXP para hindi ito maituloy at maipagtagumpay ng mga manggagawa. Sa pagnanais na mas mapalaki pa ang kita ng kapitalistang NXP, malinaw na pagdurog sa isang Sole and Exclusive Bargaining Agent (SEBA) ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtatanggal nito sa 24 na opisyales ng unyon, upang mawalan ng pangunahing tagapagtaguyod ng interes ng mga manggagawa.

Sa lahat ng mga kaganapang may kaugnayan sa pagdurog sa unyon, pangunahing nagiging katuwang ng mga kapitalista ang Department of Labor and Employment. DoLE ang takbuhan ng mga kapitalista upang pagmukhaing ligal ang mga anti-manggagawang polisiya at hakbanging ipinatutupad nila sa kani-kanilang mga kumpanya.

Dahil sa tuluy-tuloy at tumitinding represyon sa sektor ng paggawa, dumarami ang bilang ng mga manggagawang nagnanais na ipaglaban ang kanilang karapatan sa sahod, trabaho, at makataong pamumuhay. Mula sa nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan, sunud-sunod ang pagtatayo ng mga tunay, palaban, at makabayang unyon (TPMU) sa iba’t ibang kumpanya sa rehiyon katulad ng Philippine Auto Components, Coca Cola Bottlers Philippines Inc., Lamcor Phils., Technol Eight Philippines, Hoya Glass Disk Philippines, Sun Logistics, MME Technologies, at Fuji Electric. Bukod pa rito ang matatagumpay na paglulunsad ng mga CBA sa iba’t ibang kumpanyang may TPMU, at ang makasaysayang pagtatagumpay ng laban ng unyon sa Coca Cola para sa regularisasyon ng lahat ng kanilang kontraktwal na manggagawa.

Naniniwala ang PAMANTIK-KMU na tumitindi ang pangamba at takot ng mga kapitalista sa rehiyon dahil sa papalaki at paparaming bilang ng mga manggagawang namumulat at nakikipaglaban. Ito ang pinagmumulan ng kapitalistang NXP sa tahasang pagdurog nito sa unyon ng manggagawa, sa takot nitong maipagtagumpay rin ang laban para sa mas mataas pang sahod at pagreregularisa sa libu-libong bilang ng mga manggagawang kontraktwal.

Sa panahong sunud-sunod ang pagbubuo ng mga samahan at unyong pang-manggagawa sa rehiyon, anuman ang gawing hakbangin ng mga kapitalista at lokal na gobyerno para pahinain ang lakas at pagkakaisa ng mga manggagawa, magpapatuloy at ibayong patataasin ng mga manggagawa ang pakikibaka para sa kanilang karapatan. Ngayon ang panahon ng hindi magagaping pag-aaklas ng manggagawa tungo sa kabi-kabilang mga welgang bayan na lalahukan ng iba’t ibang manggagawa sa rehiyon na magpapabagsak sa isang sistemang maka-dayuhan at kapital.

Ibalik ang 24 na manggagawang tinanggal!
CBA ng NXP, ituloy, huwag baratin!
Manggagawang kontraktwal, gawing regular!

Tumulak ang mga manggagawa ng Timog Katagalugan patungong Maynila upang maglunsad ng isang kilos protesta sa mga ahensya ng gobyerno para kalampagin ang  mga ahente ng mga dayuhang kapitalista dahil sa walang habas nitong pagpapatupad ng mga anti–manggagawa at anti – mamamayang batas.

Unang tumulak ang mga manggagawa sa Department of Labor and Employment (DoLE) upang ipanawagan pa rin ang pagpapatalsik sa kalihim nitong si Rosalinda Baldoz. Anila, garapalan ang pagiging tuta ni Baldoz sa kanyang mga among dayuhan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga anti–manggagawang batas tulad ng Wage Order No. IVA-15 o Two Tiered Wage Scheme.

Ipinatupad sa timog katagalugan noong nakaraang taon ang DO 15-4A na lalong nagpapababa sa minimum na sahod na P315 tungo P255 na floor wage.

Ipinatupad din sa rehiyon, sa pangunguna ng DoLE, ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment na nagpapahintulot sa tuwirang panghihimasok ng mga militar at kapulisan tuwing mayroong aktwal o nakaambang labor dispute.

Binabayo ng hagupit ng kontraktwal na empleyo ang mahigit 65% ng mga manggagawa sa rehiyon, kung saan makikita ang kalakhan ng mga engklabo sa bansa.

“Malayang ineendorso ng gobyernong Aquino ang kontraktwalisasyon na siyang naglalagay sa mas kalunos-lunos na kalagayan ng mga manggagawa. Wala na ngang seguridad sa trabaho, napakababa pa ng sahod, walang benepisyo, at pilit na pinagtatrabaho ng higit sa 8 oras araw-araw.” Ani Joyce Rosales, Deputy Secretary General ng PAMANTIK.

Maliban sa pagpapatupad ng mga anti-manggagawang batas, nangunguna ang DoLE sa panlilinlang, pambubusabos, at pagsasalaula sa mga batas na ito mismo ang gumawa. Nito lamang nakaraang buwan walang kahiya–hiyang dinaya ng Bureau of Labor Relations (BLR-RAB-IVA), isang sangay ng DoLE, sa katauhan ni Marivic Martinez ang Certification Election sa Philippine Auto Components. Nahuli ng mga pollwatcher ng unyong Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa PAC si Martinez na dinadagdagan ng 30 balotang naglalaman ng botong “NO”.

Dagdag sa pandaraya ng DoLE sa mga CE ng iba’t ibang unyon, tinuligsa rin ng mga manggagawa ang makaisang panig na mga desisyon hinggil sa mga kasong isinampa ng mga manggagawa sa NLRC, BLR, NCMB, Court of Appeals at Supreme Court.

“Maraming kaso ng illegal dismissal ang naidulog ng mga manggagawa sa iba’t ibang antas at ahensya ng gobyerno. Sa rehiyong Timog Katagalugan, mayroong 58 na kasong nasa legal arbitration. 10 lamang dito ang nanalo, habang 28 ang natalo, at 20 ang alanganing manalo. Sa 143 kasong itinaas sa National Labor Relations Commission, 34 ang nagkaroon ng desisyong pabor sa manggagawa, habang 109 ay para sa kapitalista.”

“Hindi pa malinaw sa 34 na paborableng desisyon kung ipapatupad ito ng kapitalista.  62.45% ng 269 kasong isinampa sa legal arbitration, NLRC, at hanggang Supreme Court ang napagdesisyunan pabor sa kapitalista.” Ani Rosales.

“Ang mga ito ay ilan lamang sa mga hinaharap ng mga manggagawa sa kasalukuyan, na nagtutulak sa kanilang ipanawagan ang pagpapatalsik kay DoLE secretary Rosalinda Baldoz bilang pangunahing may pananagutan sa kainutilan at kawalang-hiyaan ng kanyang ahensya.”

“Habang pilit na pinapako ang sahod, benepisyo, trabaho, at karapatan ng mga manggagawa, walang-tigil ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sadyang wala nang masulingan ang uring manggagawa kundi igiit at ipaglaban ang kanyang mga lehitimong karapatan.”

“Sa darating na Mayo Uno, muling ipapakita ng mga manggagawa ang kanyang nagkakaisang lakas, tulad ng ginawa ng mga ninunong manggagawa mahigit 110 taon na ang nakalilipas. Kung dati’y kinaya nilang iwanan ang kanilang mga trabaho upang igiit ang 8 oras ng trabaho, kakayanin ng mga manggagawa sa kasalukuyang panahon ang magkapitbisig upang ipagtanggol ang tagumpay sa 8 oras paggawa, pagtatakda ng minimum na sahod at mga benepisyo, at karapatang mag-unyon.”

Nakatakdang maglunsad ng malakihang pagkilos ang mahigit 11,000 manggagawa sa timog katagalugan sa darating na May 1 sa Crossing Calamba, Laguna.###

 

Umabot na sa sukdulan ang pambubusabos ng DoLE, sa pangunguna ng kasalukuyang kalihim na si Rosalinda Baldoz, sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan. Matapos gawing laboratoryo ng DoLE sa pagpapatupad ng iba’t ibang anti-manggagawa at anti-mamamayang panukala ang rehiyon, sistematikong sinusupil ang mga unyon at organisasyon, at tuluyang tinalikuran ng ahensya ang kanyang obligasyon sa hanay ng mga manggagawa, walang ibang nararapat gawin kundi ang ipanawagan ang pagpapatalsik sa inutil na kalihim ng ahensyang ito.

Sama-samang pahayag ng manggagawa: Patalsikin si Sec. Baldoz!

Nitong nakaraang taon, kasabay ng pagdiriwang ng mamamayan sa Unibersal na Deklarasyon ng Karapatang Pantao, sinugod ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan, kasama ang mga magsasaka, kabataan, maralita, at kababaihan, ang tanggapan ng Department of Labor and Employment. Sa pagkilos na iyon, pormal na ipinahayag ng mga manggagawa ng TK ang mariing disgusto sa pamamalakad ng kasalukuyang kalihim ng ahensya. Upang ipakita ang galit ng mga manggagawa kay Sec. Baldoz, hinilamusan ng pulang pintura ang harap ng tanggapan. Nagsilbi itong simbolo ng panibago at mas malakas na panawagan para sa karapatan ng manggagawang matagal nang tinalikuran at niyuyurakan ng ahensya.

TK bilang Laboratoryo ng mga Eksperimento ng DoLE: Pagyurak sa Karapatan ng Manggagawa

Matagal na tiniis ng mga manggagawa ng TK ang kainutilan at pagiging berdugo sa hanay ng mga manggagawa ni Sec. Baldoz. Sa napakaraming pagkakataon, tinuring ni Baldoz na lunsaran ng mga kontra-manggagawang panukala at patakaran ang rehiyon.

Matatandaang noong nakaraang taon, ipinatupad ang Two-Tiered Wage System o DO 15-IVA sa CALABARZON, kung saan lalo pang nailagay sa kalunos-lunos na kalagayan ang mga manggagawa. Mula sa dating P315 na minimum wage sa rehiyon, ipinakilala ang P255 floor wage na walang ibang idinulot kundi paghihirap sa manggagawa, at sa kabilang banda, mas malaking tubo para sa mga kapitalista. Imbes na ipatupad ang mahigit-dekadang panawagan ng manggagawa para sa P125 across-the-board dagdag sahod, lalo pa nitong ipinako ang sahod ng manggagawa sa TK para sa kapakinabangan ng mga kapitalista. Gayundin, itinutulak mismo ng panukala ang pagbibigay na lamang ng productivity-based pay—na pagpapakita ng mapanganib na pagtalikod ng ahensya sa kanyang responsibilidad na dinggin ang mga hiling ng manggagawa para sa nakabubuhay na sahod.

Kasabay nito, pinirmahan din ng DoLE ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment sa TK noong 2012. Sa kasunduang ito, tuluyan nang ipinauubaya sa mga militar at kapulisan ang pagpapanatili ng “peace and order” sa tuwing may labor dispute sa mga pagawaan. Labag man sa mga internasyunal na makataong batas, pinapayagan ng kasunduan ang paglalabas-masok at pagtatayo ng mga kampo at detachment ng mga militar sa mga pagawaan at mga lugar na malapit sa mga ito. Pinapahintulutan na rin ang pangingialam ng mga armadong pwersa ng gobyerno sa mga usapin sa pagitan ng mga manggagawa at kapitalista.

Unang naging guinea pig ng eksperimentong ito ang mga nakawelgang manggagawa ng Philippine Steel. Matapos talikuran ng kapitalista sa pakikipagnegosasyon sa CBA, sunod-sunod na tinanggal ang mga kasapi at pamunuan ng

unyon. Nang magtayo ng kanilang picketline, marahas itong binuwag ng mga company security guards at kapulisan sa kahilingan ng kapitalista, ayon sa nakasaad sa TIPC MOC.

 

Paglaganap ng Kontraktwalisasyon, Pagmasaker sa Hanapbuhay ng Mamamayan

Sa ilalim din ng panunungkulan ni Baldoz, walang tigil na ipinatupad ang kontraktwalisasyon sa iba’t ibang pagawaan sa Timog Katagalugan. Umabot na sa mahigit 60% ng kabuuang hukbong paggawa sa rehiyon ang nakapailalim ngayon sa iba’t ibang porma ng kontraktwal na empleyo, tulad ng kooperatiba, OJT, interns, at agency workers. Higit na mas mababa ang sahod na tinatanggap ng mga manggagawang kontraktwal, at walang benepisyo tulad ng health benefits at leave. Higit sa lahat, walang kaseguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal, at walang karapatan sa pagtatayo ng unyon ayon sa batas paggawa ng bansa. Makikita ang napakaraming kontraktwal sa mga pagawaan tulad ng Purefoods, Hoya, Honda, Toyota, Nestle, Takata, NXP, at Carina.

Bagama’t pinagmamalaki ni Baldoz ang pagtaas diumano ng bilang ng mga Pilipinong nagkaroon ng “fulltime” na trabaho, mapapansing hindi na nito ginamit ang terminong “regular” sapagkat ang nais nitong ipalaganap ay ang kontraktwal at di-permanenteng empleyo na pagkukunan ng napakalaking tubo ng mga kapitalista.

Baldoz, DoLE, Tuta ng Kapitalista

Hindi maitatanggi ang pagpanig ng DoLE sa mga kapitalista, batay na rin sa mga resulta ng mga kasong isinampa ng mga manggagawa sa Labor Arbiter at National Labor Relations Commission—parehong sangay ng ahensyang DoLE. Halos mabibilang lamang sa daliri ang mga kasong naipanalo ng mga manggagawa laban sa mga kapitalista. Sa napakaraming pagkakataon, kahit pa may desisyong pabor sa manggagawa, hindi tumutupad ang kapitalista sa mga ito at walang ginagawang kongkretong hakbang ang DoLE upang tiyakin ang pagsasakatuparan ng mga desisyon.

Habang lumalakas ang daing ng mga manggagawa ng TK, nananatiling bingi at inutil si Sec. Baldoz sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang kalihim ng DoLE. Gamit si DoLE Undersecretary Rebecca Chato na nagsisilbing pacifier tagapagpakalma ni Baldoz, pilit na pinatatahimik at binubuhusan ng malamig na tubig ang naglalagablab na damdamin ng mga manggagawang sabik sa katarungang panlipunan at kalayaan mula sa pagsasamantala ng mga kapitalista.

Tuloy ang laban ng mga manggagawa para sa sahod, trabaho, at karapatan!

Walang maaasahan ang hanay ng manggagawa sa ahensya ng DoLE, lalo’t higit sa kanyang kalihim na si Rosalinda Baldoz. Marapat lamang na tuluyan na siyang patalsikin, at ituloy ang laban ng manggagawa hanggang sa makamit ang tunay na hustisyang panlipunan. Hangga’t nakaupo bilang kalihim ang isang inutil at tuta ng kapitalista, hindi magkakaroon ng paborableng kalagayan para sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan at buong bansa. Tanging sa sama-samang pagkilos laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo mawawalan ng puwang sa gobyerno ang mga tuta ng kapitalista tulad ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz.

DoLE Sec. Rosalinda Baldoz, INUTIL, PATALSIKIN!

ITIGIL ang kontraktwalisasyon sa paggawa! DO-18A, IBASURA!

Two-Tiered Wage System, IBASURA! TIPC MOC, TUTULAN, LABANAN, HUWAG PAHINTULUTAN!

Uring Manggagawa, HUKBONG MAPAGPALAYA!Image

Sa ilalim ng rehimeng US-Aquino, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DoLE), nagpapatuloy na ipinatutupad ang walang kaparis na panunupil sa interes, kagalingan, at karapatan ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan.  Ang rehiyon na ginawang lunsaran ng panunupil ng mga nagdaang rehimen ay patuloy na ginagawang “laboratoryo” ng anti-mamamayang patakaran ng kasalukuyang rehimen.  Sa mga kalunsuran ng rehiyon sa ngayon, agresibong ipinapatupad ang dumog na atake ng rehimen laban sa mga manggagawa sa konteksto ng mapanupil na Operation Plan Bayanihan.

Bilang ipinagmamalaking “first regional industrial center” ng gubyerno, matatagpuan sa CALABARZON o Region IV-A ng Timog Katagalugan ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga export processing zones sa bansa na bumibilang sa humigit-kumulang 60 EPZs o enklabong industriyal.  Samantala, may tinataya namang mahigit apat na milyong hukbong paggawa sa rehiyon.

Sa kabila ng konsentrasyon sa rehiyon ng halos lahat ng sektor ng industriya na kalakhang pag-aaring dayuhan, dramatikong dumausdos ang regular na hanapbuhay sa kulang-kulang 40% sa nakalipas na dalawang taon.  Patuloy na tumataas ang bilang ng mga walang permanenteng trabaho o biktima ng iba’t ibang iskema ng kontraktwalisasyon sa paggawa – dagdag sa mahabang listahan ng mga naghihirap at nagugutom.

Sa halip na bigyan ng permanenteng hanapbuhay at pawiin ang di-makatao at iligal na kontraktwalisasyon, malaon nang ipinagpapatuloy ng gubyerno ang pagmasaker sa regular na trabaho sa kapakinabangan ng mga kapitalista.  Instrumento ang DoLE, sa pangunguna ni Secretary Rosalinda Baldoz, sa pagpapatupad ng Department Order 18-A, Series of 2011, na lalong sumusuhay sa pagkakait ng mga batayang karapatang mabuhay at karapatang pang-ekonomiko ng mamamayan.  Isa lamang ang kaso ng 99 manggagawa ng Purefoods Flour Mills sa Mabini, Batangas na sinalanta ng department order na ito.

Dahil kontraktwal, arbitraryong tinatanggal sa trabaho ang manggagawa upang makatiyak ang kapitalista na mapapanatiling mababa ang sahod, walang benepisyo, at hindi makakapagkonsolida ng lakas upang magbuo ng unyon ang mga ito.

Maraming kaso ng illegal dismissal ang naidulog ng mga manggagawa sa iba’t ibang antas at ahensya ng gobyerno, ngunit tila walang pag-asa ang mga ito sa pagkamit ng katarungan. Sa rehiyong Timog Katagalugan, mayroong 58 na kasong nasa legal arbitration. Sampu (10) lamang dito ang nanalo, habang 28 ang natalo, at 20 ang alanganing manalo. Sa 143 kasong itinaas sa National Labor Relations Commission, 34 ang nagkaroon ng desisyong pabor sa manggagawa, habang 109 ay para sa kapitalista. Hindi pa malinaw sa 34 na paborableng desisyon kung ipapatupad ito ng kapitalista.  62.45% ng 269 kasong isinampa sa legal arbitration, NLRC, at hanggang Supreme Court ang napagdesisyunan pabor sa kapitalista.

Batay sa mga nabanggit na bilang,hindi maikukubli ang pagpanig ng DoLE, kasapakat ang kanyang mga sangay sa rehiyon, sa mga kagustuhan at interes ng mga kapitalista.

Sa kabila ng malakas na ebidensyang nagpapakita na makatarungan ang hiling ng mga manggagawa sa regular na empleyo, sapat na sahod at benepisyo, nagpapagamit ang DoLE sa mga dayuhang kapitalistang patuloy na nagnanakaw ng yaman ng bansa.

Sa pangunguna din ni Secretary Baldoz ng DoLE, ipinatupad sa CALABARZON ang Wage Order No. IVA-15 nitong Abril 2012.  Laman ng wage order na ito, kauna-unahang ipinatupad sa rehiyon at buong bansa ang “two-tiered wage scheme”.

Ipinakilala ng two tiered wage scheme ang mga bagong terminong floor wage, at mga pamilyar na katagang conditional temporary productivity allowance. Mula sa dati nang ‘di makasapat na minimum wage na naglalaro lamang sa P315 hanggang P337 sa Timog Katagalugan, ibinaba ito sa P255 na floor wage—isang malinaw na paglampaso sa karapatan ng manggagawa para sa disenteng sahod.

Ipinatupad diumano ang panukalang ito upang paliitin ang agwat ng mga sahod sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, ngunit sa katotohanan ay isang malinaw na paraan lamang upang higit pang makatipid ang mga negosyante, magkamal ng supertubo, at sa pinakaesensya ay samantalahin ang lumalaking bilang ng mga walang trabahong nagkukumahog na makapasok sa mga pagawaan. Ito, kasabay ng paglaganap ng kontraktwal na empleyo, ang nagtutulak sa mga manggagawa upang magkapitbisig para sa kanilang mga lehitimong karapatan.

Ngunit tila planado at buung-buong pinaghandaan ng gobyerno ang anumang pagbalikwas ng manggagawa dulot ng kanyang kalunos-lunos na kalagayan. Noong nakaraang taong 2011, palihim na nakipagkasundo ang DoLE sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at mga dilawang unyon sa pagbubuo ng Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC) para diumano sa “Joint and Collective Effort To Promote and Protect Workers’ Rights”.  Sa balangkas ng “holistic notion of human security” ng Oplan Bayanihan, binibigyang-ligalidad ng mga Manifestong ito ang pakikisangkot, dumog na atake at pagsupil ng iba’t ibang ahensya ng gubyerno, lalo na ng militar at pulisya, sa mga lehitimong pagkilos at karapatan ng manggagawa.  Itinuturing sa Guidelines ng mga Manifestong ito na banta sa seguridad ng bansa ang anumang pagkakaisa at pagkilos ng manggagawa kung kaya’t kailangan diumanong magbigay-puwang sa papel ng militarisasyon sa mga pagawaan at komunidad ng manggagawa.

Imbes na harapin ng DoLE ang mga labor dispute at tulungan ang mga manggagawang makamit ang kanilang mga lehitimong panawagan sa dagdag na sahod at benepisyo, tuluyan na nitong tinalikuran ang kanyang obligasyon at ipinaubaya sa mga pwersang mapandahas ang panghihimasok at pilit na “pagbibigay-wakas” sa daantaong sigalot sa hanay ng manggagawa. Matapos lampasuhin ang karapatan ng manggagawa, paulit-ulit pa itong tinatapakan sa pamamagitan ng tila batas militar sa loob at labas ng mga sonang industriyal.

Noong Disyembre 5, 2012 lamang, sinuhulan ng management ng PhilSteel ng P100,000 ang NLRC, na agad namang naglabas ng Temporary Restraining Order laban sa mga manggagawa. Gamit din ang TIPC MOC, pinahihintulutan ng TRO ang pagbuwag ng piketlayn ng mga manggagawa sa tulong ng mga kapulisan. Sa kabila ng mga lehitimong kahilingan ng mga manggagawa ng PhilSteel para sa kanilang karapatan sa sahod, trabaho, benepisyo, at pakikipagnegosasyon, nananatili silang abandonado ng estado, at pilit na pinatatahimik gamit ang dahas at pagsasabwatan ng gobyerno at mga kapitalista.

Kabilang ang mga manggagawa ng PhilSteel sa napakaraming manggagawang pinagkakaitan ng batayang karapatan sa buhay at dignidad. Walang ibang dapat managot sa kalunos-lunos na kalagayan ng karapatang pantao sa hanay ng manggagawa, kundi ang ahensyang pangunahing nagpapatupad ng mga anti-manggagawang patakaran at nagsusulong ng interes ng mga kapitalista.

Sa lahat ng ipinatupad na batas, pinatunayan na ni Sec. Rosalinda Baldoz na hindi siya kailanman magsisilbi sa kapakanan at kabutihan ng mga manggagawa. Mula nang umupo si Baldoz bilang kalihim ng DoLE, naitala ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan ang napakaraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng uring manggagawa.

Panahon na upang gumawa ng malaki at mapagpasyang hakbang ang mga manggagawa upang wakasan ang kasalukuyang pagkakabusabos nito sa ilalim ng pamumuno ng isang anti-manggagawang kalihim na numero unong lumalabag sa karapatan ng manggagawa. Sobra na ang pagpapaphirap ng berdugo at kontra-manggagawang si Rosalinda Baldoz. Panahon na upang higit pang pagbigkisin ang lakas ng uring manggagawa, at sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ay tuluyang patalsikin si Baldoz sa kanyang pwesto!

Sa panahon kung kailan hindi ginagalang ang mga batayang karapatan ng manggagawa at mamamayan sa maunlad at may dignidad na pamumuhay, walang ibang landas na dapat tahakin ang mga ito kundi ang masalimuot ngunit makatarungang landas ng pakikibaka. Tanging sa sama-samang pagkilos mabibigyan ng hustisya ang lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

 

TIPC MOC, TUTULAN, LABANAN, HUWAG PAHINTULUTAN!

 

Oplan Bayanihan sa Kilusang Paggawa, BIGUIN!

 

Sahod, Trabaho, at Karapatan, IPAGLABAN!

 

Secretary Baldoz, Kontra-Manggagawa, PATALSIKIN!